HUWEBES.
Umaga.
Pitong araw ang plano ni Gian sa pagpapataob sa kalaban, ngayon tatlong araw na lang ang natitira.
Ang lahat ng mga ebidensiyang naipon niya sa tulong nina Vince at Isabel ay kumpleto na.
Ang kulang na lang ay ang pagpasok sa teretoryo ng mga ito upang maisagawa ang malinis na pagpapabagsak.
Umalis na siya sa tinitirhang condominium at lumipat sa nabiling three storey bungalow.
Kailangan niya ng lumipat sa mas pribadong lugar para maisagawa nang mabuti ang plano.
Ngayon kasama ang mga tauhan ay nakatutok sila sa isang larawan na nakuhanan niya noon gamit ang spy cam.
Nakatayo at nakapalibot silang lahat sa iisang mesa habang pinag-aaralan ang larawan.
"Ito ang mansyon ni Roman Delavega. Sa loob ng mansyon ay may underground," turo niya sa naka imprentang larawan. "Dito sa dulo ng pasilyo bago mag -exit ay may elevator na may access code. Malalaman agad kung may intruder dahil mag-aalarm. Dalawang elevator ang nandito at noong nagpunta ako diyan ay kasama ko mismo si Roman."
"Wow!" bulalas ng isa sa mga ito.
"Noon 'yon, noong plantsado pa ang plano. Dito sa ibaba, nandito ang laboratory nila," turo niya sa napakalaki at napakalawak na pagawaan. "Dito sa dulo, may isa pang daanan pero hindi ko napuntahan at dito tayo dadaan papasok."
"Boss paano 'yan wala tayong ideya kung paano pasukin?" anang kanang-kamay na nasa kanyang tabi.
May kinuha siyang nakarolyong papel at ibinuklat sa mesa. "Ito ang blue print ng kabuuan ng mansyon."
"Saan mo ito nakuha boss?"
Tumiim ang kanyang bagang nang maalala ang taong nakatulong ng malaki sa kanyang mga plano ngunit wala na ito.
"Kay Warren, noong nabubuhay pa siya."
Natahimik ang mga tauhan.
"Hihingi tayo ng tulong sa mga awtoridad dahil hindi na lock down kaya na nila."
"Boss kailan natin ito gagawin?"
Dahil sa tanong ni Buloy ay napaangat ang kanyang tingin sa mga ito.
"Sa linggo."
Ibinalik niya ang tingin sa blue print, nang tumunog ang cellphone.
Dinukot niya ito mula sa bulsa ng pantalon at tiningnan.
"Buloy, ikaw muna bahala rito, may kakausapin lang ako."
"Yes boss," tugon ng tauhan.
Lumabas siya ng sala at sinagot ang tawag.
"Love? Napatawag ka?"
"Gian nasaan ka? Alam mo na ba?" puno ng pag-aalala sa tono ng kasintahan na ikinapagtaka niya.
"Ang alin?"
"Wanted ka! Wanted ka na naman!"
Mabilis siyang nagtungo sa telebisyong nasa harapan.
"Anong nangyari boss?" takang tanong ni Buloy ngunit hindi niya pinansin at itinuon ang mga mata sa screen.
Naroon ang kanyang larawan habang nagsasalita sa harapan ang news caster na babae.
"Kung sino man ang nakakilala at nakakita kay Gian Villareal A.K.A. Rage Acuesta ay maaring ipagbigay alam agad sa kinauukulan o sa himpilang ito.
Matatandaang si Villareal ay naging wanted noon sa kasong pagpatay at ngayon ay may nakakita umano sa kanya..."
"Tangina!" Nangibabaw ang kanyang sigaw bago pinatay ang telebisyon.
Natahimik ang lahat ng naroon dahil napanood din.
"Maghanda kayo aalis tayo!"
"Yes boss!" agad nagsikilos ang mga tauhan. Nagligpit ng blue print at ang iba ay nagtungo sa bodega kung nasaan ang mga armas.
Tinungo niya ang silid at kumuha ng isang travelling bag saka naghakot ng gamit at mga importanteng dokumento at pinaglalagay roon.
Muling tumawag ang kasintahan at sinagot niya.
"Gian baka parating na ang mga pulis diyan umalis ka na! Pumunta ka muna sa amin!"
"Sinong may pakana nito?" pag-iiba niya ng usapan.
"Si Raven Tan."
Nagtagis ang kanyang bagang sa tindi ng pagpipigil na makapagmura.
Ang nagpahamak sa kanya ay ang mismong ang karibal pa!
"Nakausap ko ang manager ng condo, magsasampa siya ng kaso laban sa 'yo. Nakipagtulungan na rin siya kay Raven. Kaya siguradong si Raven ang may pakana nito."
"Hayop," anas niya.
"Gian I'm sorry, kasalanan ko ito eh, k-kasalanan ko." Pumiyok ang tinig ng kasintahan kaya natauhan siya.
"No! Wala kang kasalanan love, ako ang dapat humingi ng tawad sa-"
"Hindi, ako ang may kasalanan dahil nagpadalos-dalos ako. I am so stupid! So stupid! Ang tanga-tanga ko!" sigaw na nito at ramdam niya ang matinding pagsisisi hanggang sa humagulgol na ito sa kabilang linya.
Nabahala ang binata at sa isang iglap parang gusto niya itong puntahan at aluin ngayon.
"Ellah listen! Wala kang kasalanan, dahil ako ang nagdala sa 'yo sa kapahamakan. Ako, huwag mong isiping ikaw!"
Sumigok ito at kahit paano kumalma na. "P-paano ka? Gian patawarin mo sana ako sa-"
"Huwag mo akong alalahanin. Kaya ko ang sarili ko, ikaw ang mag-iingat diyan dahil siguradong ikaw ang pupuntiryahin ng hayop na Tan na 'yon. Huwag na huwag kang aalis ng mansyon pakiusap."
"Oo, pangako pero paano ka?"
"Panahon na para lumaban nang harapan."
"Gian please! Ipaubaya mo na lang sa mga awtoridad! Natatakot akong mawala ka ulit sa akin!"
"Ayoko ng magtago o magkunwari. Ngayong alam na nila kung sino ako ito na ang pagkakataong haharapin ko sila."
"S-sa tingin mo ba alam na ng mga Delavega?"
Humugot nang malalim na paghinga ang binata. "Siguradong alam na nila. Siguradong kalat na sa buong medya ang tungkol sa akin o baka nga sa ex mo pa mismo nanggaling ang impormasyon nila."
"P-paano 'yan?"
"Huwag kang lumabas, delikado ka, kayo ng lolo mo."
"Ikaw paano ka?"
"Mag-iisip ako ng paraan, huwag mo na akong alalahanin."
"Pero-"
Tumunog ang cellphone niya.
"Love tumatawag si Vince, basta mag-ingat ka diyan ha?"
"S-sige love, ingat mahal kita."
"Mahal din kita."
Pinatay niya ang linya at sinagot ang tawag ng kaibigan.
"Vince?"
"Gian pare nasaan ka? Lintek wanted ka na naman!"
"Alam ko pare."
"Anong plano mo? Demonyo talaga ang mga Delavega na 'yan!"
"Aalis muna ako pare."
"Saan ka naman pupunta?"
"Hindi ko pa alam."
"Umalis ka na agad baka parating na ang kalaban!"
"Oo, pare ikaw na muna ang bahala kina Ellah at don Jaime kung pwede?"
"Sige pare, basta umalis ka na diyan! Balitaan mo ako kung saan ka pupunta. "
"Sige pare, salamat."
Pagkatapos ng usapan ay tapos din siya sa paghahanda.
Paglabas niya ay naka handa na ang mga tauhan.
Kanya-kanyang bitbit ang mga ito ng mga dekalibreng baril at bag na puno ng mga bomba at iba pa.
"Nakahanda na lahat?"
"Yes boss!"
"Let's go!"
Dumeretso sila sa garahe kung saan may limang sasakyan.
Hindi pa man sila nakakasakay nang salubungin ng mga patrol car.
"Shit! Balik-balik!" utos niya saka pumasok.
Nagsipasukan silang lahat sa bahay at dumeretso sa storage room na may mga computer at mga armas.
"Hindi tayo lalaban boss?" takang tanong ni Buloy.
"Hindi, mga alagad ng batas 'yan."
"Paano nila nalaman na nandito ka? "
"Matalino ang kalaban."
Mula sa silid na kanilang kinaroroonan ay kitang-kita ang paglabasan ng mga pulis na may dala pang mega phone.
Tumayo sa labas ang tila leader na may hawak na mega phone.
Ilang sandali pa umalingawngaw ang tinig ng alagad ng batas.
"VILLAREAL! SUMUKO KA NA! NAPAPALIBUTAN KA NA!"
"Anong gagawin natin boss? Baka pagbabarilin tayo ng mga 'yan?"
Dinukot niya mula sa bulsa ng suot na pantalon ang cellphone at tinawagan ang taong alam niyang malaki amg maitutulong.
"Don Jaime, kailangan ko ng tulong."
---
"Don Jaime! Ano pong maipaglilingkod ko?" masiglang saad ng mayor pagkapasok niya pa lang sa opisina nito.
Dahil sa nangyari kay Gian ay napasugod ang don sa opisina ng mayor dahil ito lang daw ang mas makakatulong sa ngayon ayon sa binata.
Nanganganib kasi ito.
Nanganganib na naman!
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa mayor. Naalala niyo ba ang pinag-usapan nating tutulong para maibagsak ang Delavega?"
"Oo, naalala ko," patango-tango nitong tugon.
"Ang taong tumutulong sa atin para mapabagsak ang mga Delavega ay si Gian Villareal."
Kumunot ang noo ng kausap bago nanlaki ang mga mata.
"Villareal na wanted noon?"
"Oo mayor, " ang matigas na tugon ng don.
"Na wanted na naman ngayon?"
"Siya nga mayor."
Bahagyang umawang ang bibig nito.
"P-paano nangyari 'yon?"
Tumiim ang tingin niya sa kausap.
Wala ng dapat ilihim pa dahil ngayon ay lantaran na.
"Dahil siya si Rage Acuesta."
Sa pagkakataong ito ay tila nanigas ang opisyal.
"I-ibig mong sabihin totoo ang balita?"
Marahan siyang tumango.
"Hindi totoo ang pangalan niya pero totoong mayaman na siya at maimpluwensiya, ang masama alam na ng kalaban kung sino talaga siya."
Inayos nito ang pagkakaupo.
"Ano ho ba ang pakay ninyo don Jaime?"
Ang don naman ang umayos ng pagkakaupo.
"Kailangan ko ang tulong ninyo mayor. Nanganganib sa ngayon ang buhay niya. May mga pulis na nakapalibot sa bahay niya.
Sana ay magawaan ng paraan agad, para hindi na magkaroon ng labanan."
"Don Jaime, ganito ho iyan. Wanted ho si Villareal kaya hindi basta makakalusot. Dapat pa rin siyang managot sa batas kasi-"
"Mayor!" singhal na niya na ikinaigtad ng opisyal.
"Nasa labas ng bahay ng taong iyon ang mga kapulisan ninyo!
Hindi si Villareal ang kalaban dito. Naunahan lang siya ni Delavega kaya nabaligtad siya!"
Natigilan ang kausap nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag.
Kailangang gumawa ito ng paraan upang hindi mapahamak ang binata.
" Dating pulis si Villareal. Hindi malayong lalaban siya kapag nagkasubukan.
Si Delavega ang kalaban dito mayor. Dati na niyang napaikot ang batas noon, hahayaan niyo ba hanggang ngayon?"
"May mga ebidensiya tayong-"
"Ebidensiyang sila lang ang gumawa!"
Muling natahimik ang opisyal.
"Mayor ang hinuhuli ninyo ay nag-iisang kriminal pero ang nagpapahuli ay isang terorista!
May ipapasok silang droga sa bansa na siguradong magdudulot ng kapahamakan sa buong bayan.
Iyon ang tinututukan ni Villareal pero nahuli siya ng kalaban hindi pa man siya nakagawa ng plano. "
"Ano! Droga?" gilalas nitong turan na tila ngayon lang nakaintindi sa sitwasyon.
---
"VILLAREAL! HINDI KA BA LALABAS DIYAN! PAPASOK NA KAMI!"
Umalingawngaw ang tinig ng pulis sa labas.
"Boss, kailangan na nating lumaban!" saad ni Buloy at ikinasa ang dalang armas.
"Huwag! Huwag muna. Maghintay pa tayo!"
"Anong hihintayin natin boss? Ang pasugod ng mga parak na 'yan!" tugon ng isa.
Hindi na kumakalma ang mga kasama at ang lahat ay nakahanda sa isang madugong labanan.
Iyon ang ayaw niyang mangyari.
Kung lalaban man siya ng patayan dapat ang kalaban ang makakalaban hindi itong mga alagad ng batas na walang alam sa katotohanan!
"Huwag kayong gagawa ng unang hakbang maliwanag ba!" singhal na niya sa mga ito.
Tumango ng tahimik ang iilan.
Sampung mga piling tauhan niya ang naririto upang isagawa sana ang plano.
Nakatutok ang kanilang tingin sa may sampung monitor ng computer ng mga CCTV camera na nakapalibot sa buong kabahayan.
Kitang-kita mula roon ang nangyayari sa labas.
Sinesenyasan na ng opisyal ang mga tauhan hudyat na pasukin na sila.
Mabilis namang sumunod ang mga tauhan.
"Boss! Lintek naman aatakehin na tayo ng kalaban!"
"Buloy hindi sila kalaban!" singhal niya ulit.
Naiintindihan niya ang takot ng mga ito ngunit kung kailangang hindi sila lalaban gagawin niya!
"Boss hindi na talaga pwedeng ganito lang tayo! Mamamatay na tayo rito!"
Kitang-kita ang pagtatadyak ng mga pulis sa pinto ng bahay hanggang sa nawasak ito at makapasok ang halos sampung kapulisan habang may hawak na baril ang lahat.
"Bahala na boss! Lalaban na ako! Ayaw ko pang mamatay sa ganitong paraan!" Nangangalaiting wika ng kanang-kamay at humarap sa pinto habang nakatutok ang mahabang armas nito sa pinto.
Gumaya na rin ang iba pa at nakahilera ang mga ito sa pinto.
"HUWAG KAYONG GAGAWA NG UNANG HAKBANG!" sigaw na niya.
Sa pagkakataong ito nagkalat na sa sala at kusina ang mga pulis maging ang mga silid ay pinagbubuksan na.
Ang hindi pa lang natutunton ay ang kinaroroonan nilang storage room!
Nagbibilang na siya ng oras kapag hindi pa tatawag ang don sa loob ng sampung minuto ay mapipilitan na siyang lumaban!
Wala namang hustiya kahit susuko pa siya!
---
Nagpatuloy sa pagpapaliwanag ang don.
"Droga na ilalagay sa sigarilyo at alak. Droga na hindi malalaman ng biktima na gumagamit na siya.
Kapag natuloy iyon mayor baka pati ikaw magiging biktima nang walang kaalam-alam.
Hahayaan niyo bang napaikot na kayo noon, lilinlangin naman kayo ngayon?"
Nagtiim ang bagang ng kausap habang nakatingin sa kawalan.
" Mayor naging bulag na kayo sa hustisya noon hanggang ngayon ba magbubulag-bulagan pa rin kayo kahit namulat na kayo sa katotohanan?"
Hindi kumibo ang kausap. Sa halip ay kinuha nito ang cellphone sa ibabaw ng mesa at tila may tinatawagan.
Ilang saglit lang ay narinig na nila ang boses ng nasa kabilang linya dahil naka loudspeak ito.
"Magandang umaga mayor napatawag kayo?"
Tumingin sa kanya ang opisyal bago sumagot.
"Hepe, may ipapagawa ako."
---
Sampung minuto ang dumaan ngunit hindi pa rin tumatawag si don Jaime.
Ibig sabihin ay hindi nito nakumbinsi ang mayor at ibig sabihin panalo na naman ang kalaban!
Nagtiim ang kanyang bagang bago ikinasa ang kalibre kwarentang baril na ikinalingon ng lahat ng tauhan.
"Lalaban na tayo," mariin at matatag niyang utos.
Agad nagpwestuhan sa loob ng silid ang mga tauhan.
Kitang-kita roon na ang pinakahuling silid na kinaroroonan nila ang tanging hindi pa nabubuksan at ngayon patungo na ang mga ito sa silid nila!
Nahigit niya ang hininga bago sasalubungin ng bala ang kung sino mang magbubukas!
Hinintay na lang nila ang marahas na pagbukas ng mga alagad ng batas!
Kailangang mauunahan nila ang mga pulis!
Ngunit sa kanyang pagtataka ay tila wala namang tumadyak sa pinto.
Ilang sandali pa kitang-kita na nagsialisan ang mga ito.
"Anong nangyari?" bagamat nagtataka ay hindi maiwasang tanong ni Buloy.
Lihim na nakaramdam ng matinding kasiyahan si Gian!
---
"Bantayan niyo ng maigi. Kailangang deretso sa akin ang demonyong 'yon maliwanag ba!" singhal ni Xander sa kausap sa cellphone.
"Anong nangyari?" tanong ng senior sa anak.
Kasalukuyan silang umiinom ng alak sa terasa ng mansyon.
"Malapit ng mapasakamay natin ang demonyong 'yon
dad," matigas na pahayag ng anak.
"Mabuti. Ngayon wala ng kawala ang Villareal na 'yon!" saad ng senior at sinundan ng halakhak.
"Dad, ang galing niyo!" Ngisi ni Xander habang nagsasalin ng alak.
Napalis ang ngiti ng senior.
"Ikaw ang magaling anak. Kaya mula ngayon lahat ng mga plano mo iyon ang masusunod."
"Thanks dad. Salamat at sa wakas naniwala ka na sa akin."
"Oo simula ngayon ikaw na ang magdedesisyon ng lahat."
"Salamat dad."
"Hindi na ako makapag hintay na makitang mabulok sa kulungan ang demonyong 'yon!"
"Iyon ay kung makukulong pa dad," makahulugang wika ng anak na ikinatingin niya rito.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Kapag nahuli na ng mga pulis si Villareal tatambangan sila ng mga tauhan natin. Pagkatapos tatadtarin ko ng bala ang demonyong 'yon!"
Himigpit ang pagkakahawak niya sa baso ng may lamang alak.
Hindi kayang ipaliwanag ng senior ang maramdaman nang malamang nalinlang siya ng kalaban!
Ang masama pinagkatiwaalaan niya ito ng lubusan!
"Pagkatapos kay Villareal isusunod ko ang Jaime Lopez na 'yan para tayo na ang mangunguna!" dagdag ni Xander.
"Magaling anak! Iyon din ang plano ko."
"Wala ng makakahadlang sa atin dad. Wala!"
"Gago ka ba! Ikaw ang magsabi!"
Natahimik sila nang may marinig na sumigaw mula sa labas.
"Ikaw na ang magsabi!"
"Anong ako! Gago! Ikaw ang pumalpak ikaw ang magsabi!" anang isa pang boses.
Kinabahan na ang senior sa naririnig.
Siguradong may hindi magandang nangyari.
"Paano kung barilin ako ni boss Xander?"
Nagkatinginan sila ng anak.
Nang biglang may pumasok na tauhan.
"Boss may problema!"
Napalingon sila sa lalaki.
"Anong problema?" Tumalim ang tingin ni Xander sa tauhan.
"Boss, senior, hindi hinuli ng mga pulis si Villareal."
"PUTANG-INA!" sigaw ni Xander.
"HIJO DEPUTA!" Napatayo ang senior at binato ng baso ang tauhan tinamaan ito sa sikmura.
"ANONG HINDI HINULI! BAKIT!" Nanginginig ang mga kamay ni Xander habang kaharap ang tauhan.
"Utos daw ng mayor boss."
"WALA AKONG PAKIALAM! PATAYIN NINYO ANG DEMONYONG 'YON!"
"Boss, nakatakas eh, wala na sila pagdating namin."
"Nakatakas?" Huminahon ang anak na ikinabahala ng senior.
"Xander huwag," babala na niya dahil ang kamay nito ay nasa kwarenta 'y singkong baril sa tagiliran.
"Yes boss pagdating namin wala na."
"TARANTADO!"
Biglang binunot ni Xander ang baril at walang habas na pinaulanan ng bala ang tauhan.
Bumagsak ang wala ng buhay nitong katawan sa malamig na tiles.
"Tarantado ka talaga. Mauubos ang tauhan natin sa pinagagawa mo!"
Hindi sumagot ang anak at hinihingal pa ito.
"Anong plano mo ngayon? Paano mo pa matutunton ang demonyong 'yon?"
Matalim ang mga matang tumingin ito sa kawalan.
"May isa pang paraan dad."
"Huwag mong sabihing ang apo ni Lopez malabo 'yan."
Napatingin na ang anak sa kanya.
"Hindi siya, iyong isa pang babae ni Villareal," mariin nitong tugon.
Kumunot ang kanyang noo bago naisip kung sino.
"Si Isabel?"
"Siguradong alam niya kung nasaan si Villareal."
---
"GIAN!"
Sinalubong siya ng mahigpit na yakap ng kasintahan pagdating sa mansyon.
Mabilis naman niya itong ginantihan ng mahigpit na yakap.
Nasa entrada pa lang siya ay nakaabang na pala ang kasintahan.
Napatingin siya sa mga gwardyang naroon.
Wala namang pakialam ang mga ito at ni hindi nakatingin sa kanila.
"Natakot talaga ako akala ko ano ng nangyari sa 'yo."
"Ayos lang ako, salamat sa lolo mo."
"Oo nga buti na lang nakatulong si lolo."
Huminga siya ng malalim at saka bumulong.
"I miss you."
"I miss you too." Mas humigpit ang yakap nito.
Dinampian niya ng halik ang buhok ng dalaga at hinaplos ang likuran nito.
"I'm safe. Huwag ka ng mag-alala."
"Oo buti na lang, sorry kasi kasalanan ko 'to."
"Shhh, hindi totoo 'yan."
Kumalas ito sa pagkakayakap at naglakad sila papasok ng mansyon.
"Mabuti na lang talaga napakiusapan ni lolo si Mayor Beltran."
"Tama ka, mabuti at mabait ang mayor dito."
Pagdating nila sa sala ay naroon ang don.
"Magandang umaga sir."
"Gian hijo, mabuti at nakaligtas ka."
Niyakap siya ng matanda at ginantihan niya rin ito ng yakap pagkuwan ay kumalas.
"Doon tayo sa terasa."
"Ipaghahanda ko kayo ng snack," masayang saad ng dalaga at nagtungo ng kusina.
"Salamat love," tugon niya.
Napangiti ang kasintahan.
"You're welcome love."
Napangiti ang don bago umiling.
"Naalala ko tuloy ang asawa ko."
Napangiti rin ang binata.
Pagdating sa terasa ay magkaharap silang umupo roon.
"Gian anong plano mo?" panimula ng don.
Umupo nang tuwid ang binata.
"Sa ngayon plano kong pumunta ng Ipil."
"Bakit doon?"
"Hindi ho pwede sa Pagadian, siguradong naroon ang mga tauhan ni Delavega."
"Kailan ang alis mo?"
"Mamayang hapon ho."
"Hindi ba pwedeng dumito ka na lang habang mainit pa ang sitwasyon?"
Umiling siya. "Pupuntahan ko ho si Isabel, nangaganib siya dahil sa akin."
"Nasa Ipil pala si Isabel?"
"Sinong nasa Ipil?" si Ellah.
Sinulyapan niya ang kasintahan. May dala itong tinapay at kasunod ang katulong na may dalang juice.
Inilapag ng mga ito ang pagkain sa mesa at umalis na ang katulong.
Tumabi si Ellah sa abuelo.
Pormal ang anyo nito pero wala namang bahid pagseselos.
"Si Isabel hija," ang don ang sumagot.
" Bakit mo siya pupuntahan?" si Ellah na hindi humihiwalay ng tingin sa kanya.
Ibinalik niya ang tingin sa don bago sa kasintahan.
"Pupuntahan ko si Isabel sa Ipil. Kailangang makausap ko ng personal, may kutob akong babalingan siya ng kalaban dahil nasangkot siya sa akin.
Nalaman na nila ang tunay kong pagkatao at alam nilang kasamahan ko si Isabel.
Hindi nila kayo magagalaw kaya ang iba ang pagbabalingan nila. "
" Kung gano'n dapat yata makausap mo ang kanyang ama? Maipaalam mo ang bagay na 'yan? "
Huminga ng malalim ang binata.
" Don Jaime, hindi niyo pa ba napapatawad si mang Isko? "
"Pinatay nila ang mga magulang ko. Ni hindi sila nakulong tapos palalayain na lang?" si Ellah ang sumagot.
Bakas sa mukha nito ang galit at poot.
"Kailangan siya ng anak niya ngayon. Siguradong nanganganib si Isabel at dahil 'yon sa akin."
"Hell I care! Puntahan mo ang babae mo!" singhal nito saka umalis.
"Ellah please!" tawag niya rito pero hindi lumingon.
"Hijo, puntahan mo ang ama ni Isabel. Kausapin mo siya, ako ng bahala sa tigreng 'yon."
Napangiti ang binata.
"Sige ho don Jaime. Maraming salamat po pala sa pagligtas sa akin."
"Wala 'yon. Sige na puntahan mo."
"Kakausapin ko rin ho si Ellah. Puntahan ko lang muna si mang Isko."
"Sige."
Tumayo siya at tinungo ang quarter.
May nagbabantay roon na isang tauhan.
"Magandang umaga sir," anang lalaki.
Tumango siya at sinulyapan ang silid ng matanda.
Nakakandado ang pinto nito.
"Pwede mo bang buksan?" Itinuro niya ang pinto.
"Yes sir," tugon ng lalaki at binuksan ang pinto.
Bumungad ang ama ni Isabel.
"Gian? Sir Gian?"
Nakaramdam siya ng awa sa kaharap.
Pumayat ito at bakas ang kalungkutan sa mga mata kahit nakangiti pa ito.
"Kumusta? Mabuti ligtas ka salamat naman!"
"Ayos lang ho ako. Kumusta mang Isko?"
Pumasok siya sa silid.
"Naku nakakahiya naman sir Gian."
Umupo siya sa upuang katabi ng mesa.
Ang matanda naman ay umupo sa papag nito.
"Nagkakausap ba kayo ni Isabel?"
"Opo sir, gabi-gabi nagkakausap kami."
Bumuntong-hininga ang binata.
"Mang Isko, nanganganib si Isabel ngayon."
"Ano! Bakit?"
"Nasangkot siya sa akin. Siguradong babalikan siya ng mga Delavega, lalo pa at minsan na siyang nagbigay ng impormasyon tungkol sa akin."
"Sandali tawagan ko muna ha."
"Sige ho."
Habang hawak ni mang Isko ang cellphone ay halos manginig ang kamay nito.
"Hindi ko makontak!" Lumarawan ang takot sa anyo ng matanda.
"Tawagan niyo nang tawagan mamaya. I text niyo muna sa ngayon. Pupuntahan ko siya pagkaalis ko rito."
"Salamat sir."
"Gian na lang ho, dati niyo naman akong tinatawag sa pangalan ko."
"S-salamat Gian. Maraming salamat." Hinawakan nito ang kanyang kamay.
Hinawakan niya rin ang kamay ng matanda.
"Kinausap ko na si don Jaime, pakiusapan niyo uli para paalisin na kayo rito at makasama ang anak niyo."
Namilog ang mga mata ng kausap.
"Talaga? Maraming salamat!"
"Walang anuman ho mang Isko. Tawagan niyo nang tawagan."
"Maraming salamat talaga sir Gian."
"Maraming salamat din ho sa pagligtas sa akin noon."
Ngumiti nang matamis ang matanda.
Pagkatapos niyang makipag-usap dito ay binalikan niya ang kasintahan na nasa gilid ng pool at nakatingin sa kawalan.
"Love," tawag niya rito.
Nilingon siya nito bago muling ibinaling ang tingin sa tubig.
Lumapit siya at niyakap ito patagilid.
"Nagtatampo ka ba?" malambing niyang tanong.
"Sino bang hindi? Hindi na nga nakulong tapos papakawalan pa?"
"Hindi ka ba naaawa kay mang Isko? Matanda na siya at mukhang sakitin na."
"Hmp! Pake ko?"
"Love, sorry pero please sana maintindihan mo. Kargo konsensiya ko kapag may nangyaring masama sa anak niya. Sila ang tumulong sa akin kaya buhay pa ako hanggang ngayon."
Tumahimik ito.
"Please? Huwag na jelly please?"
Hinalikan niya ito sa gilid ng ulo.
"Paano kung maulit na naman dati? Mawala ka ng matagal pero ang kasama mo ang babaeng 'yon pala?"
"Naku po! Hindi na mangyayari 'yon, isang beses ko lang pupuntahan pero plano kong pumunta muna ng Cagayan."
Nilingon na siya nito. "Talaga? Sa pamilya mo?"
"Oo, panahon na siguro para malaman nila ang tungkol sa akin."
Napangiti na ang dalaga.
"Tama, doon ka lang muna hangga' t hindi pa naaayos dito."
"Mag-iingat kayo rito ha? Lalo ka na matigas ulo," pinindot niya ang tungki ng ilong nito.
"Hmp! Hindi na kaya," nangingiti na nitong tugon.
Napangiti rin siya at hinalikan ito sa gilid ng noo saka siya umusal ng mga katagang matagal na niyang gustong sabihin.
"I love you, love."
Sa pagkakataong ito ay humarap na ang dalaga at niyakap siya.
"I love you too, love."
---
Gabi.
"Leche namang brown out ito! Buong araw na ah!" himutok ni Isabel habang nakahiga sa kama.
Tanging flashlight lang ang kanyang ilaw dahil battery empty ang cellphone.
Napatingin siya sa kisame.
Hindi ito nakadikit sa yero kaya hindi masyadong mainit ang loob ng silid. Tinakpan lang ng plywood ang yerong bubong.
Deretso ang kisame nito patungo sa sala.
Minsan na niyang sinilip ang kisame at kasya ang tao roon. Iniisip niyang lilinisin na lang ito sa susunod na araw dahil puno ng agiw.
Papatulog na siya nang biglang nagkailaw.
"Hay salamat!"
Mabilis siyang bumangon at nag charge ng cellphone.
Ilang sandali pa binuksan niya ito at mabilis na tinawagan ang ama.
"Tay, kumusta? Kailan niyo ba ako mapupuntahan dito sa apartment?"
"Isabel anak! Bakit ngayon ka lang nakontak! Halos mamatay ako sa pag-aalala anong nangyari? Ayos ka lang ba?"
Kinabahan siya.
"Bakit po? Buong araw ang brown out may nasira daw poste ngayon lang nagkakuryente sa-"
"Isabel makinig ka, umalis ka na diyan ngayon din sa tirahan mo anak. Bilis na! Ngayon na!"
"Ha! Bakit po?"
Kumabog ng husto ang kanyang dibdib at ginapangan ng takot.
"Basta mamaya ko na ipapaliwanag umalis ka-"
"Bakit ba? Tinatakot niyo ako tatay!"
"Wanted na naman si Gian!"
"ANO!"
"Nalaman na ng mga kalaban na siya at si Acuesta ay iisa!"
"Shit!" mas kumabog ang kanyang dibdib sa takot.
"Kailan? Saan? Bakit ngayon niyo lang sinabi!"
"Ngayong araw ko lang din nalaman."
"Kumusta na siya? Nasaan na siya?"
"Pinuntahan ng mga pulis ang bahay niya buti na lang hindi siya hinuli. Ang tindi talaga ng mga Lopez."
"Nasaan na raw si Gian 'tay! Baka kung napaano na siya!"
"Ligtas na siya at papunta siya diyan sa 'yo para makausap ka kaya bilisan mo na umalis ka na diyan!"
"Sige ho, pero pupuntahan ba talaga ako ni Gian?" Tila lumukso ang kanyang puso sa narinig.
"Oo pero umalis ka muna diyan!"
"Sige ho pero paano si Gian? Magtatago ba siya?"
Naghakot siya ng damit at isinilid sa maleta.
"Hindi ko alam baka puntahan niya ang pamilya niya. Nakaalis ka na ba diyan?"
"Malapit na po. Tama sa Cagayan ligtas siya ro'n!"
"Oo nakaalis ka na ba?"
"Malapit na-"
"Umalis ka na diyan baka nga papunta na ang mga kalaban!"
"Sige po. Ingat kayo diyan ha?"
"Oo salamat ikaw din anak. Ingat, mahal na mahal ka ni tatay."
Sa narinig ay tila may bumara sa kanyang lalamunan at nanakit ang gilid ng mga mata.
"Opo 'tay, mag-iingat ako para sa inyo. Mahal na mahal ko kayo tatay. Tandaan niyo sana."
"Oo bilisan mo!"
"Sige na po, paalam."
Pinatay na niya ang linya.
Saka lumabas bitbit ang maleta. Subalit biglang may nagdatingang mga sasakyan.
Binuksan niya ang bintana ngunit napalibutan na siya ng mga kalalakihang may dalang mga armas kaya't nanginig sa takot at napaatras.
Nagulantang siya nang kumalabog ang pinto na parang may sumipa rito!
Dumagundong ang kanyang dibdib sa kaba at pinatay ang ilaw sa loob ng silid.
Sigurado siyang may masasamang loob na nakapasok!
Naiiyak na naghanap ng mapagtataguan si Isabel.
Tumingala siya at nakita ang kisame.
Mabilis siyang umakyat doon.
Napakadilim ng buong paligid ngunit hindi na niya ininda ang takot. Mas nangibabaw sa kanya ang takot sa mga nakapasok!
Ilang sandali pa may narinig ng mga yapak si Isabel.
Pinagpawisan na siya ng malamig at nanginginig ang buong katawan.
Pigil niya ang hininga sa takot na makagawa ng anumang ingay.
Subalit muntik na siyang mapahiyaw nang biglang may tila sumipa sa pinto ng kanyang silid kaya bumukas ito.
Tinakpan niya ng maigi ang bibig.
May naririnig na siyang mga usapan ng kalalakihan.
"Wala rito boss. Baka tumalon sa bintana?"
"Hanapin niyo!"
Agad nagsialisan ang mga kalalakihan.
Nagitla siya sa narinig na tinig.
Sigurado siyang ang tinawag na boss ay si Xander Delavega!
"Boss hindi pa nakakaalis ang babaeng 'yon. Wala naman kaming nakita at nakapalibot kaming lahat dito sa ibaba."
"Kung gano'n nandito lang ang babaeng 'yon! Halughugin ang buong bahay!"
Dahan-dahan at ingat na ingat na gumapang siya paakyat para silipin ang nangyayari sa loob ng kanyang silid.
Abot-abot ang kanyang dasal na sana ay huwag mahuli.
Ilang sandali pa kitang-kita na niya si Xander Delavega na nakadungaw sa bintana.
Baliktad na rin ang kanyang kama at bukas ang kabinet.
Pumasok ang isang lalaki at hinarap ang amo.
"Boss wala talaga!"
"Putang-ina mo!" Singhal ni Xander at sunod-sunod na pinagbabaril ang tauhan.
"AAHMP!" Mabilis tinakpan ni Isabel ang bibig at umatras para kumubli.
Sa tindi ng nakita ay hindi niya napigilan ang mapahiyaw dahil kitang-kita niya ang pagbulagta ng lalaki sa sahig.
"Ano 'yon?"
Nanlalaki ang mga mata niya sa tindi ng takot.
Tila may naghahabulang daga sa kanyang dibdib.
"Boses-babae boss!"
"Hanapin niyo! Nandito lang sa silid na ito ang babaeng iyon!"
Nagkagulo ang buong silid.
Hanggang sa tumahimik.
"Isabel huwag ka ng magtago, mahuhuli rin kita!"
Nagtayuan ang mga balahibo sa kanyang buong katawan sa tindi ng takot.
Hanggang sa muling tumahimik ang paligid.
'Wala na ba? Wala na ba sila?'
Napakatahimik na ng buong paligid.
Marahan siyang gumapang paangat upang silipin ang nangyayari.
Subalit ganoon na lang ang kanyang pagkagulantang nang paulanan ng bala ang kanyang kinaroroonan!
"AAAAHHH!"
Nataranta siya at mabilis gumapang patungo sa pinakadulo.
"HINDI KA MAKAKATAKAS BABAE!"
Umalingaw ang boses ni Xander sa pagitan ng mga putok ng baril.
Gumapang pa siya hanggang sa pinakasulok ng kisame.
Patuloy ang pagbabaril sa bubong at bawat tatamaan ay nabubutas at naglalaglagan ang mga plywood!
Sa pagkakataong ito mas binilisan pa niya ang paggapang na halos takbuhin na niya ang bawat madaanan habang habol ng bala!
Deretso ang kanyang paggapang hanggang sa may naapakang ply wood na walang kahoy.
"AAAAHHHHHH!"
Lumusot siya deretso sa sala!
"MAGALING!"
Umalingawngaw ang mga nakakapangilabot na halakhak.
Pag-angat ng kanyang tingin ay ang pagsalubong ng bala sa kanyang dibdib.
"AGH!"
Natumba si Isabel.
"Sabihin mo kung nasaan si Villareal!"
Nanlamig siya at tila namanhid nang barilin nito ang kanyang tuhod.
Napahiyaw siya sa sakit.
"SABIHIN MO!"
Tumalim ang kanyang tingin sa lalaki.
Kahit anong mangyari wala itong malalaman!
Bilang pagsisisi sa nagawa ay ipagtatanggol niya ang binata magkamatayan man!
"KAHIT PATAYIN MO AKO WALA KANG MAHIHITA! WALA! " Dinuraan niya ito. "MAMATAY KA NA!"
"Ah gano'n!"
Kasabay ng pagngisi ng lalaki ay ang sunod-sunod na pagbaril sa kanya.
"Agh!"
Humandusay si Isabel sa malamig na sahig.
Nagsialisan ang mga ito.
Unti-unting nanlalabo ang kanyang paningin.
Nagbalik sa kanyang alaala ang tungkol sa amang hinihintay at ang pagkakasama nilang muli.
Ang lalaking nag-iisang tinatangi ng kanyang puso na hanggang sa kanyang huling hininga ay ito lamang ang iniibig.
Inubo siya at tumagas ang dugo sa kanyang bibig.
Dumaloy ang mainit na likido mula sa kanyang mga mata at hindi na napigilan ang unti-unting pagpikit.
Pinilit niyang habulin ang hininga subalit unti-unti na itong humihinto.
Hanggang sa marinig niya ang tunog ng patrol car.
Siguurado siyang mga pulis ang dumating.
Napangiti si Isabel.
'Ligtas na ako. Ligtas na...'