Chapter 41: Saranghae
Ayradel's Side
Nakarating kaming kanto papunta sa bahay namin nang iniisip ko si besty at kung paano ko siya kakausapin. Sabado bukas, walang klase pero ayaw ko namang humingi ng tawad online. Siguro hayaan ko munang lumamig 'to.
Natigil na lang ako sa pagi-isip nang tumigil na ang sasakyan ni Richard sa tapat mismo ng appartment namin. Nagtama ang mga mata namin kaya naman tipid akong ngumiti, kahit lubos akong kinakabahan.
Hindi ko pa rin matanggap tong nararamdaman ko. Kailangan ko tong pagisipang maigi, paano kung nadadala lang ako sa kabaitan niya nitong mga nakaraang araw?
"S-salamat." sambit ko, at akmang bubuksan na sana 'yong pintuan ng sasakyan nang pigilan niya ang pulso ko.
Napahinto ako at naabutan ang pagbukas-sara ng bibig niya na para bang may gustong sabihin.
"B-bakit?" tanong ko.
"M-may gagawin ka bukas?" Aniya na nagpakunot ng noo ko. Marahan akong umiling bilang sagot. "Pahiram ng cellphone mo."
''Phone ko? Bakit?''
N'ong una ay nag-alangan pa ako dahil hanggang ngayon ay si Jayvee pa rin ang wallpaper ko. Hindi sa patay na patay ako Jayvee, pero siguro nakalimutan ko na lang na palitan sa tagal ng panahon.
Di ko pa naiaabot ay kinuha niya na lang iyon sa kamay ko.
"Tss. Palitan mo na wallpaper mo!"
Hindi ko alam kung bakit ako napangiti. Hindi niya naman ako napansin dahil tinitignan niya ang mga contacts ko. Ewan ko kung anong tinignan niya diyan e halos sampung tao lang yata ang laman n'on.
"Tss. Tumawag na ako sayo dati, hindi mo man lang sinave number ko." Aniya at parang gusto kong tawanan ang paghaba ng nguso niya. "Sino 'tong Lui heart?"
Kumunot ang noo ko at inisip kung ano yung tinutukoy niya.
"Kapatid na lalaki ni Luisa? Lui pangalan?!" Dugtong niya pa, saka ipinakita ang screen ng list of contacts ko.
Doon ko nakita ang magkasunod na pangalang "Lui<3" at "Luisa"
Inagaw ko ang phone ko at sumimangot. "Bakit ba?"
"May gusto ka sa kapatid na lalaki ni Luisa??"
Hindi ako sumagot. Umiwas lang ako ng tingin at napalunok. Hindi ko alam pero natatawa ako.
Bakit ba? Bakit ba ako masaya?
Aish.
Actually, parehong si besty yon. Mas madalas niya lang talagang gamitin 'yong TM niyang number, which is yung Lui<3
"Tss!" parang inis na ginulo niya ang buhok niya. Napalingon ako. "Tawagan mo ako bukas." Aniya sa tonong parang nangu-utos. Kinunot ko ang noo ko sa kanya.
"Ha?"
"Basta!" Parang siya pa yung galit na ewan. Lee-ntik talaga 'to. "Tawagan mo ako kapag bored ka. Tawagan mo ako kapag kakain ka. Kapag iinom ka ng tubig. Tawagan mo ako kapag may kailangan ka."
"A-Ano bang meron, bakit kita tatawagan?"
"Tawagan mo ako kapag pupunta kang CR."
Napapikit-pikit ako at napaatras.
"At bakit naman kita tatawagan kapag pupunta akong CR?!"
Natigilan siya at parang napaisip sa sinabi niya. Sumimangot ako sa sobrang kahihiyan.
"Aish! Basta! Sa sobrang ka-baichi-an mo baka madulas ka sa CR at maano na naman 'yang ulo mo! Basta! Kahit wala kang kailangan, tawagan mo ako! MALIWANAG BA YON?!"
Kunot na kunot ang noo niya na para bang inis na inis. Nagcross arms pa siya at humarap sa manibela habang nakabusangot. Nakaawang lang ang bibig ko sa sobrang kalituhan sa mga inaasta niya. Problema nito?
Nag-iba ang hibla ng reaksyon niya nang tumingin sa harapan. Napatingin din tuloy ako, at dahil doon ay nawalan ng dugo ang buong mukha ko. Nanlamig ang tuhod ko pero hindi hadlang yon para kumurap.
Nilingon ko si Richard. Kinakabahan ako kahit tinted naman ang windshield ng sasakyan.
"Wag ka nang bumaba, please."
"No. Let me be the man, Baichi."
Napalunok ako bago dali-daling bumaba ng sasakyan. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan. Siguro dahil ay alam kong iba na ang tingin sa akin ni Mama ngayon. Alam kong iba na rin ang iniisip niya ngayon.
"Ma." Sambit ko pagkalapit. Istrikto ang mukha niya at di man lang natinag sa pagkakrus ng bisig niya.
Palipat-lipat sa amin ni Richard ang tingin niya. Dahil d'on ay napayuko ako, lalo na n'ong maramdaman ko ang presensya ni Richard sa likuran ko.
Somehow, naramdaman kong meron akong kakampi.
"Anong nangyari dyan sa ulo mo?"
Napahawak ako sa band aid na nilagay ulit ng doctor para daw hindi mainfect yung sugat.
"Wala po, n-nabagsakan lang p-pero okay na."
Muling tumahimik. At sa palagay ko ay na kay Richard na ang atensyon ni Mama.
"Hinatid ko lang po si Ayradel."
"May kailangan ka pa?" Kumabog ang dibdib ko sa tinanong ni Mama. Hindi ko na mahanap 'yong dating reaksyon niya tuwing nakikita si Richard. Wala akong narinig na sagot mula sa likod, pero sigurado akong gulat din si Richard ngayon. "Makakaalis ka na."
"Sige po. Good Afternoon... and bye po."
Mariin akong pumikit habang pinapakiramdaman ang pag-andar ng sasakyan niya. Mas lalo akong ginapangan ng kaba. Ngayon ay ako na lang mag-isa.
"Hindi ko gustong tuwing umuuwi ka dito ay lagi mo na lang kasama ang lalaking 'yon." Ani ni Mama. "Akala mo ba papalagpasin ko lang ang mga paguwi mo ng gabi nitong nakaraan? Pinalaki ba kitang ganyan? Huwag ko lang talagang malalaman na nakikipagrelasyon ka sa-"
"Hindi po!" Natigilan ako saglit sa ginawa kong pagsingit. Huminahon ako. "H-hindi po, magkaibigan lang po kami."
"Dapat lang. Hindi kami nagpapakahirap ng tatay mong magtrabaho para lang lumandi ka."
Napapikit ako sa sinabi ni Mama habang nakayuko pa rin. Gan'on lang ba ang nakikita ni Mama na ginagawa ko? Ang lumandi?
Ilang minutong nanahimik si mama, na sa tingin ko ay nagpapakalma. Ni hindi ko tinangkang gumalaw o umangat man lang ng tingin.
"Eh ang Science Camp. Anong nangyari?"
Gusto kong matawa.
Matapos niyang malaman na naaksidente ako, kahit pa maliit na sugat lang 'to... mas naalala niya oa talaga ang Science camp?
Sobrang sakit na ng lalamunan ko dahil pakiramdam ko, isang kalabit ay iiyak na ako.
"W-wala po..." tanging naibulong ko na parang ako lang yata ang nakarinig.
"Ano?!" Napaatras ako sa pagtaas ng boses ni Mama. Nagkabikig sa aking lalamunan kaya nilunok ko iyon. Kinagat ko ang labi ko, at alintana ko na ang tingin ng mga taong nadadaanan kami. "Anong sinasabi mong wala?"
"Wala po," sambit ko. "N-naclinic kasi ako kaya po na... na... hindi ko po na-attendan."
Nagsimula nang sumakit ang lalamunan ko at nanlabo na rin ang mga mata ko dulot ng luha. Pinigilan ko ang pag-angat ng mga balikat ko para hindi iyon mapansin ni Mama. Nagpapabalik-balik ang lakad ni Mama sa harapan ko na para bang pinipigil ang sariling sumigaw.
"Pumasok ka na sa loob. Sobra mo akong na-disappoint ngayong araw."
Parang may mga isip ang mga balikat ko't nag-unahan na ito sa paggalaw. Gayon din ang hikbi ko. Parang naging isang kalabit ang pagtalikod ni mama para ilabas ko yung bigat sa dibdib ko.
Ilang sandali muna akong nagpahupa ng iyak doon. Pumasok ako ng bahay.
Wala pa si Papa kaya walang tao sa sala. Si Mama ay siguradong nasa kusina. Dumiretso ako sa kwarto at doon nagmukmok.
Pagkahiga ay naramdaman ko agad ang pagvibrate ng cellphone ko. Sisinghot-singhot at mahapdi pa ang mata ko nang tignan ko ang notification. May tumatawag.
Richard<3 CALLING
Ang lahat ng inis o pagdadamdam ko kay Mama ay nabura makita ko pa lang 'yong pangalan ni Richard sa phone ko. Malamang ay ito yung kinalikot niya kanina.
I press the answer button.
Hindi ako agad nagsalita. Hinintay ko siyang mauna, at pinakinggan ko muna ang mahina niyang paghinga.
"Stop crying..." aniya na parang isang kalabit para sa luha ko. Tahimik kong pinunasan iyon. "Baka... hindi na ako makaalis sa tapat ng kapitbahay niyo."
Nanlaki ang mga mata ko at agad na napatayo para magtungo sa bintana ng kwarto ko dahil sa sinabi niya. Hindi nga ako nagkamali, dahil sa hindi kalayuan ay natanaw ko ang itim na sasakyan, habang nakatayo sa gilid nito si Richard. Nakatingin na siya sa direksyon ko. Natanaw ko rin ang pagngisi niya at ang pagtaas ng kamay niya, kasabay ang pagbigkas ng salitang Hi. Ngumiti din ako at nag-hi din. Ipinahinga ko ang palad ko sa jalousy ng bintana.
"Bakit hindi ka pa umuuwi?" tanong ko, pinipilit na wag mahalata ang boses. Nananatili pa rin ang titigan namin mula sa malayo.
"May umiiyak na Baichi e," he chuckled. "Di ako makaalis."
"Psh. Wag mo na nga akong tawaging Baichi. Naaalala ko lang meaning nyan eh." Pati 'yung unang beses kitang nakita. Unang beses na tinawag mo akong tanga. Unang beses na sinabi kong Lee-ntik ka.
Biglang naging tahimik ang paligid habang magkatinginan kami.
"Umuwi ka na. Okay lang naman ako. Di mo na kailangang gawin 'to."
Baka umasa rin ang puso ko. Alam ko naman e, na pwedeng kaya niya 'to ginagawa ay dahil mabait lang siya o naaawa siya sa akin these past few days. Ako lang itong tangang nagkagusto sa kanya.
Darating yung araw, after the grading ay babalik na siya sa mundo niya. Sa private school. Sa lugar ng mayayamang katulad niya.
"Mabait lang talaga ako, Baichi. Konsensya ko pa kapag umiyak ka buong gabi no."
"Psh," Alam ko naman!
Kainis. Napakagaling talaga nitong pagmukhaing assumera ako.
"Alis na." Sambit ko. Puno ng tabang.
"Psh," humalakhak siya. "Ibaba mo na."
"Huh? Mauna ka nang magbaba." napangisi ako.
"Ikaw na! Tss. Isa!"
"Oo na! Oo na! Sige. Bye----"
"Teka..."
Natigilan ako. "Hmm?"
"S-Saranghae."
Kumunot naman ang noo ko.
"Huh? Bakit ka nagte-thank you?"
Humalakhak na naman siya ng mahina na nagpakunot sa noo ko.
"Wala," aniya. "Ibaba mo na. Yung phone."
Napangiti ako at di ko alam kung bakit. Kinagat ko ang labi ko.
"Bye." Saka ko binaba ang tawag. Pinagmasdan ko kung paano siya lumingon ulit bago siya tuluyang sumakay ng sasakyan at paandarin ito palayo.
Nanatili lang ang tingin ko d'on nang biglang kumalabog ang pintuan ng kwarto ko dahil sa kumakatok dito. Kumalabog din ang dibdib ko sa gulat at sa idea na baka si Mama iyon. Di ko pa siya kayang harapin.
Malumanay kong inikot ang door knob at naglagay ng kaonting puwang para silipin kung sino yung kumatok. Kumalma naman ako nang makita ang nakangiting mukha ni Papa.
"Your order, Ma'am." Aniya at ipinakita ang chocolate drink at cookies sa platito.
"Pa naman! Hahaha!" Niluwagan ko ang awang ng pinto, saka lamang pumasok si Papa upang ilapag ang dala niya sa study table ko. "Aga mo po yatang umuwi?"
"Naramdaman kong di okay ang Mama mo. May nangyari ba?" Tanong niya imbes na sagutin ako. I flash a weak smile. Lalo na nang mapansin na ni Papa ang bandaid ko sa bandang noo.
"Wala lang po 'yan, Pa. Aksidente sa school pero okay naman na po." Ayokong sabihin buong detalye dahil baka mas lalo silang magalala, at mas grabeng gulo pa.
"Hmm. Patingin! Malaki ba yung sugat?"
"Hindi po! Okay lang!"
"Tsk, tsk! Sa susunod magi-ingat ka. Siguro nag-alala lang sayo ang Mama mo..."
"Pero Pa..." sambit ko't napaupo sa kama. "H-hindi po ako nakasali sa Science Quiz Bee. Napa-clinic po kasi ako tapos hindi ko na naabutan yung Quiz Bee."
"Okay lang 'yon. May next time pa naman diba?"
"Pero Pa, malaking points 'yon. May posibilidad na... di ko na makuha yung Rank 1." I sighed.
Naramdaman ko ang pagupo rin ni Papa sa kama at ang pag-abot niya ng platitong may cookies sa akin.
"Okay lang 'yon. Hindi grade ang batayan para sabihing matalino ang isang estudyante," aniya. "Mas mahalaga pa rin ang puso. Ang ugali. Tatandaan mo 'yan."
Humalakhak kami ni Papa na para bang tawang-tawa sa mga pinagsasabi niya. Kung titignan mo kasi siya ay talagang nakakatakot: maskulado, matangkad, maputi, mukhang bouncer. Hindi mo aakalaing ganito siya kadrama at kasoft.
"Saranghae, Papa."
"Aba, ikaw ate ah. Saan mo natututunan ang mga Korean words na 'yan?" inayos ni papa ang munting buhok ko. "Siguro doon sa anak ng DepEd no? Nako, wag ka munang magsa-Saranghae saranghae sa ugok na yon kahit gwapo 'yon! Dadaan muna siya sa muscles ko! Hahahaha!"
"Ba't naman bawal ako mag-thank you sa kanya, Pa?" Nagsimula kong ngatngatin 'yong mga cookies.
"Anong thank you? Sabi ko yung Saranghae!"
"Oo nga po. Diba ang ibig sabihin ng Saranghae ay 'thank you'?"
"Hindi," humalakhak si papa. "Sa tagal kong nagtrabaho sa mga Koryano na 'yan, alam kong 'Kamsahamnida' ang korean term ng 'Thank You', at ang ibig sabihin ng---"
"Ano po? Yung Saranghae?"
Huminga ako ng malalim at nagreplay ang boses ni Richard na sinasabi ang salitang iyon.
"I love you. I love you ang ibig sabihin n'on."