Nang lumingon si Sindy ay nakatingin na sa kanila ang lahat ng mga tao sa loob ng café. Nasapo niya ang pisngi. "Oh, God!" Hindi na iyon romantic. Nakakahiya na. "Gabryel, tumayo ka na riyan. Pinagtitinginan na tayo ng mga tao. If you think this is funny, well, it's not!"
"Sino ba ang maysabi na nagpapatawa ako? I am dead serious," hindi ngumingiting sabi nito. She forgot that Gabryel would resort to public spectacle just to get sympathy and get what he wanted.
"Marry me instead!" sigaw ng isang babae na nasa di-kalayuan. Marahil ay hindi nito narinig ang paghingi ng tawad ni Gabryel. Ang akala ay nagpo-propose ng kasal.
Naipadyak na niya ang paa sa inis. "Oh, please get up! This is too much."
He held her hand. "Say you've forgiven me."
"Oo na. Oo na. Bati na tayo. Hindi na ako galit. Basta tumayo ka lang diyan."
Subalit hindi pa rin ito tumayo at nanatiling nakatingala sa kanya. "Kiss me first before I get up."
"Ha? Anong kiss ang sinasabi mo riyan?" Paano pa siya makakapagsulat nang matino sa mga ginagawa nito? Kiss daw! Pasimpleng pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Walang ganyanan, Gabryel. Masasakal na kita."
Hindi nito pinansin ang banta niya. "Basta hindi ako tatayo rito hangga't hindi mo ako hinahalikan. Buong maghapon tayong dalawa rito."
Huminga siya nang malalim at tiningnan ito. He was wearing that mischievous grin. Hindi niya alam kung bakit gusto pa nitong halikan niya ito. Hindi pa ba ito masaya na gulung-gulo na ang isip niya sa kaiisip dito?
Oo na. Halikan mo na para matapos na at makapagsulat ka na. It would be just a peck on his lips. Then it would be over.
But her curious side was nagging at her again. Nanliligaw pa lang sa kanya si Gabryel ay sumasagi na rin sa isip niya kung ano ang pakiramdam kapag nahalikan siya nito sa mga labi. And now it was back. Writing romance novels without really knowing how a kiss really felt put her in sheer torture at the moment.
Her mouth went dry. It would be just a kiss. A part of my research. I will charge it to experience. Not in my heart. After all, Gabryel is not really serious about it.
Yumukod siya at dahan-dahang inilapit ang mukha rito. Bahala na!
Parang malalaglag na ang puso niya mula sa dibdib niya. Gahibla na lang ang layo niya kay Gabryel nang may babaeng nagsalita sa likuran nito. "Siya ba ang dahilan kung bakit ayaw mo akong i-date?"
Pareho silang napalingon ni Gabryel sa babae. "Jennelyn."
Dumilim ang mukha niya nang makita si Jennelyn Marciano. Anak ito ng isang sexy star at ngayon ay isa nang starlet na trying hard maging singer at serious actress. Isa ito sa mga artista na ayaw niyang makita sa diyaryo. Wala na itong ginagawa kundi umimbento ng kung anu-anong issue para mapag-usapan.
"Yuck, Brye! Nakipag-date ka sa babaeng iyan?" bulong niya.
"Hindi ako nakipag-date sa kanya," ani Gabryel nang tumayo. "Narinig mo ang sabi niya? Ayaw ko siyang i-date dahil sa iyo."
"Lalo mong ginugulo ang usapan, eh!"
Nang lingunin nila si Jennelyn ay nagsisimula na itong magpatulo ng luha. Gusto pa yata siyang pakitaan ng talento nito sa pagdadrama. "Pinaasa mo lang ako. Akala ko, gusto mo rin ako. Sabi mo... sabi mo..."
"Wala akong sinasabi, Jennelyn. We barely talk. And we don't really know each other. We were just introduced to each other and that's all. You are beautiful but it just happened that you are not my type. I am sorry," malumanay na sabi ni Gabryel. Pagdating naman sa babae ay pasensiyoso ito.
"Sino naman ang type mo? Iyang babaeng iyan?"
Namaywang si Jennelyn at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Nakasuot ito ng maroon shorts at bikini top. Mukhang init na init ito samantalang umuulan naman sa labas. She was trying to show off her big chest and bleached skin.
Kung pagandahan lang ng katawan, hindi siya pahuhuli. Mas slim nga lang siya. And she was proud of her brown skin. Natural ang lahat sa kanya. Kitang-kita iyon sa shirred blouse at knee-length flowing skirt na suot niya.
"Don't create a scene here, Jennelyn."
"Please tell her to leave, Brye. Sobra na akong naaabala sa trabaho ko," aniya sa malamig na boses at binalikan ang nobelang isinusulat. Okay na sana iyong sa kanila ni Gabryel. Mas inspired na sana siyang magsulat. Ang kaso, dumating pa ang eskandalosang starlet. Namemeligro na namang masira ang momentum niya.
"Hoy! Huwag mo akong tatalikuran. Hindi pa tayo tapos. Mayabang ka lang, kasi ikaw ang gusto ni Gabryel," habol pa rin sa kanya ni Jennelyn.
She gave the woman a dull stare. "If you two have an issue, please leave me out of it. Take your sentiments elsewhere. I am working and I don't want to be bothered. Please go," she stressed.
"At akala mo naman, makukuha mo ako sa English mo?" Pumalakpak ito at inilahad ang kamay. "Epie!" tawag nito sa alalay at kinuha ang kape na in-order nito. Bago pa niya malaman kung ano ang susunod na gagawin nito ay ibinuhos nito ang mainit na kape sa laptop niya. Humalakhak ito na parang bruha. "Iyan ang bagay sa iyo. Inggrata!"
Tumili siya. "Ang laptop ko! Ang nobela ko!"