Nakapalibot ang lahat ng naroon at nakatingin sa isang hardin.
Lahat ay nakatutok ang mga mata sa isang bagay na ibinababa sa ilalim ng lupa.
Maliban sa isa.
Sa kanya.
Ang bagay na 'yon ay ang pinakahuling nais makita ng binata.
Ang bagay kung saan inihahatid sa huling hantungan ang nag-iisang kaibigan.
Ayaw niyang tumingin ngunit hindi mapigilan dahil sa humikbing katabi.
Kitang - kita niya ang pagbaba ng ataul sa lupa.
Sumakit ang gilid ng kanyang mga mata.
Anumang oras ay tila maiiyak ang binata.
Isang bagay na ayaw niyang mangyari ng may nakakakita.
Ibinaling niya ang tingin sa katabing kasintahan.
Panay ang pahid nito ng panyo sa mga mata, hindi na suot ang sunglasses.
Hindi niya inaalis ang suot niyang sunglass dahil makikita ang pamumula ng kanyang mga mata.
Marahan niyang hinaplos ang balikat nito upang malipat doon ang kanyang atensyon.
"This is my fault," deklara ni Ellah.
Hindi siya sumagot dahil tila may nagbara sa kanyang lalamunan.
Ang totoong may kasalanan ay siya!
Alam niya 'yon.
"Gian, kasalanan ko hindi ba?"
Umiling siya.
Nagpatuloy ito sa tahimik na pag-iyak.
Itinuon niya muli ang tingin sa kaibigan.
Ngayon ay binubuhusan na ito ng lupa.
Sa isang linggong burol nito ay ni hindi siya tumingin.
Ni hindi siya naglalalapit sa mga pamilya ni Vince.
Ngayon lang siya nagpakita dahil inililibing na ito.
Minsan lang naman siya nagpunta sa bahay ng mga ito noong buhay pa ang ina at kaarawan nito.
Unti-unting nagbalik sa kanya ang mga ala-ala nilang dalawa habang nasa bahay ng kaibigan sa isang probinsiya.
Masaya itong sinalubong ng ina at iba pang kamag-anak.
"Vince anak, salamat naman at dumating ka." Niyakap ito ng ina.
"Siyempre 'nay, birthday mo eh."
Maya-maya ay sa kanya na ito tumingin.
Tahimik ang buong pamilya ng kaibigan kaya nakapgtataka bakit masayahin ito at madaldal.
"Uulan na yata?" dinig niyang wika ng isang bisita.
"Tara na? Tapos na naman," anang isa pa.
Nagsi-alisan na ang mga ito.
Tapos na pala.
Tapos na.
Nilingon siya ni Ellah. "Alis na tayo?"
Lumunok siya. "Mauna ka na, susunod ako."
Tumango ito at umalis.
Napansin niya ang tatlong lalaki sa gilid.
Nag-abot ang tingin nila ng isa sa mga ito, bahagyang ngumiti ang tatlo at lumapit sa kanya.
"Sir, kumusta?" si Greg.
"Maayos naman."
"Hindi pa rin ako makapaniwalang wala na si Captain," si Ryan.
"Wala ng nagpapasaya sa grupo," si Esiah.
Sa sinasabi ng mga ito ay mas lalong bumibigat ang kanyang pakiramdam.
"Nga pala sir," may iniabot si Greg na isang sobre.
Sobreng pansulat.
"Ano 'yan?"
"Last words."
Napalunok siya at biglang kinabahan.
Naiisip na niya kung ano 'yon.
Tahimik niyang tinanggap ang bagay na iyon.
Nagpaalam ang mga ito at umalis.
Ngayon nag-iisa na lamang siya habang hawak ang sulat.
Tumingin siya sa lupang may damong bermuda at sa lapida ng kaibigan.
Vincent I. Maravilla
Born on: February 28, 1991
Died on : September 30, 2020
Died.
Pumanaw na talaga ito.
Tila nanghina siya at marahang umupo.
Binuksan niya ang sulat.
Para sa pinakamamahal kong kaibigan,
Gian pare,
Gulat ka ano?
Hindi mo siguro inaakalang susulatan kita.
Itinuring na kasi kitang pamilya, kapatid na kuya.
Huwag umangal, matanda ka ng isang taon sa akin.
January 6, 1990 ang birthday mo.
Naks, imagine natandaan ko!
Pare, alam mo bang sa tuwing may misyon ako, isa lang naiisip kong tanong.
Hindi kaya ito na ang katapusan ko?
Pare, ang pinakaayaw ko ay ang mamatay sa misyon, o mamatay dahil sa trabaho.
Ibig kasing sabihin no'n, bigo ako.
MISSION FAILED!
Kahit sabihin pang bayani ako dahil inialay ang buhay sa bansa, bigo naman.
Hindi magaling.
Ayaw ko ng gano'n.
Kung sakaling mamatay ako, gusto ko 'yong walang kinalaman sa misyon.
Maalala ako ng tao bilang isang magaling na alagad ng batas.
Sasabihin nila. "Ang galing pa naman ng taong 'yon kaya lang may dumale, walang kinalaman sa trabaho."
"Gano'n ba? Sayang naman, magaling pala."
O 'di ba?
Kaysa ganito. "Anong kinamatay?"
"Misyon, may kinalaman sa trabaho."
"Ah, nabigo?"
Masakit 'yon pare.
Mas masakit pa sa nabasted.
Tatatak kasi sa isipan ng lahat, na bigo ka.
Wala ka ng pagkakataong bumawi dahil patay ka na.
Tama na sa patayang usapan kinikilabutan ako.
Pare, maraming salamat sa pagkakaibigan natin ha?
Isang beses lang naman ako nagsulat para sa'yo.
Ayaw ko sanang mabasa mo ito, kasi ang ibig sabihin no'n wala na ako.
Wala na ang gago mong kaibigan hahaha.
Ikaw pare, paano mo ba gustong mamatay?
Lintek naman oh! Patayan na naman sinasabi ko, gago talaga ako!
Gusto ko sanang burahin 'to kaya lang papangit lalo, pangit na ang writing ko, pati ba naman sa sulat?
Hindi pare, seryoso na 'to.
Ehem, ehem!
"Dear Charo,"
Hahaha parang MMK lang. Gago talaga ako!
Pare, kapag nawala ba ako iiyak ka kaya?
O, iiyak na' yan! Iiyak na 'yan!
Nilingon niya sa ibang dereksyon ang paningin upang hindi maluha.
Humugot siya ng malalim na paghinga at muling ibinalik ang paningin sa binabasa.
O sabi ko na! Umiyak ka ano?
Pare, huwag mong iyakan ang isang tulad ko.
Ordinaryo lang naman ako, walang spesyal sa akin.
Ah, sabi ni mama noong nabubuhay pa siya.
Spesyal daw ako. Spesyal child pala!
Gago talaga mama ko!
Ay sorry ma!
Alam ko masaya ka na sa langit.
Ako kaya? Sa langit din kaya ako mapupunta?
Mukhang malabo, hindi naman ako mabuting tao.
Mabuti na rin siguro sa imperyno maraming chiks doon.
Ano ba itong mga pinagsasabi ko, gago talaga ako!
Tsk! Tsk!
Pare noong umalis ka sa trabaho nalungkot ako ng husto noon.
Nawalan kasi ako ng masasandigan, ng maaasahan ng makakapitan.
Pero noong malaman kong bilyonaryo ka pala at mag-iiba ng landas na tatahakin sobra ang tuwa ko.
Naisip ko kasing gagaya sa'yo, hindi man kasing yaman mo atleast nag-iba ng landas.
Magiging isa akong negosyante kagaya ni don Jaime!
Pare, hindi man halata, idol na yata kita?
Idol talaga kita!
Basta pare, tandaan mo, mahal kita.
Buong buhay ko ipinagpapasalamat ko na nakilala kita.
Maraming salamat sa pagkakaibigan natin.
Isa lang maipapayo ko sa'yo.
Mabuhay ka ng matagal at masaya.
HUWAG SAYANGIN ANG BAWAT PAGKAKATAON NA MAGING MASAYA!
Iisa lang ang buhay, kapag nawala ito, wala ng pagkakataong makabalik.
Mag-iingat ka ha.
Gusto ko pa sanang pahabain ang sulat na 'to kaya lang nakakahiya, mahaba pa sa report ko hahaha.
Ang hirap pala maging Captain, tagagawa ng report.
Ano ba 'yan!
Nagrereklamo pa ako samantalang last words ko na 'to.
Sige na nga, tatapusin ko na' to.
Hanggang sa muli, ay wala na palang muli.
Mula sa kaibigan, kasangga sa misyon at krimen.
Paalam Gian.
Vince.
Marahan niyang hinaplos ang lapida.
"Pare, ang pag-alay ng buhay para sa bansa ay hindi isang kabiguan, patunay 'yon ng katapangan at katapatan.
Para sa tulad mo, alam ng lahat na ang buhay mo ay para sa mamamayan.
Kahit sabihin pang mabigo ka sa misyon, isang karangalan ang pag-alay mo ng buhay.
Buhay 'yan pare, pinakamahalagang bagay sa buong mundo.
Kapag nawala ang buhay mo, wala ka na sa mundo.
Mawala na ang lahat huwag lang ang buhay mo pare.
"H-huwag lang ang buhay mo."
Mariin siyang pumikit at pinigilan ang pag luha.
Naramdaman niya ang mahinang pagpatak ng ulan ngunit hindi man lang natinag ang binata.
"Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na wala ka na.
Wala na akong kasangga sa krimen, sa lahat.
Iniwan ko lang ang misyon pare, pero hindi ikaw.
Sabi mo... sabi mo yayaman pa tayo.
Lalagpasan mo pa si don Jaime.
Pare ang daya mo.
Sabay pa tayong magbabagong buhay.
Wala ng magagalit sa akin kapag hindi ko na nakokontrol ang sarili ko.
W-wala na akong kaibigan.
W-wala ng tatawag ng gago sa akin."
Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang kanyang mga luhang hindi na pinigilan.
Walang kasing sakit ang pagkawala ng nag-iisang kaibigan.
Humagulgol siya ng husto at wala ng pakialam sa nangyayari sa paligid.
" Pare, mahal na mahal kita. Mahal na mahal. Hindi ko man sinasabi sa'yo pero alam mong mahal kita. Ikaw ang sandigan ko, ikaw ang lakas ko. Alam mong wala akong mapagsasabihan ng mga hinanakit ko, ikaw lang. Ikaw lang pare. Itinuring na kitang kapatid, bunso, pamilya."
Hanggang sa maramdaman niyang may lumapit sa likuran.
Sinikap niyang kumalma ngunit hindi lumingon.
Naramdaman niya ang paghaplos ng isang kamay sa kanyang balikat.
Alam niyang si Ellah 'yon.
Mas lalong bumigat ang kanyang damdamin at humagulgol ng husto.
Umiyak na rin si Ellah.
Umiyak ito nang umiyak.
Napuno ng pighati at paghihinagpis ang libing.
Hanggang sa napansin niya ang isa pang lumapit.
Nilingon niya ito. Natigilan nang makita ang katabi ng kasintahan.
Inayos niya ang sarili.
Ama ni Vince ang nasa harapan niya.
Magkahiwalay ang mga magulang ng kaibigan kaya hindi siya malapit dito.
"S-sir..." mahinang sambit ng binata. "Nakikiramay po ako."
Tumango ito. "Salamat, salamat Gian, hindi mo pinabayaan ang anak ko kahit sa huling buhay niya."
Muling nanakit ang kanyang lalamunan.
Marahan siya nitong nilapitan at magaang niyakap.
Bumigat ang kanyang paghinga sa tindi ng pagpipigil ng luha.
"Maraming salamat po sa pagkakaroon ng anak na kagaya ni Vince."
Kumalas ito at tumalikod, dinig ang mahinang hikbi ng ama ni Vince.
Yumuko siya kasabay ng pagpatak ng luha.
Nilingon ang libing ng kaibigan.
'Paalam Vince.'
Nagsimula siyang humakbang palayo sa nag-iisang kaibigan.
Alam niyang kahit magpabalik-balik siya rito, wala na siyang babalikan kundi ala-ala na lang.
---
Lumipas ang mga araw.
Nalinis na ang pangalan ni Gian.
Nabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Isa-isang nakahilera ang mga larawan ng biktima sa isang altar.
Naroon ang larawan ni Isabel, Roger, Warren, mga magulang ni Ellah, at si Vince.
Nasa harapan ang binata at kasalukuyang nagsasalita sa isang pagpupulong.
"Ang mga nakikita ninyo ngayon... " iminuwestra ni Gian ang mga larawan sa ibabaw ng lamesa.
"Ay mga biktima ng terorismo."
Ang mga taong ito ay naging kasangkapan upang mapigilan ang paglaganap ng droga sa bansa.
Sila ang mga nagbuwis ng buhay upang buwagin ang banta ng terorismo.
Hindi man sila maituturing na bayani ngunit sila ang naging dahilan kaya tuluyang nabuwag grupo ng kasamaan.
Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga pinagsamahan namin, mga pinagdaanan mga isinakripisyo para lang magtagumpay sa misyon.
Utang ko habang buhay kina Roger, Warren, Isabel at Vince na pinakamatalik kong kaibigan ang mga buhay na itinaya at isinakripisyo nila para sa bansa.
Ordinaryo man silang mamamayan, spesyal naman ang kanilang nagawa para sa bayan.
Hindi man sila kilala sa lipunan kikilalanin naman ang kanilang nagawa sa bayan.
Hangad ko na kahit sino sa mga mamamayan, ordinaryo man o may tungkulin sa bayan, mahalin ninyo ang ating bansa.
Dahil kung magkakaisa ang bawat Pilipino walang balakid ang hindi kayang lagpasan.
Maraming salamat po." Yumuko ang binata.
Sinalubong ito ng masigabong palakpakan ng lahat.
Umangat ang kanyang tingin sa kawalan at pinigilan ang mapaluha.
'Pare, natupad na ang pagbigay ng hustisya sa mga biktima. Kikilalanin ang inyong mga ginawa para sa bansa.
Maraming salamat pare. Maraming salamat sa buhay na ibinuwis mo.'
Tuluyang nasugpo ang terorismo sa pagkawala ng mag-amang Delavega.
Tinanggap ng mga Delavega ang pagkawala ng mag-ama.
Nagkasundo ang pamilya Villareal at Lopez.
Si Hendrix ang nanatiling namahala sa kumpanya.
Ipinaubaya ni Gian sa iba pang pinsan ang mga biniling negosyo.
Tuluyan na siyang hahawak kumpanya ng kasintahan.
At ngayon ang pormal na pagpapakilala sa kanya sa Board of Directors ng kumpanya.
Kalmado ang lakad nina don Jaime at Ellah na sanay na sanay sa pagharap ng tao. Kasunod nila ang mga tauhan sa likuran.
Kausap ni don Jaime ang sekretarya nito.
"Kumusta ang stocks?"
Napalunok ang binata. 'Anong stock? Stock kaya ng carbon?'
Napailing siya.
Stock lang hindi niya maintindihan.
"It's fine Chairman, nanatili tayong pinaka indemand sa lahat. We are making a proposal for the new investment."
Napatango-tango ang don at maaliwalas ang mukha.
Hindi kagaya niyang nangangatog ang mga tuhod sa kaba at hindi na magawang ngumiti.
Hindi mawala-wala sa isipan ang isang tanong na nagpapabagabag sa kanya.
Isang tanong na hindi niya kayang sagutan.
Nilingon siya ng kasintahan.
"Pinagpapawisan ka" bulong nito. "Kinakabahan ka ba?"
Tumango siya.
"Anong iniisip mo?"
Nahihiya man ay nilakasan na niya ang loob at sasabihin na ang kinatatakutan.
"Sa palagay mo ba, sa palagay mo makakaya kong humawak ng tao?"
Natawa ang dalaga na ikinairita niya.
Natatakot na nga siya tatawanan pa.
"Marunong ka ngang humawak ng baril tao pa?"
"I'm serious. Hindi daan- daan lang ang mga tauhan ninyo, libo-libo."
"Okay fine, sorry. Kayang-kaya mo 'yan. Mabait ka sa lahat, walang pinapapaburan, nakikinig sa mga tauhan.
Mahal mo ang mga tao mo noong may misyon ka pa hindi mo sila pinababayaan.
Ang mga katangiang ' yan ang dapat mamuno sa isang kumpanya."
Napatango-tango siya at inayos ang suot na tuxedo.
Lahat ng mga tauhang nasa likuran nila ay nakasuot ng pormal.
Talagang pagiging negosyante na ang kanyang tatahaking landas.
Napalunok siya ng nasa pintuan na sila ng conference room.
Binuksan ni Ben ang pinto.
Bumungad ang nakapalibot na opisyal sa isang mahabang mesa.
Lahat nakatingin sa kanila.
Nagsitayo ang mga naroon at bumati sa Chairman at sa kanila.
Napalunok siya.
Pumasok sila at sumunod siya kung saan uupo si Ellah, si don Jaime ay umupo sa pinakaharapan.
Nagsimula ang meeting.
Ang agenda ay ang pormal na pagpapakilala sa kanya.
"Ladies and gentle men, let me introduce to you the new President of MEDC. He is a former PDEA agent, an ex-bodyguard of my grand daughter Ellah."
Napansin niya ang pag-ugong ng bulungan.
Ang iba rito ay hindi siya kilala kaya nagtataka ang itsura ng mga ito.
May isang lalaking nagpataas ng kamay.
" Mr. Chairman, how a man like him became the President of this Company? "
Napigil ng binata ang hininga.
Naglalaro sa isipan ang pagdududa sa sarili.
Tama nga naman ito, paano siya mamumuno kung siya mismo nagdududa sa kakayahan niya.
Hinawakan ni Ellah ang kanyang kamay na nanlalamig.
Muling umugong ang bulungan, may tumatango at may umiiling.
Tumigas ang anyo ng don na tila handa siyang ipaglaban.
"We already know the downfall of Delavega. The downfall of Mister Go former Company President and his men. The downfall of terrorism.
And lastly, we discover the real culprit/ the traitor behind the downfall of MEDC, and that was Roman Delavega, my former friend."
Lumakas ang bulungan at tila hindi makapaniwala ang mga ito.
" And that is because of one man. He is the brain of the said downfall. Nalaman kung sino ang nasa likod ng pagbagsak ng kumpanya at dahil 'yon sa itinalaga kong Presidente."
Tumigil ang bulungan at makikita ang pagkamangha sa anyo ng mga ito.
Nagpatuloy ang don.
" I know he can do his responsibilities though he is not expert on this kind of business. I give my trust fully to this man."
Tiningnan siya ng don na sinundan ng tingin ng lahat.
Napalunok siya sa kaba.
"Ladies and gentlemen, do you agree with me?"
"Yes Chairman!" iisang sagot ng lahat.
Inilahad ng don ang kamay bilang pagpapakilala sa kanya.
"Our Company President Gian Villareal!" Buong pagmamalaking saad ng don.
Awtomatikong sumalubong ang masigabong palakpakan.
Hinawakan ni Ellah ang kanyang pulso at deretsong tiningnan sa mga mata.
"Kaya mo 'yan, magtiwala ka love."
Tumango siya at bumuga ng hangin.
"Kaya ko 'to love."
Tumayo siya at taas-noong naglakad papunta sa gitna.
Itinatak sa isipan na kayang pakisamahan ang lahat mula sa pinakamababang posisyon hanggang sa pinakamataas.
Nakuha na niya ang loob ng may pinakamataas na posisyon at ang Chairman 'yon.
Pagdating sa harapan ay hinawakan niya ang mikropono at pinagmasdan ang lahat.
"Good morning ladies and gentlemen. I am here infront of you to formally introduce my self.
I am Gian Villareal.
I already introduced last time as President but unfortunately did not do my duty because something came up. Now, I am ready to face my responsibilities. "
Tumigil siya sa pagsasalita dahil napakatahimik ng naroon.
Tumikhim siya. "Alam ko na wala akong experience pagdating sa ganitong negosyo pero gagawin ko ang makakaya ko para magampanan ang tungkulin bilang Presidente.
Hiling ko na sana ay magtulungan tayong lahat para sa ikabubuti ng kumpanya.
Dahil ang kumpanyang ito ang siyang bumubuhay sa atin. Ang maipapangako ko lang sa oras na may magtatraydor sa kumpanya malalaman agad natin 'yan. Maipapangako ko rin na sa lahat ng oras at pagkakataon pwede niyo akong lapitan kahit sino sa inyo na may problema.
Maipapangako ko rin na hindi ko kayo pababayaan kahit anong mangyari.
Ang hiling ko lang ay magkaroon tayo ng pagkakaisa para sa ikauunlad ng kumpanya. Maraming salamat po." Yumuko ang binata bilang taus-pusong pagpapasalamat.
Masigabong palakpakan ang sunod na nangyari.
Nanikip ang dibdib niya sa tuwa.
Pinagmasdan niya si don Jaime at makikitang proud ito sa kanya.
Nagkatinginan sila ng kasintahan na naluluhang ngumingiti.
Ngumiti rin siya.
Nang matapos ay bumalik siya sa kinauupuan at kinamayan siya ng lahat ng opisyal na naroon.
Panay ang kanyang pagpapasalamat sa lahat.
Matinding pagpapasalamat dahil hindi tumatanggap ang mga ito ng kung sino-sino lang.
Nilapitan siya ng don na nakabukas ang mga braso para yakapin siya.
Buong pusong tinanggap ng binata ang yakap ng don.
"I am so proud of you hijo."
Ngayon handa na siyang tahakin ang bagong landas.
Handa na siyang harapin ang panibagong yugto ng buhay kasama ang pinakamamahal.
Matapos ang selebrasyon ay dumeretso sila sa puntod ng mga magulang.
Pormal na niyang ipapakilala ang kasintahan sa mga magulang niya.
Inalis ng binata ang suot na sunglasses pagdating doon.
Pumasok sila sa museleo kung saan nakahimlay ang mga magulang.
Inilagay ang bulaklak na dala sa puntod ng mga magulang na nagmula sa dalaga.
Bumulong si Ellah. "Nahihiya ako Gian."
Natawa siya. "Sure?" panigurado niya.
"Hindi nga, I'm serious. Paano kung hindi ako matanggap?"
Mas lalo siyang natawa. Kinurot siya nito sa braso at ngumuso.
Huminga siya ng malalim at sumeryoso.
"Ma, pa, nandito na po ako, pasensiya na kung matagal akong hindi nakadalaw."
Nilingon niya ang katabing si Ellah at hinawakan ang kamay bago hinarap ang namayapang mga magulang.
"Ma, pa, si Ellah, ang babaeng nagbigay sa akin ng
pagkakataong magbago. Ang nagturo sa akin na hindi lahat ng bagay nakukuha sa madaling paraan.
Natuto akong magpakumbaba, magsakripisyo, magtiis at magparaya.
Higit sa lahat, natuto akong magmahal. Isang bagay na hindi ko naramdaman sa tunay nating pamilya.
Nagpapasalamat din po ako, na natanggap ako ng pamilya natin.
Hindi na ako isang pulis ngayon, isa na akong negosyante.
Hindi na ako hahawak ng baril at kikitil ng buhay.
Papeles na at pera ang hahawakan ko.
Ngayon tuluyan na akong magbabago ng landas.
May nag-iisa akong kaibigan na sasabay sana sa pagbabago ng landas pero wala na..."
Napasigok ang binata. Hinaplos ni Ellah ang kanyang balikat.
"Wala na siya. Napakaraming buhay ang nadamay ng dahil sa akin.
Nawala ang mga pinahahalagahan kong mga tao. Isa na si Vince doon. Pero nabigyan na sila ng hustisya.
Hiling ko na nasa payapa na sila."
Lumuhod siya sa harapan ng mga magulang.
"Ma, pa, tuluyan na po akong magbabago ng landas, bagong buhay kasama ang babaeng pinakamamahal ko.
Bigyan niyo po sana kami ng basbas."
Lumuhod din si Ellah katabi niya.
"Pumayag na po kayo ma'am, sir. Mahal na mahal ko lang po talaga ang anak ninyo.
Mamamatay ako kapag hindi siya naging akin."
Nilingon niya ang katabi. Umaapaw ang galak sa puso ng binata at hindi napigilan ang pagsilay ng isang masayang ngiti.
"Kauna-unahang babaeng ipinakilala ko sa inyo ma. Ang una at huling babaeng mamahalin ko."
Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ng dalaga.
Nilingon siya nito at matamis na ngumiti.
Ngumiti rin siya at sabay itinayo. Marahan niya itong niyakap.
"Papayag sila, maswerte ka nga kasi wala silang pagkakataong tumutol," aniya sabay tawa.
"Oo nga, ang iba diyan kontra agad ang mga ina ng kasintahan nila."
"Pasalamat ka wala na sila."
"Gago 'to?" gulat na wika ng dalaga.
Hindi siya natawa sa narinig bagkus ay nag-init ang kanyang mga mata at yumuko.
Nataranta ang dalaga. "Sorry, joke lang naman 'yon. Sorry na love." Hinaplos-haplos nito ang kanyang likod.
"Naalala ko si Vince."
Natahimik ito. "Napakabait niya. Nag-guilty ako."
"No, wala ka namang kasalanan."
"Ako ang dahilan kaya wala na siya."
Naramdaman niya ang pagyugyog ng balikat ng kasintahan.
Nataranta si Gian at siya naman ang humaplos sa likod ng dalaga.
"Shhhh, tahan na love. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Kusang inalay ni Vince ang buhay niya sa'yo para sa akin.
Alam kasi niyang ikamamatay ko kapag nawala ka sa akin. Ako dapat ang ma guilty pero hindi ko kayang isipin na nagsakripisyo siya na hindi naman tayo masaya. We should be happy love, para hindi magsisi si Vince sa ginawa niya. Habang buhay nating utang na loob 'yon sa kaibigan natin. "
Tumigil sa paghikbi ang dalaga.
"Mahal kita," buong pusong saad niya.
"Mahal kita."
Masuyo niyang hinalikan ang noo ng dalaga at pumikit.
Alam ng binata sa kanyang puso at buong pagkatao, na ang babaeng ito ang una at huling mamahalin.
Wala na siyang mahihiling pa.
Salamat at may isang Ellah!
---
Lumipas ang isang linggo.
Nagmamadaling pumasok si Ellah sa opisina.
Tuluyan na siyang gumaling at balik na naman sa trabaho.
"Good morning Ms. Ellah!" magiliw na bati ng gwardyang naroon.
"Good morning," sagot niya at binilisan ang lakad papasok.
Subalit pagtuntong niya sa entrance ay sumalubong ang isang red carpet.
Bagay na ipinagtataka ng dalaga.
Nilingon niya ang information area, walang tao.
Nilibot niya ang paningin sa kabuuan ng hallway, walang tao.
Ang naroon ay isang mahabang red carpet.
Nagtataka man ay muli siyang lumabas.
Eksaktong pagdating ng isang elekopter.
Tumingala siya.
Napansin niyang tumigil sa itaas ang naturang elikopter, hinintay niya ang pagbaba nito.
Inaasahan niyang lulan doon ay isang bigating kliyente.
Malamang ay napakayaman ng naturang kliyente para i red carpet pa.
Tinawagan niya ang kaibigang sekretarya.
"Jen, anong meron? Bakit walang tao rito? Nasaan ka?"
"Ms. Ellah, may darating na bigating kliyente, please prepare, make sure napakaganda niyo po. Pakisalubong sa likod."
"Sige."
Kinabahan siya, hindi pa handa sa pagbabalik ng trabaho ganoon pa man ay sinikap niyang maging pormal.
Tinungo niya ang comfort room sa likuran at humarap sa salamin.
Inayos ang suot na black blazer, maging ang sleeveless na kulay pula sa loob isinama na rin ang suot na bra.
Maging ang mini skirt na kulay itim ay inayos niya sa pag-iisip na baka tabingi ito, nakakahiya.
Pinagmasdan ang red stiletto sa pag-iisip na baka marumi.
Nag retouch ng make up at naglagay ng nude lipstick.
Nag spray ng perfume.
Nag spray siya ng bibig para bumango.
Nakakahiyang makikipag-usap sa kung sino man itong bigating kliyente.
Sanay naman siyang humarap sa mga bigating tao.
Nang makitang ayos naman ang lahat ay huminga siya ng malalim.
Sadyang sumobra lang talaga ito dahil ginamitan pa ng elikopter.
Tumikhim siya at huminga ng malalim.
Nagtataka siya na hanggang ngayon ay hindi pa rin bumababa ang naturang elikopter.
Tumunog ang kanyang cellphone.
"Yes Jen, nasa loob na ba?"
"Ms. Ellah, kung tapos ka na please lumabas ka na diyan, naghihintay ang kliyente."
"Sige, thank you."
Kinakabahan man ay nagagalak ang dalaga sa isiping isang bigating kliyente ang makakausap.
Sisiguraduhin niyang makukuha nila ang loob nito.
Magaling si Gian, malaki ang paniniwala niyang magtatagumpay sila.
Natigilan siya.
'Nasaan nga pala ang Presidente?'
Nagpasya siyang lumabas.
Subalit nagulat siya nang bumungad ang isa na namang red carpet.
'Ang tindi namang kliyente ito!'
Tuluyan na siyang humakbang palapit sa mga ito at inihanda ang isang preparadong ngiti.
Nakakairita na dahil hindi pa rin bumababa ang naturang kliyente.
Wala man lang katao-tao sa paligid.
Marahan siyang humakbang sa red carpet, palapit sa gitna kung nasaan ang naturang elikopter.
Tumingala siya.
Mula sa kung saan ay dumating ang Presidente ng kumpanya.
Nakasuot ito ng puting amerikana, brush up ang buhok.
Napakakisig nitong tingnan para sa unang araw ng pagpasok nito.
"Hi!" pormal na bati ng binata.
"Hi! Sino ang client bakit napakatindi ng preparation?"
"Tumingin ka sa building. "
Nagtataka man ay sinunod niya. Iniisip na palabas mula roon ang kliyente.
Ngunit hindi tao ang lumabas mula sa gilid ng gusali kundi isang napakalaking screen board sakop ang halos kalahati ng gusaling may sampung palapag.
Umawang ang kanyang bibig nang may nagpormang letra doon sa screen pa isa-isa hanggang sa pumorma ito ng salita na binabasa niya.
"GANDA.
WILL.
YOU.
MARRY.
ME?"
Kumunot ang kanyang noo na tila ba hindi pa sumagi sa kanyang isipan ang nababasa.
Nilingon niya si Gian na ngayon ay nakaluhod sa kanyang harapan may hawak itong tarhetang kulay pula na may lamang kumikinang na singsing.
Nanlaki ang kanyang mga mata at maging ang bibig ay umawang ng husto.
"Oh. My. God!" tanging nasambit niya ng mapagtanto kung ano ang nangyayari.
"Will you marry me love?" ulit ng binata.
Napakatamis ng ngiting sumilay sa kanyang mga labi.
At kusang nalaglag ang luha.
"Yes love. Yes!"
Tumayo si Gian at dinaluhong niya ng yakap kasabay ng masigabong palakpakan ng mga nakapalibot.
Kumalas siya at napansin ang mga empleyadong naroon kasama ang mga opisyal.
Naroon din ang abuelo na katabi ang abuelo ng binata.
Galak na galak at ngiting-ngiting ang mga ito.
"Kasalan na! Kasalan na!" iisang sigaw ng mga naroon.
Nahihiyang tumalikod siya at isinubsob ang mukha sa dibdib ng binata.
Natawa si Gian habang yakap ng isang braso ang dalaga.
"Nahihiya ang prinsesa ni don Jaime!" sigaw nito sa mga naroon.
Nagtawanan ang lahat.
Hinampas niya ito sa dibdib na mas lalo nitong ikinatawa.
Nahihiya man ay nakakalma siya sa bangong nasisinghot na amoy ng kasintahan.
Napakabango nito, tamang-tama ang bango na magugustuhan niya.
" Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito love," bulong ng binata.
"Ako rin love, noon hindi ko naiisip na magkaroon ng kaugnayan sa lalaki hanggang sa dumating ka sa buhay ko."
"Naghahanap ako ng mapapangasawa noon pero hindi ko talaga nagawang magpa audition," tudyo nito.
"Kainis ka!" sabay kurot sa gilid ng kasintahan.
Muli itong natawa.
"May pa kliyente kliyente ka pang nalalaman diyan," maktol niya ngunit umaapaw sa tuwa ang puso.
Hindi naman magkamayaw ang mga nanonood sa pagbati sa kanila.
"Congratulations!" panay ang sambit ng mga ito.
Marahang kumalas ang binata at tinitigan siya ng mariin sa mga mata.
"I love you ganda."
"I love you too panget," ngiti niya.
"KISS! KISS!" muling sigaw ng mga nanonood.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga at dumagundong ang dibdib sa kaba.
Nangingiti naman si Gian at marahang hinawakan ang kanyang baba at iniharap.
Nagtagpo ang kanilang mga mata.
"Hear it love?" tudyo nito.
"Nakakahiya," tanggi niya.
"Hindi 'yan uso sa akin," tawa nito.
Kasabay ng paglapat ng labi nito sa kanyang mga labi.
Lumakas ang hiyawan at palakpakan kasabay ang paglaglagan ng mga bulaklak mula sa elikopter.
Red rose petals.
Mas lalong lumakas ang hiyawan.
Napapikit ang dalaga at itinuon ang atensyon sa napakasarap na halik.
Ah, wala na siyang mahihiling pa.
Naghahanap man siya ng mapapangawa ay natagpuan na niya.
Salamat na lang at may isang Gian!
WAKAS