Chereads / Aza&Miguel / Chapter 20 - Chapter 20

Chapter 20 - Chapter 20

Palabas na sana ako ng classroom ng bigla akong tinawag ni Aza. Bakit kaya?

"Uy, bakit?" agad kong tanong.

"Nothing, I just wanted to say thank you. Kung hindi sayo baka bumagsak ako sa subject na ito. Thank you, Migs."

"Naku, wala yun. Ikaw pa ba? Sige, ano, mauna na ako. May susunod pa akong subject." pagkalabas namin ng classroom, naghihintay na pala yung papoging varsity player na si Franco, agad namang yumakap si Azalea at magkahawak kamay silang naglakad palayo. Yung mga katulad ni Azalea, hindi naman sila mahirap abutin, pero hindi rin sila yung mga babaeng sa tingin ko ay pinupursige ng mga katulad kong simple lang. Hindi ko naman binababa ang sarili ko, sadyang hanggang paghanga lang ang nararamdaman ko kay Azalea, hindi na hihigit pa dun.

Naglakad na din ako papunta sa classroom, sigurado akong naghihintay na si Klarisse at Patrick sa akin. Tulad ng inaasahan, naka ready na ang upuan ko sa pagitan nilang dalawa at nagsimula na ang klase. Lumipas ang oras, natapos ang ilan naming subjects at sa wakas, pwede na kaming umuwi.

"O Siya, mauna na ako sa inyong dalawa. Sabihin mo naman kay Michelle na nag hello ako." pagpapaalam ni Patrick sa amin. Itong kaibigan ko na ito, talagang obvious na gusto niya yung kapatid ko, alam naman niyang 1st year college pa yun at hindi ko papayagang mag boyfriend hanggang sa makapag tapos ng kolehiyo.

"Walang makakarating kay Michelle. Kung gusto mo ang kapatid ko, maghintay ka ng apat na taon. Sige na, mag iingat ka."

Tumawa lang si Patrick sabay sabi na handa daw siyang maghintay. Baliw talaga. Dahil magkapitbahay lang naman kami ni Klarisse, sabay na kaming uuwi.

"Pagdating mo sa bahay basahin mo yung masterpiece ko ah. Matutuwa ka."

"Sige pagkatapos ng mga gawain sa bahay. Magmeryenda muna tayo?"

"Sige ba, halika, ako na bahala sayo. Parang gusto ko ng goto at malamig na malamig na softdrinks. Ikaw ba?"

"Parang gusto ko din. Tara."

Sabay kaming nagmeryenda ni Klarisse bago umuwi. Ilang taon ko na ding kaibigan si Klarisse, ilang taon na din akong naghintay bago sabihin sa kanya na hindi ko naman balak ligawan si Azalea o kung sinumang babae sa paligid, dahil simula't-sapul, siya naman talaga ang gusto ko pero nangako ako sa tatay niya na saka ko lang liligawan si Klarisse kapag malapit na kaming matapos sa kolehiyo. Naiintindihan ko naman, kaya nangako ako. At ngayong dalawang sem na lang matatapos na kami, tamang panahon na siguro para gawing higit pa sa mag best friend ang turingan naming dalawa, sana lang, pareho kami ng nararamdaman.

Pagdating sa tapat ng bahay nila Klarisse, nagpaalam na ako. Nagulat naman ako sa paghalik ni Klarisse sa pisngi ko bago pumasok sa bahay. Aba, for the first time. Natulala tuloy ako sa tapat ng pinto nila. Hindi ko inasahan yun ah. Mukha tuloy akong baliw ngayon, abot tenga ang ngiti, mang aasar na naman yung mga tao sa bahay. Bakit ba? Inlove eh.

Pagdating sa bahay, dumiretso na ako sa kwarto para magpalit ng damit. Binabasa na kaya ni Klarisse yung kwentong ginawa ko? Sana magustuhan niya at mapagtanto niya na sa bandang huli, siya naman talaga ang pinipili ko at hindi si Azalea. Siguro, sa sobrang pagod kaya paglapat ng ulo ko sa unan, nakatulog na ako. Ang hirap din kapag graduating ka na, ang daming ginagawa.

---

Tungkol saan naman kaya yung kwentong sinulat ni Miguel? Siguro horror ito o kaya action dahil ayun ang hilig niya. Buti na lang at maaga akong natapos sa mga gawaing bahay, pwede na akong magpahinga sa kwarto at magbasa.

Pagbuklat ko ng folder parang ayoko na basahin, title pa lang alam ko na kung tungkol kanino. Aza and Miguel? Talagang ang lakas ng loob niyang ipabasa sa akin kahit alam niyang irita ako kay Aza na yun, bukod sa maarte, ginagamit pa niya yung kagandahan niya para mauto si Miguel na tulungan siya sa mga projects at assignments, lalo na sa exam. Minsan tatanga tanga din itong best friend ko eh. Pero syempre, magtatampo siya sa akin kapag hindi ko babasahin kaya kahit na ayoko at masasaktan lang ako dahil hindi tungkol sa akin ang kwento, babasahin ko pa din.

Ang galing din naman pala ni Miguel magsulat kahit na ang bukambibig niya ay computer games at anime. Nakakatuwa na nakakainis yung mga eksena, lalo na yung pumayag si Miguel na makipagrelasyon kahit alam niyang may Franco pa. Nasaktan ako sa chapter 10 dahil umiiyak si Miguel sa kwento at ayokong umiiyak si Miguel dahil alam ko naman sa sarili ko na, matagal ko na siyang gusto...matagal ko na siyang mahal. Pagdating sa chapter 11, nagulat ako. Saglit lang, bakit may Klarisse sa kwento? Ako ba yung Klarisse na tinutukoy niya dito? Pinagpatuloy ko ang pagbabasa at halu halong emosyon na ang nararamdaman ko. Sino ba talaga ang pinipili ni Miguel? Si Aza o ako? Hindi ko na napigilang lumuha pagdating sa huling pahina..ako ang pinipili ni Miguel...ako ang mahal niya.

Tama nga si Mrs. Quezon, may talento si Miguel sa pagsusulat, hindi dahil kakaiba ang kwento niya, ang cliche nga eh, maganda dahil galing sa puso yung mga salitang hinabi niya para maging isang magandang istorya. Sincere magsulat si Miguel. Sincere din siya magmahal. Itinago ko ang folder sa cabinet, iingatan ko yun lalo na't mukhang ayun ang ginawang paraan ni Miguel para sabihing mahal niya din ako. Kailangan ko siyang kausapin. Agad agad akong lumabas ng kwarto para magpaalam. Buti na lang at ilang bahay lang ang pagitan naming dalawa, hindi na ako makapaghintay sabihin sa kanya na pareho lang kami ng nararamdaman...na mahal ko din siya.

---

Napabalikwas ako ng bangon dahil narinig ko yung boses ni Klarisse. Pagdilat ng mga mata ko, nakaupo siya sa kama, katabi ko.

"Uy, ano ginagawa mo dito?" Agad kong tanong. Nakangiti lang siya sa akin.

"Nabasa ko na."

"Ha? Nabasa ang?" nabasa na niya? Kaya siya nandito kasi nabasa na niya. Diyos mio. Sabi ko magtext lang eh.

"Sabi ko mag text ka lang eh."

"Eh bakit ba? Ayaw mo ba na nandito ako? Sige uuwi na ako. Ayaw mo naman eh. Parang hindi ka masaya na nakita ako." hay naku. Ang daldal talaga. Tatayo na sana siya pero bigla ko siyang niyakap.

"Tapos yayakap yakap ka ngayon?" nakasimangot niyang tanong. Nakakatuwa talaga itong si Klarisse. Ang sarap asarin.

"Anong masasabi mo sa masterpiece ko?" nakangiti kong tanong.

"Cliche!" pang aasar niya. "Pero maganda. Dapat hindi uno yun eh, dapat mga 1.75 lang." dagdag pa niya.

"Aba, inggit ka lang."

"Hindi ah, kasi uno din ako kay Mrs. Quezon."

"Ay, pero mas favorite niya ako."

"Oo, kasi ikaw ang pasaway sa klase niya."

Saglit na tumahimik ang buong kwarto. Nakatingin lang kami sa isa't-isa.

"Pagod ka na siguro ano?" bigla kong tanong.

"Bakit? Kasi kanina pa ako tumatakbo sa isip mo? Ang korni mo Miguel."

"Ano ba yan, sinisira mo pick up lines ko eh."

"Ang korni kasi." hinawakan ko ang kamay ni Klarisse, hinayaan naman niya ako. Parang bagay talaga ang kamay ko sa mga kamay niya, ang ganda pagmasdan.

"Sinasagot mo na ako?"

"Ano? Manligaw ka muna. Ang kapal nito."

"Ay oo nga no? Manliligaw pala ako." pabiro kong sabi. "Pero sasagutin mo ako?"

Tumingin lang sa akin si Klarisse sabay irap. Alam ko na ang sagot na yun..ibig sabihin..Oo.