Hindi dapat ako nag-iisip ng ganito. Kilala ko si Miguel, hindi siya maglilihim sa akin. Kapag sinabi niya na hindi importante, ibig sabihin, hindi talaga importante. Pero bakit ba hindi ako mapakali? Simula noong nalaman ko na magkakilala si Miguel at si Miss Aza, bigla akong kinabahan. May kakaiba eh, parang ilang sila sa isat-isa, hindi ba dapat matuwa sila kasi nagkita sila pagkatapos ng mahabang panahon, pero bakit ganun, parang hindi sila masaya pareho. Gusto ko sana kulitin si Miguel kung ano ba ang namagitan sa kanilang dalawa pero alam ko naman sasabihin niya na magkaibigan lang sila, ayun lang iyon. Eh kung si Miss Aza kaya ang tanungin ko? Pero, nakakahiya baka sabihin niya hindi naman kami close kaya bakit siya magkekwento? Ay sya, bahala na, malalaman ko din ang totoo.
"Diaz, kanina ka pa tulala. Yung report ba tapos mo na? Kailangan na sa meeting mamaya iyan." nagising ang diwa ko sa pagtawag sa akin ng editorial chief namin, inutusan niya kasi akong gawin yung presentation niya mamaya sa meeting nila.
"Yes, ma'am, tapos na po. Na forward ko na po sa email."
"Very good. Mag lunch ka na, kanina ka pa tulala, gutom ka na yata. I still need you to send the files later. Okay?"
"Yes ma'am. Thank you po."
Tumingin ako sa orasan, alas dose na pala. Nagpa salamat ako at nagpaalam. Buti na lang lunch break na din ng kaibigan kong si Lucy. Agad siyang kumapit sa akin at nag ayang kumain sa labas dahil wala daw siyang baon.
"Ano kumusta ka na? Ngayon lang tayo ulit nagkasama sa lunch. Busy much?"
"Naku Lucy, sobra."
"Buti at may oras ka pa kay Miguel."
"Oo naman, pagdating kay Miguel may oras ako lagi." nakangiti kong sabi. Pero kahit na nakangiti ako, sa likuran ng isip ko, hindi pa rin mawala ang tungkol sa kanila ni Miss Aza. Habang kumakain kami, lumilipad ang isip ko, bakit ba kasi may kutob ako na hindi lang sila basta magkaibigan dati? Tapos yung exhibit ni Miss Aza, yung nakuha niyang model, taxi driver, tulad ng Miguel ko. May ibig sabihin ba yun?
"Hoy, ano na? Ilang bundok na naakayat mo? Kanina pa lumilipad isip mo ah, mula pagpasok hanggang pag order tapos pati ngayong may pagkain na tayo? Magsabi ka nga, nag away ba kayo ni Miguel?"
"Hindi" mahina kong sagot. Kasi totoo naman, hindi naman kami nag away, at kung nag away man kami, inaayos agad ni Miguel dahil ayaw niyang nagtatampo ako at umiiyak dahil sa kanya.
"Eh ano? Anong problema? Sige na sabihin mo na. Mahaba ang lunch natin ngayon dahil busy sila, handa na ang tenga ko makinig."
Bumuntong hininga muna ako bago magsalita. Tama ba itong sasabihin ko kay Lucy? Baka paranoid lang talaga ako.
"May tanong ako, Lucy."
"Shoot."
"Kapag ba ang magkaibigan matagal na hindi nagkita tapos nagkita ulit? Magiging masaya ang reunion nila?" uminom muna ng tubig si Lucy bago sumagot.
"Ako nga isang linggo lang tayo hindi nagkita tuwang tuwa ako na nagkita tayo ulit. Malamang oo."
Pero bakit ganun? Bakit si Miguel at si Miss Aza hindi? Mas lalo tuloy akong naguluhan kung magkaibigan ba sila o magkaaway.
"Pwera na lang kung, una, hindi naging maayos ang pagkakaibigan nila, yun bang nag away sila ng matindi bago maghiwalay. Pangalawa, hindi lang sila basta magkaibigan."
Biglang kumunot ang noo ko sa sinabi ni Lucy. So ano sila doon sa dalawa?
"Paanong hindi lang sila basta magkaibigan?" tanong ko ulit. Alam ko naman ang sagot, ayoko lang na manggaling sa akin.
"Ibig sabihin pwedeng naging more than friends sila, alam mo yun? Nagkaroon sila ng relasyon. O baka M.U., basta yung ganun."
Posible kaya na nagkaroon ng relasyon si Miguel at Miss Aza? Pero magka iba ang mundo nila. Totoo ba talaga na nagkakagusto ang isang mayaman na tulad niya sa Miguel ko na simpleng tao lang? Kung meron nga, bakit ayaw sabihin ni Miguel sa akin?
"Bakit mo natanong?"
"Wala naman. Yung libro kasi na binabasa ko kasi, parang ganun yung nangyari. Eh hindi naman inexplain kung ano ba talaga naging relasyon nila hanggang sa natapos na."
"Ganun? Ang pangit naman. Baka may part two."
"Baka nga. Sige kalimutan mo na, kumusta ka naman? Yung boss mo nabalitaan ko ikakasal na."
Iniba ko na lang ang usapan. Magtitiwala na lang ako kay Miguel. Mahal niya ako, hindi siya maglilihim sa akin lalo na at alam niyang masasaktan ako. Ni minsan hindi ako pinaiyak ni Miguel, ganun siya kabuting nobyo. Masyado lang siguro akong balisa dahil napakabuti niya at hindi nga imposible na magustuhan siya ni Miss Aza.
---
Pagkatapos ko bumiyahe ng umaga, umuwi muna ako sa bahay para kumain ng tanghalian. Si Michelle pa lang ang nakakaalam na nagkita kami ulit ni Aza, ayokong malaman pa nila Nanay dahil magagalit lang sila.
"Miguel nandyan ka na pala. Sakto, kakain na tayo."
"Sige nay, mukhang masarap yang niluto niyo ah. Paborito ko, ginataang tilapia."
"Alam ko naman, kaya nga si Klarisse nagpapaturo na sa akin kung paano daw lulutuin. Mukhang handa na siyang maging misis mo, ikaw lang ang hindi handa maging mister niya." nangiti ako sa mga sinabi ni Nanay. Si Klarisse talaga, paano bang swinerte ako sa kanya at minalas siya sa akin? Gusto ko na siya pakasalan pero bigla naman bumalik si Aza. Ayokong pakasalan si Klarisse dahil pakiramdam ko hindi pa din ako buo. Kung pakakasalan ko siya, yung sigurado akong buong buo ko at hindi na niya kailangan ayusin.
"Darating din yun, Nay."
"Aba'y dapat lang Miguel." sagot naman ni Tatay. "O siya, umupo na at kakain na tayong tatlo."
Pagkatapos namin kumain ay bumiyahe na din ako agad, sayang ang araw at kita. Malapit na ang 3rd anniversary namin ni Klarisse, ano kayang pwedeng gawin? Mamaya pala ay susunduin ko siya. May mga plano siguro siya, tatanungin ko na lang. Sa ngayon, focus muna ako sa trabaho.
---
Pagbalik sa opisina, napansin ko na may pinagkakaguluhan sa lobby. Sino kaya iyon? Artista? Para namang hindi normal na may artista eh halos araw araw meron, ang mga tao talaga, may makita lang na artista, nagkakagulo. Hindi namin pinansin ni Lucy ang pinagkakaguluhan ng mga empleyado sa lobby at dumiretso sa elevator. Pagdating sa 16th floor naghiwalay na kami ng landas ni Lucy.
"Diaz!"
"Yes ma'am?" Hala, na over lunch yata ako.
"Come here." Anong kasalanan ko? Tumingin ako kay Jasper, yung photographer namin, nagkibit balikat lang siya.
"Can you help Miss Azalea? She's downstair. Nagkakagulo daw yung mga feeling photographer sa lobby, puro pa picture. Bring her here."
"Ako po?"
"May iba pa bang Diaz dito? Go. Now."
Hindi ko na nga iniisip si Miss Aza tapos siya ngayon ang lalapit sa akin? Lord bakit po parang pinaglalaruan niyo ako? Huwag naman ganun. Ano pa nga ba? Agad agad akong bumaba para sunduin yung babaeng pakiramdam ko ay minsang naging mahalaga kay Miguel. Mali sana ako. Please, mali sana ako.
Pagdating sa lobby agad kong tinawag si Miss Aza, nagulat naman siya sa akin. Agad agad ko siyang hinila sa mga tao at isinakay sa elevator.
"Thank you, Klarisse. You save me bigtime."
"Wala yun, Miss Aza. Ikaw pa ba? Idol kita eh."
"Kaya ka siguro nagustuhan ni Miguel, savior ka kasi...ako..hindi."
Bago pa ako makapagtanong kung bakit, may tumawag sa kanya at hinayaan ko lang sila mag usap hanggang sa makarating na kami sa 16th floor. Pumasok siya sa opisina ni Madam at bumalik ako sa pwesto at nagsimula magtrabaho. Focus, Klarisse. Focus. Magtrabaho ka muna ngayon, mamaya mo na isipin si Miguel at kung anumang meron sa kanilang dalawa ni Miss Aza.