PARANG ipinaghehele si Jemaikha habang pinakikinggan ang tunog ng musika mula sa shakuhachi flute na tinutugtog ni Hiro. Nasa isa sa mga kuwarto sila sa Japanese-inspired house na pag-aari ng family friend ni Hiro sa Baguio - ang mga Tezuka. Madaling-araw pa lang ay bumiyahe agad sila ng binata paakyat ng Baguio.
Nakabukas ang sliding door ng silid at nakikita ang pagbaba ng ulap sa mga pine trees sa labas ng bahay. Napakapayapa ng lahat. Isang zen camp ang isinasagawa sa naturang lugar. Kaiba iyon sa aasahan niya na may maingay na festivities. Nakasuot sila ng binata ng keiko-gio puting pantaas na blouse na may maigsing manggas, obi o malapad na manipips na sinturon, dark blue na hakama o maluwag na pants na may malambot na tela at puting tabi o medyas na nakahiwalay ang hinlalaki sa paa.
At si Hiro ang nahilingan na tumugtog ng sakuhaci flute para sa mga bisita. It was beautiful and mesmerizing. Parang nahihipnotismo siya ng musika at pinapapayapa rin ang kaluluwa niya. Pumikit siya at ninamnam ang musika.
Nagulat pa siya nang biglang may tumapik sa balikat niya. Si Hiro na pala ang nasa tabi niya. "T-Tapos ka nang tumugtog?"
"Nakatulog ka," natatawang wika ng binata.
"Ang sarap kasi ng tugtog mo," sabi niya at di magawang tuminag sa pagkakasandal sa pine wall ng silid. "Nakaka-relax. Parang nawawala ang problema ko at pati negatibong iniisip ko."
"This is a kyudo player's way of clearing his or her mind and finding inner clarity. At kailangan iyon sa paglalaro ng kyudo. To attain perfection and grace, one must attain clarity. Zen. And I think you need it."
"Ako?" tanong niya.
"I know you want to achieve so much. Di lang para sa iyo kundi para sa pamilya mo. Nakikita ko kung gaano ka ka-frustrated sa mga pinagdadaanan mo. Minsan hindi mo rin nakukuha ang gusto mo. Sa ganyang pagkakataon, you need to find your inner peace. At iyan ang kailangang matutunan mo."
"Zen. Inner peace. Parang tulad kanina ng itinuro sa chado o the way of the brush o Japanese calligraphy writing at chado o the way of the tea. Iinom ka na lang ng tsaa at magsusulat kailangan pa ng art. Hilig ninyong mga Hapon sa ganyan."
"It is about spiritual attainment. Mahalaga ang inner peace sa kahit sinong tao. At kung gagawin mong sining ang isang bagay at kung malinaw ang isip mo habang ginagawa ito, magiging perpekto ang lahat ng gagawin mo."
Hindi pa rin makuha ni Jemaikha ang punto ng binata. Siguro dahil lumaki siya sa praktikal na pamumuhay. Bawat oras ay kailangan niyang sulitin. Parang wala siyang oras sa zen at inner peace. Di niya ma-imagine ang sarili na magseseremonya pa kapag magtitimpla ng tsaa hanggang paghigop niyon.
"May basic training ka sa kyudo kay Ryuji Tezuka," sabi ng binata.
"Ryuji Tezuka?" usal niya. "Yung may-ari ng lugar na ito?"
"He is a seventh dan in kyudo. At hindi basta-basta ang maturuan niya."
Walang nagawa si Jemaikha kundi sumama sa grupo ng mga tuturuan ng lalaki sa vacant ground sa labas na magsisilbing training area nila at shooting area. Ryuji Tezuka looked like a dignified and good-looking man in his mid-twenties. He looked like a silent and deadly warrior though. Pero bahagi iyon ng karisma ng lalaki. Kaya nga karamihan sa mga sumali sa training na iyon ay mga babae na di nalalayo ang edad sa kanya na gustong mapalapit sa lalaki.
Nag-focus naman siya sa training dahil gusto niyang maintindihan kung ano ang mayroon sa laro na kinahiligan ni Hiro. Sinimulan niya ang training sa tamang pag-upo, pagluhod at pagtayo at inuli iyon nang may hawak na yumi bow. At hindi madali ang training nila. Malamig ang panahon at nanunuot ang lamig sa buto niya, mabigat ang yumi bow lalo na kung matagal na hahawakan, istrikto si Ryuji at ang inaakala niyang simpleng sa paggamit ng pana ay may tamang kilos at porma pala.
Nangangatal na siya nang ideklara na titira na sila sa target. Ilan sa mga kasama niya ay umurong na. Ngalay na ang braso niya at parang gusto na rin niyang sumuko. Pero nakita niya si Hiro na nakangiting nakatunghay sa kanya. Bibiguin ba niya ang binata? Siguro naman kung isang tira lang kahit di niya tamaan ang target ay pwede na. Isa lang. Isa lang.
Nakatayo na siya sa target, hawak ang yumi bow at ang dalawang pana. Nasa posisyon na siya kung saan inilagay niya ang palaso sa pana nang biglang bumagsak ang ulan. Sa gilid ng mata niya ay nakita niyang nagtakbuhan ang iba para sumilong. "Jemaikha, pumasok ka na sa loob!" utos ni Hiro.
Gusto niyang sundin ito pero di magawang gumalaw ng katawan niya. Nandito na siya. Di na niya ipagpapaliban ito. Gusto niyang ipakita kay Hiro na may natutunan na siya. Pumikit siya. Pinalis niya ang nararadamang lamig at ang pagkabasa sa ulan. Pinanghawakan ang kapayapaan sa isip at puso niya. Dumilat siya at hinila ang tali ng pana at saka pinakawalan ang palaso.
Humaginit ang palaso. Pigil niya ang hininga. Hindi niya alam kung tatama ang palaso sa target dahil na rin sa lakas ng ulan. "Baka! Nakita mo nang umuulan, bakit di ka pa sumilong?" sermon ni Hiro na may dalang payong. "Gusto mo bang magkasakit, Jemaikha?"
"Tinamaan ko ba ang target?"
"Hai. You hit the target." Niyakap siya nito. "Omedetto."
"I am glad," usal niya at gumuhit ang ngiti sa labi. "Sulit ang lahat ng pagod ko. Para sa iyo iyon, Hiro."
"Para sa akin, di okay kung magkakasakit ka. Alam mo naman na mas importante sa akin ang kalusugan mo."
"Kahit ano naman gagawin ko para sa iyo, Hiro. Kahit ano."