Shanaia Aira's Point of View
TAMA nga si Jaytee sa sinabi niya na wala na naman siyang matatapos na trabaho ngayong kasama namin sa ospital ang makukulit na kambal. Ayos lang naman sana sa kanya dahil isa siya sa may-ari ng ospital ngunit syempre may mga trabaho din siyang dapat asikasuhin. Kasalanan naman niya dahil mahina siya sa pagtanggi sa mga bata. Masyadong spoiled sa kanya ang mga ito.
Naaalala ko pa ang reaksyon ni Jaytee nung ipanganak ko si Yella, umiiyak siya nung makita nya ito. Siya kasi ang kasama ko sa delivery room noon bukod sa OBgyne at mga nurse. Lalo lang siyang umiyak nung matapos ang ilang minuto ay si Shan naman ang lumabas. Hindi lang iyak kundi hagulgol na. Tears of joy lang daw yun sabi niya pa. Kumpleto na kasi, isang boy at isang girl.
Matapos ang dalawang araw ay lumabas rin ako ng ospital dala ang mga sanggol. Dun na kami umuwi ni Jaytee sa pinagawa niyang bahay. Dati kasi hindi naman kami magkasama sa bahay, umuupa ako ng apartment at siya naman ay sa bahay ng mga magulang niya.
Paano nga ba kami nauwi ni Jaytee sa sitwasyong ito?
Almost four years ago nung mangyari ang gulo sa buhay ko, namin ni Gelo at ng pamilya namin laban sa mga Faelnar.
Nasa coffee shop kami nila mommy noon ng mangyari ang insidente na pilit kong kinakalimutan.
FLASHBACK :
Napatunayan noon sa mga imbestigasyon na may sumabotahe nga sa coffee shop kaya nakabalik sila mommy sa pag-ooperate muli. Kasama nila ako nung magbukas ulit ito matapos ang ilang araw. Sa kalagitnaan ng kasiyahan namin, may kumuha sa akin na mga armadong lalaki na pilit akong inilalabas sa coffee shop. Nagsisigaw si mommy at tita Mindy pero tinutukan sila ng baril. Napansin kong kumilos yung guard namin pero binaril ito sa kamay nung isang lalaki na may hawak sa akin. Nakalabas at naisakay nila ako sa kotse ng walang nakahabol dahil nakatutok ang baril nung isa sa kanila. Nagpupumiglas ako pero may panyo silang itinakip sa akin na naging dahilan ng pagkawala ng malay ko.
Nagising ako sa isang abandonadong warehouse. Kinabahan ako, baka kasi kung ano ang gawin sa akin ng mga taong dumukot sa akin. Ngunit ang mas ikinatakot ko ay ng igala ko ang aking paningin. Nakita ko si Gelo sa isang sulok na nakatali ang dalawang kamay at paa at duguan ang mukha. Kahit na nanghihina ako ay bigla akong napatakbo palapit sa kanya. Lumuluha akong niyakap siya. Takot na takot ako kasi hindi na siya halos makakilos. Mukhang binugbog siya ng husto.
Nagpaalam siya sa akin na may theatre tour sila dahil first day ng showing ng movie nila. Tumawag din siya bandang hapon dahil malaki ang kinita ng movie sa unang araw pa lang. Mas dinaig daw nito yung kinita nung nakaraang movie nila. Nung gabi ay tumawag din siya, nasa party daw siya dahil nagpa-party ang producer nila, kumita nga kasi ang movie. After that hindi na siya nakauwi at nandito pala siya, nakakulong sa warehouse na ito at bugbog sarado.
Hindi ko alam kung bakit kami naririto ni Gelo at kung sino ang nagpadukot sa amin. Kahit na may pumapasok pa rin sa isip ko kung sino, gusto ko pa rin na makatiyak.
Hindi naglipat sandali ng makumpirma ko ang hinala ko. Pumasok sa warehouse ang mag-amang naging dahilan ng mga kapighatian namin ni Gelo at ng pamilya namin.
Isang ama na kinukunsinti at inaayunan ang lahat ng maibigan ng anak kahit alam niyang hindi dapat, mapaluguran lang ito. At isang anak na gagawin ang lahat kahit gaano pa ito kasama makuha lamang ang ninanais niya. Obsession. Obsessive love. A desire to possess and protect another person, with an inability to accept failure or rejection. Yan na ang kundisyon ni Gwyneth. Isang nakakatakot na kundisyon sa utak.
" Oh gising na pala ang prinsesa ng mga Gallardo. Oops! Oo nga pala hindi na magtatagal mawawala na ang pagiging prinsesa mo dahil magsisimula na ang paglubog ninyo." sarkastiko niyang turan. Pinilit kong magpakahinahon kahit na kumukulo na ang dugo ko sa galit.
" Bakit nyo ba ginagawa ito? Ano ba ang atraso namin sa inyo? " halos mangalit ang mga ngipin ko sa pagtatanong.
" Atraso? Wala naman. Si Gelo lang naman ang gusto kong makuha, nadamay lang kayo ng pamilya mo. Kaya lang mailap eh, kahit anong gawin ko hindi ko mapasunod. Yun ay dahil sayo Aira. Sa sobrang pagmamahal niya sayo. Kaya hayan, hindi ko sya makuha sa santong dasalan, kailangan pa siyang idaan sa dahas. Nasaktan na nga, ayaw ka pa rin niyang isuko. " napatingin ako kay Gelo na wala pa ring malay.
" Napaka-sama mo Gwyneth! " galit kong bulalas.
" Kulang pa yan Aira. Makikita mo pa ang gagawin namin kay Gelo at sa pamilya ninyo kapag hindi ka pumayag sa gusto ko. " tiningnan ko sya ng masama. Kung nakakamatay lang ang tingin kanina pa bumulagta ang babaing to.
" Ano pa ba ang gusto mo?" tanong ko.
" Ang mawala ka para mapasaakin na si Gelo ng tuluyan. Hanggat naririyan ka hindi ko siya maaangkin. " diretso at walang paligoy-ligoy pa na tugon niya. Kinabahan naman ako pero hindi ko pinahalata.
" Gusto mo akong mawala? "
" Oh. Don't worry, mabait naman ako, hindi kita papatayin kundi umalis ka lang dito, yung hindi malapit sa amin. Magpakalayo-layo ka para hindi ka na niya nakikita."
" At sa palagay mo ganoon lang kadali kay Gelo yang gusto mong mangyari? "
" Hindi nga. Tumanggi nga siya kahit na alam niyang ang mga magulang ninyo ang mapapahamak. Kaya nga nandiyan siya ngayon pero nagmamatigas pa rin, eh simple lang naman ang gusto ko. Hindi naman siya lugi sa akin kung tutuusin, I'm a good catch. Kaya ikaw na ngayon ang pinag-dedesisyon ko. " napapailing na lang ako sa sinabi niya. Tingin talaga niya ganoon lang kadali ang lahat.
" Hindi naman talaga madali yang gusto mong mangyari Gwyneth. Hindi pwedeng ibaling basta na lang ang pagtingin ng isang tao. Sa tingin mo ba kahit makuha mo siya, magiging masaya ka? Hindi ka niya mahal." sabi ko. Biglang nanlisik ang mata nya dahil sa sinabi ko. Nakakatakot nga siya.
" Gagawin ko ang lahat para mahalin niya ako. Mangyayari yon kung hindi ka na niya makikita pa. "
" At paano kung hindi ako pumayag? " panghahamon ko sa kanya.
" Makukulong ang mga tatay ninyo." biglang singit ni senator Faelnar. Nahindik ako sa sinabi niya. Napatingin ako sa kanya.
" Pinlano nyo talaga to? Kaya ba bigla na lang kayong sumulpot sa buhay ng mga magulang namin? Kunwari tumutulong kayo pero ang totoo, inilublob ninyo sila sa isang bagay na tiyak na ikakapahamak nila. Anong klaseng tao kayo senator? Pinagkatiwalaan pa naman kayo ng mga magulang namin. " matapang ko siyang hinarap.
" Ginawa ko lang naman yon para sa anak ko. Wala akong pakialam kung may masagasaan akong iba. Basta para sa anak ko, gagawin ko ang lahat. "
" Mali po kayo. Pinaghirapan po ng mga magulang namin ang malinis nilang pangalan sa politika. Ni minsan hindi sila naghangad sa kaban ng yaman ng bansa. Public service po talaga ang hangad nila pero sinisira ninyo ang magandang imahe nila. "
" Yun pa ang isang dahilan kung bakit umayon ako sa anak ko. Masyadong malinis ang imahe ni Gallardo at Montero, hindi magtatagal aagawan na nila ako ng pwesto sa senado at yun ang isa pang bagay na ayaw kong mangyari. Kaya kung hindi ka papayag sa gusto ng anak ko, madudungisan talaga ang malinis nilang pangalan, makukulong pa sila. Matindi ang kasong isasampa ko sa kanila. Hindi lang sila Aira, kasama rin ang kuya mo. Tinitiyak ko sayo yan Aira, makukulong sila. " pinal na turan niya saka ako tinalikuran. Lumabas na siya ng warehouse pero naiwan si Gwyneth.
" Kaya kung ako sayo Aira, lumayo ka na lang. Hindi mo alam ang kayang gawin ng papa ko. Sayo, kay Gelo, sa kuya mo at sa mga tatay ninyo. Pati na rin sa lahat ng businesses ninyo. Magiging mahirap pa kayo sa daga. Sa iyo nakasalalay ang mga buhay ng mga mahal mo. Mag-isip isip ka! " umalis na siya pagkatapos niyang sabihin yon, iniwan nya kaming dalawa ni Gelo sa marumi at mabahong warehouse na to.
Iyak ako ng iyak habang kinakalagan ko ang tali sa mga paa at kamay ni Gelo. Nagmarka na yung lubid sa balat nya. Awang-awa ako sa itsura niya.
Umusal ako ng panalangin sa Diyos na sana magpadala Siya ng tutulong sa amin ni Gelo para makatakas sa lugar na ito.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gulong-gulo ang isip ko. Ayokong mapahamak sila daddy. Matanda na sila para humimas ng rehas. Si kuya, paano na sila ni ate Faith? Si ate Shane at Dindin? Pero paano kami ni Gelo? Masasaktan siya kapag sinunod ko ang gusto ng mag-amang Faelnar. Kung hindi ko naman susundin, ilang buhay naman ang mapapahamak. Hindi lang si daddy at daddy Archie, kasama rin si kuya Andrew ang makukulong.
Ano ang gagawin ko Lord?
Parang dininig naman ng Diyos ang dalangin ko. Isa sa mga tauhang nagbabantay sa warehouse ang lumapit sa amin.
" Kuya ano po ang binabalak mo?" nahihintakutang tanong ko.
" Ma'am hindi po ako masamang tao, nasama lang po ako sa grupong ito dahil napilitan lang ako. Kilala ko po ang tatay nyo, dati niya akong tauhan. Ako po si Jomar. Nakikita ko po kayo sa office ni sir Adrian noon kaya nagulat nga ako kanina nung makita ko kayo. Kanina ko pa iniisip kung paano ko kayo matutulungan, mabait po sa akin si congressman noong nasa munisipyo pa ako. Patatakasin ko po kayo. "
" Paano ang mga kasama mo? Baka mapahamak ka kuya Jomar? " nag-aalalang tanong ko. Pero nagpapasalamat ako sa Diyos sa ipinadala nyang tulong.
" Ma'am huwag kayong mag-alala, tulog na po yung tatlong kasama ko, lingid sa kanila, nilagyan ko ng pampatulog yung alak na iniinom namin. "
" Pampatulog? Saan ka kumuha non?"
" Nung inutusan nila ako kanina na bumili ng alak, dumaan ako sa botika. Mamayang umaga na ang gising nila kaya kumilos na po kayo, ihahatid ko kayo sa labasan para makasakay kayo ng taxi. "
Naging mabilis ang pangyayari, nakarating kami sa highway na inaalalayan ni kuya Jomar si Gelo sa paglalakad. Nung may dumaang taxi, sumakay na kami, mabuti na lang may pera ako sa bulsa kaya kahit mahal ang singil sa taxi dahil malayo ang panggagalingan namin, nakasakay pa rin kami.
Nagpasalamat ako kay kuya Jomar at nagmamadali naman siyang bumalik sa warehouse para matulog na para hindi raw siya mahalata ng mga kasama niya.
Dinala ko si Gelo sa isang ospital na malapit na sa aming bahay, para kung sakaling pumunta ang mga kapamilya namin hindi na sila mahirapan. Napaka-rami niyang sugat sa katawan, nilabanan daw kasi niya yung mga tauhan ni senator Faelnar nung dinala siya sa warehouse. May bandage nga rin sya sa kamay at yung kaliwang sakong niya ay na sprain kaya hindi siya makalakad ng maayos.
Habang wala pa sila tita Mindy, nag-usap kami ni Gelo tungkol dun sa nangyaring pag-uusap namin ng mag-amang Faelnar. Nagdadalawang isip ako kung sasabihin ko ba sa kanya yung desisyon ko o hindi na.
" Bhi siguro dapat mo ng i-consider yung gusto ni Gwyneth para sa ikatatahimik ng lahat. Hindi ako maghahabol."
" Bakit parang sumusuko ka na baby?"
" Hindi ako sumusuko bhi. Magsasakripisyo ako. Kapag hindi ka sumunod, tatlong buhay ang masisira."
" Baby please wag namang ganito." pagmamakaawa niya sa akin.
" Gustuhin ko man ay wala na akong magagawa. So please pabayaan mo na ako." pagpupumiglas ko sa mahigpit nyang hawak sa mga kamay ko.
" May paraan pa. Nangako ka na you will stay, no matter what happens. " pagsusumamo pa niya. Nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata. Yumuko ako upang hindi niya makita na nagsisimula na ring tumulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
" Nagawa na nating lahat. Hindi ko gagawin ito para sa sarili ko kundi para sa inyong lahat. I'm sorry." pabigla kong binawi ang kamay ko sa pagkakahawak niya at tsaka na ako mabilis na tumalikod.
" No! Baby please. Nooooo!!!!"
Hindi ko na siya nilingon. Nagbilin ako sa nurse station na bantayan siya at parating na rin ang papalit sa akin sa pagbabantay.
Umuwi ako sa bahay at sinabi ko sa kanila ang lahat. Umalis ako ng hindi ko ipinapaalam kung saan ako pupunta. Ayaw kasi nila akong payagan pero tumakas ako kinagabihan dala ang lahat ng bank books ko. Magmula non ay pinutol ko muna ang anumang komunikasyon sa kanila. Nag-deactivate ako ng mga social media accounts ko. Si ate Faith ang tumulong sa akin dahil siya ang nilapitan ko. Nangako naman siya na hindi sasabihin kay kuya Andrew dahil isa si kuya sa mga ililigtas ko.
Tinulungan ako ni ate Faith na makapunta sa Canada at doon sa mga magulang niya ako tumuloy.
Sa pinapasukan kong med school kami nagkita ni Jaytee. Nalaman niya ang lahat ng nangyari. Naging malapit kami sa isa't isa hanggang sa isang araw, inalok niya ako ng kasal para sa citizenship ko dito.