"Nay!" tawag ni Marist kay Aling Ising. Nakaupo ito sa garden at pinagmamasdan ang mga bulaklak.
"O, Marist! Dinadalaw mo ba ako, anak?" malumanay na tanong nito. "Hindi ba dapat nagbabakasyon ka. Iyon ang sabi sa akin ni Connie."
"O-Opo. Pero saglit lang po ang bakasyon ko." Niyakap niya ito. "Nay, okay lang po ba kayo?" Nasa Haven din nang mga unang araw si Constancia para hindi manibago ang nanay niya. Kaalis lang nito nang umagang iyon dahil may date daw.
"Maayos ako dito. Inaalagaan ako nila Doktora. Nagku-kwentuhan lang kami. Mababait silang lahat sa akin. Sabi nila kailangan ko daw magpagaling. Kaya dito muna ako." Hinaplos nito ang mukha niya. "Huwag mo akong masyadong intindihin."
Pilit siyang ngumiti at tumango. Subalit nanginginig na ang labi niya dahil pinipigil lang niyang umiyak. "Natutuwa po ako dahil pumayag kayo na dito muna."
Dati kasi ay laging iginigiit ng nanay niya na wala itong sakit. Ayaw din nitong uminom ng gamot. Iinom lang daw ito kapag dumating ang tatay niya.
Sa loob lang ng ilang araw, parang normal na ang nanay niya. Siya na ang iniintindi nito. Sa pag-uusap nila, halos di nito nabanggit ang tatay niya. Hindi tulad ng dati. Sa bawat pangungusap na sabihin nito, laging may tungkol sa tatay niya na parang doon na umikot ang buhay nito.
Tumayo ito at hinaplos ang mga bulaklak. "Masaya naman ako dito. Hindi ako nalulungkot. Marami akong kaibigan."
"Nay, may maganda na po akong trabaho. Magiging mas maganda na ang buhay natin. Bibili din tayo ng mas magandang bahay sa mas magandang lugar. Magtatrabaho akong mabuti para sa inyo."
Umiling ito. "Anak, huwag kang masyadong magpagod. Maging masaya ka lang sa buhay mo. Magbakasyon ka lang. Baka naman ikaw ang magkasakit. Paano pa kita maaalagaan kung may sakit pa ako. Walang magmamahal sa iyo."
"Nay!" usal niya at niyakap ito nang mahigpit. "Marami po akong gustong ikwento sa inyo." Gusto niyang ikwento ang tungkol kay Emrei. Ang mga bagay na bago sa kanya at noon pa lang niya nararanasan. Gusto niyang itanong dito kung handa na ba siyang magmahal nang walang hinihinging kapalit. Kung paano mabuhay nang masaya kahit na di kasama ang lalaking mahal niya.
Iyon na ang huling araw niya na makakasama si Emrei. Matatapos na rin ang pangangarap niya. Pero parang ayaw pa niya. Gusto pa niyang magtagal ang sayang nararamdaman niya. Sa loob ng ilang taon, ipinagkait niya sa sarili ang kaligayahan. Di niya hinayaan ang puso iya na magmahal.
Ngayong handa na siya, kailangan ding bawiin sa kanya ang lahat.
Hinaplos nito ang buhok niya. "Kung magmamahal ka, magmahal ka nang walang pag-aalinlangan. Kung kaya mong maging masaya, huwag mong pakawalan ang pagkakataon. Huwag mo nang isipin na malulungkot ka. Malulungkot ka rin naman kahit na mag-isa ka. Tingnan mo kami ni Alfredo." Tumigil itong bigla sa pagsasalita at saka ngumiti sa kanya. "Sige na. Umalis ka na."
"Nayβ¦"
"Magku-kwentuhan ulit kami ni Doktora. Kailangan daw iyon para gumaling ako agad. Magkwentuhan na lang tayo kapag magaling na ako, ha?"
Umiiyak siyang yumakap kay Emrei pagkakita niya dito. "Thank you! Thank you sa ginawa ninyo sa amin ng nanay ko."
"Part iyan ng premyo sa iyo ng Stallion Shampoo. Sasagutin nila ang pag-I-stay dito ng nanay mo hanggang gumaling siya."
Umangat ang tingin niya dito. "Wala na akong gagastusin?"
Umiling ito. "Oo. Nagkausap ba kayong mabuti."
"Masaya siya. Gusto niya ang lugar na ito. Saka malaki na ang ipinagbago niya. Hindi tulad dati na wala siyang bukambibig kundi si Tatay. Di na rin siya kumokontra na ginagamot siya. Siya ang dahilan kung bakit ako nagtatrabaho. Sa kay Nanay na umikot ang buhay ko. Kaya nga gusto kong makuha ang cash prize at masama ang loob ko dahil grand dream date lang ang nakuha ko." Napahagulgol siya ng iyak. "Akala ko mababaw lang ang premyo ko. Na basta date lang."
"Mababaw naman talaga ang gustong date nila Kuya Neiji. Para naman talaga ang dream date sa mga babae na nangangarap makapasok sa Stallion Riding Club, magbuhay-prinsesa sa loob ng ilang araw at samantalahin ang pagkakataon na makilala nila ang prinsipe nila. Pero iba ka sa kanila. Hindi ang bagay na iyon ang magpapasaya sa iyo. Gusto naming maging masaya ka sa date natin kaya ginawa rin namin ito. I want you to be happy for a lifetime."
"Hindi lang ninyo alam kung gaano kalaking bagay ang ginawa ninyo para sa akin. Binago ninyo ang buhay naming mag-ina." Buong buhay niya, pasan niya ang sama ng loob dahil sa sakit ng nanay niya. Naroon din ang hirap niya. Isinakripisyo niya ang maraming bagay kasama na ang pagkakataong magmahal. At sa isang iglap, naglaho ang batong nakadagan sa dibdib niya.
"You deserve all the happiness, Marist. You deserve it."
Niyakap niya ito nang mahigpit. "Salamat!"
Hindi lang nanay niya ang nagbago sa mga panahong nasa riding club niya. Pati ang damdamin niyang puno ng hinanakit, naging mas magaan. Unti-unti na ring natutunaw ang yelo sa puso niya dahil sa tumitinding nararamdaman niya para kay Emrei. Kung pag-ibig man iyon, wala na siyang lakas na tumutol pa kahit na ano pa ang kahinatnan dahil masaya naman siya.
Hinaplos nito ang likod niya. "Huwag ka nang umiyak. Hindi ako sanay."
"Hindi naman talaga ako umiiyak. Ayokong umiyak kasi ayokong magpakita sa harap ni Nanay na mahina ako. Kailangan kong maging malakas para sa kanya. Saka umiiyak lang naman ako dahil masaya ako."
"Dapat pala lagi kang umiiyak para yayakap ka sa akin," tukso nito.
Kumalas agad siya sa pagkakayakap dito at pinunasan ang luha. Masyado siyang nawili sa kayayakap dito. "S-Sorry. Nadala lang ako ng nararamdaman ko."
Ihinarap siya nito. "I am glad that I made you happy. Pero huwag kang masyadong mag-relax. Mahaba pa ang araw natin."