Chapter 73 - Chapter 2

"ANO? Wala nang pasok?" Nanlambot ang tuhod ni Jemaikha. Bigayan ng sweldo noon sa You no Atarashii o New Sun, isang Japanese weekly newspaper na naka-base sa Pilipinas kung saan nagtatrabaho siya bilang editor.

"Wala kasing kuryente. Nag-brownout kaninang lumakas ang bagyo. Wala namang ilaw sa loob maliban sa emergency lights," anang guwardiya.

"May mga kasamahan pa ba ako sa loob?"

"Nagsiuwian na. Wala rin namang mangyayari sa operation. Iyong iba hindi na dumating kasi baha daw sa kanila o kaya walang masakyan."

"Naku! Hindi pa ako pwedeng umuwi," sabi niya at pinagpag ang balikat na bahagyang nabasa ng ulan pagbaba niya sa FX taxi. "Baka naman pwede pa akong pumasok. Baka may tao pa sa accounting department. Araw ng sweldo ko ngayon. Kailangang-kailangan ko ng pera."

Wala siyang pakialam kahit bumagyo pa o bumaha. Siguro naman ay may maiiwan sa accounting department para mag-release ng sweldo nila.

Napakamot ng ulo ang guwardiya. "Kahit yata sweldo ninyo, postponed. Malamang sa Lunes na iyan, Ma'am. Umuwi na lang kayo dahil baka abutan pa kayo ng baha. Mas mahihirapan kayong umuwi." Bahain pa mandin sa bahaging iyon ng Shaw Boulevard.

Nanlumo siya. Binilang niya ang natitirang pera sa wallet. Sixty pesos na lang iyon kasama pati ang barya. "Ganito na ba ako kahirap ngayon?" Inilagay niya ang natitirang pera sa coin purse at inilagay sa paper bag. "Magwi-withdraw na lang siguro ako sa ATM."

Sumakay siya ng FX taxi papunta sa SM Megamall. Nagbayad muna siya ng pamasahe bago ipinikit at umidlip. "Miss, Megamall na," gising sa kanya ng driver.

Dumilat siya at bumaba sa Megastrip. Hinanap agad niya ang ATM machine. Hinihintay niyang lumabas ang pera at ang card niya nang magkaroon ng machine error. Nanlaki ang mata niya. "Oh, no! Kinain ang card ko! Hindi ito pwede!"

Gusto niyang magwala at umiyak. Tumawag siya sa bangko sa pamamagitan ng cellphone niya at ini-report na kinain ang ATM card niya. Mare-reclaim daw niya ang ATM card niya sa Lunes. "Lunes? Puro na lang sa Lunes! Hindi naman makakapaghintay ng Lunes ang mga bayarin ko. At di titigil ang bibig ng Tiya ko sa kasesermon sa akin kung sa Lunes pa," usal niya habang nakaupo sa stairway.

Naramdaman niya na kumalam ang sikmura niya. Hindi pa siya kumakain. "Uuwi na lang ako. Doon na lang ako kakain." Huminga siya nang malalim. "Di ko naman sinalo ang lahat ng kamalasan ngayon, no? Ano pa ba ang kulang? Ano pa?"

Ang mga bayarin niyang naghihintay sa kanya ay hindi niya mababayaran. May ipambabaon pa ba ang kapatid niya pagpasok sa eskwelahan kung wala na siyang maibibigay dito? At paano niya mapapatahimik ang bibig ng Tiya Vilma niya?

Hinawakan niya ang sariling buhok. Paano naman ang shampoo ko? Hindi rin ba ako magsa-shampoo? Sobrang miserable naman iyon.

Tiningnan niya ang coin purse sa paper bag niya. At least makakauwi pa siya. Nang halungkatin niyang mabuti ang paper bag ay wala na doon ang coin purse niya. "Oh, God! Winakwak ang paper bag ko."

Naisip niya ang katabing mama sa FX kanina. Nakita siguro nito na dumukot siya sa coin purse. Yakap niya ang bag niya kaya di nito mawawakwak. Nasa bag kasi niya ang cellphone at wallet niya. At dahil nakita nitong may pera siya sa paper bag ay iyon ang pinuntirya nito. Sinamantala nito ang pagkakaidlip niya kaya wala siyang kaalam-alam. Di niya napansin na nawakwak ang paper bag dahil busy siya sa pag-iisip ng mga gastusin niya.

Ngingisi-ngisi siya habang naglalakad sa mall. "Ang malas mo naman, Mamang Laslas Gang. Akala mo siguro mayaman ako dahil kagandahan ako. Kung alam mo lang, wala akong sweldo. At iyong coin purse ko na dinugas mo, singkwenta pesos na lang ang laman. Buti nga sa iyo."

Tatawa na sana siya ng malakas nang may maalala. "Oh, God! Iyon na lang ang pera ko. Ang fifty pesos ko! Di na ako makakauwi!"

Related Books

Popular novel hashtag