"ANO? Magsasara na ang kompanya ninyo? Wala ka nang trabaho?" bulalas ng Tiya Vilma ni Jemaikha. "Akala ko ba maganda at matatag ang kompanya na 'yan?"
"Nagka-problema po ang kompanya ng boss ko sa Japan. Kaya kailangan nilang I-cut down ang gastos nila. Ititigil muna ng circulation ng newspaper. Sabi naman daw po nila, kapag ayos na ang problema makakabalik din kami sa trabaho."
Nabigla siya sa announcement. Masayang-masaya pa siya na makuha ang sweldo niya nang nakaraang araw. Makakabayad na sana siya sa ilang pagkakautang niya. Iyon pala ay hindi pa rin. Mas malaking problema pa ang dumating.
Namaywang ito. "Hanggang kailan mo sila hihintayin na magbukas ka ulit at ibalik ka sa trabaho? Kapag tirik na ang mga mata natin sa gutom."
Nagpapautang ng pera ang tiya niya. Hindi naman niya iyon pwedeng asahan dahil sa tiya lang niya ang pera na iyon. Di pwedeng wala siyang ibigay dahil maraming gastusin sa bahay. Pampaaral pa ng kapatid niya.
"Maghahanap na nga po ako ng trabaho sa Lunes. Baka matulungan po ako sa paghahanap ng trabaho ng mga kaibigan ko. Magaganda naman ang posisyon nila sa trabaho. Marami silang koneksiyon," aniya at pilit na ngumiti para pagaanin ang loob ng tiya niya. Kahit naman nagbubunganga ito, nasasaktan ito para sa kanya. Alam kasi nito kung gaano niya kamahal ang trabaho niya.
"Dapat sana mas maganda pa dito ang buhay mo kung pinakasalan mo lang iyong boyfriend mo na si Hiro. Kundangan di mo ginagamit ang utak mo."
Gusto niyang kumuha ng diyes na barya para itapal sa tainga. Tuwing may problema siya sa pera o may magandang nangyayari sa ibang tao na kabaligtaran ng nangyayari sa kanya, lagi na lang nitong isinusumbat si Hiro. Botong-boto kasi ang pamilya niya sa binata. Kaya nagtaka ang lahat nang tanggihan niya ito.
"Tama na, Tiya. Tapos na po iyon. Close book na."
"Anong close book ang sinasabi mo diyan? Kung pinakasalan mo siya, aba'y may guwapo ka nang asawa, nakahiga ka pa sa salapi. Hindi mo na kailangang isipin ang mga bayarin. Sus! Kayang-kaya iyong bayaran ni Hiro. Hindi mo na rin kailangang magtrabaho. Pa-shopping-shopping ka na lang. Tapos pabaka-bakasyon ka na lang sa ibang bansa kasama kami ng kapatid mo. Naiahon mo sana kami sa kahirapan. Hindi iyong nakatira tayo sa mainit na bahay na ito."
"Gusto lang naman ninyo si Hiro sa akin dahil mayaman siya."
"Hindi lang basta mayaman. Mayaman at guwapo. Kung ako nga lang ay kaedad mo, hahabul-habulin ko iyon. Bakit ba walang kasing-guwapo at kasing-yaman niya sa mga nanligaw sa akin noong kabataan ko?"
"Alam naman ninyo kung bakit di ko pinakasalan si Hiro, di ba?"
"Puro ka pride. Ayaw mong magpakasal dahil may gusto kang patunayan sa sarili mo?" Ngumisi ito. "Ano? May napatunayan ka na ba? Wala! Ni hindi mo maisasanla ang pride mo. Kung binabalikan mo na lang kaya siya?"
Napailing siya. "May girlfriend na po iyon. Mas maganda at mas mayaman na hamak kaysa sa akin. Mas bagay po sila."
Nakukulta na ang utak niya habang nag-o-online job-hunting siya sa computer sa kuwarto niya. Kapag may trabaho na sa palagay niya ay bagay sa kanya, nagpapadala agad siya ng resume.
Kumatok sa pinto si Robin. "Ate, pwedeng pumasok?"
"Bakit hindi ka pa natutulog? HIndi ba maaga pa ang pasok mo bukas?"
"Narinig ko ang usapan ninyo ni Tiya. Wala ka na daw trabaho."
"Sus! Wala iyon." Ayaw sana niyang ipaalam dito dahil mag-aalala ito. "Kita mo nga naghahanap na ako ng trabaho. Kaya huwag mo nang isipin."
"Alam ko naman na kaya mo iyon, Ate." Mabuti na lang at naroon ang kapatid niya na sinusuportahan siya. Kailangan niyang magsumikap para dito.