"Gian hijo, don't you have a plan to handle our business?"
Kausap ng binata ang abuelo sa terasa ng mansyon.
Malamig ang simoy ng hanging panggabi kaya naman nagkakape sila.
Kinukumbinsi pa rin siya nitong hahawak sa kumpanya kahit na pauwi na siya bukas.
"Noon pa man, kayo na rito ng mga pinsan ko ang humahawak, ayaw ko na pong saklawan ang tungkol sa bagay na 'yan," tugon niya at humigop ng kape.
Tumango ang don. "I understand."
Napatingin si Gian sa matanda, sa kabila ng pangungulubot ng mga mata at mukha nito ay nababanaag niya ang awtoridad ng abuelo.
Huminga ng malalim ang don.
" Uuwi ka na ba talaga bukas?"
"Lilinisin ko ang pangalang narumihan ko. Patawarin niyo po ako."
Lumamlam ang mga mata ng don.
" Gian," marahang tinapik ng abuelo ang kanyang balikat.
"Ikinararangal ko na naging parte ka ng pamilyang ito."
"Maraming salamat po."
Tahimik silang nagkakape nang tumunog ang kanyang cellphone.
"Answer it, hijo."
"Excuse po," tugon niya at lumayo.
Inaasahan niyang si Ellah ang tumatawag at masaya itong magbabalita ng mga nagawa sa buong araw.
Ngunit nang kinuha na ang cellphone sa suot na cargo shorts ay kumunot ang kanyang noo nang ang rumehistrong numero sa screen ay hindi kilala.
"Who's this?"
"Sir Gian! Sir ikaw ba 'yan! Si Bryan ito sir pasensiya na kung ikaw ang tinawagan ko hindi ko na kasi alam kung sino ang-"
"Anong nangyari?"
"Si don Jaime isinugod sa ospital si Ms. Ellah nawawala!"
Tila kinapusan ng hininga si Gian sa sinabi ng kausap.
Nagpatuloy sa pagpapaliwanag ang tauhan ni don Jaime habang halos wala na siyang naiintindihan sa sinasabi nito.
Nilapitan siya ng abuelo.
"Gian what happened?"
Doon pa lang siya natauhan.
"Uuwi ako," tanging nasambit niya bago tumakbo patungo sa silid at mabilis na nag-empake.
Sinundan siya ng don.
"Bakit anong nangyari?"
"Nawawala si Ellah! "
"Ano!"
"Siguradong may kinalaman ang mga Delavega rito, " tugon niya habang naglalagay ng mga damit sa itim na bag.
"Hijo, please calm down, baka naman hindi sa ganyang sitwasyon ang-"
"Sigurado ako, binalikan ng hayop na Delavega na 'yan ang mga mahal ko. Mag-iingat kayo rito!"
Tahimik na umalis ang abuelo habang abala siya sa pag-eempake.
Nang tumunog ang cellphone ay agad niyang kinuha sa bulsa sa pag-aakalang si Bryan ulit ang tumatawag.
Subalit hindi si Bryan, bagama't nagtataka kung bakit tumawag ang hepe ng kaibigang si Vince ay sinagot niya.
"Chief, bakit po?"
"Gian, alam mo na ba ang balita?"
Mas tumindi ang kabog sa kanyang dibdib.
"Anong balita?"
"Tinadtad ng bala ang kotse ni Vince-"
"A-ano!"
"Pero hindi siya natagpuan, pinahahanap ko na siya sa mga tauhan ko."
Umawang ang kanyang bibig at tila naubusan ng lakas.
Nanginig ang kanyang mga kamay dahilan ng pagdulas ng cellphone deretso sa sahig.
"Hindi, hindi."
Agad niyang pinalis sa isipan na posibleng wala na ang kaibigan.
"Hindi! Alam ko buhay ka Vince!"
Bumungad si Hendrix sa may pinto.
"Gian anong nangyari?"
Nilingon niya ang pinsan, siguradong tinawagan ito ng abuelo.
"Ang kaibigan ko at si Ellah nasa panganib uuwi ako ngayon! "
"May plano ka na ba kung paano iligtas ang mga mahal mo?" balik-tanong ng pinsan.
Nagtagis ang kanyang bagang at hindi nakasagot.
"Meron ba Gian? Kasi kung wala susugod ka sa giyera nang walang kalaban-laban!"
"Bro, tama si Drix, pag-isipan mo muna 'to," anang isa pang pinsang si Gabriel sa tabi ni Hendrix.
"Tutulungan ka namin, we have all the resources!" dagdag ni Gabriel. "We just need a solid plan."
"Gian makinig ka, kung susugod ka ngayon ng walang matibay na plano hindi ka magtatagumpay."
Bagama't labag sa kalooban napagpaspasyahan niyang makinig sa pamilya.
"Ano bang dapat gawin?"
Nagkatinginan sina Hendrix at Gabriel.
Ipinatawag ng don ang mga miyembro ng pamilyang lalake sa mansyon.
Pinalilibutan ng mga tiyuhin at pinsan ang isang malawak na mesa na may mga basong may alak ang bawat isa habang nagpaplano kung paano siya matutulungan.
"Gian, I will give anything you want, anything you need," matigas na wika ng abuelo at nilagok ang alak na nasa baso.
"Nandiyan ang grupo ni Hendrix, kung gusto mo sa legal na paraan," saad ng pinsang si Gabriel.
Nilingon niya si Hendrix na ngayon ay nakatingin kay Gabriel.
"Nandiyan ang grupo ni Gab, kung gusto mo ng ilegal."
Bumaling ang kanyang tingin sa isa pang pinsan na nakaarko ang kilay.
Tumiim ang kanyang tingin sa kawalan.
"Alam mo na ba ang lokasyon ng kumidnap? Sigurado ba talagang ang mga kalaban mo ang dumukot?" pagsisimula ni Hendrix.
"May CCTV ba o witness?" segunda ng ama nito.
"Sino ba ang nagbalita sa 'yo? Mapagkakatiwalaan ba' yan?" ang ama naman ni Gabriel ang nag-usisa.
"Hepe ng pulisya ang nagbigay ng impormasyon," sagot niya.
Natahimik ang mga ito dahil alam ng lahat na tunay ang balita.
"Si Bryan, tauhan ni don Jaime. Sinabi niyang may pulis na tumawag sa don at sinabing may dumukot kay Ellah. Walang ibang nakaligtas maliban kay Ellah."
Mas natahimik ang mga ito.
Napapikit siya nang ang kaibigan na ang pag-uusapan.
"Ang kaibigan ko, tadtad ng bala ang sasakyan at nawawala rin. Walang ibang gumawa nito kundi ang mga demonyong Delavega!"
"May plano ka na ba?" si don Manolo.
Mariin siyang umiling. Sa tindi ng pagkabigla tila hindi gumagana ang utak niya ngayon.
"Makikipag coordinate kami sa mga pulis doon, sa Zamboanga at Pagadian, " si Hendrix.
"Dalawa?" si Gabriel.
"Sa Zamboanga si Ellah dinukot, sa Pagadian naman nawawala si Vince," paliwanag ni Hendrix.
Marahan niyang idinilat ang mga mata.
Tumikhim ang isa sa pinsan.
"Nagtaka lang ako, alagad ng batas natiklo ng kalaban? Gaano ba kahina ang utak ng kaibigan mo?" pagak itong natawa.
Nagpanting ang kanyang tainga sa narinig. Sa isang iglap hinablot niya ang bote ng alak at ipanghahampas sana sa naturang lalake mabilis lang na naagapan ni Hendrix ang kanyang kamay.
Agad namang umilag at lumayo ang naturang pinsan.
"Christopher!" saway ng abuelo na ikinatahimik nito.
"Tarantado ka!" mariin niyang turan habang pinapakalma ni Hendrix.
Nanginginig ang kanyang mga kamay na ibinagsak ang bote sa ibabaw ng babasaging mesa, naglikha ito ng nakakangilong tunog.
"Ang taong 'yon," saad niya na nagpatahimik ng lahat.
"ay minsan ng iniligtas ang buhay ko.
Kung hindi dahil sa kahinaan ng kanyang utak patay na ako ngayon.
Kaya ang taong sinasabihan mo ng mahinang utak ay pagbubuwisan ko ng buhay ko..."
Humagkis ang kanyang matalim na tingin sa naturang pinsan.
"... Kasama ka!"
Nanlaki ang mga nito sa narinig at napaatras.
"Bakit ako kasali diyan?" angal nito.
"Christopher, parte ka ng pamilya. Anuman ang kinakaharap ng isa sa atin nararapat lang na haharapin ng buong angkan!" singhal ni don Manolo.
Natahimik ang naturang lalake.
"Kailangan kong umuwi ngayon, " malamig niyang tugon at nilagok ang alak sa baso.
Sa pagkakataong ito ay ang buong mag-anak ang nagkatinginan.
Mariing kumuyom ang kanyang kamay habang mahigpit na nakahawak sa baso.
Mas humigpit pa ang kanyang pagkakahawak nang maalala ang dalawang pinakamahalaga sa kanya.
"Uubusin ko sila," kasabay ang pagkabasag ng baso sa kanyang kamay.
Napatingin ang lahat sa dugo na nasa kanyang palad dulot ng bubog.
Katahimikan.
"Gian, huwag kang magpadalos-dalos ng desisyon dahil lang sangkot ang mga mahalaga sa'yo. " ang ama ni Hendrix ang bumasag sa katahimikan.
"Hayaan niyo siya, hindi padalos-dalos mag-isip ang aking apo, kahit pa sa anong sitwasyon," anang don na ikinatahimik ng lahat.
"Hindi ba delikado? Paano kung ikaw ang isusunod ng mga 'yon?" anang isa pang tiyuhin.
"Pabibigyan ko ng bodyguards ang apo ko, hindi siya mag-iisang uuwi," anang don. "Sisiguraduhin ko ang kaligtasan niya."
"Bro, sabihin mo lang kung lulusob na tayo sa giyera uubusin natin ang mga 'yan!" kampanteng saad ni Gabriel.
Kahit paano ay lumuwag ang kanyang pakiramdam at nagliliwanag na ang paningin na kanina ay nagdidilim.
Sa kalagitnaan ng gabi ay lumipad pabalik ng Zamboanga si Gian sakay ng helikopter na pagmamay-ari ng pamilya kasama ang sampung bodyguard.
Hanggang ngayon tila hindi makapaniwala ang binata na sa isang iglap ang tatlong taong pinahahalagahan niya ng husto ay nasa panganib lahat!
Habang nasa himpapawid ay bumubuo siya ng plano kung paano haharapin ang kalaban.
Dahil wala ng magagawa ang ama nito, ang anak na mismo ang kumikilos.
Ang anak na mismo ang kalaban!
Pagdating ng Zamboanga deretso agad siya sa ospital na kinaroroonan ng don.
"Don Jaime!"
Nagising ang don at ganoon na lang ang tuwa nito nang makita siya.
"Gian!"
Agad itong bumangon, may mga nakakabit na tubo sa kamay nito.
Mabilis siyang lumapit sa matanda at agad naman siya nitong niyakap.
"Ang apo ko, iligtas mo si Ellah, parang awa mo na Gian, parang awa mo na!"
Mariin siyang pumikit at niyakap ito ng mahigpit.
"Ililigtas ko si Ellah at Vince, pangako po."
Kumalas ito. "Paano ako makakatulong?"
Umiling siya.
"Magpagaling na lang po kayo ako na lang-"
"Hindi! Mas ikamamatay ko kung wala akong maitutulong para sa apo ko!" biglang sigaw nito na ikinatahimik niya.
Muli siyang binalingan ng don.
"Anong magagawa ko?" nasa tono ng don ang determinsayon.
Sa kabila ng panghihina nito ay kitang-kita ang katatagan sa anyo.
Sa pagkakataong ito ay hinarap na niya ang matanda.
"Kaya niyo na po bang makalabas dito don Jaime?"
Mariin itong tumango.
"Kaya ko, lahat magagawa ko," matatag nitong tugon.
---
Sanay sa pagpatay ang isang Xander Delavega.
Subalit nang masaksihan ang pagkatumba ng kaibigan ng kaaway ay tila hudyat na rin ng kanilang katapusan.
Sa takot sa nagawa ay ipinagamot niya ito sa mga tauhan kasama ang doktor ng pamilya.
'Kailangang mabuhay siya. Kailangan!'
Palakad-lakad siya sa sala habang naghihintay na matapos ang doktor sa panggagamot.
Mas lalo siyang nagalit nang halos tanggihan siya ng doktor.
Nilapitan siya ng tauhan.
"Boss maayos na."
"Ligtas na ba? Humihinga pa?"
"Yes boss."
Nakahinga siya ng maluwag.
"Boss, nagtataka lang ako, bakit kailangan pang buhayin eh papatayin mo rin naman hindi ba?"
"Wala pa sa tamang oras. Siguradong babalikan nila si dad kapag namatay ang hinayupak na 'yan. Hindi ako papayag na malamangan ng demonyong Villareal!"
Natahimik ang tauhan.
Umupo siya sa sofa at hinaplos ang sintido.
Tumunog ang kanyang cellphone na agad namang tiningnan kung sino ang tumatawag.
"Anong balita?" bungad niya sa kabilang linya.
Umalis naman ang kanang kamay at iniwan siyang mag-isa.
"Dadalhin sa korte bukas ng alas otso ang iyong ama. Ibibigay ko ang detalye ng ruta," tugon ng kausap.
"Good, salamat."
"Hindi ako sasabit dito hindi ba? Siguraduhin mo Delavega," bulong nito na kababakasan ng takot sa boses.
"Hindi, basta ituloy mo lang ang ginagawa." Pinatay na niya ang tawag.
Sinalinan niya ng wine ang baso at sumimsim dito habang nag-iisip.
Iba talaga ang maraming koneksyon.
Dati ng kakilala ng kanyang ama ang pulis na kausap.
Ito ang nagbibigay ng impormasyon sa kanya ngayon sa mga nangyayari sa loob na kinaroroonan ng ama.
Plantsado na lahat.
Ang kailangan niya na lang ay dagdag tauhan upang makasabay sa laban.
Sinigurado niya ring hindi matutunton ng kahit sino ang bagong hide out na rest house.
Most wanted na sila ngunit ligtas pa rin sa kinaroroonan.
"Xander."
Napalingon siya sa doktor na nasa likuran.
"Tapos na?"
"Tapos na. May binilin lang akong reseta para sa kanyang paggaling."
"Good."
"Huli na ito Xander, ayaw ko ng madawit sa pamilya mo, maintindihan mo sana."
"Bakit?"
"Kumakalat na kasi sa balita na wanted ka na. Natatakot akong madamay sa gulo, may pamilya ako at-"
"So ayaw mo na?" Kumiling ang kanyang ulo.
Napalunok ang doktor.
"A-ayaw ko na."
Huminga siya ng malalim bago yumuko.
"Sige, makakaalis ka na..."
Nagliwanag ang mukha ng kausap.
"Talaga? Maraming salamat!"
Pagtalikod nito ay siyang pagkasa niya ng baril, eksaktong lumingon ang doktor ay ang paglipad ng bala diretso sa dibdib nito na siyang ikinatumba.
"Agh..." sapo nito ang dibdib habang nakadilat ang mga mata.
"... ng patay."
Napaatras ang mga tauhang nakakita ngunit wala isa man sa mga ito ang nakitaan ng takot.
"Linisin 'yan!" singhal niya sa mga ito bago lumabas.
Walang sinuman ang tatanggi sa kanyang kagustuhan na mabubuhay pa.
Wala!
"Boss."
Umangat ang kanyang tingin sa tauhan.
"Nandito na sila."
Tumayo siya at sinalubong ang halos sampung kalalakihang nagsipasukan sa sala. Nakasuot ng tuxedo ang mga ito.
"Kami ang pinadala ni boss Feng." Pormal na wika ng isa sa mga ito.
Pamilyar sa kanya ang nagsasalita ngunit hindi matandaan kung saan ito nakita.
Ngumisi siya bago tumango.
"Good!"
Nanatiling pormal ang anyo ng kausap.
"Ang kasunduan, ililigtas lang ang ama mo at hanggang doon lang ang pagtatrabaho namin sa'yo."
Agad nag-init ang kanyang dugo at ang paglapit niyang iyon sa kausap ay sinabayan ng paghablot sa kwelyo nito.
Naalarma ang mga tauhan ng magkabilang panig at nagkatutukan ng baril.
Subalit wala siyang pakialam magkamatayan man ngayon!
Itinaas ng kausap ang isang kamay nito hudyat upang pakalmahin ang mga tauhan na agad namang sumunod.
Gigil na mas hinigpitan niya ang kapit sa kwelyo ng kaharap.
"Isang Roman Delavega ang ililigtas at siya ang magdadala sa bansa balang araw.
Siya ang magiging pinakamakapangyarihan sa buong mundo sa oras na mahahawakan na niya ang buong Pilipinas.
Tapos sasabihin mong limitado ang ibibigay ninyong tulong? Gusto mo bang mamatay!"
Kalmado pa rin ang kausap.
"Alam kong isa kayo sa nakinabang sa ama ko, pero ngayong nagigipit na siya basta niyo na lang tatalikuran!"
Nang hindi ito umimik ay patulak niya itong binitiwan.
"Hindi pipitsugin ang kalaban, sa oras na mapapahamak ang ama ko uubusin ko kayong lahat!"
"Iyan ang mahirap sa'yo Delavega, ikaw na nga ang mangangailangan ikaw pa ang matapang.
Kami ng bahala, sabihin mo lang ang gagawin."
Itinaas niya ang noo kasabay ng pagtalim ng tingin.
"Siguro naman nagkakaintindihan tayo?" panigurado niya.
"Naiintindihan ko," sagot nito.
"Good."
Tinungo niya ang isa pang silid at agad sumunod ang mga ito nang tahimik. Bumungad ang napakaraming mahahabang de kalibreng armas at iba't-ibang klase ng bomba.
" Anong plano? " tanong ng pinuno.
Nagtiim ang kanyang bagang at tumingin sa kawalan.
"Bukas, dadalhin si dad sa korte, doon natin gagawin ang plano. Aabangan natin paglabas sa tunnel, alam na ni dad 'yan kaya inaasahan niya tayo."
"Anong oras?"
"Alas otso ng umaga," matigas niyang tugon.
"Magaling, ihahanda ko ang mga tauhan ko."
"Kapag nailigtas na si dad, umpisa na ng giyera.
May hawak akong dalawang alas laban sa kalaban, sigurado akong hindi ako bibiguin ng kaaway."
"Matalas ka pala," ngisi ng kausap sabay lahad ng kamay.
"Jeric Mondragon."
Kumunot ang kanyang noo sa narinig at naalala.
"Isa ang ama mo sa tinulungan ni dad hindi ba?"
"Tama ka. "
Ngayon alam na niya kung saan ito nakilala.
Isa ang ama nito na iniligtas ng kanyang ama sa panahong nakalaban nito ang mga taga PDEA na kalaunan ay napag-alaman nilang pinamumunuan ng mortal na kalaban.
"Kilala mo naman siguro ang nagpakulong sa ama mo hindi ba?" tanong niyang nakatitig sa kamay ng kaharap.
"Paano ko makakalimutan ang mga hayop na taga PDEA na 'yon? Nang dahil sa kanila nakakulong pa rin ang ama ko," mariin nitong tugon.
Siya naman ang umayos ng tayo.
"Kung gano'n, tinatanggap ko ang pakikipagkamay mo." Tinanggap niya ang kamay ng kausap at nagpakilala ng pormal.
"Xander Delavega," diin niya sa kanyang pangalan.
---
Alas otso ng umaga.
Naghihintay si senior Roman sa pagsagip ng kanyang anak sa kanya habang nagbabyahe patungong korte.
Ang usapan, paglabas sa madilim na tunnel ay sasalubungin ng bala ng kanyang kakampi ang sinasakyang trak at palalayain siya sa pamumuno ng anak.
Napapalunok na ang senior dahil papalapit na sila sa naturang tunnel.
Tahimik lamang siyang nagmamasid kasama ang mga pulis na siyang nagbabantay sa kanya.
Nang papasok na sila sa tunnel ay pinigil niya ang paghinga.
Nakapikit siya habang dumadagundong sa kaba ang dibdib, hanggang sa maramdaman ang liwanag dahilan ng pagdilat ng kanyang mga mata.
Subalit nakalagpas na sila ng tunnel ay walang sumagip sa kanya!
'Xander nasaan ka na!' hiyaw ng senior sa isipan.
Nagsisimula na siyang mataranta.
Ilang sandali pa lumiko sa ibang daraanan ang sinasakyang trak.
Dito na siya kinabahan.
"Hindi ito ang patungo sa korte! Saan niyo ako dadalhin!"
Ngumisi ang isa sa mga bantay.
"Relaks ka lang Delavega, naghihintay na ang taong sasagip sa'yo," ngisi nito.
Saka niya napansin ibang ruta ang dinaanan nila kaya hindi siya nasagip ng anak!
"Hijo de puta! Saan niyo ako dadalhin!"
Nagsimula siyang magpumiglas sa kagustuhang makakatakas.
"Malapit na tayo sa kanya."
"Ano! Kanino?"
Walang sumagot.
Nilulukob na ng takot ang senior kahit pa kitang-kita naman niya kung saan sila dumadaan.
Ginitian na ng malamig na pawis ang kanyang noo sa tindi ng kaba.
Animo aatakehin na siya sa tindi ng takot dahil sigurado siyang hindi ang anak ang naghihintay!
"Ilabas niyo ako rito! Huwag kayong magkakamaling galawin ako! Hindi niyo ba ako kilala!"
Panay na ang sigaw at tungayaw niya dahil pakiramdam niya ang naghihintay sa kanya ay ang kanyang kamatayan!
"Tumigil ka tanda!"
Tinutukan ng baril ang kanyang ulo na siyang nagpatahimik sa kanya.
Huminto ang sasakyan hindi kalayuan sa tila abandonadong gusali.
Kinaladkad siya palabas ng mga pulis na siyang nagbabantay patungo sa nasabing gusali.
Bumukas ang pinto at tinamaan ng sikat ng araw ang kanyang mga mata kaya bahagya siyang napapikit.
Nang makabawi ay unang nahagip ng kanyang mga mata ang dalawang pares ng itim na sapatos, itim na pantalon, itim na damit at habang papaangat ang kanyang tingin ay mas tumindi ang kabang nararamdaman, subalit desidido siyang alamin kung sino ang kaharap.
Bumungad ang taong pinaka hindi niya inaasahang makita!
Namutla siya nang sumalubong ang malamig na dulo ng baril sa kanyang noo!
---
"Nasaan na Xander? Mag-aalas dyes na bakit wala pa rin!"
Nakaabang silang sampu sa labas ng tunnel habang bitbit ang mga de kalibreng armas upang sagipin ang ama.
Subalit dalawang oras na ang lumipas wala pa rin ang mga ito.
Panay na ang tawag niya sa impormante subalit hindi ito makontak.
"FUCK!"
Pinagbabaril niya ang nasa ibaba ng tunnel kahit wala namang dumadaan.
"Niloloko mo ba kami?" singhal na ng anak ni Mondragon na siyang ikinaigting ng kanyang galit.
Sa isang iglap ito ang kanyang tinutukan ngunit hindi man lang ito natinag.
Marahas niyang ibinaba ang baril.
"Naisahan tayo!" deklara niya.
Natahimik ang lahat.
"Naisahan ako ng hayop na 'yon! Nilinlang niya ako!"
"Sino?"
"Ang pipitsuging pulis na nagbibigay sa akin ng impormasyon. Nilinlang niya ako!"
"Nasaan na ngayon ang ama mo? Huwag mong sabihing natuloy sa korte?"
Mariin siyang umiling.
Imposibleng may nakaalam ng kanilang plano maliban na lang kung may nakialam!
Tumunog ang kanyang cellphone at agad sinagot.
"Putang ina mo! Nasaan ang ama ko!" bulyaw niya sa pulis na tumawag.
"Ngayon ko lang nalaman hindi sila sa rutang ibinigay ko dumaan! Wala sila sa korte!"
"A-ANO!"
"Nawawala ang ama mo Xander!"
Naninikip ang kanyang dibdib sa tindi ng poot at biglang umalingawngaw ang kanyang sigaw sa buong lugar.
"VILLAREAAAAAAALLLL!"
Natigagal ang lahat.
Nang mahimasmasan ay nagpasyang bumalik na lamang at mag-isip ng susunod na gagawin.
Pagdating sa hideout ay halos gibain ni Xander ang pinto ng mga bihag.
"Ilabas ang mga 'yan!"
Inuna niyang pasukin ang silid na kinaroroonan ng babae.
Inabutan niya itong natutulog.
Malalaki ang hakbang na nilapitan niya ito at walang kaabog-abog na sinampal sa mukha na ikinagising ng bihag kasabay ng pagdugo ng labi nito.
"HAYOP KA TALAGA! HAYOP!" Tungayaw nito ngunit hindi niya pinansin at sa halip ay pinisil niya nang mariin ang bibig nito.
"Ang demonyo mong kasintahan nakialam na naman! "
Nagngangalit ang mga ngiping saad niya.
"Hindi ko nailigtas ang ama ko dahil sa kagagawan niya!
Napakaswerte mo talaga dahil ang Villareal na 'yon matalino, misteryoso at higit sa lahat tuso!
Magpapakita at naglalahong parang bula, ngayon nagpaparamdam na naman, pero sa oras na salingin niya ang ama ko tuluyan na siyang maglalaho sa mundo!"
Hinila niya paangat ang buhok nito at tinitigan ang mga matatalim nitong mata.
"Sabihin mo sa demonyong 'yon huwag na huwag gagalawin ang ama ko kung ayaw niyang..." hinaplos niya ang makinis na leeg nito. "gigilitan kita ng leeg sa harapan niya!"
Bago ito iniwan ay nahagip ng kanyang tingin ang pumatak na luha sa mga mata ng babae kasabay ng mahinang usal.
"Gian..."
---
"Nasaan sina Ellah at Vince?" mariing tanong niya sa kaharap.
Tila nakakita ito ng multo nang makita siya.
Deretsong nakatutok ang kanyang baril sa ulo ng kalaban.
Natigagal ang senior at hindi agad nakahuma.
Nalaman niyang ngayong araw dadalhin sa korte ang matandang Delavega at sigurado siyang ngayon din kikilos ang anak nito para iligtas ang ama kaya inunahan na niya ito.
Sa tulong ni don Jaime ay nagagawa nilang hawakan ang kalaban.
Naalala niya kung paano tumanggi ang hepe nang pinadalaw ito ng don sa ospital kagabi.
"Don Jaime, hindi pwede ang gusto ninyo, labag sa batas ang pinagagawa ninyo!"
"Hepe, gusto ko lang ma sigurado kung nasa mga Delavega ba ang apo ko at ang kaibigan ni Gian.
Kung buhay pa ba sila, walang ibang paraan para malaman namin kung hindi ang gamitin ang kanyang ama."
"Paano kung malaman ninyong wala na sila anong gagawin ninyo sa kanya?"
Nahigit ng binata ang hininga. Hindi niya masisikmura ang pinagsasabi ng kaharap.
"Saka na 'yan hepe, ang mahalaga malaman kong nasa kamay ng kaaway ang dalawa. Kapag ibinigay mo sa akin si Roman hindi lang posisyon ang tataas sa' yo."
Humugot na malalim na paghinga ang hepe.
"Siguraduhin niyo lang na ibabalik niyo ng buhay sa amin si Roman Delavega don Jaime. Kapag nagkataon ako ang mananagot kapag may masamang nangyari sa kanya."
At ngayon nasa mga kamay niya ang kaaway.
"Isang beses lang ako magtatanong Delavega!"
Napalunok ang senior sa nakikitang poot sa mga mata ng kaharap.
Alam nitong hindi nagbibiro ang kalaban.
"NASAAN!"
Napaigtad ang matanda nang barilin niya ang sahig malapit sa paa nito.
"Hindi ko alam."
Walang babalang binaril niya ito sa tuhod na siyang ikinalugmok.
Napahiyaw ito sa sakit.
"Hanggat hindi mo sinasabi kung nasaan sila, unti-unti kang mamamatay sa mga kamay ko demonyo! Ito na ang katapusan mo!"
Nahintahukan ang senior at napalunok.
"T-tatawagan ko si Xander, hindi ko alam ang pinagsasabi mo!"
Initsahan niya ito ng cellphone ngunit hindi nito nahahawakan dahil sa nakaposas na mga kamay sa likuran.
"Kalagan 'yan!" utos niya sa mga tauhang nasa likuran.
Isa sa mga ito ang sumunod sa utos.
"Tawagan mo ang satanas mong anak!"
Nanginginig ang mga kamay na sumunod ang senior sa utos.
Ilang sandali pa narinig na nila ang boses ng nasa kabilang linya.
"SINO KA!"
"X-Xander anak..."
"Dad!"
Mabilis niyang inagaw ang cellphone sa kamay ng matanda.
"Hayop ka! Nasaan sila!"
"Ano? Ikaw ang hayop pakawalan mo ang ama ko!"
"PAKAWALAN MO SILA!" Binaril niya ang isa pang tuhod ng senior.
"AAAAGGHHHH!" hiyaw ng matanda na tuluyang natumba.
Pinalibutan ito ng kanyang mga tauhan at tinutukan ng mga armas kasabay ng pag takip ng bibig gamit ang ducktape.
"HAYOOOOPPP!" buong lakas na sigaw ni Xander sa kabilang linya.
"NASAAN SILA!" Nangangalaiting sigaw niya.
"KAPAG MAY NANGYARI SA AMA KO KATAPUSAN NA ANG DALAWANG 'YON! TANDAAN MO 'YAAANN!"
Doon na siya natigilan.
Sigurado na siyang hawak nga nito ang mga mahal niya.
"Pakawalan mo sila kung gusto mo pang mabuhay ang ama mo!"
Nawala ito sa kabilang linya.
Tumindi ang kanyang galit.
Subalit saglit lang may narinig siyang tila komosyon sa kabilang linya na tila may kinakaladkad.
"HUH! AKALA MO BA IKAW ANG MAY ALAS HA VILLAREAL! HAWAK KO ANG MGA MAHAL MO!" Humalakhak ito kasabay ng putok ng baril.
"MMMPPPP!" dinig na dinig ang daing ng nasa kabilang linya.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig ang hiyaw ng isang lalaki.
Tila sumabog ang kanyang dibdib sa takot at poot.
"VINCE PARE!"
"HMMPP!"
"ANO VILLAREAL! NAGHIHINGALO NA ANG KAIBIGAN MO! BIBILANG AKO NG ISANG ORAS PAKAWALAN MO ANG AMA KO O ANG TULUYANG PAGBURA SA MUNDO NG WALANG KWENTA MONG KAIBIGAN! MAMILI KAAAAA!" buong lakas na sigaw ng kalaban sa kabilang linya.
"PAKAWALAN MO SILA KUNG AYAW MONG MAMATAY ANG AMA MO SA MGA KAMAY KO!"
"Huwag mo akong subukan Villareal! Gusto mo bang makita kung paano mamatay sa mga kamay ko ang dalawang 'yon ha! Alin kaya sa kanila ang uunahin ko!"
"DEMONYO! HUWAG NA HUWAG KANG MAGKAKAMALING GALAWIN SILA DAHIL PAPATAYIN KITA NARINIG MO! PAPATAYIN KITAAA!"
"Pwes pakawalan mo ang ama ko!"
Humagkis ang kanyang tingin sa ama ng kalaban na ngayon ay nakahiga sa malamig na semento habang walang tigil sa pagdurugo ang magkabilang tuhod nito.
"Ipapakita ko sa'yo ang gagawin ko sa dalawang 'yon para masaksihan mo ang kung paano sila mamamatay sa mga kamay ko! Panoorin mo Villareal!"
Agad kumilos ang isa pang tauhan at binuksan ang computer sa ibabaw ng mesa.
Ilang sandali pa may video na ipinadala ang kalaban.
Nanginginig ang mga kamay at hindi halos humihinga habang binubuksan niya ito.
Tumambad sa kanyang paningin ang kaawa-awang kaibigan.
Tila nanlaki ang kanyang ulo nang makitang naliligo ito ng dugo habang nakaupo at nakatali sa bakal na upuan.
"DEMONYO KA TALAGA! PAKAWALAN MO ANG KAIBIGAN KO DEMONYO!"
"Gusto kong makita ang ama ko!"
Nagngangalit ang mga pangang nilingon niya ang tauhan.
Mabilis na sumunod ang inutusan at ilang sandali pa nagpalitan na sila ng pinanonood.
Kitang-kita ang galit at takot sa mga mata ng isang Xander Delavega nang makita nito ang amang nakahandusay at naliligo ng dugo!
"HAAAAAYOOOOP!" Pinagbabaril nito ang screen dahilan kaya nawala ito sa linya.
"Mamamatay sa kamay ko ang ama mo!"
Parang mababaliw siya sa nangyayari.
Ilang sandali pa nagpalitan na naman sila ng pinapanood.
Sa pagkakataong ito mas nagimbal siya nang ang tumambad ay ang pinakamamahal na kasintahan!
"ELLAH!"
Nakaposas ito at punit-punit ang suot na damit, may dugo sa noo nito na tumutulo pa maging ang labi ay tila pumutok.
Nilapitan niya ang ama ng kalaban at dinaklot sa ulo.
Nagpupumiglas ang matanda subalit mahigpit ang kanyang pagkakahawak.
"HMMMMMPPPP!"
"PAKAWALAN MO SILA! TUTULUYAN KO ITONG MAHAL MONG AMA KAPAG HINDI KA SUMUNOD!"
Sa halip na matakot ay nakita niyang humalakhak lamang ito bago tumalim ang tingin.
"Kapag pinatay mo ang ama ko, patay rin itong dalawa! Nakikita mo ba sila ha!"
"Demonyo!"
Natigagal siya nang idiniin ng kalaban ang baril sa sintido ng kasintahan!
"HUWAG!" halos hindi makahinga ang binata sa nasasaksihan.
Umakto siyang mapipigilan ang gagawin nito nang hawakan niya ang screen.
Humalakhak ang nasa kabilang linya habang naglalaro ito sa baril na hawak.
"Iligtas mo sila Villareal! Iligtas mo!" muli itong humalakhak.
Bigla itong lumipat sa tabi ng kaibigan.
"O baka naman ito na lang sa hinayupak na ito? Marami itong atraso sa amin ng ama ko eh ha!" gigil na inilipat nito ang baril sa ulo ng kaibigan.
Nakatunghay ang ulo ni Vince habang tumutulo ang dugo deretso sa braso at dibdib.
Ang puting panloob nitong damit ay nahahaluan na ng kulay pula dulot ng dugo.
"H-huwag!"
Pinaglalaruan siya ni Xander Delavega gamit ang mga mahal niya!
"Ah! Tatapusin ko ang isa at ililigtas ang isa! Mamili ka Villareal alin sa dalawa!"
Humarap ito sa dalawang bihag.
"Pumili ka na!"
Napapalunok siya habang nakatitig sa dalawa.
Parehong nakayuko ang kasintahan at kaibigan.
Nakatakip ang bibig ng mga ito ng ducktape habang naliligo sa dugo.
"ELLAH! VINCE!"
Sa kabila ng panghihina nanatiling matatag ang kasintahan, ganoon din ang kaibigan na napakaraming natamong mga sugat.
Iglap lang, binaklas ni Xander ang takip sa bibig ng kaibigan kasabay ng pagtutok sa dulo ng baril dito.
"Last word Maravilla!"
"VINCE PARE!"
Habol ang hininga, marahang umangat ang tingin ng kaibigan sa screen at nag-abot ang kanilang mga mata.
"Pare! Pare!"
Halos magkandarapa si Gian sa harapan ng computer makita lang ito sa malapitan.
Marahan niyang hinaplos ang screen na tila ba mukha ng kaibigan ang hinahaplos.
"P-pare..." mahinang wika ng kaibigan.
"Pare! Magpakatatag ka ililigtas kita hintayin mo ako!"
Humalakhak si Xander sa gilid.
"Ah gano'n? Ililigtas mo siya, eh 'di ito na lang kasintahan mo ang tatapusin ko!" bigla nitong tinutukan ang dalaga na halos ikapugto ng kanyang hininga.
"HUWAG!"
Muli nitong ibinalik ang pagtutok sa kaibigan.
"Vince pare! Kaya mo 'yan!"
"G-Gian... pare kung sakali mang katapusan ko na ngayon...
Nagpapasalamat ako na nakilala ko ang isang tulad mo.
Utang ko sa 'yo ang buhay ko, nakahanda akong ibigay ang buhay ko mailigtas lang si Ellah."
Inubo ito ng husto kaya tumagas ang dugo sa bibig.
Tila nilalamukos ang kanyang puso sa naririnig.
" P-pare, ingatan mo ang sarili mo para sa... akin. " Muli itong inubo na may kasamang dugo.
Lumupaypay ang ulo nito sa tindi ng panghihina.
" P-pare... pare!"
"Villareal nakapili ka na ba? Mukhang hindi ka na dapat mamili pa. May nagsasakripisyo na! Pero, pumili ka na!" Tinakpan muli ng tauhan nito ang bibig ng kaibigan.
Sa oras na pumili siya, para na rin niyang itinakwil ang isa.
Napapikit nang mariin ang binata.
"Ano Villareal!"
Idinilat niya ang mga mata.
"Tigilan mo ako sa kademonyuhan mo Delavega," nagtatagis ang mga ngiping saad niya.
Humalakhak ito.
Bigla siyang tumayo at tinutukan ng baril sa ulo ang nakangising ama nito.
Naglaho ang ngisi ng matanda at nahintakutan.
"Tigilan mo ang paglalaro kung ayaw mong totohanin ko ang pagpatay sa ama mo!"
Si Xander naman ang natigilan.
"Subukan mo lang!"
Bigla nitong tinadyakan ang kaibigan sa sikmura dahilan ng pagpihit ng husto ng ubo, at kahit may takip ang bibig nito ay kitang-kita niya ang pagtulo ng dugo mula sa bibig ng kaibigan.
Umakyat ang dugo sa kanyang sa ulo kasabay ng pagtadyak sa ama nito.
" AAAHHH!" Tinadyakan niya nang tinadyakan hanggang sa mamilipit ito sa sakit at namaluktot ng husto.
Nanlalaki ang mga mata ni Xander sa nasakihan.
"DAAAAD!"
Nang may marinig na tila may kumasa ay nilingon ni Gian ang kalaban.
Ganoon na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang ang baril na hawak nito ay nakatutok sa sintido ng kaibigan kasabay ng pagkalabit sa gatilyo lumipad ang bala deretso sa sintido ni Vince!
Huminto ang oras ng binata nang humandusay sa malamig na sahig ang kaibigan.
"VIIIIIINNNCCEEEEE!"
Dumilim ang kanyang paningin at pinagbabaril ang kalaban.
Hindi kayang ipaliwanag ng binata ang poot na umaapaw sa kanyang damdamin.
Inuubos niya ang bala sa katawan ng kalaban.
Ilang sandali pa isang Roman Delavega ang humandusay sa malamig na sahig!