Chereads / Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini / Chapter 10 - pangatlong liham: kasagutan

Chapter 10 - pangatlong liham: kasagutan

ika-tatlumpong araw ng Marso, 1903

Magandang gabi, Binibini. Tama ka, hindi na kita binabati dahil alam kong may sasabihin sila. At sa dinadami dami ng taong may sinasabi, ayokong pati ikaw ay maisama roon. Hindi ko gustong may nasasabi rin sila ukol sa'yo na masama. Ngunit, kung hindi mo mamasamain, marami rin akong narinig. Hindi ko sila pinaniwalaan.

Hindi naman kita lubos na kilala upang paniwalaan ko ang mga sinasabi nila. At kahit na totoo man iyon ay alam ko ang rason kung bakit ganoon ang iyong pakikitungo sa mga tao. Tulad nang una kong sinabi, nakita ko na pinagsabihan ka ng gabing iyon.

Alam ko na palaging tinitignan ng mga magulang mo kung paano ka umaakto sa harap ng mga tao. Gusto nilang lagi kang nakangiti. Gusto nilang lagi kang presentable. Gusto nilang madali ka lamang makakausap ng kahit na sino.

Inihahanda ka nila para may makakita sa'yong kapwa mong anak mayaman at hingin ang iyong kamay. At dahil natural na sa iyong maging masunurin, hindi ka nagreklamo. Ngunit, kung hindi sila nakatingin, hindi mo pinipilit ang sarili mong umakto sa kung anong gusto nila. Nagiging ikaw lang si Manuela, ang simple at tahimik na dilag na gusto ang katahimikan.

Iyon ang napansin ko sa iyo, Binibini. Iyon rin ang dahilan kung bakit mo ako napaibig.

Sa katunayan, nagsimula na akong ibigin ka simula nang nakita kita muli sa batis ng aking kaibigan na si Eustacio.

[ - ]

HINDI alam ni Apolinario kung ano ang gagawin nang dumating si Manuela sa batis. Pigil ang hiningang tinignan niya ang dalaga at mabilis rin siyang napaiwas ng tingin nang nagsimula nitong itaas ang suot na palda. O, Diyos ko, plano ba ng Binibining maligo? Bakit naman dito pa?

Ang akala niya ay wala nang ibang pupunta sa batis dahil iyon naman ang sinabi ni Eustacio nang ipinahiram nito ang mga libro sa kanya kani-kanina lamang. Basta bigla na lang sumulpot ang dalaga na hindi niya nakita ng ilang linggo. Simula kasi nang tumigil siyang batiin ito ay sinubukan na rin nitong huwag siyang tignan.

Aalis na lamang ba ako? Ngunit, kung ako'y gumalaw ay maririnig niyang naririto ako.

Napapapikit siya sa kaba at hinintay na may marinig mula kay Manuela. Ngunit makalipas lang ang ilang minuto ay ang pagpipitas lang ng bulaklak ang narinig niya. Dahan-dahan at labag sa kalooban na dumako ang kanyang tingin sa dalaga.

Nakaupo na ito sa isang bato at nakalagay naman ang kalahati ng paa nito sa batis. Tahimik na namimitas ito ng bulaklak. Wala na naman itong pakialam sa paligid at pumunta na naman ito sa sarili nitong mundo. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung papaano nga ba nito nagagawa iyon.

Napahinga na lamang siya nang malalim at ibinalik ang atensyon sa binabasa. Mabuti na lamang at hindi naman pala iyon ang plano ng dalaga, kung sakali ay kakaripas na siya ng takbo at hihingi na lamang nang maraming paumanhin dito.

Saglit na nagawa niyang hindi ito pansinin. Saglit na ang naririnig niya lamang ay ang tunog ng tubig sa batis. Saglit na ang binabasa lamang niya ang nabibigyan niya ng buong atensyon. Saglit na kunwari sa iba nakatuon ang atensyon niya.

Hanggang sa naisip niyang itaas ang ulo at tignan kung naroroon pa si Manuela.

Nakaupo ang dalaga sa batuhan at payapa ang ekspresyong gumagawa ng koronang bulaklak. Subalit sa mga mata naman nito'y nakikita niya ang pagtatagis ng emosyon. Mukhang may iniinda ito at pilit na iwinawaksi lamang gamit ang paggawa ng kung ano.

Ibinaba niya muli ang tingin sa binabasa at sinubukang doon na lamang ilagay ang atensyon. Ayaw niyang makialam sapagkat ayaw niyag isipin ng dalaga na gusto niyang malaman ang mga nangyayari sa buhay nito. Hindi rin naman niya ito matutulungan kung sakali.

Tama na, Pole. Huwag mo na siyang isipin.

Nagtagumpay naman siya ng ilang minuto dahil hindi niya napigilang tignan muli ito. At bago pa man siya makapag-isip ay nagawa na niyang magsalita. "Mukhang malalim ang iyong iniisip, Binibini."

[ - ]

"BAKIT naman kita pagtatarayan?"

Napailing na lamang siya sa tanong na iyon. Baka kung sagutin niya ang dalaga ay malaman nitong iba ang tingin niya rito. Ito lang kasi ang nagagawang kausapin siya na parang magkaparehas lamang sila ng estado. Ni hindi nga ata ito iniisip ng dalaga. At dahil doon, napapangiti na lamang siya.

Hindi naman ito nagtangkang hingian siya ng sagot kaya sa halip, ibinalik na lamang niya ang atensyon sa pagbabasa. At ngayon, nagawa na niyang lampasan ang isang talata na kanina niya pa ata paulit-ulit na sinusubukang basahin. Nagawa niya pang mailipat ang libro sa susunod na pahina. Mas magaan na rin ang kanyang pakiramdam kaysa noong mag-isa lang siya.

Hindi niya alam na maari pala siyang makaramdam ng kapayapaan dahil lamang sa simpleng presensya ng isang tao. Mas ginanahan pa siyang mag-aral. Sadyang tulad ng dati, hindi niya naiwasan na dumako ulit ang kanyang mga mata sa dalaga. Nagtatakang nakatingin naman ito sa bagong gawa nitong koronang bulaklak. Mukhang hindi nito alam kung ano ang tawag roon.

Simpleng napangiti siya. May paggamitan rin pala siya ng mga binasa niya patungkol sa mga bulaklak. May isa kasing librong ganoon si Eustacio na binasa niya kahit na hindi naman iyon kasama sa kanilang mga aralin.

"Mga bulaklak 'yan ng orkidyas at may mga gumamela," magiliw niyang wika na agad naman nakakuha ng atensyon ng dalaga

Napapiksi ito at tinignan siya. "A-Ang akala ko ay umalis ka na, Pole. Nandyan ka pa pala."

Napailing siya sa sinabi nito. Hindi niya gawaing umalis ng hindi nagpapaalam. Kung unang beses niya iyong ginawa rito noon, ngayon ay hindi na niya gagawin. Nakakahiya naman sa dalaga. "Hindi naman ako umalis," wika niya. "Hindi mo naman ako itinataboy. At kung ako'y aalis man, hindi naman magalang na hindi ako magpaalam sa iyo."

Mabilis itong nag-iwas ng tingin at nakangiti naman niyang ibinalik muli ang atensyon sa binabasa. Nagsimula na rin siyang magdagdag sa sinusulat niya sa mga papel na dinala niya roon. Iilan lang iyon kaya tinitipid niya at sinisiguro niya pa ring naiintindihan niya ang kanyang sinusulat.

"P-Pole."

Binalingan niya ang dalaga at mukha naman itong kinakabahan. Nanginginig kasi ang mga kamay nito habang hawak-hawak nito ang koronang bulaklak. Iniharap niya ang mga bulaklak sa kanyang direksyon.

"Ano iyon, Binibini?"

"G-Gusto mo bang kunin ang koronang ito?"

Nagulat naman siya sa sinabi ng dalaga. Mabilis itong nag-iwas ng tingin at nakita niya ang pamumula sa likod ng tenga nito. Napangiti siya. Kung ang mga tao siguro'y hindi ito hinuhusgahan kaagad ay maaring makita nila ang parteng ito ng dalaga. Mabilis itong mahiya, simple lang ang mga bagay na ginagawa nito para mapasaya ang sarili, at hindi man ito komportable sa presenya ng maraming tao ay nakakausap mo ito nang hindi ka nito susungitan o aawayin.

Ibinaba niya ang hawak na pluma at binagtas ang mga bato para makapunta sa tabi nito. Umupo siya roon at inilahad ang kamay sa dalaga, "Akin na, Manuela."

[ - ]

"POLE," narinig niyang sambit ni Manuela matapos nitong subukang koronahan siya. Natuwa naman siya sa sarili dahil hindi pa iyon naging korona kundi naging kwintas. Sadyang napakapayat na pala niya. Siguro nasanay na rin siya sa pagiging buto't balat na hindi niya pa iyon napansin. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay bigla niyang naramdaman ang mga braso nito sa kanyang katawan.

Niyayakap siya ni Manuela.

Napabuka siya ng bibig para sana magsalita ngunit narinig niya naman ang biglang paghikbi nito. Naramdaman niya rin ang pagtulo ng isang luha sa kanyang likod. Pakiramdam niya ay parang biglang sumakit ang kanyang puso at natuyo ang kanyang lalamunan.

"Manuela, bakit ka umiiyak?" nagawa na lamang niyang itanong kahit nararamdaman na niya kung ano man ang rason nito.

Sa halip na sumagot ay mas hinigpitan lang ng dalaga ang pagkakayakap sa kanya at ibinaon pa nito ang mukha sa kanyang balikat. Nakaramdam siya ng munting hiya, dahil sa ginawa nito ay mas malalaman nito kung gaano siya kapayat. Mas malalaman nito kung gaano kababa ang estado niya sa buhay.

Kaba. Kinakabahan.

"Manuela?" Hinawakan niya ang mga braso nito at hindi naman ito tumanggi. Nagawa niya iyong alisin nang matiwasay. Nanatili itong nakapikit at hinayaan nitong makita niya ang mukha nitong puno ng lungkot. Nag-aalalang inilagay niya ang mga kamay sa magkabilang pisngi nito.

"Bakit ka umiiyak, Manuela? May nasabi ba akong masama?" Pinunasaan niya ang mga luha nito at pilit niyang iwinawaksi sa isip ang nararamdaman. Ayaw niyang makitang umiiyak ito. Si Manuela lang ang babaeng mas napalapit sa kanya, kaya hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya alam na makakapagpaiyak pala siya ng babae.

"Pole," iminulat nito ang mga mata at nakita niya ang namamayaning lungkot roon. Kung ibang tao siguro ito ay wala itong pakialam. Hindi ito maawa sa kanya.

Ngumiti siya at inisip na lang na gawin ang sitwasyong nakakatawa. Para lang maibsan ng kaunti ang nararandamang kaba at baka sakaling mapangiti niya na rin ang dalaga. "Ano iyon, Manuela? Sabihin mo sa akin para ika'y tumahan na. Baka isipin nilang nagpapaiyak ako ng babae."

Hindi naman siya nabigo dahil natawa naman ito sa sinabi niya. "Walang ibang naririto."

"Kahit na."

Akala niya hanggang doon na lang, makikisakay na ito sa biro niya. Ngunit, nang nagsalita muli ito ay parang inilublob siya nito sa batis nang hindi nito namamalayan. "Kumakain ka ba, Pole? Bakit sobra ang iyong kapayatan?"

Natahimik siya at nag-iwas ng tingin. Nagbigay na rin siya ng distansya rito at gusto na lamang niyang umalis. Tumakbo. Huwag itong sagutin.

Tinignan niya ang batis at ang repleksyon ng payat niyang pangangatawan. Nakatingin sa kanya si Manuela. Naghihintay. Umaasa. Nalulungkot.

Hindi niya kailangang malaman. Hindi niya kailangang isipin. Alam mo yun, Pole. Makakaabala ka lang.

Huminga siya nang malalim at hinarap ang dalaga na nakangiti. "Ah... Aalis na ako, Binibini. Baka hinahanap na ako," tumayo siya bago pa siya mapigilan nito at nagsimula nang maglakad. Wala sa sariling hinihimas niya ang isa sa mga bulaklak sa korona. Ayaw niyang umalis nang gano'n gano'n lamang. Gusto niya pang magsalita ngunit hindi niya rin alam kung ano ang maari niyang sabihin.

Huminga siya nang malalim. Bakit ka nasasaktan para sa akin, Manuela?

"Huwag kang umiyak, Manuela," wika niya habang nakangiti sa koronang bulaklak. "Hindi pa naman ako patay upang iyakan mo."

"Pole naman."

Nakangiting hinarap niya ito at itinaas niya ng bahagya ang koronang bulaklak. Gumaan kahit kaunti ang bigat ng kanyang damdamin. "Sa akin na ito, ah."

[ - ]

Nang araw na iyon, nagtataka si Ginoong Petran kung bakit may dala-dala akong koronang bulaklak. Sinabi ko na lamang na pinitas ko sa isang tabi at kahit halatang nagsisinungaling ako ay hindi naman nagtanong ang Ginoo.

Tama ka na pinakakaingatan ko nga iyon sapagkat iyon ang una mong regalo sa akin. Doon ko napagtantong malaki ang iyong puso, Manuela. Sinasabihan ka nilang walang puso at hindi ka nakakarandam, ngunit hindi ka nila kilala. Kaya mong makarandam at dahil kaya mong makarandam ay naiintindihan mo ang mga taong malapit sa iyo. Isa ako sa mga taong naniniwala sa kabutihan ng iyong puso.

At nang araw na iyon, kahit hindi mo man napansin, doon kita nagustuhan. Doon ko nakitang kaya mo akong tanggapin kahit na ano man ako. Kaya doon pa lang, hinayaan ko na ang sarili kong magsimulang ibigin ka. Hindi ko naman kailangang sabihin at hindi mo naman kailangang malaman.

Sapat na sa akin noon na panoorin ka lamang.

Sapat na sa akin noon na makita ka lamang.

Hanggang sa nangyari ang mga nangyari sa susunod mong liham. Kaya ititigil ko na muna ito rito at itutuloy ko na lamang sa susunod.

Ang iyong alipin,

Pole