Chereads / Aza&Miguel / Chapter 11 - Chapter 11

Chapter 11 - Chapter 11

"Miguel naman eh, ang kulit kulit nito."

"Bakit? Kahit na makulit ako, mahal mo naman ako. Hindi ka agad makasagot kasi totoo."

Nakangiti kong sabi sa kausap ko sa telepono. Tatlong taon na din ang lumipas pagkatapos mawasak ni Aza ang puso ko. Halos hindi ako makakilos noon, walang araw na hindi ko siya iniisip at inaalala. Kumusta kaya ang kasal nila ni Franco? May anak na kaya siya? Pero malabo dahil sabi ni Aza noon ayaw niya ng bata, mag aalaga na lang daw siya ng aso. Eh si Franco? Nagtino na kaya siya? Sana naman. Noong sinabi sa akin ni Aza na gusto niya din ako, halos magtatalon ako sa tuwa, biruin mo isang hamak na taxi driver lang ako? Tapos agad din niyang sinabi na mahal niya ako, eh di nag tumbling na yung puso ko sa tuwa. Masakit man ang naging kapalaran ng kwento namin ni Aza, hindi ko iyon kailaman pagsisisihan.

"Sige Miguel, malapit na ako sa inyo. May dala akong mansanas para kay Nanay." sagot ng babae sa kabilang linya.

"Mag iingat ka, sabi ko naman sayo sunduin na kita ayaw mo."

"Ayos lang ako. Magpahinga ka na lang. See you."

Nakilala ko si Klarisse tulad sa kung paano ko nakilala si Aza noon, ang pinagkaiba lang, walang Franco. Nagtatrabaho si Klarisse bilang isang PA o production assistant sa isang sikat na magazine. Umiiyak si Klarisse tanda ko pa, pinagalitan daw siya ng boss niya dahil mali ang kapeng naorder niya sa starbucks at muntik na siyang masisante. Nakikinig lang ako sa kwento niya habang binabaybay namin ang Edsa. Pangarap daw niyang maging isang sikat na photographer pero malabo dahil wala naman siyang maayos na camera. Pangarap din daw niya na makapunta sa ibat-ibang sulok ng Pilipinas para kumuha ng magagandang litrato. Simple lang si Klarisse, sa sobrang simple ay hindi mo siya agad mapapansin sa gitna ng madaming tao pero para sa akin siya ang pinakaespesyal. Madaldal si Klarisse kaya kahit na sobrang traffic noon sa Edsa, hindi ako nainip dahil sa dami ng kanyang kwento.

"Nay, may pasalubong daw si Klarisse sayo."

"Ay talaga ba? Iyang bata na yan talaga napakabait. Masaya ako dahil siya ang naging nobya mo. Simpleng babae lang." masama ang loob ni Nanay kay Aza ang dahilan niya ay dahil sinaktan daw ni Aza ang only boy niya. Lagi kong sinasabi sa kanila na wala naman kasalanan si Aza dahil ako naman ang puno't dulo ng lahat.

"Kung ako sayo Miguel, pakasalan mo na iyang si Klarisse at baka maagaw pa ng iba." biglang sabi ni Tatay.

"Naku Tay, hindi naman po iyon ganun kadali. Atsaka marami pang pangarap si Klarisse, gusto ko munang abutin niya yun bago kami lumagay sa tahimik."

"Bakit, hindi ba niya maaabot yun kapag kasal na kayo? Pag isipan mo itong sinabi ko Miguel."

"Opo Tay, pag iisipan ko po iyan ng mabuti."

Saktong pagkatapos ko sumagot ay may kumatok sa pinto, si Klarisse. Binuksan ko ang pinto at bumungad sa akin ang nakangiti niyang mukha. Iba ang sayang naibibigay sa akin ni Klarisse, tinuturing ko siyang Anghel sa pagsagip niya sa akin. Itong babaeng ito ang bumuo sa durog kong puso.

"Magandang tanghali Miguel." hawak hawak niya ang isang plastic ng mansanas para kay Nanay at Tatay. Pinapasok ko siya sa bahay at tulad ng nakasanayan, hahalik siya sa mga magulang ko. Masayahin si Klarisse kaya tuwang tuwa sila Nanay sa kanya, naniniwala silang hulog ng langit sa akin ang babaeng ito.

"Anak, kumusta ka na? Ang init sa labas dapat nagpasundo ka na kay Miguel." agad namang tanong ni Nanay sa nobya ko.

"Ayos lang po, Nay. Malayo layo din ang Ayala dito, nag LRT na lang po ako. Ikaw nay, kumusta na?"

Hinayaan ko silang magkwentuhan kahit na alam kong lagi naman silang magkachat sa messenger. Nasa eskwelahan si Michelle, panigurado kapag nandito yun ay tatlo silang magkekwentuhan.

Bago ko maging nobya si Klarisse naging magkaibigan muna kami, mga isang taon din. Natuto na kasi ako na ang pag ibig na minamadali, agad ding natatapos. Noong una wala naman talaga akong balak na ligawan si Klarisse, pero siya itong laging nangungulit at biglang pagkagising ko na lang, naisip ko na pagsisisihan ko kung hindi ko ulit susubukan magmahal. At simula noon, bumalik yung kulay sa mundo ko.

"Nay, ayos lang po ba, may sasabihin lang po ako kay Miguel." pagpapaalam ni Klarisse agad naman pumayag si Nanay. Umupo sa tabi ko si Klarisse sabay hawak sa kamay ko.

"Mahal, may sasabihin ako sayo." pagsisimula ni Klarisse.

"Sige, ano iyon?" hinalikan ko naman ang kamay niya. Sa tuwing hinahalikan ko si Klarisse, umaabot sa tenga ang ngiti niya. Pakiramdam ko nga minsan, parang mas mahal ako ni Klarisse kaysa sa mahal ko siya.

"May exhibit kasi bukas sa may museum doon sa pasay. Photography ang exhibit. Naisip ko"

"Na pumunta?" agad ko namang tanong.

"Eh Oo sana, gusto ko sana kasama ka. Pero kung busy ka, ayos lang."

"Magiging busy ba naman ako pagdating sayo? Sige pupunta tayo. Anong oras ba iyan?"

"Talaga ba? Sasamahan mo ako?" tuwang tuwang tanong niya sa akin. Para siyang bata kung maexcite, nakakatuwa.

"Aba'y oo naman, baka sa iba ka pa sumama."

"Hindi mangyayari yun dahil ikaw lang naman ang mahal ko." malinaw na sabi sa akin ni Klarisse. Hanga din ako sa pagiging diretso ni Klarisse, hindi siya nahihiyang ipagsigawan na mahal niya ako.

"At ikaw lang din naman ang mahal ko, kaya patas na tayo." sabay na kaming nagmeryenda habang nanunuod ng TV.

"Excited na ako kasi paborito ko yung photographer na mag eexhibit. Magpapapicture talaga ako sa kanya bukas." dagdag ni Klarisse sabay abot sa akin ng juice.

"Sobrang galing niya kumuha ng litrato. Para bang lahat ng kuha niya hindi lang basta yun, parang may kwento." dagdag pa niya. Sino kaya itong binabanggit niya? Parang gusto ko din makita.

"Gusto ko din maging katulad niya, Miguel."

"Magaling ka naman eh, alam ko na balang araw magkakaroon ka din ng sarili mo exhibit, naku, ako pa ang mag iimbita sa buong barangay kapag nagkataon." tumawa naman si Klarisse at sumandal sa braso ko.

"Salamat ah, sinusuportahan mo yung mga gusto ko sa buhay."

"Bakit naman hindi? Ganun naman hindi ba kapag mahal mo ang isang tao? Dapat mahalin mo din yung mga bagay na nagpapasaya sa kanya."

"Alam mo, ang swerte ko sayo Miguel."

"Hindi, mas swerte ako."

Maya maya lang dumating na si Michelle at tulad ng inaasahan, inagaw nila si Klarisse sa akin, pagitnaan ba naman siya ni Nanay at Michelle eh, sumabay pa si Tatay. Mahal nila si Klarisse, ramdam na ramdam ko yun. Sana magtuloy tuloy na. Baka tama si Tatay, baka pwede ko na siyang angkinin panghabang buhay.