Pagkatapos kong ibaba yung pasahero sa tapat ng UST, hindi na ako kumuha ng sakay dahil susunduin ko pa si Klarisse sa Ayala. Malayo layo ang biyahe kaya kailangan kong bilisan para hindi siya maghintay ng matagal. Nagmeryenda na kaya yun? Madalas kasi niyang nakakalimutan kumain lalo na at ang dami niyang tinatrabaho. Habang binabaybay ko ang kahabaang ng España, nag ring ang cellphone ko. Bakit tumatawag si Jasper? May emergency ba? Kinabahan ako agad. Yung huling tumawag sa akin si Jasper, isinugod nila si Klarisse sa ospital dahil sa over fatigue, ano naman kaya ang nangyari? Saglit kong ipinarada ang taxi para sagutin ang tawag.
"Hello, Jasper. Napatawag ka, may emergency ba? Si Klarisse? Papunta na ako sa opisina niyo." agad kong sabi pagkatapos kong tanggapin ang tawag niya. "Jasper?" ilang segundo din akong naghintay ng sagot, at hindi ko inaasahan ang narinig ko sa kabilang linya.
"Miguel? This is me, Aza." bigla akong natahimik. Bakit si Aza ang sumagot? Bakit sila magkasama ni Jasper? Anong nangyayari?
"Hey, Miguel. Si Klarisse." dagdag ni Aza, ramdam ko yung kaba sa boses niya.
"Bakit? Anong nangyari sa girlfriend ko?" madiin kong tanong.
"Nalaman niya."
"Nalaman ang ano? Azalea, naka hazard lang ako. Ano bang nangyari? Bakit magkasama kayo ni Jasper? Nasaan ang girlfriend ko?" hindi na ako mapakali.
"Nalaman niya yung tungkol sa atin." diretsang sagot ni Aza. Paano?
"Miguel, I'm really sorry. Nakita kasi niya yung picture natin from Baguio nung nag shoot sila dito sa unit kanina. Miguel, hindi ko sinasadya."
"Wala na ba siya dyan?"
"She left us, she's crying. Miguel, I'm so sorry."
Hindi ko na pinatapos si Aza at pinutol ko na ang tawag. Kailangan ko makausap si Klarisse. Nagsimula ulit akong mag drive baka sakaling maabutan ko pa siya sa opisina. Buti na lang at nakikisama sa akin ang kalsada, walang traffic at 45 minutes lang ay nasa tapat na ako ng building nila. Pinarada ko ang taxi at tumawag kay Klarisse. Ring lang ng ring ang cellphone ni Klarisse, hindi niya sinasagot. Diyos ko naman, ano yung nakita niya? Ano ba yung picture na nakita niya? Tinext ko ng tinext si Klarisse, hindi din siya sumasagot. Wala naman siyang pamilya dito sa Maynila na pwede kong tawagin para alamin kung nasaan ba si Klarisse. Bakit ba kasi kailangan maging magka trabaho pa sila ni Aza? Ang dami daming photographer dito sa Pilipinas, kailangan si Aza pa.
Kailangan ko yata siyang kausapin. Kailangan kong linawin ang lahat. Tinawagan ko si Jasper, sinabihan kong tawagan ng tawagan si Klarisse at sabihin sa akin kung nasaan siya ngayon.
"Pakisabi din kay Aza na pupunta ako sa kanya, kailangan namin mag usap."
Habang nagmamaneho ako papuntang Vito Cruz, hinahanap ko sa daan si Klarisse, baka sakaling makita ko siya. Alam kong masama ang loob niya sa akin lalo na at nilihim ko sa kanya ang tungkol sa amin ni Aza. Sasabihin ko naman talaga sa kanya ang totoo eh, pero mukhang naunahan ako ng pagkakataon. Pagdating sa Vito Cruz, nakita ko si Jasper, nakatayo sa labas ng Condominium. Ipinarada ko ang taxi at agad agad na lumapit sa kanya.
"Jasper, ano? Na-contact mo ba?"
"Hindi nga Miguel eh. Ikaw naman kasi, bakit mo tinago yung relasyon niyo ni Miss Aza? Ayun nung nakita niya yung picture niyong dalawa, nakahalik pa sayo yung isa, iyak ng iyak yung kaibigan ko."
Ano bang gagawin ko? Ayun pa talaga ang nakita niya.
"Jasper, sana sa atin na lang ito."
"Oo naman, walang ibang makakaalam. Hayaan mo, kapag sumagot na si Klarisse sa akin, ikaw ang unang makakaalam. Nasa taas si Miss Aza, hinihintay ka na niya." tumango ako at nagpasalamat.
"Miguel, saglit lang."
"Sige. Ano yun?"
"Sana pagkatapos nito, makapili ka na kung sino talaga ang gusto mo. Hindi naman pwedeng dalawa sila. Hindi ba? Mag iingat ka. Mauna na ako."
Hindi na ako nakasagot kay Jasper dahil sumakay na siya ng jeep paalis. Napaisip ako, baka ito na nga yung tamang panahon para mamili ako. Ito na siguro yung oras na binigay ng Diyos sa akin para sundin kung ano talaga ang gusto ko..kung sino ang mas matimbang sa puso ko. Kakausapin ko na si Aza para maging malinaw na ang lahat..ang lahat lahat. Matagal na panahon na din ang hinintay naming dalawa, kailangan na namin magusap at magkita.
Pagdating sa lobby ng condo ay hinihintay na daw ako ni Aza sa unit niya kaya agad na din akong pinayagan umakyat. Habang nasa elevator ay naalala ko yung mga masasayang ala ala naming dalawa, yung mga panahon na akala ko hindi na matatapos. Pagdating sa hallway, nakikita ko kung paano kami naglalakad dito na magkahawak ang kamay, kung paano siya yumakap sa akin, kung paano niya ako halikan. Pero pagdating sa harapan ng pinto niya, ang naalala ko lang ay yung kung paano siya sumagot ng Oo kay Franco. Yung sakit na naramdaman ko dahil sa pangako niyang hindi tinupad, sa pagmamahal niyang kunwari lang pala.
Kumatok ako at agad din namang binuksan ni Aza ang pinto. Nakatingin lang siya sa akin, mugto ang mga mata, hawak hawak niya ang litrato naming dalawa.
"Miguel." nabigla ako sa pagyakap ni Aza sa akin. Gusto ko sanang suklian ng yakap pero hindi ko magawa. Hindi ko na magawa lalo na at alam kong sa mga oras na ito ay nasa kawalan si Klarisse at umiiyak dahil sa akin.
"Aza..pwede ba tayo mag usap?" napansin niya siguro na umiwas ako ng kaunti sa yakap niya kasi agad din siyang bumitaw at pinapasok ako sa loob. Umupo siya sa sofa at tumayo lang ako at sumandal sa pintuan. Walang pinagbago ang unit ni Aza, ganun pa din ang kulay ay disenyo katulad niya na wala pa ding pinagbago, maliban sa maikling buhok niya ngayon.
"Ano ba ang nangyari?" tanong ko ulit at hinayaan ko siyang magkwento.
"Tapos nakita niya to. At alam ko naman kung bakit siya nasaktan. Miguel..hindi ko naman sinasadya yun. Hindi ko din naisip na baka nga makita niya kasi nasa tabi lang yun ng TV."
Inabot niya sa akin yung litrato. Ang saya saya naming dalawa dito. Isang saya na panandalian lang pala.
"Bakit nandito pa din ito, Aza? Bakit may litrato pa din ako sayo? Anong ibig sabihin nito?" sunud-sunod kong tanong dahil kanina ko pa iniisip kung bakit ba kailangan pa niyang itago ang litrato na nagpapaala sa kanya ng nakaraan naming dalawa.
"Aza, sumagot ka...bakit?" hindi na napigilan ni Aza na umiyak. Gusto ko siyang patahanin. Gusto kong punasan ang luha niya pero katulad ng pagyakap niya sa akin kanina..hindi ko magawa.
"Kasi Miguel mahal pa din kita." saglit na binalot ng katahimikan ang unit ni Aza, ang tanging naririnig ko lang ay yung mahinang paghikbi niya. Totoo ba yung narinig ko? Totoo bang mahal pa din ako ni Aza.
"Hindi..hindi iyan ang totoo Aza dahil kung mahal mo talaga ako,..hindi ka sana sumagot ng Oo kay Franco. Ako sana ang pinili mo pero hindi mo ginawa. Azalea naman, tama na. Alam mo namang pagdating sayo lumalambot ako. Bakit mo sinasabi sa akin yan?" hindi ko na din napigilan ang mga luhang gustong kumawala sa mga mata ko.
"Ayun ang totoo, Miguel. Mahal kita, mahal pa din kita. Kaya kami naghiwalay ni Franco dahil sayo, dahil hindi ko kayang maikasal sa kanya dahil sayo..dahil kahit anong pilit ko, hindi ko na kayang mahalin si Franco..ikaw na lang ang laman nito." umiiyak na sagot ni Aza.
"Bakit..bakit hindi mo ako binalikan?"
Tumingin sa akin si Aza, nagkasalubong ang mga mata namin.
"Natakot kasi ako Miguel..na baka hindi mo na ako tanggapin sa ginawa ko. Sa pangakong hindi ko tinupad. Natakot ako na baka hindi mo na ako mahal."
Kung alam lang niya na nahirapahan akong kalimutan siya. Na sa araw araw hinahanap ko siya. Kung alam lang niya na halos hindi ko na kayang bumangon dahil nawala siya sa akin.
"Aza..Aza kung sana sinubukan mo..sana sinubukan mo akong balikan dahil tatanggapin kita kahit ano pa ang sabihin nila..kasi Aza, mahal kita. Mahal na mahal kita." tumayo si Aza at lumapit sa akin. Hinawakan niya ang mga kamay ko.
"Miguel..Miguel baka..baka pwede pa."
Pwede pa ba? Oo, kung gugustuhin ko pwede pa. Pero ayoko na. Baka hindi talaga kami ang para sa isa't-isa. Hindi ko na kayang iwan ang lahat para sa kanya.
"Aza mahal kita, minahal kita. Pero hindi ikaw yung pinipili ko. Kasi kung mahal kita, mas mahal ko si Klarisse. At hindi ko kakayaning mawala siya sa akin tulad noong nawala ka sa buhay ko."
Tumango lang si Aza habang patuloy na tumutulo ang luha niya. Alam kong nasasaktan si Aza at nasasaktan din ako. Mas masakit sa akin ito.
"Noong nagkita tayo ulit Miguel, inisip ko na baka kaya tayo nagkita kasi..kasi baka sa huli tayo pa din." binitawan niya ang mga kamay ko. "Pero mali ako...baka kaya tayo nagkita kasi.."
"Kasi kailangan na nating iwanan ang nakaraan Aza. Kailangan na nating kalimutan ang lahat. Hindi madali, hindi magiging madali pero ayun ang dapat. Kaya tayo nagkita para tapusin na yung pagmamahal na akala natin noon ay hindi na matatapos."
Hinawakan ni Aza ang mukha ko, hinayaan ko lang siya. Pinunasan niya ang luha ko at pinilit na ngumiti.
"Thank you for loving me, Miguel..I'm so sorry"
"Matagal na kitang pinatawad Aza. Kasi ganun ang taong nagmamahal..nagpapatawad."
Yumakap ulit sa akin si Aza, at ngayon yumakap na ako pabalik. Ito na ang huli. Palalayain na namin ang isa't-isa. Makakalaya na kami sa nakaraan.
"Miguel, hayaan mo akong yakapin ka..kahit ngayon lang. Kahit saglit lang."
Ito na ang huling pagkikita namin ni Aza. Sa wakas, pagkalipas ng maraming taon....natapos na.