Chapter 4 - pang-apat na liham

ikalawang araw ng Hunyo, 1887

Tuwing Sabado palagi kitang nakikita sa may batis, Ginoo. Nagtataka na sa akin noon ang aking pinsan kung bakit gustong-gusto kong sumama sa kanya sa pagpunta sa bahay ng kanyang nobyo. Ikaw. Ikaw ang dahilan, Ginoong Mabini.

Sa batis kasing iyon ay walang tao. Sa batis na iyon mas payapa ang aking pag-iisip. Sa batis na iyon naroroon ka at nag-aaral. Minsan, hindi tayo nag-uusap. Minsan gumagawa lamang ako ng koronang bulaklak o kaya nagbabasa rin.

Kung mag-usap man tayo, laging ikaw ang nauunang magbubukas ng usapan. Kakamustahin mo ako at sasagutin kita. Mga mumunting pag-uusap lang ang ginagawa natin hanggang sa tatahimik ka ulit at tatahimik na rin ako.

Payapa lagi ang Sabado ko dahil sa iyo, Ginoo. Masaya ako nang sinabi mo sa akin noon na ganoon rin ang epekto sa'yo.

At dahil sa paulit-ulit nating sekretong pagkikita sa batis, mas nahulog ang loob ko sa'yo. Nakakatuwa, hindi ba? Ikaw lang naman ang kaibigan kong laging nakikita tuwing Sabado. Ang tahimik kong kaibigan na minsan ko lang ring nakakausap. Ngunit, nagustuhan ko ang ugali mong iyon, Ginoo.

Hindi ako mahilig sa maingay na tao, alam mo iyon. Mabilis akong mapagod sa mga ganoong tao. Kaya, hindi na siguro nakapagtataka na iibig ako sa isang tahimik na binatang tulad mo.

[ - ]

"BAKIT ka nagpapaturo sa akin na tumugtog ng gitara, Manuela?" tanong ni Eustacio kay Manuela. Ito lang kasi ang isa pang lalaking kilala niya kaya ito lamang ang natanong niya ukol doon.

"Ika'y mahusay tumugtog, Eustacio," simpleng sagot naman niya rito, narinig niya kasi ang binatang tumugtog nang minsang haranahin nito ang kanyang pinsan. At mas makakatulong iyon para makumbinsi niya ang binata, madali kasing kausapin si Eustacio kung pupurihin mo siya.

Ayaw niyang sabihin dito ang tunay na dahilan kung bakit gusto niyang matutong tumugtog. Sigurado siyang hindi ito papayag kung sabihin niya man. Kahit na sinong pagsasabihan niya ng kanyang plano ay hindi papayag sa gusto niyang gawin.

Ngumisi naman si Eustacio sa papuri niya. "Ganoon ba? Ngunit bakit naman magugustuhan ng isang binibining matutong tumugtog ng gitara?"

"Magiging sekreto lamang natin ito, Eustacio. Kahit si Socorro lang ang pagsabihan mo."

Napakunot noo naman ito at nagtatakang tinignan siya. "Bakit ko naman gagawin iyon?"

"Dahil isusumbong ko kayo kay Tiyo. Sasabihin kong sa tuwing sumasama ako sa inyo ay hindi ko kayo binabantayan. Wala akong pakialam kung pagalitan man ako," diretsa niyang sabi. Labag sa kalooban niyang suhulan ito ngunit marami kasi itong tanong.

Agad namang napaubo ito sa sinabi niya. Nasa kalagitnaan kasi ito ng pagkain ng mansanas na muntik pa nitong maibuga palabas dahil sa kanya. "Manuela naman..."

"Tuturuan mo na ba ako, Eustacio?" pigil ang hiningang tanong niya. Pinatigas niya ang seryosong ekspresyon sa kanyang mukha kahit na nanginginig ang kanyang mga kamay. Alam niya na hindi niya dapat ginagawa iyon. Siya ang babae. Laging ang mga lalaki ang may karapatang laging masunod sa kung anong gusto nila.

Nang tumango na si Eustacio ay doon lang siya nakahinga ng malalim. Ninenerbyos namang tumawa ang binata. "Tama nga si Socorro. Nakakatakot kang magsalita kaya lagi kang tahimik."

Napailing siya sa sinabi nito at hindi na ipinagtanggol ang sarili. Ang importante lamang sa kanya ay matutong tumugtog ng gitara. Laitin man siya nito ay iindahin na lamang niya.

[ - ]

IISA lang ang ilaw na nakita ni Manuela sa bahay na tinutuluyan ni Pole, iyon ang lamparang ginagamit nito. Nasa tapat ng bintana ang binata at kasalukuyang nagsusulat sa papel habang nagbabasa. Kahit na hindi ganoon kaganda ang ilaw na ibinibigay ng lampara ay masipag pa rin itong nag-aaral.

Napayakap naman si Manuela sa gitarang hawak-hawak. Hindi niya alam kung magpapatuloy pa ba siya sa plano niyang gawin. Para kasing makakaabala lang siya.

Plinano niya ang gabing iyon. Ilang beses na siyang dumaan upang siguraduhin na alam niya kung saan ang tinutuluyan nito. Inalam niya rin kung kelan natutulog ang mga kasama nito sa bahay. Nagpatulong pa siya kay Socorro para lang makatakas siya sa mansyon at makarating rito.

At ang kanyang mga malalambot na kamay ay nasaktan dahil sa kanyang pag-aaral sa pagtugtog ng gitara. Nakapagsinungaling na rin siya ng ilang beses sa kanyang mga magulang at sa kanyang mga nakakatandang kapatid nang nagtanong sila kung napano ang kanyang mga kamay. Marami siyang pinaghirapan upang makarating siya ngayon.

Ngunit, ngayon pa lamang na pinapanood niya ang pagsisipag nitong mag-aral ay gusto na niyang umalis at kalimutan ang kahibangang pumasok sa isip niya. Ano nga bang magandang maidudulot ng plano niyang gawin? Makakatulong ba siya?

Alam niya ang sagot.

Sadyang makulit ang kanyang puso at ayaw niyang masayang ang paghihirap niya sa mga nakaraang araw. Kaya dumiretso siya sa isang mahabang kahoy na naroroon. Umupo siya at inilabas ang maliit na bato na nasa kanyang bulsa. Itinapon niya iyon at sakto namang natira nito ang balikat ng binata. Nagtatakang napatingin ito sa labas at hinanap kung sinuman ang gumawa noon. Hindi nagtagal ay nakita siya nito.

"Binibini. Bakit ka nandito?" pabulong na sigaw ng binata. Nakakunot-noo ito at mukhang hindi nito nakita ang dala niya.

Kumaway naman siya at inilapag ang gitara sa kanyang kandungan. Gamit ang nanginginig na mga daliri ay nagsimula siyang tumugtog. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at ibinuka ang kanyang bibig upang umawit.

Marunong siyang umawit sadyang hindi lang niya ginagawa iyon sa harap ng maraming tao. Tanging ang pamilya niya lamang ang nagkaroon ng tsansang marinig ang kanyang boses. Lagi nilang sinasabi na para siyang anghel kung siya ay kumakanta.

Wala naman siyang narinig na kahit ano mula kay Pole subalit nararamdaman niya naman ang pagtitig nito sa kanya. Napalakas naman ang kanyang loob dahil doon at unti-unti na niyang iminulat ang kanyang mga mata upang tignan ito. Sa ginawa niyang iyon nakita niya naman ang pagkuha ng binata sa lampara at ang pag-alis nito sa bintana.

Tila bumigat ang kanyang dibdib at nagkaroon ng bigik sa kanyang lalamunan. Hindi na lang niya inisip ang pagkadismaya, ipinagpatuloy na lang niya ang pagtugtog at pagkanta, kahit umalis man ito ay maririnig pa rin naman ng binata ang gusto niyang iparating. Kaya iyon na lamang ang ginawa niya.

Ngunit, puno pala ng sorpresa si Pole. Dahil 'di naglaon nakita niya ang ilaw mula sa lampara ng binata at nasa harapan na niya ito, dala nito ang librong binabasa pati na ang dalawang kumot. Ngumiti ito sa kanya at inilagay ang kumot sa kanyang mga balikat at inilagay naman nito ang lampara sa kanyang tabi.

Naupo na rin ito at nagsimulang magbasa muli.

Alam niyang malawak na ang kanyang pag-ngiti dahil sa ginawa nito kaya mas ginanahan niya ang pagtugtog at ang pagkanta. Itinuloy niya lamang iyon hanggang sa hindi na rin niya nagawang magpatuloy at nagawa na lang niyang mahinang kalabitin ang mga pisi ng gitara.

Iyon na lamang ang naririnig bukod sa paglipat ni Pole ng mga pahina sa kanyang libro. At akala niya iyon na lamang ang maririnig niya hanggang sa nagsimulang kumanta ang binata. Naramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso nang marinig niya ang boses nito.

Marunong palang kumanta si Pole. Malumanay lamang ang boses nito at bumabagay sa kinakanta nito.

Nasa wikang Kastila ang mga liriko ng kanta ngunit alam niya kung anong klaseng kanta iyon: isang awit para sa iyong iniibig.

Lihim siyang napangiti. Ayaw niyang pangunahan ang sarili ngunit hindi naman niya mapigilan ang mas lalong paghulog niya sa binata. Lalo na at ang kantang iyon ang lagi niyang naririnig na inaawit ng kanyang Ama sa kanyang Ina sa tuwing natutuwa ito.

Inayos niya ang kamay at ibinagay ang pagtugtog sa kanta ng binata. Ipinikit niya ang mga mata at nakinig na lamang sa pag-awit ng binata.

Hindi na niya pinagsisihan ang ginawa niya at pakiramdam niya kahit na nananakit pa rin ang kanyang mga daliri ay wala na siyang pakialam.

Sa ilalim ng mga mumunting bituin at ng isang nakangiting buwan, sila lamang ang naroroon. Siya, si Pole, at ang lamparang nag-iisang saksi sa naganap na hindi normal sa kanilang panahon. Hindi lumaon ay hindi na niya kinayang tumugtog at hindi na rin ito kumanta.

Binalot sila ng katahimikan at ibinaba niya ang kanyang gitara at inayos ang upo upang mas harapin ito. "Gusto kita, Pole," mahinang bulong niya. Nahihiyang umubo ulit siya sa kanyang kamao. "Naririto ako upang ligawan ka."

Takot siya sa maririnig na sagot mula rito kaya hindi niya nilakasan ang kanyang boses. Para kung sakaling hindi man nito marinig ay maari niyang baguhin ang kanyang sinabi. Maari niyang sabihin na naroroon lamang siya upang ipakita rito na magaling siyang tumugtog ng gitara.

Humarap naman sa kanya si Pole at sumilay ang isang sinserong ngiti sa mga labi nito. Umaabot ang ngiting iyon sa nangingislap nitong mga mata.

"Manuela," mahinang sabi nito at inabot ang kanyang kamay. Maingat at marahan nitong idinaan ang mga daliri sa kanyang mga daliring nanigas at nasaktan dahil sa gitara. Nag-init ang kanyang mukha at parang nanlamig ang kanyang kalamnan. Mas lalo pang lumakas ang pintig ng kanyang puso. Maingay sa sarili niyang katawan.

Pumikit naman si Pole at ibinaba nito ang ulo sa kanyang kamay. Naramdaman na lamang niya ang mumunting halik na ginawad nito sa kanyang nasaktang mga daliri. Nakaramdam siya nang nag-uumapaw na damdamin para sa binata at gusto na naman niyang yakapin ito. Pinigilan niya ang sarili.

Nang nag-angat muli ng tingin sa kanya ang binata, lumapit naman ito upang gawaran siya ng halik sa noo. Napapikit siya. Malambot ang mga labi ni Pole dahilan upang hindi niya maiwasang isipin kung ano ang pakiramdam ng mga iyon kapag dumako na ang mga labi nito sa kanya.

"Manuela," bulong ulit nito. Rinig na rinig niya ang boses nito at naramdaman niya ang paghinga nito sa kanyang leeg.

Mas nag-ingay ang kanyang dibdib at nahihiya na siya rito. Halatang naririnig nito ang ingay na iyon. "Umuwi ka na. Gabi na at hindi maaring nasa labas ka pa."

Para naman siyang binuhusan ng tubig sa narinig at mabilis niyang iminulat ang kanyang mga mata. Handa na rin siyang magreklamo dahil sa dinadami-dami ng ginawa nito ay iyon lang naman pala ang sasabihin ng binata. Ngunit nang nakita niya ang damdamin sa mga mata nito ay namatayan na naman siya ng mga salita. Sa halip, napatango na lamang siya.

[ - ]

Umuwi ako noon na napakalawak ng ngiti sa aking mga labi. Hindi mo man sinabi sa akin kung ano ang sagot mo sa aking mga damdamin ay ipinadama mo naman iyon sa iyong pagtingin. Na kahit hindi ko narinig ay naramdaman kong parehas tayo ng nararandaman.

Ito ang pinakaimportanteng alaala sa akin Pole. Ito ang araw kung saan naglakas loob akong sabihin ang aking damdamin. Hindi ko pinansin ang lahat ng mga batas ng ating panahon. Ginawa ko lamang kung ano ang sa tingin kong tama. Ginawa ko lamang kung ano ang pinipintig ng aking puso.

Mahal na mahal kita, Ginoong Mabini.

Nararamdaman ko iyon sa tuwing naaalala ko ang pangyayaring ito. Kahit alam kong ilang araw na mula sa huli nating paghihiwalay at isinusulat ko na lamang ang mga liham na ito upang saktan ang aking sarili sa masasaya nating alaala ay wala akong pakialam.

Ako, ikaw, at ang mga liham lamang ang nakakaalam.

Patuloy na nagmamahal,

Manuela