CHANCE. Kailangan niyang bigyan si Yuan ng isa pang chance. Iyon ang paulit-ulit na itinatanim ni Quincy hanggang makabalik sila ni Yuan sa Pilipinas.
Nang dalawin nila ang Lolo Loreto niya bago sila umalis, ikinatuwa nito na malaman na nagkaintindihan na sila ni Yuan. Umaasa pa nga ito na magugustuhan nila ang isa't isa. At sa inis niya, walang ginawa si Yuan kundi umakbay sa kanya. Sweet na sweet ito sa kanya, iba sa Yuan na madalas na nakikita niya.
"Sa Stallion Riding Club ako," pormal na sabi niya kay Yuan paglapag ng private jet nito na sinakyan nila.
"Okay," sabi lang ni Yuan at iyon ang ibinigay na direksiyon sa driver na sumundo sa kanila sa airport.
Katulad sa eroplano nang pauwi sa Pilipinas, hindi rin niya kinibo si Yuan habang papunta sa riding club. Nagkunwari siyang tulog sa biyahe. Si Yuan naman ay nagbasa ng mga dokumento nito at hinayaan siyang matulog.
Malapit na sa entrance ng Stallion Riding Club nang idilat niya ang kanyang mga mata. "Bubuksan ko ang bintana, ha?" sabi niya kay Yuan at pinindot ang button para bumaba ang windshield. Hinayaan niyang pumasok ang hangin. For the first time, she felt so light. Parang gusto niyang magsisigaw sa tuwa.
"Hindi ka ba nilalamig?" tanong ni Yuan.
"No. I actually feel great. I love this feeling! I miss this place."
She felt total freedom for the first time. Ngayon ay hindi na niya kailangang magkunwari kung sino siya. Malaya na siyang gumalaw nang ayon sa gusto niya. At walang pipigil sa kanya kahit na si Yuan pa.
"Gusto mo ba sa Rider's Verandah muna tayo?" tanong nito.
"Doon naman talaga ako pupunta."
Pagpasok niya ay si Miles ang unang nakakita sa kanya. "Quincy!" patiling sabi nito at niyakap siya. "Grabe! Akala ko, hindi ka na babalik dito."
"Puwede ba naman iyon? Miss na miss ko na kayo."
"Bakit kasama mo si Yuan?" nanunuksong tanong ni Gino. "Kayo na ba?"
"Sir Gino, kadarating ko lang, iniintriga na ninyo ako. Huwag ninyong isipin ang love life ko. Love life ninyo ang isipin ninyo. Basted yata kayo."
"Hindi pa ako binasted ni Miles. Baka siya pa nga ang mabasted ko."
Tinaasan ito ni Miles ng kilay. "Sir Gino, usap tayo mamaya pagka-off ko, ha?"
"Miles, joke lang! Puwede ka ba namang mabasted? Love na love nga kita."
Umugong ang tuksuhan. "Dito ka na uli magtatrabaho, Quincy?"
"Yes, Ma'am. That is, if you will accept me."
"Of course. Ngayon pa nga lang, marami nang members na naghahanap sa iyo. Wala na raw nagpapangiti at nangungulit sa kanila."
"Gusto ko na pong mag-start bukas."
"Ano'ng sinabi mo? Dito ka uli magtatrabaho as service crew?" hindi makapaniwalang usal ni Yuan habang namimili sila sa menu. "Wala ito sa usapan natin."
"Do I have to ask permission from you?" Ngumiti siya kay Miles at ibinigay ang order dito. Pag-alis nito ay bumaling uli siya kay Yuan. "I love working here. This is the first real job I had that I don't have to ask for your consent."
"I don't think it is proper for my wife to work as a service crew. Graduate ka sa isang prestigious university sa States. Marami namang trabaho riyan na sa palagay ko, mas bagay sa iyo."
"My job is decent. Saka malaki ang tip dito." Masaya ang pakiramdam niya kapag may customers na natutuwa sa serbisyo niya.
"Puwede kitang ipagpatayo ng sarili mong restaurant kung gusto mo."
She rolled her eyes. "There you go again, Yuan. Napag-usapan na natin ito."
He inhaled deeply. "Yes. That you won't receive money from me from now on. That you will support yourself and do things on your own."
"Good. At least that is clear."
Dumating na ang order nila. Kumain sila nang tahimik. Nasanay na kasi si Yuan na pinatatakbo ang buhay niya. Ngayon ay kailangan na nitong masanay na hindi na nito mapapatakbo pa ang buhay niya.
"Kukunin ko lang ang gamit ko sa kotse mo," sabi niya pagkatapos kumain.
"Ha? Bakit?"
"Gusto ko nang magpahinga. Pupunta na ako sa staff house."
"May guest room sa bahay ko. Mas komportable ka roon at mas kompleto ang gamit. Now that I know who you really are, I won't allow you to stay at the staff house anymore," he said in a commanding voice.
"Yuan, there you go again. Sinabi ko na sa iyo na ako ang bahala sa sarili ko, `di ba? It means that I will stay wherever I want to stay."
"Ang sabi mo lang, `di ko gagamitin ang pera ko. That house is rightfully yours. I built it for my future wife. Ikaw lang ang babaeng puwedeng tumapak doon. Why stay in the staff house if you have a house of your own?"
Hinaplos niya ang buhok niya. Pakiramdam kasi niya ay sinasakal siya nang dahan-dahan ni Yuan. "It's not mine. It's for your future wife."
"You are my future wife."
Hinarap niya ito. He was so stubborn. "Let's just put it this way, Yuan. Mukha kasing hindi mo naiintindihan ang point ko. When I agreed to give you a chance, it didn't mean I agreed to be your official future wife. I want us to be plain Quincy and Yuan. Katulad noong unang beses tayong nagkita rito sa riding club. Nothing binds us and both of us are free. This time, kikilalanin nating mabuti ang isa't isa. Let's just do whatever we want to do. We won't interfere much with each other's business. I have no hold on you and you don't have a hold on me either. Hindi mo na rin kailangang maging responsible sa akin. Naiintindihan mo ba?"
Mariing nagdikit ang mga labi nito habang nakatitig sa kanya. It looked like he didn't like the scenario. He realized she was the one calling the shots.
"Is this what you really want?"
"Let me show you who I really am without your interference, Yuan. Let's act like normal people. Tingnan natin kung mai-in love tayo sa isa't isa. If we would end up that way, ako mismo ang magyayayang magpakasal sa iyo."