Chapter 177 - Chapter 5

"Parang hero siya sa romance novels. Nakaka-in love. Kita mo naman kung gaano siya kabait. Binigyan ka pa niya ng extrang pera. Iyon lang daw kasi ang cash niya. Paano kung mas marami siyang pera? Malamang mas malaki pa doon ang ibinigay niya. Generous siya. At hindi ka niya pinabayaan."

"Na-guilty lang ang kumag na iyon. Kita mo nga, namutla sila nang sabihin ko na pwede ko silang idemanda ng reckless driving at damage of property. Ganyan ang mga mayayaman. Panuhol nila ang pera nila. Kaya ibabalik ko sa lalaking iyon ang sukli niya para wala siyang masabi."

"Iyan ka na naman. Mataas na naman ang pride mo," anito at pumalatak. "Kung tutuusin, pwede mo na iyong idagdag sa gamot ng nanay mo. Ibinigay naman iyon sa iyo ni Emrei, hindi ba?"

"Hindi ko kailangan ng pera ng iba para pagalingin ang nanay ko. Kailangan ko lang ang para sa akin."

"At si Emrei ang para sa akin," anito at humalakhak.

Tinuktok niya ang noo nito. "Hoy! Baka gusto mong gumising sa ambisyon mo. Kita mo namang may girlfriend iyong tao."

"Hindi sila bagay ng girlfriend niyang pangit at masungit. Mukha iyong demonyo at anghel. Mas bagay kami ni Emrei kasi pareho kaming anghel."

Hindi ko na siguro kailangan pang sumali sa contest sa Stallion Shampoo and Conditioner para manalo ng grand date kasama ang Stallion boys!" anito at nangalumbaba. "Masaya na ako kay Emrei. Wala naman siyang ipinagkaiba sa mga guwapong Stallion boys, di ba?

Kumislap ang mga mata niya. "Di ka na sasali sa contest? Sa akin na lang ang mga entries mo. Malapit na ang deadline, di ba? Ako na lang ang sasali."

"Teka, sabi mo sa akin hindi ka interesado sa grand date kasama ang Stallion boys? Eh, bakit ngayon sasali ka rin sa contest? You are so kaka talaga!"

Isa sa mga grand prizes sa contest ng Stallion Shampoo and Conditioner ay grand date sa loob ng ilang sa araw sa eksklusibong Stallion Riding Club at magiging escort pa ang isa sa mapipiling Stallion Boys. Kaya naman halos lahat ng mga kababaihan ay nagkukumahog na bumili ng naturang brand ng shampoo. Lahat kasi ay interesado na makapasok sa riding club at ma-experience ang buhay mayaman. Higit sa lahat ay makakita ng guwapong prinsipe sa ilusyon ng mga ito.

"Kaka ka diyan! Kalbuhin kaya kita. Di lahat ng babae interesado sa date-date na iyan sa lugar ng mga mayayaman. Di naman ako kikita kahit makita ko pa ang mga Stallion boys na sinasabi mo. Pera ang kailangan ko! Iyong isang milyon!" Inunat niya ang mga kamay. "Siguro naman matatapos na ang problema ko doon. Pwede na rin siguro ang appliances showcase o iyong trip to abroad na may kasamang pocketmoney. Para maipasyal ko si Nanay."

"Mararanasan ko rin ang lahat ng luhong iyan sa buhay kapag nagpakasal kami ni Emrei. Di mo na kailangang sumali sa contest na iyan."

"Oo. Sige. Mangarap ka nang gising sa Emrei mo. Kung magkikita pa kayo."

"Di ba sabi mo ibabalik mo ang pera sa kanya. Iyon ang gagamitin kong chance para magkita kaming dalawa. Sasama ako sa iyo."

"Huwag ka nang sumama. Panggulo ka lang doon."

Kumapit ito sa braso niya. "Sige na. Friendships tayo, di ba? Hahayaan mo bang mawala sa akin ang chance na makita ang lalaking pakakasalan ko? Chance ko na ito. Ito na ang magandang simula para sa amin."

"Ilusyon mo lang ang simula na iyan. Tumigil ka!" Sandali lang naman siya sa opisina ni Emrei. Wala nga sa plano niyang makita ito. Sayang lang ang oras niya. Isa pa, di siya komportable kapag nakikita si Emrei. Di niya alam kung bakit.

Siguro dahil mayaman at guwapo siya. Katulad ni Tatay.

Dinuro nito ang mukha niya. "Ayaw mo lang makita ko siya dahil type mo rin siya, no? Gusto mo lang siyang masolo."

Minulagatan niya ito. "Hoy, hindi ha?"

"Eh, bakit ayaw mo akong isama?"

"Oo na. Sige na. Sumama ka na bukas. Pagbuhulin ko pa kayo ng Emrei mo."