MABIBIGAT ang hakbang ni Jemaikha nang dumating sa bahay. Medyo gabi na rin iyon dahil nagyayang magpunta sa KTV bar ang mga kaibigan niya. Di kumpleto ang birthday celebration niya kung wala iyon. Pero wala na rin siya sa mood na kumanta. Hanggang ngayon kasi ay di pa rin niya alam kung ano ang gagawin kay Hiro.
Sabi ni Jaimee ay pabayaan na lang niya at magkunwaring walang alam. Sabi naman ni Mayi at Cherie ay dapat siyang magpasalamat nang personal. Pero dapat nga ba siyang magpasalamat? Nagngingitngit pa rin kasi siya.
"Ate! Ate! May nagpadala sa iyo ng regalo," bungad ni Robin sa kanya.
"Regalo? Galing ba sa Ate Rushell mo sa Dubai?" Nasa Dubai kasi ang kabarkada rin niya kaya kapag may okasyon ay nagpapa-FedEx na lang.
"Hindi, Ate. Wala naman kasing nakalagay kung kanino galing," sabi ni Robin.
Hinila siya ng Tiya Vilma niya papunta sa kuwarto. "Tingnan mo, dali! Inilapag namin sa kama mo. Excited nga akong malaman kung kanino galing. Tingin ko kasi sa manliligaw mo iyan na mayaman galing. Sino ba iyon?"
"Tiya, wala po akong manliligaw na mayaman."
"Baka ngayon pa lang manliligaw. Baka sagot na iyan sa mga dasal ko. Na may lalaking dadating para mag-ahon sa atin sa kahirapan."
May dalawang box na nakapatong sa kama niya. Parehong may ribbon ang mga iyon. Nang buksan niya ang mas malaking kahon ay black sequined crepe jumpsuit ang laman. Nauna na ang tiya niya na kunin ang damit at inilapat sa katawan niya. "Ang ganda, Jem. Bagay na bagay sa iyo."
Nang buksan niya ang mas maliit na kahon ay naroon ang sapatos na nagustuhan niya sa boutique at ipinangako ni Hiro na bibilhin para sa kanya. Galing pa sa boutique ng girlfriend nito ang regalo. Nakakainis!
"Kanino galing, Ate?" tanong ni Robin. "Niyayaya ka bang makipag-date ng nagbigay niyan? Alam mo na ba kung sino?"
Isinara niya ang kahon. "Hindi ko type," matabang niyang sabi.
"Iyong regalo o iyong nagbigay?" tanong ng Tiya Vilma niya.
"Pareho po. Kaya ibabalik ko na lang ito."
"Huwag mo ngang sayangin iyan, Jemaikha! Kung ayaw mo sa regalo sa iyo, akin na't ako ang magsusuot. O kaya ibebenta ko ng pahulugan para naman makabawas-bawas sa gastusin natin kahit papaano."
Mahigpit niyang hinawakan ang kahon. "Hindi po, Tiya. Ibabalik ko ito."