ikadalawampu't siyam ng Marso, 1903
Binibining Manuela, naaalala ko ang araw kung kailan ikaw mismo ang naiinis sa akin dahil pinipilit ko pa ring mag-aral kahit na ako'y inaatake ng malupit na ubo at nilalagnat. Nagawa mo akong puntahan sa aking tinutuluyan at basta ka lamang pumasok, ni hindi ka man lang kumatok.
Nang makita mo akong nagpupumilit na basahin ang aking mga aralin ay basta mo iyong hinablot mula sa aking mga kamay. Ako naman ang sunod mong hinila at dahil wala na akong lakas ay nagpahila ako sa'yo. Ihiniga mo ako sa kama at sabi mo, "Pole... Huwag na huwag kang gagalaw mula riyan kung hindi masasakal kita."
At para mas masiguro pang hindi ko talaga susubukang mag-aral muli ay kinuha mo ang mga binabasa ko at itinago iyon sa kung saan. Pagbalik mo, may dala kang batsa at bimpo. Umupo ka sa tabi ko at inilagay ang basang bimpo sa aking ulo bago mo ako kinumutan nang maayos.
"Nanahimik ka ata?" tanong mo sa akin habang gamit ang isang bimpo ay pinupunasan mo naman ang mga aking mga braso. Ikaw pa mismo ang nagtaas ng aking mga manggas at hindi ko alam kung kakabahan ba ako sa ginagawa mo o hindi.
"Iniisip ko pa kung nanaginip ba ako o hindi," naisagot ko na lamang sa iyo. Pakiramdam ko kasi ay nagdedeliryo lamang ako at dahil gustong-gusto kitang makita ay bigla ka na lamang nagpakita sa akin. Alam mo naman ang nagagawa ng lagnat sa isang tao.
Tinitigan mo naman ako at sinipat ang aking ekspresyon upang malaman mo kung ako ba ay seryoso o hindi. Binigyan kita ng alanganing ngiti. Wala ka nang sunod na sinabi, lumapit ka lang at narandaman ko na lamang ang mga labi mo sa akin. Mariing napapikit ako at tutugunin ko na sana ang iyong halik ngunit doon ka naman humiwalay sa akin. Isang maliit na ngiti ang lumitaw sa iyong mga labi. "May sakit ka, Pole."
"Ikaw ang humalik sa akin, Manuela."
Ngumiti ka lang at tinapos ang pagpupunas sa aking mga braso bago ka tumayong muli. Hindi naman na ako nag-alinlangang imahinasyon lang kita dahil sa ginawa mo kaya napapikit na lang ako. Palagi akong mag-isa dahil nag-a-aral ako sa malayong lugar.
Ikaw ang unang nag-alaga sa akin. Hindi ko nga alam kung papaano mo nalaman na may sakit ako. Ngunit, masaya akong dumating ka. Dahil kung sakali ay maaring nawalan lamang ako ng malay sa kalagitnaan ng pilit kong pag-intindi ng aking mga aralin. At iilan lang ang aking mga kaibigan kaya hindi na imposibleng walang nakapansing nawalan lang ako ng malay.
Ngunit sa iyong pagdating ay may nag-alaga sa akin. Nanatili ka sa aking tabi nang magdamag at kahit alam mong maaring kang mahawa ay natulog ka sa aking tabi. At totoo ngang mahahawaan kita sapagkat pagkagising natin ay ikaw na ang may sakit sa atin.
Sinubukan naman kitang pigilang umuwi at aalagaan na sana kita ngunit niyakap mo lang ako at sinabing kung ako'y mag-isa lang sa tinutuluyan ko ay may kasama ka. Kaya mas mabuti pang pumasok na lamang ako sa klase kaysa sa alalahanin ka. At dahil hindi naman na kita napilit ay patagong inihatid na lang kita pabalik sa iyong tinutuluyan. Sinubukan din kitang halikan bago ako umalis subalit maagap mo akong pinigilan at sinaway. Sinabi mo pang kung hindi ako aalis ay hahabulin mo ako ng walis.
Natutuwa naman ako sa alaalang iyon dahil hindi ko alam kung bakit natakot ako gayong ikaw naman ang may sakit at imposible namang magawa mo ang sinabi mo. Kaya siniguro ko na lamang na makapasok ka bago ako umalis. Ngayon na ako ay nagbabaliktanaw ay naiisip kong maaring sinadya mo akong halikan at sinadya mong dumikit sa akin para mailipat sa iyo ang sakit.
Ganyan ka katapang at ganyan din kabusilak ang iyong puso, Manuela. Kaya naman nang nabasa ko ang iyong pangalawang liham, napapangiti na lamang ako dahil iyon ang mga araw na lubos naman ang hiya mo sa akin. Hindi ko nga alam kung bakit sapagkat parang ang gaan lang naman sa iyo nang una tayong nag-usap noon.
[ - ]
HINDI manhid si Apolinario sa kanyang paligid. Isang araw lamang ang nakalipas simula nang huli niyang makita ang dalaga. At dahil alam niyang kilala na siya nito ay ang dating madalas niyang pagsulyap dito ay hindi niya ginawa ngayon. Ngunit ramdam naman niya ang mga mata nitong sinusundan siya habang binabagtas niya ang daan patungo sa kanyang eskwelahan.
Mainit ang lansangan sa kanyang hubad na paa ngunit wala lang iyon dahil sanay na siya. Ngunit, pakiramdam niya nag-iinit na ata ang kanyang mga pisngi dahil sa pagtitig ng dalaga sa kanya. Hindi niya alam na bibigyang atensyon pala siya nito. Hindi niya rin alam kung ngingiti ba siya upang ipaalam na alam niya ang ginagawa nito. Mabuti na lamang at may hawak siyang libro kaya hindi niya kailangang magdesisyon kaagad.
Sa huli, wala na lang siyang ginawa. Basta nag-dire-diretso lamang siya at nanatiling nakamasid sa hawak-hawak na libro. Ngunit, mas naibalik lamang niya ang atensyon doon nang tuluyan na siyang mas nakalayo. Hindi niya alam na kaya pala nitong tratuhin siyang parang isa sa mga mundo sa mga librong binabasa nito.
Akala niya nga ay isang araw lamang mangyayari, ngunit araw-araw at gabi-gabi na niyang nararamdaman ang mga mata ng dalaga. Sa kanya lang nakatingin at hinahatid siya hanggang sa makarating siya sa malayo. Mukhang may gusto itong gawin, sabihin, ngunit hindi nito ginawa. Ayaw niya namang magtanong at ipahalatang alam niya.
Hindi naman sa ayaw niya ang atensyong nakukuha kay Manuela. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang nagawa niya talagang makuha ang mga mata nito, ang akala niya ay imposibleng mapansin siya nito. Ngunit, dahil naman sa paghatid nito sa kanya ng titig ay pakiramdam niya ligtas siya sa pagpunta at pag-uwi mula sa eskwelahan. Para kasi itong anghel na matiyagang nagmamasid sa kanya at sinisigurong walang masamang mangyayari.
Natagalan din bago siya nasanay sa ginagawa nitong pagtitig hanggang sa hindi na niya iyon pinapansin masyado. Alam lamang niya na lagi siyang hinahatid nito ng tingin. Sapat na iyon sa kanya. Hindi lamang naman ang mga mata nito ang tumitingin sa kanya, pati na rin naman ang mga nagtatakang tingin, ngunit si Manuela lang naman ang importante sa kanya.
[ - ]
KUNG kaya siguro ni Apolinario na lumipad ay ginawa na niya. Matalas ang kanyang mga mata kaya imposibleng hindi si Manuela ang nakikita niyang kasalukuyang nahihirapang kontrolin ang isang nag-aamok na kabayo.
Tumingin siya sa kanyang kanan at kaliwa. Walang kahit sinong malapit na maaring sumagip sa dalaga. Nag-aalalang agad niyang binitawan ang araling binabasa at nagsimula siyang tumakbo. At dahil hindi naman siya sanay sa pagtakbo ay hindi siya pinalad na makatakbo nang maayos.
Nagawa niyang matisod sa mga munting batong sagabal sa daanan. Hindi siya nanatili sa kinasasadlakan, agad siyang tumayo at kumaripas na naman ng takbo.
Tumakbo. Natisod. Tumakbong muli.
Kapos na siya sa hininga nang magawa niyang maabot ang dalaga bago pa ito tuluyang mahulog sa kabayo. Napadaing naman siya dahil mabigat pala ito. Hindi niya iyon inaasahan sapagkat ang alam niya'y payat naman itong tignan. Hindi pa naman siya sanay na bumuhat ng mga bagay bagay.
Nang sinubukan niyang tumulong na bumuhat ng mga mabibigat na upuan ay pinigilan pa siya noon ni Padre Malabanan. Ang sabi nito'y baka matagalan lamang siya at mukhang mapuputol lamang ang kanyang mga braso dahil sa kanyang kapayatan. Napapailing siya sa naging pagbabaliktanaw. Hindi niya binitawan ang dalaga at naniwalang kakayanin niya ito.
"Pole." Ilang araw niya ring hindi narinig ang boses nito at tulad nang dati ay maganda iyon sa pandinig.
"B-Binibini," kapos sa hiningang wika niya sabay nang pagbakas ng pag-aalala sa kanyang mukha. "Hindi ka ba nasaktan, Binibini?"
[ - ]
"NAIS mo bang tawagin kita gamit ng iyong pangalan? O mas nanaisin mong tawagin kitang Binibini o Senyorita?" sinubukan ni Apolinario na hindi magtunog na parang may sinasabi siyang kakaiba. Pinanatili niya rin ang kanyang ngiti sa mga labi.
Gusto niyang malaman kung ano talaga ang tingin ng dalaga sa kanilang mga mahihirap. Alam niyang mayaman ito, hindi naman iyon sekreto dahil lagi niyang nadadaanan ang magandang mansyon ng mga Guevarra.
Mukha namang nagulat ang dalaga ngunit nang makabawi ay hindi niya inaasahan ang naging sagot nito, hindi naman siya nadismaya. "Manuela na lamang, Pole. Hindi ako ang mayaman sa aming pamilya, ang mga magulang ko iyon."
Kulang na lang ay yakapin niya ang dalaga sa narinig. Hindi niya kasi inaasahan na ganoon ang magiging sagot nito. Nang papalabas na kasi siya sa piging ni Eustacio ay may mga lumapit sa kanyang mga dalagang mayaman. Sinusubukan pa nilang bayaran ang kanyang oras para lamang siya ay pumayag na samahan sila.
Nahihiya naman siya sa atensyon na ibinibigay ng mga ito at hindi niya makausap ang mga ito nang maayos. Ang akala niya ay maganda pa rin ang pakikitungo nila sa kanya sa pakumbaba niyang pagtanggi, ngunit hindi magagandang salita ang mga isinagot ng mga ito. Siya pa raw ang namimili. Siya pa raw ang nagkukunwaring walang interes.
Ngunit, ang dalagang kasalukuyang nasa tabi niya ay iba ang pananaw sa sariling estado sa buhay. Ni hindi ito katulad ng kaibigang si Eustacio o ng pinsang si Socorro na parehas na komportable sa estado ng buhay. Hindi niya naman sinasabing ayaw ng dalawa sa kanyang mahirap. Sadyang, ilan lang ba ang makikilala niyang masasabing hindi sila ang mayaman kundi ang kanilang mga magulang?
"Masusunod..." naiwika niya sabay ng pagpaparandman ng hiya kaya napatitig na lamang siya sa dalaga. Hindi niya alam kung maari niya ba itong tawagin lamang sa pangalan nito. Walang nakadikit na titulo. Walang nakadikit na kahit ano.
Manuela. Manuela. Manuela. Paulit-ulit hanggang sa nasambit na niya. "Manuela."
Napatingin siya sa malayo kung saan siya nanggaling. Nasabi na niya ang pangalan nito at parang napakadali lang pala noon. Pakiramdam niya para siyang inaatake ng takot at kaba. Natatakot siya dahil hindi siya nagsising sabihin ang pangalan ng dalaga. Kinakabahan siya dahil ang ibig sabihin noon ay hinahayaan na niya itong mas pumasok pa sa mundong ginagalawan niya.
Napahinga siya nang malalim.
"Kailangan ko nang umalis, Binibini," halos pabulong na niyang nasabi. Ibinalik niya ang titulo nito. "Nakita lamang kita at dahil walang tumulong sa iyo ay lumapit ako. Ngunit, kailangan ko nang bumalik sa aking tinutuluyan."
Tumango ito at tumango siya pabalik bago nagmamadaling lumakad palayo. Halos hindi siya makatulog ng gabing iyon. Mabuti na lamang at nagagawa niya pa ring basahin nang maayos ang kanyang mga inaaral kahit na laging sumasagi sa kanyang isip ang pagbigkas niya ng pangalan ng dalaga.
Kinakabahan. Natatakot.
Mahirap dahil parang napakagandang sambitin ang pangalan nito.
Ngunit, kinabukasan parang tumakas ang mga emosyong iyon at sa kauna-unahang pagkakataon, sinagot na rin niya ang panaka-nakang tingin ng dalaga mula sa munti nitong bintana kung saan una niya itong nakita.
[ - ]
Hindi ko nakalimutan ang ekspresyon sa'yong mukha ng araw na iyon, Manuela. Hindi mo alam kung ngingiti ka ba o magtatago na lamang sa hiya. Hindi ko rin alam kung paano mo naitago sa akin noong una kung gaano ka katatag sa'yong paninindigan at kung gaano kalakas ang iyong puso.
Doon mo lang napagtanto ngunit matagal ko ng alam na ako'y iyong tinitignan, ihinahatid hanggang sa mawala na ako sa iyong paningin. Noong una, hindi ko alam kung bakit mo iyon ginagawa ngunit sa huli, napagtanto ko rin na dahil nahihiwagaan ka sa akin.
Ako ang kauna-unahang binigyan mo ng atensyon sa labas ng sarili mong mundo. Isa na iyong karangalan sa akin, mahal ko. Dahil matagal ko nang iniisip kung ano ba ang pakiramdam na masilayan mo. Hinding-hindi ko pinagsisihan na ikaw ang kinausap ko sa piging na iyon, Manuela. Kahit siguro maiba ang sitwasyon ay ikaw pa rin ang kakausapin ko.
At alam kong hindi mo na ito muling madidinig at hindi ko na ito masasabi sa iyo ng personal, ngunit isusulat ko pa rin. Manuela, ikaw lang ang pinakauna at natatanging babae na hinayaan kong pumasok sa aking mundo.
Ang iyong alipin,
Pole