Jazmine
"Anong gusto mong kainin?" Tanong ni Chris noong maibalik na namin ang aming nirentahang motorsiklo at naglalakad na kaming muli ngayon papunta sa mismong bayan ng Coron.
Nakabihis na rin kami pareho at handa na pagkain ng aming hapunan. Dumaan na muna kasi kami sa kanya-kanya naming tinutuluyan para maligo at makapag palit ng damit bago tuluyang isinuli ang motorsiklo.
Nakangiting humarap ako sa kanya. "Ikaw." Sagot ko na awtomatikong ikinabilog ng mga mata niya. Ganoon din ako, kaya mabilis akong napaiwas ng tingin.
Naramdaman ko na lang din bigla ang pamumula ng aking mga pisngi.
"I-I mean ikaw, a-anong gusto mong k-kainin." Utal na at agad na depensa ko naman.
Narinig kong napatawa ito ng mahina.
"Ikaw ha." Panunukso nito bago marahan na sinagi ng kanyang balikat ang balikat ko. "Kaninang umaga hinalikan mo ako sa ilong, tapos noong nasa motor tayo, hinalikan mo ako sa pisngi. Ngayon naman, gusto mo akong kainin?" Pagkatapos ay natatawa ang itsura na napaharap ito sa akin.
"Aba! Mukhang iba na yata 'yan ha? Ang totoo?" Sabay taas baba nito ng kanyang kilay. Halatang nang pipikon.
Agad na pinaningkitan ko ito ng aking mga mata upang itago ang sariling kahihiyan.
"Yang bunganga mo talaga ambatos. Lalo na 'yang kukuti mo, kung anu-ano ang naiisip. Hindi ba pwedeng nagkamali ka lang pagkakaintindi?" Mas lalo pa yatang nang iinit ang aking mukha at tenga dahil sa mga pinagsasabi niya.
Hindi na ito muling nagsalita pa ngunit makikita parin sa kanyang itsura ang pinipigilan nitong pagtawa.
"Alright, bati na tayo." Sabay akbay nito sa akin.
Hindi naman mapigilan ng aking katawan ang manigas dahil sa biglang paglapat ng kamay nito sa akin. Pagkatapos ay dahan-dahan na napatingin ako sa kanya, habang diretso naman itong naka tingin sa aming dinadaanan.
Napapalunok na lamang ako ng maraming beses habang lihim na pinagmamasdan siya sa kanyang mukha. Agad naman na napaiwas ako ng tingin noong sandaling muli itong nagbaling sa akin para bigyan ako ng isang ngiti.
Hindi ko kasi maintindihan bakit bigla-bigla eh bumibilis ang pagtibok ng puso ko ngayon nang dahil kay Chris.
Ang lintik kasi.
Nagsimula lang naman kasi ito dahil sa biglang paghapit niya sa beywang ko para isayaw ako sa gitna ng ulan kanina eh. Simula noon, hindi na nawala pa ang matinding kabog sa aking dibdib sa tuwing ganito siya kalapit sa akin.
Ang gulo-gulo kasi niyang tao. Pabago-bago ng mood. Minsan mabait, minsan sweet at madalas ay saksakan ng sungit.
Napapahinga na lamang ako ng malalim sa aking sarili hanggang sa tuluyan na kaming makarating sa napili nitong restaurant na kakainan namin.
"You want seafoods?" Tanong nito sa akin habang nagpapabling-baling ng tingin sa paligid.
Huminto kami sa tapat ng mismong restaurant kung saan mayroong mga nag-iihaw.
Napatingin ako sa mukha at mga mata ni Chris. Ang perfect talaga niyang nilalang. Para siyang isang fictional character mula sa isang sikat na libro na nabuhay at naging tunay na tao. Walang maipipintas sa kanyang mukha.
"Lobsters?" Dagdag pa niya. "Ang alam ko may King Lobsters sila rito eh."
Sa kung paano siya ngumiti. Kahit nga hindi siya naka ngiti, ang gwapo gwapo parin niya. Ang tangkad din nito at ang kisig ng katawan na talagang bumagay din sa height niya. Dagdagan pa ng boses niyang hindi nakakatakot kung hindi, mas lalo pang nag papapogi sa kanya.
"Or what do you want? My treat."
Iyong mga mata niya na palaging nangungusap at iyong kanyang jawline. Grabe! Ang yummy! Errr! Oo, yummy naman talaga kasi si Chris at nakikita naman oh. Hmp!
Nagtataka talaga ako bakit siya nagawang iwanan ni Elise? Eh gayong naka bingwit na siya ng isang Adones. Tunay na Adones, tapos pinakawalan pa niya?
"Jazmine!"
Agad na naputol ang aking malalim na pag iisip bago napakurap ng maraming beses noong naibalik ako sa realidad. Hindi ko alam na nakatitig lamang pala ako sa kanyang mukha the whole time.
"May dumi ba ako sa mukha?" Nakangisi na tanong nito sa akin habang nakaturo sa kanyang sarili.
Kaya naman mabilis akong napaiwas ng tingin. Habang lihim na sinasaway ang aking sarili.
"K-Kahit ano nalang sakin." Sabi ko rito at agad na siyang tinalikuran bago dumiretso na sa loob ng restaurant at naghanap ng mauupuan.
Nasa labas kasi ang lutuan nito. At karamihan sa kanilang mga pagkain ay inihaw. Kailangan mong umorder muna sa labas bago ka tuluyang makakapasok dito sa loob.
Pagdating sa bakanteng lamesa na aking napili ay hindi ko mapigilan ang muling mapasulyap kay Chris, na natatanaw parin mula rito sa akin. Nahuli ko itong nakatingin sa akin ngunit mabilis na napaiwas ng tingin noong magtama ang aming mga mata.
Isang pigil na ngiti naman ang agad na gumuhit sa aking labi.
Tinititigan ba niya ako kanina?
Hayyy. Ayokong maging assuming. Mahirap na. Paalala ko sa aking sarili bago kinuha na lamang ang cellphone mula sa bulsa ng aking pantalon.
"Ah miss?" Bigla akong napalingon sa dalawang lalaki na dumating at huminto sa tapat ng lamesa kung nasaan ako ngayon.
Sandali ko muna silang pinasadahan ng tingin. Mukha naman silang pormal at kaaya-aya. Cute pa nga 'yung isa kasi may dimple.
Ngunit isang pormal na ngiti lamang ang ibinigay ko sa mga ito bago nagsalita.
"Yes?"
Napakamot muna 'yung isa sa kanyang batok bago muling nagsalita. Halatang nahihiya.
"Uhmm. Are you with someone?" Tanong nito. "Cause my friend over there..." Sabay musyon nito sa kanyang kaibigan na nakaupo tatlong lamesa ang layo mula sa amin. Kumaway ito noong makita niyang itinuro siya ng kanyang kaibigan.
"He's asking for your name. And if you're not with someone, can we join you here?" Tanong nito sa akin.
"Ahem!" Sabay-sabay naman kaming tatlo na napalingon sa biglang napatikhim mula sa kanilang likuran.
"She's with me." Seryoso ang mukha na wika ni Chris habang nakatingin sa kanilang dalawa.
"Ow, sorry bro." Agad na paghingi ng paumanhin ng dalawa bago marahan na tinapik si Chris sa kanyang balikat.
Napatango lamang si Chris sa mga ito hanggang sa tuluyan na nga silang nakaalis. Sinundan namin ng tingin ang mga ito, hanggang sa makabalik kung nasaan ang kanilang kaibigan.
Nangingiti naman na tinignan ko siya pagkatapos at magsasalita na sana nang muli na niya akong tinalikuran para bumalik sa hindi parin naluluto naming pagkain.
Pero infairness ha. Ang hot niya kapag ganoon kaseryoso ang kanyang itsura. Parang handang makipag basagan ng mukha eh, ano? Natatawa na komento ko sa aking isipan.
---
"She's with me."
Kanina ko pa ginagaya ang boses ni Chris pati na rin ang kanyang tindig para asarin ito. Kanina parin ako tawang-tawa sa tuwing tinitignan ako nito ng masama para sawayin.
Ang sarap-sarap kasi niyang asarin, lalong lalo na dahil ang bilis niyang mapikon
"Ang angas eh, ano?" Dagdag ko pa. "She's with me." Muling pang gagaya ko na naman at pagkatapos ay napapalakpak pa habang tumatawa.
Natigil ito sa kanyang pag nguya. "Damn it. Hindi ka ba talaga titigil?" Saway nito sa akin na halatang nauubusan na ng pasensya.
Kaya naman muli akong natahimik.
"Pffft." Pigil ang aking tawa na muling nagsubo ng pagkain sa aking bibig.
"She's with---"
"Jazmine!" This time ay mas seryoso na ang kanyang boses habang mayroon na ring pagbabanta. Napahinga ito ng malalim upang kalamahin ang sarili.
Sandaling nilunok ko muna ang pagkain na aking nginunguya bago muling nagsalita.
"Ito naman hindi na mabiro." Ani ko bago tuluyan nang uminom ng tubig. "Ang kj mo talaga eh, ano?" Pagkatapos ay napahalukipkip pa at napapangusong napasandal sa aking upuan.
"Ikaw na nga itong pinagtatanggol." Bulong na palatak niya sa kanyang sarili.
Hindi ko tuloy mapigilan ang mapairap.
"Oo na po. Thank you!" Pagpapasalamat ko bago nginitian ng pilit sabay irap.
Walang nagawa na napapailing na lamang itong nakatingin sa akin. Ngunit mayroon naman na sumisilip na ngiti sa gilid ng kanyang labi, kaya mas lalong nanaig sa akin ang tuksuhin pa siya.
"Yieee. Ngingiti na yaaaan." Pagkatapos ay napataas baba ako ng aking kilay habang inaasar siya atsaka nag pa cute na rin.
"Psh!"
Iyon na lang ang tanging narinig ko mula sa kanya hanggang sa tuluyan ko na nga itong napangiting muli. At pagkatapos ay tinignan niya ako ng diretso sa aking mga mata. Iyong mga tingin na nakakatunaw at muling nagpapabilis ng pag tibok ng aking puso, dahilan upang magbaling ako ng aking paningin sa ibang direksyon.
Dahil pakiramdam ko, kapag hindi ko ginawa iyon ay tuluyan na nga akong malulunod sa kanyang nangungusap na mga mata, na hindi ko mawari kung ano ang sinasabi ng mga ito.