Chapter 122 - Cold

Ayradel's Side

"Oo..." Natahimik ang lahat nang magsalita si Tita Vivian... Huminga siya ng malalim, pinunasan ang kanyang luha, saka umalis sa likuran ni Mama para harapin kaming lahat.

Sa isang iglap ay biglang nag-iba ang tingin ko kay tita Vivian. Bigla siyang naging matapang... mula sa pagkakakilala ko sa kanyang pagiging mahinhin.

"Ako si Dianne..." dugtong niya na lalong nagpakilabot sa buong pagkatao ko.

Hindi ko maintindihan...

P-paanong siya si Dianne?

"V-vivian... ano bang sinasabi mo?" halos manlambot ang tuhod ni Mama habang tinitignan si Tita Vi-- hindi ko na alam kung sino siya, siya ba si Vivian o siya si Dianne?

"Ako... si Dianne." matigas na sambit nitong muli kasabay ang pagtulo ng butil ng luha. "Ako si Dianne--"

"Hindi... patay na ang asawa ko." singit naman ni Alfred Lee. "Patay na si Dianne, kitang kita ng dalawang mata ko. Namatay siya dahil sa panganganak kay Richard!"

"Dad, anong ibig sabihin nito?" singit ni Richard na naguguluhan. "Anong namatay dahil sa panganganak?"

"Patawad anak, ayokong masaktan ka kaya sinabi ko sa 'yong namatay sa aksidente ang Mommy mo. Pero hindi, namatay siya dahil sa panganganak sa iyo." paliwanag ni Alfred Lee sabay tingin muli kay Tita Vivian, na mas lalo pang umiyak.

"S-Si V-Vivian... Si Vivian ang namatay..."

"VIVIAN TAMA NA!" sigaw ni Mama.

"ITO ANG TOTOO MYRA! AKO SI DIANNE! SI VIVIAN ANG NAPANGASAWA NI ALFRED LEE AT SI VIVIAN ANG INA NI RICHARD! NAGSINUNGALING AKO DAHIL AKO SI DIANNE!" Halos maputol ang litid ni Tita Vivian habang patuloy rin ang kanyang pag-iyak. Ang mga tao ay halos laglag na ang panga, nanghihina ang tuhod at hindi makapaniwala.

Halos maglumpasay sa sahig si Tita Vivian habang hinahawakan siya ni Tito Jaynard na lumuluha na rin.

"Totoong siya si Dianne..." ani ni Lola Helena na humihikbi. "Ipinagkasundo namin siya dati na ipakasal kay Alfred Lee upang lumago ang aming negosyo, pero si Jaynard ang mahal niya kung kaya't tumakas sila. Simula noon, si Vivian ay naging si Dianne... at... si Dianne ay namuhay na si Vivian."

"Kung gan'on..." ani ni Mama pagkatapos niyang punasan ang kanyang luha. "B-Bakit ka may peklat sa binti na kagaya nang kay Vivian? Pati ba iyon ay plinano mo? Para paniwalain ako?! Kami? Na ikaw si Vivian? HA?! Para takasan ang kahayupan mo bilang si Dianne?!"

"Myra..." tawag ni Papa kay Mama.

"MAGSALITA KA!!!" sigaw ni Mama, ngunit iyak lamang ang siyang naisagot ni Tita Vi-Dianne.

"P-P-Patawad... Patawad... natakot lang ako Myra. Nagsisi na ako--"

"WALANGHIYA KA!!!!!" lahat kami ay nagsiawat nang sinugod ng sabunot ni Mama si Tita Dianne. "KAHIT KAILAN AY NAPAKA-DEMONYO MO! MANGGAGAMIT KA!!! ANONG KARAPATAN MO PARA GAMITIN ANG PANGALAN NI VIVIAN?! WALANG HIYA KA!! AAHHHHHHH!!!!!!"

"MYRA!!! TAMA NA!!"

Nagawa naming mahiwalay ang kamay ni Mama sa ulo ni Tita.

"HINDING HINDI KITA MAPAPATAWAD DIANNE! ISINUSUMPA KO! HINDING-HINDI KITA MAPAPATAWAD!" kasabay n'on ay ang pagtalikod ni Mama sa aming lahat. "HALIKA NA AYRA!" Nagaatubiling sumunod sa pagalis niya si Papa, na sinenyasan rin ako na sumama na.

Sa huling pagkakataon ay sinulyapan ko ang mukha nilang lahat na halatang sadlak. Huling nagtama ang mga mata namin ni Richard... pero... agad niya iyong iniwasan, na pra bang napapaso siya.

Para akong sinaksak ng isang milyong beses... anong ibig sabihin n'on? Ayaw niya na ba sa akin? Huli na ba ang lahat?

Nakauwi kami nila Mama at Papa sa pamamagitan ng taxi. Si Mama ay wala pa ring tigil sa pag-iyak buong byahe... pagdating naman sa bahay ay tahimik lang siya at tulala. Hinatid siya ni Papa sa kwarto nila, samantalang dumiretso naman ako sa kwarto ko.

Lumipas ang sandali at pinuntahan ako ni Papa sa kwarto. Nginitian niya ako ng malumanay sabay haplos sa aking buhok.

"Patawad, nadamay pa kayo dito." aniya sabay upo sa kama ko.

"Okay lang Pa, syempre, problema 'yan ni Mama kaya damay talaga po ako." sabi ko at ngumiti rin. "Pero ang galing po 'no? Ang liit ng mundo... Mahaba man ang panahong nakalipas talagang magkikita at magkikita pa rin sila nila tita Viv-- tita Dianne, at sa pamamagitan pa naming mga anak nila."

"Siguro nakatadhana na talaga." sagot ni Papa. "Marami mang masamang nangyari, pero mayroon rin namang mabuti..." tinignan niya ako at nginitian. "Si Vivian talaga ang ina ni Richard Lee... siguro naman ay matatanggap na kayo ng Mama mo hindi ba?" aniya sabay pinch sa ilong ko.

Natawa tuloy ako ng mahina. "Papa naman e..." sambit ko kaya humalakhak rin siya.

"O siya, hayaan na muna natin ang Mama mo. Magiging okay rin siya."

"Opo." sabi ko. Nagpaalam na si Papa at lumabas na ng kwarto ko.

'Si Vivian talaga ang ina ni Richard Lee... siguro naman ay matatanggap na kayo ng Mama mo hindi ba?'

Bumilis ang pintig ng puso ko nang maalala 'yong sinabi ni Papa. Hindi ko alam kung sapat na ba iyon para maging masaya ako kahit papaano... dahi tuwing naaalala ko 'yung tingin sa akin kanina ni Richard ay sumasakit ang puso ko.

Isinubsob ko na lang ang mukha ko sa unan para kalimutan lahat ng ito... tama, lilipas rin 'to...

Lumipas nga ang ilang araw na hindi ko masyadong nakakausap si Mama. Hindi ko tuloy alam kung okay na ba siya. Tanging si Papa lang ang nakakausap ko.

Isang araw ay nagulat ako nang marahang pumasok si Mama sa kwarto ko. Maliwanag na ang kanyang mukha, habang marahan rin siyang nakangiti sa akin.

"Ma..." sambit ko.

"Anak..." sabi ni Mama sabay tabi rin sa pagupo ko sa kama.

"Mama kamusta ka na? Okay ka na po ba?"

Marahan siyang tumango at ngumiti. "Nakapagisip-isip na ako nitong mga nakalipas na araw at..." biglang naging garalgal ang boses niya, kaya naman parang naiiyak na rin tuloy ako. "...at narealize kong naging sobrang sama akong ina sa iyo."

Agad kong hinawakan ang kamay niya. "Hindi po Ma..."

"P-Pero... itatama ko na ang lahat ng kamalian ko..." aniya habang hinahaplos ang aking pisngi. "Samahan mo ako kay Richard Lee."

Iniwan ako ni Mama sa kwarto ko na nagiisip, at nakatulala sa cellphone ko. Nakatitig lang ako buong sandali sa pangalan ni Richard sa facebook. Ilang beses na yata akong nagtype ng sasabihin, pagkatapos ay buburahin ko rin naman.

Ayradel: Richard... are you busy?

Napapikit ako nang isinend ko iyon, at napatalon sa gulat nang may bigla agad nagreply.

Richard: No. Why?

Ouch. Bakit ganito na naman siya? Bakit tunog wala lang na naman?

Napakagat ako sa labi habang nagtitipa ng reply.

Ayradel: Gusto ka raw makausap ni Mama.

Richard: Mama mo lang?

Napakunot ang noo ko.

Ayradel: Oo. Sa puntod raw ng Mama mo sana...

Natagalan bago siya nagreply. Akala ko tuloy ay mahaba na ang sasabihin niya pero...

Richard: Sige.

Yun lang. Napatulala ako sa kisame. Bakit gan'on? Ang sakit. Naramdaman ko na lang na umiiyak na pala ako. Pinunasan ko ang luha ko dahil tingin ko e napakababaw kong tao... isinubsob ko na lang muli ang mukha ko sa unan.