"SOFIA Jade, marami nang naghihintay ng Stallion series mo. Pati na rin kaming mga writers, excited nang magbasa," sabi ng writer na si Nataly nang magkita sila nito sa publication. Nagpasa siya ng bagong novel at itse-check ang result ng huling ipinasa.
"Totoo ba na nakapasok ka na sa Stallion Riding Club? Nakita mo na ba ang mga Stallion Boys?" tanong naman ni Ruth na isa ring writer. Halos lahat ng writers na makakita sa kanya ay iyon ang tanong.
"Oo. Nakita ko na sila," sagot niya.
Umabrisete sa kanya si Sonja. "Hoy! Kayong dalawa, huwag na kayong makisawsaw sa mga lalaki ko sa Stallion Club. May mga boyfriend na kayo. Ako, hindi pa nakakatikim ng biyaya ng Diyos."
"Hay! Ayaw kasing mag-member ni Christian sa Stallion Riding Club," tukoy ni Nataly sa boyfriend nito. "Baka raw maagaw ako ng ibang lalaki."
"Tapos mo na ba lahat ng stories?" tanong ni Ruth.
"Ipinasa ko na ang last book. Sana nga pumasa."
Mahigit isang buwan na mula nang huli silang magkita ni Gabryel nang ihatid siya nito sa apartment niya. Wala silang kibuan at ni hindi siya tinitingnan nito. Nang iwan siya nito sa harap ng apartment, basta na lang umalis ito nang walang salita. At sa palagay niya ay mas mabuti na iyon. Magalit ito sa kanya para hindi siya ma-miss nito. Para wala nang dahilan para gustuhin nitong makita uli siya.
Nahirapan siyang gawin ang istorya nito. Sa istoryang iyon niya ibinuhos ang anumang nararamdaman niya para kay Gabryel. It was her way of letting go. When she finally typed THE END, she felt more pain. Umiyak siya nang umiyak. Kailangan na niyang tanggapin na tapos na ang lahat sa kanila. Mas masaya na ito kay Claudine.
"Naku! Naka-hold pa ang novel mo. Major revision daw," sabi ni Jane, ang sekretarya sa publication.
"Bakit? Akala ko ba, okay na ito sabi ng editor ko?"
"Eh, iyon mismong may-ari ng Stallion shampoo ang nagpa-hold. Nasa office siya ngayon. Siya na lang ang tanungin mo."
Kinakabahang pumunta siya sa office ng publisher nila kung saan naroon si Neiji. "Sir, may problema po ba sa novel ko? May nagawa po ba ako na puwedeng ika-offend ng product ninyo o ng riding club?"
"Ako ang nagreklamo. Ayokong ma-publish ito," sagot ni Gabryel na nakaupo sa couch sa gilid ng publisher's office. Hindi niya ito napansin dahil nakatutok agad ang tingin niya sa publisher niyang si Siege at kay Neiji.
Tumikhim si Neiji. "Lalabas muna kami ni Siege. Mag-usap muna kayo."
She was frozen for a while. Hindi niya inaasahan na sa ganoong pagkakataon pa sila magkikita ni Gabryel. "What's wrong with my story? Kulang ba ang mga superlative adjectives na ginamit ko para i-describe ang kaguwapuhan mo?"
It was his love story after all. Hindi niya alam kung ano ang problema nito samantalang ang alam niya, hindi ito nagbabasa ng romance novels.
"Hindi naman ang kaguwapuhan ko ang problema rito."
"Did I offend you in any way?" she asked when he still looked serious.
Pinagsalikop niya ang mga kamay dahil kinakabahan na siya sa sasabihin nito.
"No. Hindi lang ako kumbinsido na mahal ng heroine mo ang hero."
"You mean you are not convinced that Claudine loves you in the story?" She bit her lower lip. Hindi naman kasi niya nakuha ang side ni Claudine sa istoryang isinulat. Basta na lang niya ginawa ang istorya na ito ang bida. "Don't worry, kakausapin ko si Claudine at ire-revise ko ito. Okay na?"
He stood in front of her. "I suggest you change the heroine."
"Ha? Bakit, hindi mo ba gusto si Claudine? Sino ang ipapalit ko?"
Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Ikaw na lang ang heroine ko."
Dumilim ang mukha niya. Pakiramdam kasi niya ay pinagkakatuwaan lang siya nito. "Ha? Bakit naman ako ang heroine mo? Hindi love story iyon. What we had was a hazy illusion, Brye. I don't love you."
It was a tragic love story. She was not crazy that she had poured her heart out for him. Para lang pagtawanan ng buong mundo ang kasawian niya. Kaya si Claudine ang ginawa niyang heroine sa istorya dahil ang dalawa ang para sa isa't isa. Dapat lang naman na iyon ang maka-inspire sa ibang readers. Hindi ang ilusyon lang niya.
Parang nanunukso pang inilapit nito ang mga labi sa kanya. "Talaga? Hindi mo ako mahal? Bakit nang basahin ko ang novel mo, mas nararamdaman ko na ikaw ang nagmamahal sa akin at hindi si Claudine?"
Lumakas ang kaba sa dibdib niya. He was able to see right through her writings! At lalo pa siyang kinabahan dahil napakalapit na nito sa kanya. Na anumang sandali ay puwede na siyang halikan nito.
"Sinasabi mo lang iyan dahil nabasa mo ang novels ko at alam mong writer ako. Natural lang na inilalagay ko ang sarili ko sa heroine ko kaya akala mo, ako ang nakakaramdam. Nadala ka lang ng nabasa mo," katwiran niya. Hinding-hindi niya aaminin dito na mahal niya ito.
"Kaya pala pumunta ka sa arena noong show jumping competition kahit masama ang pakiramdam mo, kasi gusto mo akong i-cheer. Hindi mo naman siguro gagawin iyon kung attracted ka lang sa akin, `di ba?"
"T-teka, wala naman sa istorya iyan, ah!" aniya sa nanginginig na boses.
"Of course it's not in the story. `Di lang naman iyon ang basehan ko para sabihin na mahal mo ako. Quincy confessed. Umalis ka raw ng bahay at nanood sa akin. Then you saw Claudine kiss me."