"TALAGA, Sindy? Galing ka sa Stallion Riding Club? Doon ka nagbakasyon?" hindi makapaniwalang tanong ni Sonja habang nagpapalipas sila ng oras sa Starbucks. Nagkita sila nito sa publication at saka tumuloy sa coffee shop para magkuwentuhan. "Ibig sabihin, nakita mo ang mga Stallion boys?"
"They are men! Gorgeous men! Pero iyong iba sa kanila, may girlfriend na at may asawa," kuwento niya at sumimsim ng Toffy Nut na hot frappuccino.
"Iyong Stallion Riding Club, kasingganda ba ng sa commercial?"
"Hay! Mas maganda pa roon. At saka wala yatang pangit sa lugar na iyon. Halos lahat magaganda. At pakiramdam ko, maganda rin ako basta madikit lang ako sa mga lalaki roon. Lahat sila, guwapo."
"Gusto ko magkaroon ng boyfriend na galing sa Stallion Club." Niyugyog nito ang braso niya. "Isama mo naman ako! Isama mo ako."
"Tatanungin ko muna si Gabryel kung puwede. Alam mo naman na sumabit lang ako roon. Naawa lang si Brye sa akin."
Kahit mahigit isang linggo na siya sa riding club at nakilala na niya ang karamihan sa mga regular guests at members ay hindi pa rin siya komportable sa lugar. It might be a paradise but she still felt like an intruder. Hindi siya basta-basta makagalaw. Natatakot siya na may ma-offend na members o may ma-break na unwritten rules. Ayaw niyang mapahiya si Gabryel. Nagiging komportable lang naman siya sa mga kilos niya kapag kasama niya si Gabryel.
"Sandali, ha? Naiintriga na ako sa Gabryel Honasan na iyan. Talaga bang kaibigan mo lang siya? O baka naman kasama siya sa pantasya mo."
"Hoy! Walang ganyanan, ha. Kaibigan ko lang talaga siya," aniyang ibinaba ang tingin sa kape. Parang sa sarili niya, hindi rin siya kumbinsido sa kanyang sinabi. There was something about Gabryel that made her doubt about the things she wanted to make herself believe. Katulad ng kaibigan lang niya ito at hindi siya in love dito.
"`Di ko alam kung nasaan ang isip mo. Nasa harap mo na ang katurapan ng mga pangarap ng ibang mga babae. Ambisyon nilang maging Cinderella. Ikaw, iyon na nga ang pangalan mo, gusto mo pang pakawalan ang prinsipe mo. Kung ako sa iyo, aakitin ko na ang Gabryel Honasan na iyan. Tutal, hindi naman mukhang mahirap i-seduce."
Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Sige nga. Subukan mo nga. Paano ko naman ise-seduce si Gabryel halimbawa?"
"Lagi mo siyang tititigan nang malagkit. Direkta sa mga mata. `Tapos, beautiful eyes." Hinampas siya nito nang pagtawanan niya ito. "Ano'ng itinatawa-tawa mo riyan? Nagsusulat ka ng romance novel pero `di mo kayang gawin?"
"Alam mo, independent lang ako at ang mga characters ko. Pero dalagang Filipina pa rin ako. Saka maniwala ako na kaya mong gawin ang mga sinasabi mo."
"Huh! Kaya kong gawin iyon. Wala nga lang chance. Siyempre, kung makakapasok ako sa Stallion Riding Club, todo na ito! Gagawin ko talaga iyon sa lalaking magugustuhan ko."
Huminga siya nang malalim. Mukhang hanggang nobela lang niya magagawa ang pang-aakit na sinasabi ni Sonja. "Malamang, tatadyakan ako ni Gabryel palabas ng Stallion Riding Club kapag ginawa ko iyan," aniya saka nangalumbaba.
"At ano naman ang gagawin mo kaya kita tatadyakan palabas ng club?" pabulong na tanong ni Gabryel sa kanya.
Napalingon siya at nahigit ang hininga nang matuklasang malapit na malapit ang mukha nito sa kanya. Their lips could have touched if only she didn't pull away on impulse. Baka nahalikan na naman niya ito. Bigla siyang tumayo. "Gabryel, kanina ka pa riyan?" Narinig ba nito ang pinag-usapan nila ni Sonja?
"Kadarating ko lang," anito saka umupo sa bakanteng upuan. Nakangiting bumaling ito kay Sonja na nang mga sandaling iyon ay nakatanga rito. Hindi makapaniwala ang kaibigan niya na nasa harap nito ang isa sa mga members ng Stallion Riding Club. "Hi! You must be Sindy's friend. I am Gabryel."
"Sonja." Nakatulala pa rin ito nang kamayan si Gabryel. "Tama nga si Sindy. Guwapo ka. Parang hulog ka ng langit."
"Talaga? Sinabi niyang guwapo ako?" anito saka nanunuksong tumingin sa kanya.
"Oo naman. Bakit `di ka kasama sa commercial ng Stallion shampoo? `Di naman nalalayo ang kaguwapuhan mo sa kanila."
"Ah! Sila ang kinuha ni Neiji dahil libre ang talent fee nila. `Di kaya ni Neiji ang talent fee ko. Pang-star material kasi ako. `Di tulad ng mga pangit na iyon."
"Nagyabang na naman," aniya saka iniikot ang mga mata.
Naghiwa-hiwalay sila nang makarating sila sa mall. Manonood pa kasi ng sine si Sonja at sila naman ni Gabryel ay mamimili pa ng supplies nila sa supermarket. Naubusan na kasi sila ng maraming gamit sa villa.
"Narinig mo ang sinabi ng kaibigan mo? Guwapo raw ako!" pagmamalaki nito. "Mabuti pa siya, marunong maka-appreciate ng kagandahang-lalaki ko. `Di tulad ng iba riyan, nagkukunwaring ayaw, pero guwapung-guwapo sa akin."
Mula sa rack ng mga sabon ay lumipad ang tingin niya rito. "Nasabihan ka lang ng guwapo, pumalakpak naman ang tainga mo. Binobola ka lang ni Sonja para maisama mo siya sa Stallion Riding Club, nagpabola ka naman."
"Nagsasabi lang siya ng totoo. Ganoon dapat ang mga babae. Huwag masyadong pakipot. Dapat malakas ang loob magsabi ng katotohanan."
Kumuha siya ng malaking bote ng Stallion shampoo and conditioner at inilagay sa pushcart. "Masyado ka naman kasing naniniwala na kaguwapuhan ka."
Kaya nga ayaw niyang sasabihin dito na guwapo ito. Alam na niya ang kahihinatnan. Sasabihin nitong in love siya rito. Mapipikon lang siya. Mami-misinterpret nito ang pagkapikon niya at iisipin nitong totoo nga.
Hindi ka nga ba in love sa guwapong iyan? a nagging voice asked her.
"Hindi! Hindi! Hindi!" mariing sabi niya.
"Anong hindi? Ayaw mo ba nitong shampoo na kinuha mo?"
Nang lumingon siya ay sampung Stallion shampoo na yata ang nailagay nito sa pushcart at may hawak pa itong apat na malalaking bote. "Ano iyan? Bakit ang dami-dami mong kinuha?"
"Kasi, baka kulangin tayo ng supplies. Para `di na tayo mamimili."
"Magbabakasyon lang ako sa bahay mo. I won't live there forever," aniya habang isa-isang ibinabalik ang mga shampoo sa shelf.
"You can stay there forever if you want."
"Bakit? Ipapamana mo na ba sa akin ang villa mo sa Stallion Estate?"
"Hindi lang iyon ang ipapamana ko sa iyo kapag pinakasalan mo ako."
Napanganga siya at napatulala rito. "Ha? Kasal?" Nagpo-propose na ba ito sa kanya? Gusto ba nitong pakasalan siya?
"Oo. Bonus ang villa ko. Pakakasalan pa rin kita kahit alam kong katawan at kaguwapuhan ko lang ang habol mo sa akin," malungkot na sabi nito.
Itinuktok niya sa noo nito ang bote ng shampoo. "Heh! Nakakainis ka!" aniya saka iniwan ito. "Bayaran mo na lahat iyan! Dali!"
Iiling-iling na sumunod ito sa kanya. "Ibibigay ko na nga sa iyo ang katawan ko, `tapos gagawin ko pa akong under. `Di pa nga tayo kasal. Pati kaluluwa ko, gutay-gutay na rin."
Kinurot niya ito sa braso. "Ate Shawie, huwag kang magdrama ng Pasan Ko Ang Daigdig diyan. Nakakahiya sa mga nakakarinig. Ang guwapu-guwapo mo, `tapos nagdadrama ka. Tingnan mo, pinagtatawanan ka na nila."
"Inamin mo na rin na guwapo ako."
"Oo na. Guwapo ka na. Basta huwag ka na lang magdrama, okay?"
Gabryel surely brightened up her day. Hindi yata niya ma-imagine ang buhay niya nang wala ito. If only she could be this happy with him forever.