ika-limang araw ng Hunyo, 1887
Naalala ko pa ang araw kung kailan ka nakipaghiwalay sa akin. Pitong araw lamang naman ang nakalipas. Pitong araw na mas nalaman ko kung ano nga ba ang naging problema. Pitong araw kung saan naalala ko ang mga masasaya at masalimot nating mga alaala.
Isang araw nakapagtapos ka sa Kolehiyo. Dalawang taon tayong nanatili sa Maynila para doon. At pasekreto pa akong pumunta dahil gusto kitang makitang sinasabitan ng mga medalya. Gusto kong makita ang mga kaklase mo, ang mga guro mo, at pati na ang iyong paaralan. Kaya kahit sinabi kong hindi ako pupunta ay dumating ako.
[ - ]
INAYOS ni Manuela ang suot na belo para hindi siya makita ni Pole. Ito na ang tinawag papunta sa plataporma at kasalukuyan na itong pinapangaralan ng mga medalya. Napangiti siya sa nakikita. Hindi nga naman imposibleng hindi nito makamit ang mga iyon.
Si Pole na ang pinakamasipag na tao na kilala niya. Ang alam niya nga ay ang tanging araw na medyo nagpapahinga ito ay kung nagkikita sila. Sinabi na rin kasi ni Eustacio na nag-aaral din sa parehas na eskwelahan ay wala nang ibang ginawa ang iniirog kundi ang mag-aral. Ayon sa nobyo ng pinsan niya ay hindi na raw nito masyadong maimbintahan si Pole sa mga ibang aktibidades na nakakaya nitong ipilit dito noon.
Ang tanging pokus na lamang ni Pole nang dalawang taon nito sa Kolehiyo ay ang pag-aaral. Ito na nga raw ang pinakaseryosong estyudante na nakita ni Eustacio na minsan pati ito ay nahihiya at nag-aaral na rin. Gusto niya itong ipagmalaki at magpakita ngayon din.
Si Socorro nga ay sa harap pa nakaupo at nang tinawag si Eustacio bago si Pole ay tumayo ito at pumalakpak kahit na wala namang ibinigay na medalya sa nobyo. Hindi naman nahiya si Eustacio dahil kumaway pa ito sa nobya bago bumaba ng plataporma.
Hindi naman sa nagrereklamo siya sa estado ng kanilangn relasyon. Dalawang taon rin naman ang nakalipas at wala namang nangyaring kahit ano. Ngunit, kahit sana sa araw lang na ito ay magawa niya itong maipagmalaki. Mabuti na lamang at may mga pumalakpak rin kaya nagawa niyang patagong sumabay.
Ang hindi niya inaasahan ay ang pagtingin naman ni Pole sa kanyang direksyon. Kung mukha itong hindi makangiti noong una ay mabilis na gumuhit ang ngiti nito. Hindi niya napigilang mag-iwas ng tingin at umubo sa kamao na alam niyang magpapabuking sa kanya. Parang nahimigan naman nitong ayaw niyang bigyan siya nito ng pansin kaya nawala rin ang tingin ni Pole sa direksyon niya.
Mukha namang mas gumaan ang pakiramdam ng nobyo sa buong programa ng dahil sa nakita siya nito. Hindi niya maiwasang mapangiti dahil nakatulong na naman siya rito kahit na sa maliit lang na paraan. Kahit sa simpleng presenysa niya lamang. Alam niyang hindi siya maaring magtagal roon, kaya bago siya umalis ay bumili siya ng isang bulaklak ng puting orkidyas sa naglalako noon at pinasabing ibigay sa kanyang nobyo.
Nagtataka naman ang tindera kung bakit gusto niyang magbigay ng bulaklak sa lalaki ngunit hindi na ito nagtanong. Sa halip, tinanggap nito ang bayad niya at sinabihan siyang mag-ingat sa daan. Tumango siya at binalingan ng huling tingin ang nobyo bago tuluyang umalis.
[ - ]
Makalipas ang isang buwan dahil sa kagustuhan mong kunin ang eksaminasyon para maging Profesor de Segunda Enseñanza ay bumalik tayo sa Batangas. Nanatili tayo sa Lipa at naging guro ka sa Kolehiyo ni Ginoong Sebastian Virrey. Isa kang magaling na guro at sobra ang pagtitiwala sa'yo ng butihing Ginoo. Pati ako ay naging isa sa mga estyudante mo. Sa gabi naman ay pinagpatuloy mo ang pag-aaral. Dalawang taon muli ang lumipas mula noon.
Apat. Apat na taon tayong patagong nagsama. Ang tatag pala natin, ano?
Isang buwan, sinabi mo sa aking gusto mo akong pakasalan. Na dadalaw tayo sa amin para pormal mong hihingiin ang aking kamay. Masaya ka. Niyakap mo ako. Hinalikan mo ako ng ilang beses ng sinabi kong 'Oo'.
Nang araw na iyon, tayo na naman ang pinakamasayang tao sa mundo. Nang araw na iyon, sabay tayong lumabas sa ating pinagtataguan, magkahawak-kamay na hinarap ang mga taong alam nating huhusga sa atin.
Wala tayong pakialam dahil sa ating mga mata, ako lamang si Manuela at ikaw lamang si Apolinario. Ang isa ay isang pintor na nagsisimula pa lamang makilala. Ang isa ay isang guro na nais maging abogado sa hinaharap at pagandahin ang estado ng Pilipinas. Simpleng tao lamang na naninirahan sa simpleng mundo.
Ang saya natin ng araw na iyon ay mabilis ring nawala sa loob lamang ng isang araw. Ang araw kung kailan bumisita tayo sa amin.
[ - ]
"POLE! Hintayin mo ako," nag-aalalang tawag ni Manuela sa nobyo. Dali-dali kasi itong umalis matapos nang naganap sa kanilang bahay. Hindi tinanggap ng kanyang Ama ang kagustuhan nitong siya'y pakasalan. At dahil na rin sa pagbisita nila ay nalaman ng kanyang mga magulang ang ginagawa niya sa loob ng apat na taon.
Sigawan. Batuhan ng salita. Batuhan ng mga gamit. Sa dami nang mga boses na narinig niya ay si Pole na lang ang pinakinggan niya at sinubukan niyang tulungan ngunit, nawala lang rin ang mga sinasabi niya sa ulan ng mga paratang ng kanyang mga magulang sa nobyo.
Masakit.
"Ano sa tingin mo ang ipapakain mo kay Manuela? O sa magiging mga anak niyo?"
"Dahil sa'yo, nagsinungaling sa amin ang anak namin! Apat na taon, Apolinario. Apat na taon na akala namin ay ang ginagawa lang niya sa Maynila ay nag-aaral magpinta!"
"Anong nakain mo at naisip mong basta basta naming papayagan na pakasalan mo ang aming anak?"
"Ano naman ang maibubuga mo sa mga manliligaw ni Manuela?"
Hindi pa roon natapos ang litanya ng kanyang Ama, marami pa ang isinisi nito kay Pole. Hanggang sa nagbitaw ito nang salita kung saan parang binuhusan ng tubig ang binata.
"Sino ka ba para isipin na nararapat ka para kay Manuela?"
Itinikom agad ng nobyo ang bibig at nawalan ng emosyon ang mga mata nito. Hinawakan niya naman ang kamay nito ngunit mabilis itong umiwas bago tahimik at nagmadaling umalis. Sinundan pa ito nang masasamang salita at sumpa ng kanyang Ama. Hindi na siya nag-isip, basta sumunod siya rito sa kadiliman ng gabi. Nagawa niya pang itulak ang mga Kuya niyang sumubok na siya ay pigilan.
Gabi. Laging masaya at payapa ang gabi sa kanilang dalawa dahil doon, walang taong manghuhusga. Siya, ito, at ang kalangitan lang na puno ng mga bituin. Ngunit ngayong gabi, pakiramdam ni Manuela ay unti-unting nadudurog ang kanyang puso habang sinusubukan niyang habulin si Pole.
Ilang beses siyang nadapa at tumayo para lang makahabol at nagawa niya pang itapon ang sapatos nang dahil sa desperasyon. Kung hindi pa ito ang tumigil ay baka kanina pa mas lalong dumugo ang kanyang mga tuhod at mga paa.
Walang tao sa paligid. Tahimik. Napakatahimik.
Nabibingi si Manuela sa lakas ng pintig ng kanyang dibdib. Kinakabahan siya. Kilala niya si Pole. Kilala niya ito kaya alam niya na kapag ito ang umalis sa bahay na iyon, ito ang sumuko.
Hindi niya alam ang sasabihin, kung ano ang gagawin. Nanatili siyang nakatitig sa likod nito habang ito'y dumadaing. Tahimik ang pag-iyak nito katulad ng dati. Gusto niya itong yakapin at aluin. Ngunit, pati siya ay nasasaktan, pati siya ay lumuluha, at pati siya ay kinakabahan. Hindi niya gusto ang maaring sabihin nito. Hindi niya gustong marinig. Gusto niyang manatiling bulag.
"Apolinario..." Nagawa niyang bigkasin nang makasagap na ng lakas ng loob. Sumasakit ang kanyang lalamunan sa pagpigil niyang umiyak. Gusto niyang lumuhod, magmakaawa. Pakiusap, o, pakiusap. "Ipaglaban naman natin ito... Apat na taon na tayong nagtatago...." sa basag na boses ay pakiusap niya. "Huwag mo naman akong iwan. Pakiusap, Pole... hindi ko kakayanin."
Humihinga ako ng dahil sa'yo. Lumalaban ako ng dahil sa'yo.
Hindi nagsalita si Pole. Tahimik lamang itong umiiyak habang mahigpit na hinahawakan ang laylayan ng damit. Nagpipigil.
Alam niyang gusto nitong sumigaw. Magalit. Magdabog.
Ngunit hindi ganoon si Pole. Marunong siyang magpakumbaba. Pasensyoso siya. Mabait. Masyado siyang mabait.
At tulad nang laging nangyayari sa kanya, hindi na siya nakapagsalita. Namatay ang mga salitang gusto niyang sabihin. Gusto niya ring dumaing na parang ibong namatayan ng anak. Gusto niya ring magwala at magdabog.
Ngunit, bumagsak lang ang kanyang mga balikat at naghintay na lamang siya. Hinintay niya ang alam niyang sasabihin nito.
Matagal silang ganoon sa dilim. Nagtatagis ang mga damdamin. Nalulungkot. Hindi mayakap ang isa't isa dahil mas lalong magiging masakit.
Isang araw lang iyon. Apat na taon silang magkasama. Isang buwan silang puno ng saya. Ilang oras silang nakangiti bago sila nakarating roon.
Tahimik. Napakatahimik.
Walang sasagip dahil hindi marinig ang kani-kaniyang paghingi ng tulong.
"Manuela... Patawarin mo ako ngunit sa tingin ko tama sila..."
Sila. Bakit sila ang kailangang magdesisyon? Bakit hindi pwedeng tayo?
"Pole..."
"Makinig ka muna sa akin, Manuela. Kahit ngayon lang."
[ - ]
At doon, doon ka nagsalita. Sinabi mo ang lahat ng iyong mga hinaing. Sinabi mo ang lahat nang matagal mo nang gustong sabihin. Binusog mo ang mga tainga ko ng mga sagot sa mga tanong na hindi ko tinanong. Gusto mo sanang bumawi sa akin. Gusto mo akong pakasalan upang bumawi sa akin. Para sana ayusin natin ang mga naging problema natin.
Ngunit sa mga narinig mo sa aking mga magulang, binuksan nila ang mga bagay na iyong kinimkim. Sinabi mo sa akin na pinagsisihan mo na sumama ako sa iyo. Pinagsisihan mong naging makasarili ka. Pinagsisihan mo ang lahat at nasasaktan kang bitawan ako ngunit kailangan.
Hindi ako nagsalita. Inabot lamang kita at niyakap. Walang nagrehistro sa aking isip. Ang alam ko lang ay mawawala ka na sa akin at kahit hawakan kita nang mahigpit ay hindi rin iyon magtatagal. Kaya humawak na lamang ako sa iyo habang sumusuko kang lumuluha sa akin.
Dapat ba nagtago na lang tayo? Dapat ba nagpakasal na lang tayo sa halip na humingi pa ng permiso? Kinaya naman natin ng apat na taon, hindi ba? Hindi naman ako naging pabigat sa iyo.
Subalit hindi ka natinag. Nang araw na iyon, kahit nasasaktan ka at lumuluha, hinalikan mo lamang ako sa huling pagkakataon. Ramdam ko ang pinaghalong lungkot at pagmamahal mo. Pati na ang init ng iyong buhay at presensya hanggang sa unti-unti kang bumitiw. Tumalikod ka at nagsimula kang maglakad. Hindi kita hinabol dahil alam kong may isa kang salita. Kung sinabi mong tapos na, tapos na.
Hindi na ako nagsalita, ang alam ko lamang ay parang namatay ako ng gabing iyon.
[ - ]
NATAGPUAN na lamang si Manuela ng Ama na nakahiga sa maduming kalsada. Sinabihan siya ng nakakatandang anak ni Fernando Salazar kung saan niya maaring mahanap ang dalaga. At kasama ang asawa at ang mga nakakatandang anak ay pinuntahan nila ito.
Wala nang malay ang dalaga at mukhang mugto ang mga mata. Napakaliit nitong tignan sapagkat mahigpit nitong niyayakap ang sarili. Mukha itong bagong silang na sanggol.
Binuhat ito ng Ama habang lumuluha naman ang kanyang Ina sa tabi. Hindi rin maipinta ang mga mukha ng mga nakakatandang kapatid ni Manuela. Pakirandam nilang lahat ay parang may ginawa silang malaking kasalanan rito kung saan maaring hindi na sila nito mapapatawad.
Mukhang namatay ang dalaga. Humihinga pa rin ito ngunit parang nagpipigil, na baka sakaling kung pipigilan nito ay kusa lang mapuputol ang buhay nito. Mukhang sa sobrang sakit na nararandaman ng dalaga ay pinili na lang nitong kitilin ang emosyon at wala na lang sanang marandaman.
Mas kumurot naman iyon sa konsesya ng Ama na siyang mas nagpasakit sa iniirog nito. Hindi niya alam kung ano ang epekto ng nobyo ng dalaga rito. Hindi niya alam na nakakatulong pala ito sa anak. Hindi niya alam... na hindi naman kailangang ipilit niya sa anak na pakasalan nito ang mga anak-mayaman na sila mismo ang pumili.
Hindi niya alam na masyado niya na palang kinontrol ang buhay ng dalaga na umabot ito sa patagong pakikipagrelasyon na umabot ng apat na taon.
At hindi niya iyon malalaman kung hindi dahil kay Socorro na nagawa niyang mapaamin patungkol doon. Mas nauna kasi itong umuwi bago kay Manuela at nung una nila itong tinanong kung bakit hindi nito kasama si Manuela ay nagsinungaling ito.
Ngunit, ngayon na nawala ang pinsan ay saka lang ito nagsalita. Pati ang panganay ni Senyor Salazar ay pinangatawanan ang mga sinabi ni Socorro. Nalaman niya ang lahat pati na ang kaalamang pinagtangkaan ang anak ng isa sa mga manliligaw nito.
Pakirandam tuloy niya ay hindi siya naging mabuting Ama sa anak. Gusto niyang humingi ng paumanhin rito at bigyan ito nang pagkakataong makita muli ang minamahal. Hindi na siya tatanggi. Siya pa mismo ang magdadala rito sa binata kung nanainisin nito. Alam niyang iyon rin ang gustong gawin ng asawa. Mahal nila ang anak at hindi nila sinasadyang saktan ito. Ang alam lang naman nila ay mas alam nila kung ano ang mas nakakabuti rito.
Ngayong karga-karga niya si Manuela ay halata sa dalaga ang pinagbago nito. Magaspang na ang dating malalambot nitong kamay. Ang mukhang palaging inaalagaan ng Ina ay hindi na ganoon kaputi. Marami itong pinagdaanan na kinaya lamang nito nang makilala nito ang binatang iniibig na mas lalong kumurot sa kanyang konsensya.
Kaya nang magising ang dalaga ay agad siyang humingi ng tawad. Pati ang Ina at mga kapatid nito ay naluluhang niyakap si Manuela at may kanya-kanya ring sinabi. Nagprisinta na rin ang Ama na kung nanaisin nito ay ihahatid na nito ngayon mismo ang dalaga sa kung asaan man ang iniirog nito.
Ngunit, sa mga patay na mata at sa mga labing parang awtomatikong ngumiti para lang masabing ayos lang siya, winika ng dalagang, "Hindi na ho."
Hindi naiwasan ng Ama na yakapin ito at paulit-ulit na humingi ng tawad, ngunit hindi na nagsalita muli ang dalaga. Sa halip, ibinaon lang nito ang ulo sa balikat ng Ama at nanatiling parang patay sa tabi nito ang mga braso ng dalaga.
[ - ]
Ginoo, muli ay humihingi ako ng tawad sa iyo. Humihingi ako ng tawad dahil hindi ako nagsalita. Humihingi ako ng tawad dahil hindi kita kinausap ng mga araw na may mga kailangan kang marinig sa akin. Humihingi ako ng tawad dahil akala ko magiging pabigat lang ako sa'yo kung sinubukan ko mang sabihin ang aking mga hinaing. Patawarin mo ako, Pole.
Patawarin mo ako at kahit na alam kong wala ka na ay mahal pa rin kita, hinahanap pa rin kita. Patawarin mo ako at kahit sinubukan kong isulat ang mga alaala natin upang sana'y aking limutin ay hindi pa rin nagbago ang aking damdamin.
Mahal na mahal pa rin kita, Pole.
Ngunit sa huling liham na ito, bibitawan na muna kita. Tama na ang isang linggong pagdadalamhati ko sa iyo.
Huwag kang mag-alala. Ikaw pa rin ang mamahalin ko habambuhay. Sadyang kailangan ko na ring umalis sa kinasasadlakan kong kalungkutan at umahon. Kailangan kong matutong mabuhay ng wala ka sa aking tabi. Iisipin ko na lamang ang huling pangako mo sa akin na kung sakaling ipanganak man tayo muli sa hinaharap ay hahanapin mo ako at hinding-hindi mo na ako bibitawan.
Hihintayin na lamang kita sa kabilang mundo kung sakaling mangyari man iyon, Pole.
Sa ngayon, magpapaalam na muna ako.
Paalam, Ginoong Mabini.
Patuloy na magmamahal,
Manuela Guevarra