"Wow! Ganito pala kaganda ang opisina ni Emrei. Ang gara, friendship! Alam ko na kung saan ko siya dadalawin kapag girlfriend na niya ako. Hahatiran ko siya ng luto ko para sa kanya. Sweet, di ba? Nakakakilig!" anang si Constancia na nangangarap pa yata ng gising.
Nakasakay sila sa elevator papunta sa executive floor ng Synergy Corporation, isa sa malalaking kompanya na tumutuklas at gumagawa ng facilities ng iba't ibang renewable energy sa bansa. Ayon sa calling card ni Emrei ay Executive Vice President ito doon. "Connie, sarilinin mo na lang ang pangarap mo. Nakakahiya! Baka may makarinig sa atin, ipatapon pa tayo sa labas."
Bigla itong tumiklop. "Oo na. Magbe-behave na ako."
"Iyan. Ganyan ka rin dapat kapag kaharap na natin ang Emrei mo. Kung hindi, iiwan kita dito. At mag-isa kang umuwi."
"Ay! Huwag mo akong iwan. Baka maligaw ako." Wala kasi itong sense of direction. Kaya kahit saan ito pumunta ay laging kasama siya.
"Good morning. Can I help you?" anang sekretarya ni Mr. Rafiq.
"Gusto sana naming makita si Mr. Emrei Rafiq. Importante lang," singit agad Constancia. "Kilala niya kami. Sabihin mo kami iyong muntik na niyang masagasaan noong isang araw at gusto naming siyang makausap."
Alanganin siyang ngumiti. Nasabi na kasi ni Constancia ang dapat niyang sabihin. Mas direkta nga lang. "Parang ganoon na nga, Miss. Nandiyan ba siya?"
"He is in a middle of an important meeting right now. Palabas na siya sa conference room. Pero kung gusto ninyo, hintayin na lang ninyo siya. Any minute, baka matapos na rin ang meeting niya."
"No. Hindi na namin siya hihintayin. Iiwan ko na lang ito sa kanya," aniya at inabot sa sekretarya ni Emrei ang sobre na may lamang tatlong libong piso. Iyon ang sukli ni Emrei."Thank you."
Di niya alam kung bakit parang ayaw na niyang magtagal sa lugar na iyon. Maybe because it spoke of wealth. At ayaw niya sa lugar ng mga mayayaman. O siguro ay ayaw rin niyang makita si Emrei. There was something about him that terrified her. Wala itong ginagawang masama sa kanya. But there was something about him that reminded her of her father.
"Akala ko ba hihintayin natin siya?" gulat na sabi ni Constancia. "Ni hindi ko pa nga siya nakikita."
Naglakad na siya palayo. "May pupuntahan pa ako. Kung gusto mo ikaw na lang maiwan dito."
"Nakakainis ka naman. Sayang lang ang pagpapaganda ko."
"Maiwan ka nga dito. Hihintayin kita sa lobby."
Kumapit ito sa braso niya. "Siguro ayaw mo si Emrei para sa akin dahil mayaman siya. Natatakot ka na lokohin rin niya ako."
"Hindi naman sa ganoon…" Pinindot niya ang down button ng elevator. "Pero parang ganoon na rin. Basta magulo. Hindi ko maipaliwanag."
Bigla itong ngumiti. "Oy, andoon si Emrei!" At itinuro ang kabilang hallway.
Sakto namang bumukas ang elevator at pumasok siya. Nagulat si Constancia nang makita siyang nakasakay. "Hoy! Hintayin mo ako!" At pumasok na rin ito.
Mula sa papasarang pinto ng elevator ay nakita nilang humahabol si Emrei. "Hey! Wait!" Subalit tuluyan nang nagsara ang pinto.
Napabuntong-hininga si Constancia. "Sayang! Ni hindi ko siya nakausap."
Na-guilty naman siya. Alam kasi niya na gustong-gusto nito si Emrei. "Pasensiya ka na. Hindi mo tuloy nakausap si Emrei. Kasi naman…"
"Oo na. Allergic ka sa mayayamang lalaki. Naiintindihan ko naman iyon. Ako lang naman itong mapilit na makita siya. Di naman talaga niya ako magugustuhan."
"Well, if you are meant for each other, there is nothing I can do about it. Kahit naman kumontra ako, wala akong magagawa, di ba?"
Biglang umaliwalas ang mukha nito. "Okay lang sa iyo na bumalik tayo dito para magkita ulit kami?"
Matalim niya itong tiningnan. "Alam mo na hindi mo na ako mapapatuntong dito. Ang ibig kong sabihin, kung magkita kayo nang di sinasadya. Iyong destiny na sinasabi mo. Eh, di sumige ka. Di naman kita mapipigilan."
"Sabi mo iyan, ha? Mas romantic nga kapag destiny ang gumagawa ng paraan na magkita ang mga lovers. Ang galing mo talaga, friendship!" Humalukipkip ito. "Sige. Hindi ko pangungunahan ang destiny. Hihintayin kong si Emrei ang lumapit sa akin. Parang teleserye! Na-excite naman ako."
"Ibig sabihin okay na sa iyo na di mo siya nakausap ngayon?"
Tumango ito. "Kahit naman hindi siya ang destiny ko, nandiyan pa naman ang mga Stallion boys. Sasali na lang ulit ako sa contest."