Chapter 6 - pang-anim na liham

ika-apat na araw ng Hunyo, 1887

Nauna kang bumalik sa Maynila. Nanatili pa ako sa amin at kinuntsaba ko si Socorro at Eustacio para mapilit ang mga magulang ko. Ang magiging kwento namin ay gusto kong matutong magpinta sa ilalim ng Tiyahin ni Eustacio. Sasama rin sa akin si Socorro at para sa akin nangako siyang magtino. Itinagal lang ng isang buwan at pumayag na rin sila. Sabay kaming dumating ni Socorro sa Maynila at nanirahan sa Tiyahin ni Eustacio.

Sinabihan mo akong hanapin ka sa isang plaza na malapit lamang sa lugar na aming tinutuluyan. Tahimik roon at wala masyadong tao. Naniwala ako sa'yo dahil nangako kang hindi ka na mawawala sa aking tabi. At pagdating ko naroroon ka nga, nakangiti, nagbabasa muli ng aralin.

Doon na nagsimula ang lahat. Laging Sabado lang tayo nagkikita at sa Linggo sabay tayong pumupunta sa misa tuwing gabi. Hindi tayo nagsasama sa matataong lugar. Hindi tayo nagsasama sa mga kilalang lugar. Puro sa mga tago. Puro sa mga lugar kung saan ikaw lamang at ako.

Wala naman tayong ginagawang malisya. Sa katunayan, tuwing Sabado, lagi mong dala ang iyong aralin at ang iyong mga gagawin. Gusto mo kasing maging abogado at marami kang librong kailangan basahin at namnamin. Kasama na rin doon ang mga aralin mo sa kursong kasalukuyan mong kinukuha.

Hindi ako naging sagabal sa'yo. Sa halip, inalok pa kitang ituro mo ang mga inaaral mo sa akin para mas mapadali sa'yo. Hindi ka naman tumanggi at hindi naman ako nagsisi.

Marami akong natutunan mula sa'yo at gustong-gusto ko ang ekspresyon sa iyong mukha habang tinuturuan mo ako. Mas nagniningning ang mga mata mo at mas lumalawak ang iyong ngiti. Mahal na mahal mo rin pala ang pagtuturo.

Andami mong kayang gawin, Ginoo. At iyon ang mas hinangaan ko sa'yo. Dahil sa'yo, mas nagpursige akong matuto talagang magpinta. Gumawa na rin ako ng gawaing bahay kahit ayaw akong utusan ng Tiyahin ni Eustacio. Hindi naman kinaya ng butihing Tiyahin ang ginagawa ko kaya naman binayaran niya ako.

Isa lang ang ginawa ko sa perang iyon. Ibinigay ko sa'yo. Mas kakakailanganin mo kasi iyon at kailangan pa kitang pilitin para tanggapin mo.

[ - ]

"MANUELA," halos pabulong nang wika ni Pole nang basta niyang kinuha ang kamay nito at inilagay ang kita niya nang isang linggo. Itinaas nito ang ulo sa kanya at pinandilatan siya nito. "Ano ito, Manuela?" tanong nito sa halos nabasag na atang boses.

Hindi niya alam kung dapat ba siyang kabahan dahil nakikita niya ang takot sa mga mata nito. Hindi niya alam na hindi ito magiging masaya sa ginawa niya. Ngunit, ayaw niyang magpatinag. Hindi niya naman gagamitin ang perang iyon dahil hindi naman niya kailangan magbayad ng renta o isipin ang kakainin. Mas kailangan ito ng nobyo. Pansin niya ngang nagtitipid na rin ito sa pagkain. "Sinahod ko iyan, Pole. Tumulong ako sa gawaing bahay kila Tiya Isabel. Nahiya siya sa akin kaya sinahuran niya ako."

Kinuha nito ang mga kamay niya at tahimik na ibinalik ang pera ngunit hinigpitan niya lang ang kamay sa pulsu-pulsuan nito at ibinalik ito sa nobyo. Bago pa ito makagawa ng kahit ano ay hinawakan niya ito sa batok para mapababa ang ulo nito at magdikit ang kanilang mga noo.

"Pakiusap, Pole..." sinserong sabi niya. "Hayaan mo akong tulungan ka. Mamatay ka sa ginagawa mong pagtitipid sa iyong sarili. Kaunti lang ang sahod ko ngunit mas kailangan mo ito."

"Manuela..." Pumikit ito nang mariin. Sa sobrang diin nang pagkakapikit nito ay pakirandam niya dapat siyang kabahan. Hindi na kasi ito nakangiti at randam niya ang pagpipigil nitong magsalita o maglabas ng kahit anong emosyon. "Bakit mo ginagawa para sa akin ito?"

"Mahal kita. Dahil mahal kita," lumapit siya para halikan ito at hindi ito tumugon. Ngunit, hindi siya tumigil, hinalikan niya lang ito at paulit-ulit na sinabing mahal niya ito. Iyon lamang naman ang rason niya. Wala na siyang pakialam na hindi na malambot ang kanyang mga kamay. O nakakapagod ang gumawa ng mga bagay na hindi niya naman talaga ginagawa noon.

Ang iniisip niya lang nang ginawa niya ang ginawa niya ay si Pole. Alam niyang makakatulong siya kay Pole kung nagtrabaho siya. Narandaman niya ang paghapit nito sa kanya papalapit at ang pagtugon nito sa kanyang mga halik. Banayad iyon at mahina hanggang sa pumarehas na ito sa intensidad ng kanyang damdamin. Narandaman na rin niya ang paghawak nito sa kanyang batok.

"Mahal din kita... Mahal na mahal kita," bulong nito nang ito na mismo ang bumitaw sa kanya. Hindi niya makita ang ekspresyon nito dahil ibinaon nito ang ulo niya sa dibdib nito. Hinalikan ni Pole ang tuktok ng ulo niya. "Ikaw ang isa sa mga pinakamasayang regalo ng Diyos sa akin, Manuela. Alam mo iyon, diba?"

Tumango siya at niyakap ito. "Ngayon ko lang nalaman. Maraming salamat sa kaalamang ganoon ang tingin mo sa akin, Pole. Isa ka rin sa mga pinakamasayang regalo ng Diyos sa akin."

Saglit siyang binitawan ni Pole at basta bastang kinarga pataas. Napahiyaw naman siya sa ginawa ng nobyo. Inalalayan naman siya nito at binuhat na parang batang paslit. "H-Hindi ba ako mabigat, Pole?"

Umiling lang ito at ngumiti. "Tumingin ka sa langit, mahal."

Sumunod naman siya sa sinabi nito at ngayon lang niya napansin na ang daming mga bituin sa kalangitan. Madilim kasi ang gabi dahil hindi pa maliwanag ang buwan. "Ngayon lang ako nakakita ng ganito karaming bituin, Pole."

"Matagal nang marami ang mga bituin dito," wika naman nito. Hinarap niya ito ngunit sa kanya ito nakatingin. Pakirandam niya ay malakas na ang kabog ng kanyang dibdib. "Sa akin ka nakatingin, Pole."

"Ikaw lang naman ang natatanging bituin na bumaba para lang sa akin."

Ngali-ngaling paluin niya ito ngunit pinigilan niya ang sarili. Sa halip, tumingin na lang ulit siya sa kalangitan. "Gusto kong makakita pa ng mga ganitong kalangitan kasama ka, Pole."

"Marami pa tayong makikita, hindi naman sila basta bastang mawawala."

Hinarap niya muli ito at masayang hinalikan muli sa mga labi. Mas nilapit naman siya nito at hinalikan rin pabalik. Mahal na mahal niya ito na sa tingin niya, hindi na niya kayang magmahal pa ng ibang tao. Si Apolinario lang ang mamahalin niya pang-habang buhay.

"Pole..." bulong niya nang maghiwalay na sila. "Tutulungan kita sa lahat nang aking makakaya, ayos lang ba sa iyo?"

Hindi ito sumagot agad, sa halip, ibinaon muli nito ang ulo niya sa balikat nito. Huminga ito nang malalim at narandaman niya ang paghaplos nito sa buhok niya. "Huwag mo masyadong pagurin ang iyong sarili, mahal. At kahit itigil mo kung kelan mo gusto, ang importante sa akin ay nandito ka sa aking tabi."

Niyakap niya ito pabalik. "Hinding hindi kita iiwan, Pole. Makakasa ka."

"Hinding hindi rin kita iiwan, Manuela."

[ - ]

Habang inaalala ko ang araw na iyon, alam ko na kung saan hindi ka magaling. Mas napatunayan ko iyon ng isang araw...

[ - ]

ISANG ilog naman ang naging bagong tagpuan ni Manuela at Pole sa Maynila. Doon sila nagkikita nang madalas tuwing Sabado. Sa isang Sabado, nakahiga ang binata sa kandungan niya. Kung dati-rati ay may dala itong libro, wala itong dala ngayon. Sa halip, humiling lang itong humiga sa kanyang kandungan.

Tinatakpan ng binata ang mga mata gamit ang isang braso samantalang tahimik namang hinahaplos ni Manuela ang buhok nito. Hindi ulit ito nagsalita at dahil sanay na si Manuela sa katahimikan nito, hindi siya nagtanong. Alam niyang may mga bagay na hindi kayang sabihin si Pole at bilang nobya nito, umiintindi na lamang siya.

Makikinig siya sa oras na gustuhin nitong magsalita. Pati naman siya ay hindi masyadong nagkwekwento rito ng mga problema niya. Dahil tuwing Sabado lang niya ito nakikita, mas gugustuhin niyang maging masaya na lamang na kasama ito kaysa dumagdag sa problema nito.

Kailanman ay ayaw niyang maging pabigat sa iniirog.

"Manuela," usal nito at dahan-dahan nitong itinaas ang braso mula sa pagkakatakip sa mga mata. Maliit na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Pole.

Nginitian niya ang nobyo. "Ano iyon, Pole?"

"Ayos lang ba talaga sa iyo ang ganitong pamumuhay?" Mahinang tanong nito na para bang kung malakas itong nagtanong ay may kung anong masisira.

Gusto naman niyang matawa sa sinabi nito. "Ano ka ba, Pole? Isang taon na ang nakalipas simula nang sundan kita. Ngayon mo lamang talaga ako tatanungin kung ayos lang sa akin?"

Sinimangutan siya ng binata bago napapailing na kinuha ang kanyang mga kamay. "Dati, napakalambot ng iyong mga kamay, Binibini. Ngayon, magkasing-gaspang na ata tayo."

Inilapit naman nito ang kamay niya at binigyan ng mga mumunting halik.

"Sinisisi mo ba ang sarili mo dahil lumuwas ako para sa'yo? Na nagtrabaho ako para sa'yo?" nawawala ang ngiti na tanong niya.

Laging nakangiti si Pole. Iyon ang problema niya. Hanggang ngayon, nakangiti na naman ito kahit na hindi naman iyon ang nasa tono ng nobyo.

Hindi sumagot si Pole. Sa halip, inilagay lang nito ang mga daliri sa pagitan ng kanya at huminga nang malalim.

Lumamlam naman ang kanyang mga mata at gusto niyang umiyak. Hanggang ngayon siya na naman ang iniisip nito gayong pati naman ito ay nahihirapan. "Mahal kita, Apolinario," iyon na lamang ang nasabi niya. Sinabi niya iyon sa isang masuyong bulong at ginawaran niya pa ng halik ang noo ng binata. "Mahal na mahal kita. Hinding hindi kita iiwan."

Isang yakap naman ang ibinigay sa kanya ng binata at niyakap niya rin ito. Hindi siya nagsalita nang naramdaman niya ang mga luha na pumapatak sa kanyang likod. Hindi siya nagtanong. Ang tanging ginawa niya lamang ay yakapin ito at hayaan itong maglabas ng damdamin.

Nanatili sila sa ganoong posisyon at randam na randam ni Manuela ang mga bagay na hindi sinasabi ni Pole. Ang sarili nitong kalungkutan, ang sarili nitong paghihirap, ang sarili nitong hanggang ngayon ay hindi pa nito binibigyan ng boses.

Ngunit sa tahimik lang nitong pagdaing doon niya lamang naintindihan. Kumapit ito sa kanya na parang kung wala itong makakapitan ay hindi na nito kakayanin. Na parang basta na lamang itong ililipad ng hangin at mawawala.

Kung buhay ang pagtawa nito, mas buhay ang pag-iyak nito. Masuyo niyang hinagod ang likod nito para ito'y aluin. "Tao ka rin, Pole... Huwag na huwag mong kakalimutan iyan."

[ - ]

Ngunit kinalimutan mo siguro iyon, Pole. Dahil iyon lamang ang oras na umiyak ka sa aking harapan. Iyon rin ang oras na huli kang nagsalita patungkol sa iyong damdamin.

Umasa naman ako na kahit wala akong masyadong maitulong sa'yo ay hahayaan mo akong marinig ang iyong mga hinaing. Ngunit hindi mo ginawa, nahihimigan ko naman kung kelan ka may iniinda. Dahil sa bawat oras na hindi mo na kinakaya doon ka kumakapit sa akin.

Hindi mo lamang pinapahalata ngunit mas lumalapit ka sa tuwing kailangan mo ng lakas. Nagsisimula sa simpleng pagkuha mo ng kamay ko at paglagay niyon sa iyong pisngi, sa mga mumunting halik sa aking noo at sa aking kamay, at sa pagtabi mo sa akin na halos magkadikit na ang ating katawan.

Hindi ako nagsalita. Hindi ako nagtanong. Inisip ko na lamang na darating rin ang araw na magsasabi ka. Hindi rin naman ako nagsasabi ngunit sana hindi mo napansin.

Nang mga panahon kasing iyon ay nahihirapan rin ako na hindi sabihin na may nobyo na ako. Marami pa ring nirereto sa akin ang aking mga magulang, ipinapadala pa nila sa Maynila para aking kilatisin. Ilang beses kong kinailangan magtago, magkunwaring parang isa sa mga katulong ni Tiya Isabel para lamang iwasan ang mga iyon.

Hindi ko sinabi sa iyo dahil mababaw lang naman ang aking mga problema. Hindi naman makakatulong sa'yo kung nalaman mong may mga pinapadalang manliligaw sa akin. Hindi mo naman sila kailangang isipin. Ngunit, isang araw may muntikan nang nagtangka sa akin, sinabihan niya akong nagpapakipot, malandi, at sinubukan niyang ipilit ang sarili sa akin. Hindi ko alam ang gagawin noon, Ginoo.

Walang naroroon. Walang mangyayari kahit sisigaw ako. Ngunit nanlaban pa rin ako dahil sa takot at dahil sa iyo.

Kung hindi lamang dumating si Eustacio at Socorro ay malamang napagsamantalahan na niya ako. Hindi ko sinabi iyon sa'yo at nang magkita tayo ng Sabado, doon mo ako unang niyakap at doon ka nagsimulang umiyak.

Nagpatuloy tayong ganoon. Tuwing Sabado laging may maskara sa mga mukha, laging kunwari tayo'y masaya sa ating mga buhay. Laging dapat ikaw ang uunahin kong isipin. Laging kumakapit sa isa't isa ngunit walang sasabihin.

Tahimik. Napakatahimik.

Umaasa ako sa iyong ngiti at sa iyong maamong mukha. Umasa ka sa aking mga yakap at sa aking presensya. Walang nagsasabihan. Walang gustong maging mahina.

Ayokong ako ang iyong isipin sa tuwing dapat ang iyong pinagtutuunan ng pansin ay ang iyong pag-aaral. Ayaw mo namang maging pabigat sa akin dahil alam mo kung gaano karami ang sinakripisyo ko para lamang manatili sa iyong tabi.

Ginoo, pinagsisihan ko ang mga araw na iyon. Dapat nagsalita ako, dapat pinilit kitang magsalita. Dapat nagsalita ka. Dapat nag-usap tayong dalawa.

Dahil noong araw na iyon, nakita ko ang isang Pole na kelanman ay hindi ko nakita dahil nagbulag-bulagan ako. Pinili ko ang hindi maging pabigat at hindi ko iniisip na nasasaktan pala kita.

Alam mo ang mga nangyayari sa akin. Nahihimigan ko ang mga nangyayari sa'yo.

Parehas tayong lumuluha sa tuwing wala tayong magawa para sa isa't isa maliban sa magpanggap na masaya at umasa na ililigtas tayo ng pagmamahal natin sa isa't isa.

Apolinario... patawarin mo ako. Patawarin mo ako sa mga araw na nandyan ako ngunit wala akong ginawa para sa'yo.

Mahirap na namang magsulat at tumutulo na naman ang aking mga luha. Tutuldukan ko na ito at sa susunod, ikwekwento ko na ang araw na bumagsak na ang lahat. Ikwekwento ko na ang araw na ikaw mismo ang bumitaw sa atin.

Malapit na akong tuluyang magpaalam sa iyo, Ginoo.