Chapter 49: End.
Ayradel's Side
Agad na nagtungo si Mama kay Tita Vivian upang yakapin ito ng napakahigpit na para bang ilang taon na silang hindi nagkikita. Nanatili lang kaming lahat nina Jayvee at Richard na walang imik, at laglag ang panga. Sa tagal naming magkaklase ni Jayvee ay ngayon ko lang naisama si Mama sa school, na iyon pala ay kakilala ni Tita Vivian?
''Vivian, ikaw ba talaga iyan?'' Kumawala sa pagkakayakap si Mama upang balingan si Tita Vivian.
Nakangiting tumango si Tita Vivian, saka bahagyang tumagilid upang maipakita sa amin ang likod ng binti niya. Tumambad sa amin ang isang mahabang peklat mula gitna ng hita pababang binti.
Mangiyak-ngiyak na niyakap muli ni Mama si Tita Vivian.
Samantalang kumunot naman ang noo ko.
N'ong nakaraan lang ay nakita kong sariwa pa ang sugat niyang iyon, ngayon nga ay peklat na ito.
''Ikaw nga! Vivian!'' Sambit ni Mama.
Muli na namang kumunot ang noo ko. Ikaw nga? Ibig sabihin, na-identify ni Mama na ang kilalang Vivian niya nga si Tita nang dahil sa malaking peklat nito sa binti?
''Kamusta ka na? Ano nang nangyari sa iyo? Paano ka napunta dito?''
Alangang kumawala si Tita Vivian sa pagkakayakap ni Mama.
''H-hindi ko alam na nandito ka rin pala.'' Sagot ni Tita Vivian. ''H-hindi ko rin inakalang magkaklase ang mga anak natin.''
Umangat ng tingin si Mama sa lalaking nasa likuran ni Tita Viviană…ˇsi Jayvee.
Yumuko ng bahagya si Jayvee para gumalang kay Mama, sabay lahad ng kamay dito upang makipagkilala.
''Jayvee Gamboa po, Tita.''
''Jayvee?''
Kumalabog ang dibdib ko sa tono ni Mama, dahil parang may inaalala siya sa pangalan ni Jayvee.
''AH! Napakagaling talaga! Ikaw pala yung Jayvee na kinahuhumalingan ng anak ko?'' Lumingon sa akin si Mama. ''Halika rito, Ayra, anak.''
Napapikit ako nang maramdaman ang bahagyang paghila ni Richard sa laylayan ng damit ko. Parang sinasabi na huwag akong lumapit doon. Mas humigpit ang pagkakahawak niya doon, ngunit agad na lumuwag nang si Mama na mismo ang humila sa akin palapit sa direksyon nila.
Muli akong napapikit, dahil parang binubugbog ang puso ko maisip ko pa lang kung anong maaaring maramdaman ni Richard ngayon.
'Yong pakiramdam na nandito siya pero hindi man lang siya binigyan ng atensyon. Ni hindi ko man lang siya magawang isali sa usapan na ito. Parang nabalewala lang ang presensya niya.
Sinubukan kong lingunin ang likod ko pero likuran na lang rin niya ang naabutan ko. Hanggang sa tuluyan na nga siyang naglaho sa hallway.
''Ayra, kinakausap ka!''
Napatalon ang dibdib ko nang higitin ni Mama ang braso ko upang harapin sina Tita Vivian.
''Pagkakataon mo na ito oh, hindi ba't may gusto ka kay Jayvee?''
Napatungo na lang ako sa mga sinasabi ni Mama.
''Uhm, tita,'' sambit ni Jayvee. ''Baka po hindi na komportable si Ayra. Okay lang po.''
lumuwag ang aking paghinga sa sinabi ni Jayvee.
''Oo nga naman, M-myr.''
Lumawak ang ngiti ni Mama. ''Namiss kita, Viv, bestfriend ko!''
Saka muling yumakap si Mama kay Tita Vivian.
Nagsimula na ang deliberation sa classroom at hindi na bumalik pa sa room si Richard. Tanging si Kuya Maximo lang ang nandito at hindi pa siya malapitan dahil palagi akong hawak ni Mama.
Kahit nga si Tita Vivian ay hindi rin makawala. Sobra lang talaga siyang namiss ni Mama, pero hindi ko maramdaman na namiss ni Tita Vivian si Mama.
Hindi ko alam, pero parang uneasy siya kanina pa. Parang hindi totoo ang mga tawa niya pag si Mama ang kaharap. Kilala ko na rin naman kasi si Tita Vivian, kaya naman sobra rin akong nagulantang nang malaman na magbestfriend pala sila noon nila Mama.
''Hindi na-mention ni Mama na may childhood bestfriend siya,'' napalingon ako kay Jayvee na katabi ko ngayon. Lumipat pala siya ng upuan mula sa tabi ni Tita, papunta dito sa tabi ko.
Napaisip muli ako sa sinabi ni Jayvee. Childhood bestfriend. Pero hindi ako nagkakamali, e. Recent lang talaga 'yung sugat sa binti ni Tita Vivian. At base sa ekspresyon ni Mama, 'yong sugat ang nagpapatunay na si Vivian na bestfriend ni Mama nga si Tita.
Hindi ba dapat, ang palatandaan na hanapin ni Mama ay 'yong palatandaan na simula bata pa sila?
''Ayra?'' Napakurap ako nang magsalita si Jayvee.
''O-oo nga e. Yung mama ko rin, walang binanggit.''
humugot ako ng malalim na hininga dahil ang awkward.
Nanaig pa ang sandaling katahimikan bago ulit siya nagsalita.
''Grabe, ang liit lang talaga ng mundo.'' Tumingin siya sa direksyon ko kaya napalingon din ako. Para akong maduduling sa tingin niya na ewan. Ilang segundo pa siyang tumitig sa mukha ko kaya hindi ko magawang umiwas.
''O-oo nga e.''
Humarap na lang din ako sa board, at nakitang naisulat na doon ang Top 10, 9, 8, 7, 6, 5, 4, 3, ang kulang na lang ay ang 2 at ang 1.
Halos mapatalon naman ako sa gulat nang magvibrate ang phone ko na nasa bulsa lang ng pantalon ko.
Agad kong tinignan iyon at tumambad ang pangalan at mga mensahe ni Richard. Anim na magkakasunod na mensahe.
"I don't want to be clingy,"
"but I can cling into you, if you want me to."
"I can wait, without asking or demanding."
"Kaya kong maghintay, Ayra."
"At okay lang rin sa akin na mahalin mo ako,"
"habang mahal mo pa si Jayvee."
Agad akong napalingon sa pintuan at may pigura doon ng tao ang nakita kong umalis. Kahit hindi ako siguradong si Richard iyon ay agad akong tumayo upang sundan ito. Ngunit agad akong natigilan nang magsipalakpakan ang mga taong nasa loob ng room.
...at nakatingin silang lahat sa akin.
Napatingin ako sa board at binasa ang nakasulat dito.
Rank 3: Jayvee Gamboa
Rank 2: Jae Anne Galvez
Rank 1: Ayradel Bicol
Parang wala akong naramdamang saya, at mas nangibabaw sa puso ko ang habulin si Richard. Iniwan ko sila roon, saka ako tumakbo ng mabilis papuntang Science Garden.
Nagbakasakali akong makita siya roon, pero wala.
Hanggang sa makarating ako sa gate.
Hinanap ko rin siya sa labas pero wala na rin. Hindi ko na siya makita.
Muling nagvibrate ang phone ko, at muli ring nabasag ang puso ko sa mga nabasa ko.
"I'm a little hurt, but I promise, I'll be okay. I just need a little time, love."