Chapter 124 - Chapter 13

"QUINCY, kanina ka pa nakatitig sa salamin. Baka mabasag iyan. Maganda ka na, okay?" sabi ni Miles na naabutan siyang nagsasalamin sa locker room.

"What is wrong with my hair?" tanong niya.

"Walang problema sa buhok mo. It is straight and shiny. It looks healthy. Ilang guest na nga ang nagsasabi na maganda ang buhok mo. Inalok ka pa nga ni Sir Neiji na maging bagong model ng Stallion shampoo, ayaw mo lang. Saka puwede ba, ilang araw mo nang pinoproblema ang buhok mo kahit okay naman siya. Basta maganda ka at maganda ang buhok mo. Sa akin ka maniwala."

Kinurot niya ito sa tagiliran. "Thanks, ha? How about you and Sir Gino? Ano'ng pinag-usapan ninyo nang nagkulong kayo rito kanina?"

"Wala ka na roon. Tsismosa! Matatapos na ang break natin. Maraming tao ngayon kaya wala munang tsismisan," sabi nito saka lumabas ng locker room. Maraming tao nang araw na iyon dahil may monthly tournament ang riding club. Halos lahat ng member ay naroon para manood o kaya ay makipag-compete.

Inaayos niya ang uniform na suot nang pumasok uli si Miles. "Quincy, nasa labas si Sir Yuan. At kasama niya si Estella Mirasol."

"At sino naman ang Estella Mirasol na iyon?"

"Ano ka ba? Hindi mo alam? Siya iyong sexy star na `di nakapasok sa beauty pageant. Mortal na kaaway ni Estella si Theresa Garcia. Nag-away kasi ang dalawang iyon dahil sa lalaki. Inagaw raw ni Theresa ang model na boyfriend ni Estella."

"`Tapos, pareho silang ka-date ni Yuan. Tingnan mo nga naman. Paano, bumalik na tayo sa trabaho," aniya kahit hindi pa tapos ang break niya.

Pag-akyat sa second floor ay katatapos lang i-serve ang order nina Yuan. "Excuse me. You are Estella Mirasol, right? Fan po kasi ninyo ako. Puwede bang magpakuha ng picture?" malambing na tanong niya.

"Magpapa-picture ka na naman?" impatient na tanong ni Yuan.

"Ngayon lang ako magpapa-picture, Sir Yuan," sabi niya.

"Hindi. Nagpa-picture ka na rin sa akin last time."

"No, Yuan. Ngayon lang siya nagpa-picture sa akin," sabi ni Estella. "Teka, bakit mo naman nasabi na dati pa siya nagpa-picture?"

Tumawa siya. "Sir Yuan, nalilito lang siguro kayo. Kay Theresa Garcia ako nagpa-picture noong kasama ninyo siya noong nakaraan. Si Miss Estella naman ang kasama ninyo ngayon. Wala pa akong picture kasama siya."

"That bitch? You went out with that bitch? Nadala mo siya rito sa Stallion Club?" humihingal sa galit na tanong ni Estella at biglang tumayo. "How could you do that to me, Yuan? Bakit si Theresa pa?"

"Do I have to explain anything to you, Estella?" matabang na tanong ni Yuan. Parang hindi man lang ito nag-aalala sa nagbabantang galit ng babae. "Hindi ko kailangang humingi ng permiso sa iyo kung sino ang ide-date ko."

Oops! Mukhang gusto ko nang tumakas dito, sa isip-isip niya at pasimpleng umatras. Ayaw kasi niyang maipit sa away ng dalawa.

"She is my worst enemy. Alam mo ang ginawa niya, hindi ba? Inagaw niya sa akin si Rusty. `Tapos pati ba naman ikaw?" Humiyaw si Estella at tinabig ang lahat ng nasa ibabaw ng mesa. Nahindik siya nang magbagsakan lahat iyon sa sahig. Lahat tuloy ng atensiyon ng mga customers ay natuon kay Yuan.

"Estella, stop it!" mariing saway ni Yuan.

"No! I hate you, Yuan! I hate you!" sigaw ni Estella at nagtatakbo palayo.

"Ay! Nagalit yata," inosenteng sabi niya at sinundan ng tingin si Estella.

"You!" Matalim ang tingin sa kanya ni Yuan at itinuro siya.

Mabilis na umuklo siya at inasikaso ang mga basag na gamit. Ayaw niyang siya ang pag-initan ni Yuan. Sa pagkataranta niya sa pagpulot ay nahiwa ang daliri niya. "Ouch!" napaigik na sambit niya nang mahawakan ang nasugatang daliri.

Nagulat siya nang may maagap na humawak sa kamay niya. "Damn it! Hindi ka kasi nag-iingat!" galit na sabi ni Yuan. Pumalatak ito nang maraming dugo ang umagos mula sa daliri niya. "Doon tayo sa washroom."

Parang puppet siya na sunud-sunuran dito. Itinapat agad nito sa gripo ang kanyang nasugatang daliri. Ano'ng nangyayari? Nananaginip ba ako nang gising? Si Yuan ba ang lalaking ito o baka doppelganger? Baka isang maligno na gumaya lang sa katauhan ni Yuan. Mabait, eh! O baka sinapian lang ng mabuting espiritu si Yuan.

"Sir Yuan..." usal niya habang nakatitig dito.

"May medicine cabinet ba rito? It must be somewhere," wika nito. Binuksan nito ang medicine cabinet na nasa itaas ng wash basin.

"Kaya ko na ang sarili ko. It is just a small wound. Mabuti pa, sundan mo na ang ka-date mo. Ako na lang ang bahala rito."

"She can handle herself just fine. Nasa labas ang driver ko. He would take her anywhere she wants," sabi nito habang pinapahiran ng anticeptic ang daliri niya.

"Pero galit sa iyo. Won't you talk to her?"

Bahagya siyang naluha habang magaan ang kamay nito na ginagamot ang daliri niya. She had always seen him as a jaguar—silent but deadly. Hindi niya alam na may gentle side pala ito. Gone was the fierce jaguar. Maamung-maamo kasi ang mukha nito nang mga sandaling iyon. Parang sa isang anghel.

Naglabas ito ng panyo mula sa bulsa at tinalian ang daliri niya. "Alam niyang mali ang ginawa niya. She walked out on me. I don't have to go after her. I don't have time for her tantrums. Isa pa, mas kailangan mo ako rito. May iba pa bang masakit sa iyo?"

Umiling siya. "Wala na. Thank you."

Siya ang inalagaan nito at hindi ang ka-date nito. She felt so special. Iba ang Yuan na kaharap niya. Ito ang Yuan na hinahanap-hanap niya sa binata noon pa. Ang lalaking pinangarap niyang pakasalan. Kung ganito ang Yuan na makakasama niya araw-araw, iyong Yuan na aalagaan siya, pakakasalan niya ito.

"Yuan, what happened?" nag-aalalang tanong ni Jhunnica.