Chereads / WANTED PROTECTOR / Chapter 91 - Chapter 91- The Punishment

Chapter 91 - Chapter 91- The Punishment

"ANONG SINABI MO?" Hysterical si Isabel sa narinig.

"Hindi ako sasama hindi ako papayag na kami ang magbayad sa kasalanan ni kuya!

Ang mga Delavega ang dapat managot hindi kami!"

Umagang-umaga nasa bahay nila ang dalawang lalakeng ayaw na niyang makita.

Nananahimik na sila at bigla na lang sumulpot ang mga ito at walang kaabog-abog na nagpasabog ng isang nakakagimbal na balita.

"I had no choice Isabel, sasama kayo sa akin at harapin ninyo ang inyong kasalanan."

Bumalatay ang takot sa kanyang anyo.

"Gian napag-usapan na natin 'to!

Hindi ba ginawa ko na ang lahat para hindi na umabot sa ganito?

Hindi kami sasama ni tatay!" matigas niyang tugon.

Tumalim ang tingin nito sa kanya. "Sasama ka at magbabayad kayo."

"Hindi ko alam na magagawa mong magtraydor.  Paano ba nalaman ng mga Lopez ha? Sinabi mo talaga?"

Masakit sa kanya na ang lalaking minahal ay magagawa ang ganito.

"Ako ang nagsabi Isabel."

Humagkis ang kanyang matalim na tingin sa taong nasa likuran ni Gian.

"Ikaw? Ang kapal din naman ng mukha nong isumbong ako gayong wala ka namang kinalaman! Kasalanan mo ito Maravilla!" Hinarap niya si Gian nanatili itong nakatingin sa kanya.

"Gian please!" Hinawakan niya ng mahigpit ang braso nito. " Help me please! Wala kaming kasalanan si kuya ang may gawa nito hindi kami!"

Sa halip na mahabag ay iwinaksi nito ang kamay dahilan kaya nag-init ang sulok ng kanyang mga mata.

"Ang kasalanan ninyo ay ang hindi pagtapat sa inyong nalaman at sa halip ay inilihim niyo pa.

Maging ako Isabel may kasalanan sa mga Lopez dahil inilihim ko ang kasalanan ninyo.

Hindi na ngayon, karapatan nilang malaman ang totoo."

Umatras siya at dismayadong- dismayado. 

Nabigo siya sa taong pinagkakatiwalaan niya at minahal.

"Ang mga Delavega ang may kasalanan hindi kami!

Bakit kami ang pinagdidiskitahan ninyo!"

"Anong nangyayari dito?"

Lahat sila ay napalingon sa kadarating lang na ama niya galing sa pamimili ng tinapay.

Mabilis niya itong nilapitan na tila nakakita ng kakampi.

"Tay!"

"Oh, Gian, Vince, napadalaw kayo?"

Masigla ang anyo na saad ni mang Isko. " Kumain na ba kayo? May dala akong tinapay mag-"

"Tay! Hindi sila nandito para dumalaw," naiiyak na niyang wika at kumapit sa braso ng ama.

"Pinagbabayad nila tayo sa kasalanan ni kuya, natatakot ako!"

Naglaho ang masayang anyo ng matanda at napalitan ng pag-aalala.

"Gian, Vince totoo ba?"

Huminga ng malalim ang binata bago lumamlam ang tingin sa ama ni Isabel.

"Pasensiya na ho mang Isko, pero gusto kayong makaharap ni don Jaime." 

Kitang-kita ang takot sa mga mata ng matanda.

Nabitiwan nito ang dalang supot ng pandesal.

"P-pero Gian, hindi ba maayos naman ang naging usapan natin na kalimutan na lang at ang kapalit ay ang pananahimik namin?"

"Mang Isko, ginawa ko ang bagay na 'yon dahil sa utang na loob ko sa inyo.

Iniligtas ninyo ako sa tiyak na kapahamakan kaya nagawa kong ilihim ang inyong kasalanan.

Pero ngayong alam na ni don Jaime, panahon na para harapin ang totoo.

Huwag na po tayong magtago. Haharapin ko na ang kasalanan ko sa mga Lopez."

"Anong kasalanan mo?" Lumarawan ang pagtataka sa anyo ng matanda.

"Ang paglihim sa inyong lihim ay isa sa kasalanan ko, nagsinungaling ako at hindi sinabing ako si Gian at nagpanggap na ibang tao. Ang mga kasalanan kong 'yon ay dapat kong pagbayaran."

"Gian, pasensiya na, kasalanan namin pero nadamay ka."

"Tay!" singhal ni Isabel kaya napalingon ang lahat sa kanya.

"Kung may kasalanan man si Gian kanya 'yon hindi-"

"Tumahimik ka Isabel!" singhal din ng ama na ikinabahala niya.

"Gian, Vince, maaari ba kaming mag-usap muna ng anak ko? Pakiusap?"

"Sige ho, pagbibigyan ko kayo," ani Gian at sumunod si Vince palabas.

Naiwan silang mag-ama.

"Anak makinig ka, tayo ang may kasalanan kung bakit nagkaganito tayo ngayon. Pinilit nating magsinungaling si Gian maging ang lihim natin inilihim niya!"

"Nagsinungaling siya para makalamang sa kalaban! Nagpanggap siya para sa misyon natin!

Kung hindi man niya sinabi kay Ellah iyon ay dahil masisira ang plano!

Kung ipinaalam niya agad noon na buhay siya hindi siya makakapasok sa mundo ng kalaban ngayon. Maimpluwensiyang tao ang mga Lopez sa palagay niyo ba hindi malalaman ng lahat na buhay siya kung alam na ni Ellah?"

"Pero kung alam na ni Ellah noon ano naman ang epekto kay Gian?

Paano malalaman ng publiko?

Dapat nga yata noon pa niya ipinaalam ang totoo baka hindi tayo umabot sa ganito ngayon."

"Kung nalaman agad ng babaeng 'yon na buhay si Gian siguradong hindi natin maisasagawa ang plano. Mainit sa mga Delavega ang mga Lopez noon at siguradong nakaantabay at nakamanman sila sa bawat galaw ng mga Lopez lalo na kay Ellah.

Kung noon pa nalaman ng mga Lopez na buhay si Gian noon pa sila nagpatayan at ang tayo ay hindi makakapaghiganti at hindi mababawi ang pag-aari natin."

"Hindi tayo kasama sa pag-aalala ni Gian wala siyang pakialam sa atin kahit pa iniligtas natin siya.

Kung sinabi man niya noon ang totoo sa mga Lopez wala na tayong kinalaman pero ikaw, ipinagpipilitan mong maglihim siya at magpanggap!

Ikaw ang dahilan nitong lahat Isabel!"

Tumiim ang kanyang bagang at tumingin sa kawalan.

Hindi naiintindihan ng kanyang ama ang dahilan noon kaya ginawa ni Gian ang magsinungaling at magpanggap.

Ang sakit lang na siya pa ang idinidiin ng sariling ama gayong napakalaki ng naitulong niya.

"Ginawa niya ang sinabi ko dahil si Gian mismo alam niyang wala siyang laban sa mga Delavega.

Kung sinabi niya noon na buhay siya mabibigo siya at mapapahamak si Ellah!

Sa mga panahong 'yon tagilid siya at palaging lamang ang kalaban.

Hindi ko siya pinilit tay, binigyan ko lang siya ng ideya at dahilan para gawin ang sinabi ko.

May sarili siyang pag-iisip pero sinunod niya ako dahil alam niya na 'yon lang ang tanging paraan para makalamang sa kalaban."

Sa pagkakataong ito natahamik ang ama.

"Kung ipinaalam niya agad sa mga Lopez na nakaligtas siya sa pagpatay ni Delavega mas manganganib siya dahil may nakabantay sa galaw ng mga Lopez.

Delavega ang kalaban nila, at alam ni Gian kung ano ang kakayahan ng kalaban.

Perro alam niyo kung ano ang ikinatatakot ni Gian kaya hindi niya inamin agad ang totoo noon?" Sinulyapan niya ang ama.

" Iyon ay dahil alam niyang si Ellah ang maiipit sa oras na malaman ng kalaban na buhay siya.

Si Ellah ang kahinaan ni don Jaime at ni Gian at iyon ang magiging alas ng kalaban."

Nanatiling tahimik ang ama kaya hinarap na niya ito. Nakatingin ito sa kawalan na tila may malalim na iniisip.

"Ngayon tay, ako pa rin ba ang sinisisi ninyo sa ginawang paglilihim at pagpapanggap ni Gian?"

"Kahit ano pang dahilan natin may kasalanan pa rin tayo sa mga Lopez. 

Inilihim natin ang pagpatay ng kapatid mo sa anak ni don Jaime."

Hinarap siya ng ama.

"Dalawang tao ang kinitil ng kapatid mo Isabel at hindi natin ipinaalam sa kanila."

"Kasalanan natin 'yon. Pero patay na rin naman si kuya. Nakuha na rin ng mga Lopez ang hustisya dahil hindi na magbabayad si kuya wala ng saysay para ipaalam pa."

"Isabel!"

"Iyan ba ang pananaw mo?"

Napalingon sila sa lalaking nagsalita.

Nagsalubong ang matalim nilang titigan.

"Kaya pala hindi ka nakapasa ng abogasya ganyan ang pananaw mo sa mga pangyayari.

Tama lang na hindi ka tuluyang naging abogado."

Nagtagis ang kanyang bagang sa narinig mismo sa bibig ng lalakeng minamahal.

Walang puwang ang masaktan ngayon, hindi nito makikita ang kanyang kahinaan.

"Kung sinasabi mong makitid ang utak ko mas lalo ka. Sumunod ka sa sinabi ko noon na magsinungaling at magpanggap tapos ngayon ang sinisisi mo?

Kung hindi dahil sa akin sa palagay mo ba mapapasok mo ang mundo ng kalaban? Kung baluktot ang pananaw ko patay ka na noon pa!"

Humakbang ito palapit.

Subalit hindi siya umatras.

Bumalatay ang pag-aalala sa anyo ng ama at nilapitan siya nito.

"Gian, pasensiya na sa anak ko-"

"Tay!" singhal niya sa ama.

Siya pa ang lumilitaw na masama.

"Tama lang na hindi ka naging abogada dahil baluktot ang katwiran mo.

Mukhang hindi mo naiintindihan kung ano ang kasalanan mo sa mga Lopez.

Ipapaintindi ko kaya makinig kang mabuti."

Tinalikuran niya ito.

"Pumatay ang kapatid mo, na pamilya mo at kahit alam mo inilihim mo at para sa'yo wala ng saysay pa para malaman ng pamilya ng biktima dahil patay na rin naman ang pumatay."

Nakarinig siya nang tila pagkasa ng baril kaya mabilis niyang nilingon at ganoon na lang ang pagkagitla nang makitang nakatutok ang kwarenta 'y singkong baril nito sa kanyang ama.

" Huwag! " awtomatikong humarang siya at sa kanya na nakatutok ang baril.

Namumuo ang pawis sa noo ni mang Isko na tiningnan ang binata.

" G-Gian pakiusap, huwag mong gawin 'yan. "

Hindi natinag si Gian.

" Kung papatayin ko ang ama mo at nalaman mong pinatay rin ako mananahimik ka na lang pala dahil nakamit na ng ama mo ang hustisyang sinasabi mo?

Gano'n ba Isabel? "

Natahimik siya.

"Bakit hindi ka makasagot?"

Kung sa kanya mangyayari 'yon kahit patay na ang pumatay dapat pa ring magbayad ang pamilya nito alam man ng pamilya nito o hindi dapat pa ring magbayad ang mga ito.

"Kung ganyan ang pananaw mo ibahin mo ang mga Lopez.

Hindi kayo parehas ng utak at sa pagkakataong ito may karapatan silang pagbayarin kayo kaya sa ayaw at sa gusto mo haharap ka sa kanila. Vince!"

"Handa ako Gian," ani Vince mula sa tagiliran nito.

"Arestuhin sila."

Namutla siya at kumalabog ang dibdib sa kaba.

Dinaklot ni Vince ang braso ng kanyang ama.

"Huwag!" mabilis niyang hinila ang ama paatras.

"Ako na lang! Huwag na ang ama ko parang-awa niyo na!"

Sa pagkakataong ito napaiyak na siya.

"Ilegal ito! Kakasuhan ko kayo!"

"Hindi ka sa presinto haharap Ms. Alvar kundi sa mga taong dapat ninyong pagbayaran."

"Si Maravilla pulis siya!" turo niya sa lalake.

"Ilegal ito!"

Dumilim ang anyo ni Gian.

"Ganyan ka na ba kawalang hiya Isabel!"

Hinablot nito ang posas na hawak ni Vince at

lumapit sa kanya."

"Huwag!"

Marahas nitong pinilipit ang kanyang mga kamay sa likuran bago nilagyan ng posas.

"Aray! Bitiwan mo ako!"

"Tinatanaw ko pa rin ang utang na loob ko sa inyo kaya hindi ibang tao ang dinala ko rito para dakpin kayo pero hindi ko inakalang ganyan ka kawalang hiya."

Kinaladkad siya nito palabas ng tirahan nakasunod naman ang kanyang ama habang hawak ni Vince.

Sapilitan silang isinakay sa kotse sa likuran.

"Mas kayo ang walang hiya! Pwede naman kaming sumama na hindi na pinoposasan pa!"

"Hindi ka sasama! Hindi mo kami mauuto Isabel at mas lalong hindi madadaan sa baluktot mong katwiran!"

Pinalipad nito ang sasakyan patungo sa taong dapat nilang harapin.

"Hindi ako magmamalinis Isabel. Ang kasalanan ko ay akin, ang kay Delavega ay kanya, at ang inyo ay inyo. Magkaiba man tayo ng kasalanan kailangan pa ring pagbayaran." 

---

Tumalim ang kanyang tingin sa dalawang taong naging dahilan ng pagkawala ng mga magulang.

Nasa sala ng  mansyon ang mga ito at pinalibutan ng kanilang tauhan.

Nakayuko ang matanda habang nakaposas at nakaluhod, samantalang nakatitig sa kanya ang anak nito.

Nalaman nilang tauhan ni Delavega ang driver noon na pamilya ng mga Alvar at kahit sinasabing walang kinalaman ang mag-ama sa ginawa ng anak, hindi 'yon kapani-paniwala dahil ayon kay Gian noong panahong pinatay ang mga magulang niya ay may galit sa kanila ang pamilya Alvar sa pag-aakalang sila ang may kagagawan sa pagkuha ng mga lupa ng mga ito.

Ang mas masakit pinatay ang mga magulang niya dahil sa pagtatraydor ng dating kaibigan bukod pa sa maling akala ng mismong pumatay.

Gumuhit ang pait at sakit sa kanyang puso.

Ang mga taong ito ang naging dahilan ng kanyang pagkaulila, ng kanyang pangungulila at paghihirap mag-isa.

Kahit nandiyan ang abuelo iba pa rin ang mga magulang at iyon ang kinuha sa kanya.

Kuyom ang kamay ay pinilit niyang magsalita.

"Bakit ninyo ginawa 'yon?"

Kahit masakit gusto niya pa ring marinig sa mismong bibig ng mga ito ang dahilan ng pagpatay sa kanyang mga magulang.

Sa halip na sumagot ay tumaas ang noo ng babae.

Kahit pa nakaluhod at nakaposas ang mga kamay sa likuran ay tila hindi man lang nagsisisi sa ginawa.

Isinisigaw ng itsura nito ang salitang "inosente" at walang bakas ng konsensiya sa mukha.

Humulagpos ang kanyang pagtitimpi.

"Mga hayop kayo!" Bigla ang kanyang pagsugod at pinagsasampal ang babae dahilan ng pagkatumba nito.

"Bakit pinatay ninyo ang mga magulang ko! Bakit!"

"Wala kaming kinalaman sa ginawa ng kapatid ko! Kasalanan niya 'yon huwag mo kaming idamay!" asik nito.

Hindi ito makabangon at walang nagtangkang tumulong sa naturang babae.

Hinablot niya ang buhok nito at iniharap ang mukha. Mas lalo siyang nangigigil nang nanlisik ang mga mata nito sa kanya.

"Kayo ang dahilan ng pagkamatay ng mga magulang ko! Kayo! Ang dapat sa inyo mamamatay rin!"

Iningudngod niya ang mukha nito sa malamig na sahig na siyang naging sanhi ng pagdurugo ng bibig.

Nagkakawag ito subalit walang magawa.

"Mamatay ka na!" Iniuntog niya ang ulo nito sa matigas na tiles.

"Huwag! Pakiusap!" sigaw ng matanda ang nagpatigil sa kanya.

Naluluha ito subalit hindi siya napakalma at sa halip ay nanlisik ang kanyang mga mata at dinuro ang matanda.

"Ilayo niyo rito ang taong 'yan!"

Mabilis itong sinaklot ng mga tauhan at inilabas.

"Tay! Bitiwan niyo ang ama ko! Mga demonyo!" Nagpupumilit  makabangon ni Isabel kaya napaupo ito.

Nagpanting ang tainga ni Ellah sa narinig humagkis ang kanyang matalim na titig sa babae.

"Kayo ang demonyo! Pinatay ninyo ang mga magulang ko!"

Sa tindi ng galit at poot ay pinagsisipa niya ang babae na panay ang panangga ng mga braso at kamay.

Halos bumaon ang takong ng kanyang suot na sapatos sa katawan nito ngunit hindi siya tumigil hanggat hindi ito nagmakaawa.

"Tama na! Parang awa mo na!" humagulgol na ito.

Tumayo siya at hiningal ng husto. Hindi sapat ang saktan lamang ang mga ito upang maipaghiganti ang mga magulang.

Hindi sapat ang mga luha nito upang maibsan ang sakit na kanyang nararamdaman.

"Sisiguraduhin kong mamatay kayo sa kulungan!" Binirahan niya ito ng talikod.

"Kapag may nangyaring masama sa ama ko hinding-hindi kita mapapatawad!"

Nanginig ang kanyang kalamnan sa narinig.

"Sana namatay ka na noon sa anibersaryo masyado kang maswerte at may nagligtas sa'yo!"

Kumabog ang kanyang dibdib kaya't napalingon ulit dito.

Ngumisi ang babae kahit tumatagas ang dugo sa labi nito.

"Anong sinabi mo?" Nagtatagis ang mga bagang na muli siyang lumapit.

"Nakalimutan mo na ang tangkang pagpatay sa'yo noong selebrasyon sa anibersaryo ng organisasyon? May naglitas lang sa'yo pero dapat noon ka pa namatay!"

Muli niyang naalala ang nangyaring pagligtas sa kanya ni Acuesta doon sa banyo.

"Kung gano'n ikaw pala ang may pakana? At tama ka, iniligtas nga ako... ng kasintahan mo."

Kumunot ang noo nito bago umawang ang bibig at sa huli ay tumalim ang tingin.

"Sinungaling!" sigaw nito.

"Kriminal!" sigaw niya rin.

"Anong sinabi mo!" Nagpumiglas ito sa pagkakaposas subalit hindi nakawala.

Humakbang siya dalawang dipa ang distansiya bago tumigil.

"Mamamatay tao ka. Sisiguraduhin kong mamamatay rin kayo sa bilanguan! Guard ilabas ang babaeng ito!" duro niya na mabilis nilapitan ng apat na tauhan.

Nagwala ang babae habang kinakaladkad palabas.

Ngayong mag-isa na lang siyang nakatayo sa sala ay saka siya may naalala.

'Nasaan si Gian?'

Mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan ng abuelo.

Nasa terasa ang mga ito at pinalilibutan ng tauhan.

Nakatayo ang abuelo sa harapan ng ama ni Isabel na nakaluhod.

"Don Jaime, maniwala kayo napilitan lang ang anak ko dahil sa utos ni Delavega. Natakot siyang ipapapatay siya kapag hindi ginawa ang utos.

Pero pinatay pa rin siya ni Roman."

"Anak mo pa rin ang pumatay! Anak mo! Lahat kayo dapat magbayad!"

"P-parang awa niyo na, walang kinalaman si Isabel ako na lang ang parusahan ninyo.

Ako na lang ang magbayad, huwag ang anak ko, wala siyang alam parang -awa niyo na don Jaime," gumapang ang matanda palapit sa abuelo at kumapit sa paa nito.

Hindi natinag ang don at sa halip ay mas tumigas ang anyo.

"Kahit hindi kayo ang mismong pumatay sa anak ko, may kasalanan pa rin kayo at hindi ko 'yon mapapalagpas!

Buhay kayo pero ang anak ko wala na!

Ang dapat sa inyo ay buhay din ang kabayaran!"

Nilingon ng don ang katabing kanang-kamay. "Ben ang baril."

Nanlaki ang kanyang mga mata at nanigas sa kinatatayuan.

Tahimik na ibinigay ng tauhan kay don Jaime ang bagay na hiningi.

Itinutok ito ng don sa dibdib ng matandang nanghihina. Bumalatay ang takot sa mukha nito habang ang pawis at dugo ay tumutulo mula sa noo.

"H-huwag po don Jaime," awtomatikong tumaas ang mga kamay nito bilang pagsuko.

Ikinasa ng don ang baril.

"Ang sabi mo, kahit ikaw na lang ang magbayad at hindi ang anak mo, pwes pagbibigyan kita."

"Huwag!" Nalunod ang kanyang sigaw sa isang nakakagimbal na pangyayari.

Umalingawngaw ang putok ng baril kasabay ng pagtumba ni mang Isko.

Awtomatikong tumulo ang kanyang luha nang hindi namamalayan.

Nangyari na rin ang ganitong pangyayari noong si Gian ang binaril!

"TAAAAAY!" Dinaluhong ni Isabel ang ama nitong nakahandusay.

"Magbabayad kayo mga demonyo! Taaaay! "

Sa tindi ng panangis ng babae ay nawalan ito ng malay.

Napaatras siya sa takot saka naman siya napansin ng abuelo.

"Ellah!"

Tumakbo siya palabas ng mansyon.

Hindi niya maatim na makitang ang abuelo mismo ang pumatay!

Sakay ng kotse ay pinaharurot niya ito at nilisan ang tahanan.

Buong biyahe ay nanginginig ang kanyang katawan hanggang sa makarating sa tinitirhang condominium.

"Good evening madam! " bati ng gwardya subalit tuloy-tuloy siya sa pagtakbo patungo sa elevator. "May naghahanap sa inyo..."

Hindi na niya narinig ang sinabi ng gwardya nang makapasok sa elevator.

Hindi pa rin humuhupa ang kaba sa kanyang dibdib at pabalik-balik sa kanyang isipan ang pagkamatay ng matanda.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata at umiling ng husto.

Tunog ng elevator ang nagpamulat sa kanya at nang bumukas ito ay mabilis niyang tinungo ang unit.

Subalit bigla siyang napahinto nang may nakitang isang lalakeng nakatayo at nakatalikod nakaharap ito sa pintuan ng kanyang tinitirhan.

Kahit sa malayo kilala niya kung sino ito.

Mas tumindi ang pintig ng kanyang puso ngunit sa pagkakataong ito ay may halo ng saya at pananabik.

Sa porma at suot ng lalakeng itim na pantalon at leather jacket na itim at sumbrerong itim kahit nakatalikod ay sigurado siya kung sino ito.

Pakiramdam ng dalaga ay nanuyo ang kanyang lalamunan at hindi makahinga sa galak.

Ang tagal niyang hinintay ang pagkakataong ito!

Pandaliang nakalimutan niya ang sakit na dinulot nito at nag-uumapaw ang tuwa na makitang buhay nga ang kasintahan at ngayon ay nasa harapan niya.

Halos marinig na niya ang tibok ng puso sa tindi ng kaba.

"G-Gian?"

Unti-unting lumingon ang tinawag.

Subalit, sa halip na humakbang palapit ay napaatras siya.

Ibang tao ang kanyang nakikita!

Kahit pa si Gian ang nandito nakikita niya ang katauhan ng isang Rage Acuesta!

Hinding-hindi siya magkakamali ito ang pinsan ni Gian!

"Ellah..." humakbang ito palapit kaya mas umatras siya.

Tumalim ang kanyang tingin taliwas sa mga mata nitong malamlam at tila nahihiya.

"Anong ibig sabihin nito?"

"Ellah magpapaliwanag ako," mas lumapit ito.

"Huwag kang lalapit!" singhal niya na ikinatigil nito.

"I'm sorry," tanging nasabi ng lalake na halos nag pa blangko ng kanyang isipan.

Ito si Acuesta ngunit hindi maipagkakailang ito rin si Gian.

Namalayan na lang niyang nasa harapan na niya ito at akmang hahawak sa kanyang kamay.

Tila natauhan siya at mabilis  umigkas ang palad deretso sa pisngi nito.

Nabiling ang mukha ng naturang lalake sa lakas ng tama habang nanginig ang kanyang mga kamay at nanigas ang katawan.

Ngayon sigurado na siya.

Pinaglaruan siya at nilinlang ng kasintahan!

"Walang hiya ka! Walang hiya!"

Sinugod niya ito at pinagsasampal ni hindi naman ito pumalag at tinanggap lang ang lahat.

Hindi siya tumigil hanggang sa napaiyak siya.

"Ellah..." 

Mapait siyang umiling.

Hindi niya lubos maisip na mangyayari ang ganito, na magagawa siyang linlangin ni Gian gamit ang ibang katauhan.

"P-patawarin mo ako, n-nagawa ko ang ganito kasi-"

"Ang sama mo! Wala kang kasing sama!" Pinaghahampas niya ang kaharap ngunit sinalo na nito ang kanyang pulso kinabig siya nito at niyakap.

"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo!"

Ang likod naman nito ang pinaghahampas niya subalit sa halip na kumalas ay mas humigpit ang yakap nito sa kanya.

Tuluyan na siyang humagulgol at panay ang hingi nito ng paumanhin subalit nanatiling matigas ang kanyang kalooban.

"Hindi kita mapapatawad Villareal, " malamig niyang wika.

Sa pagkakataong ito ay binitiwan siya mabilis siyang lumayo.

"Naiintindihan ko, pero nagawa ko ito para sa kaligtasan mo."

"Ang kapal ng mukha mong ako ang idahilan sa katarantaduhan mo!" Dinuro niya ito sa labis na galit at poot.

"Ellah kung hindi ko 'yon ginawa mapapahamak ka!

Sa panahong 'yon wala akong magawa kundi ang magsinungaling at magpanggap.

Nawala ang lahat sa akin dahil doon pero tiniis ko huwag ka lang malagay sa panganib."

Marahas niyang pinahid ng kamay ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi.

"Si Isabel pa talaga na kapatid ng pumatay sa mga magulang ko!"

Hindi siya dapat umiyak sa pagkakataong ito.

Nanatili namang walang kibo ang binata.

"Alam mo bang halos mamatay ako sa pag-alala at takot nang mawala ka!

Pero nagpapanggap ka lang pala!

Ginawa mo akong tanga! Habang nanggagago ka ako mamatay-matay sa konsensiya!"

"Patawad-"

"Araw-araw ipinagdadasal ko na sana bumalik ka na.

Na sana ligtas ka!

Ligtas ka nga pala at pinaglalaruan lang ako!

Ilang beses kitang tinanong noon pero hindi ka umamin! Pinanindigan mo ang kasinungalingan mo!"

Sa pagkakataong ito hindi na makakibo ang kaharap.

"At alam mo kung ano ang pinakamasakit? Ha!" Lumapit siya at dinuro ng daliri ang dibdib nito. 

"Ibang tao ang pinagkatiwalaan mo sa panahong dapat ako!"

"Iniligtas ako ni Isabel sa tiyak na kamatayan-"

"Bakit hindi ka bumalik sa akin?"

Napalunok ito at naghagilap ng sasabihin.

"N-natakot akong madamay ka sa-"

"BULLSHIT GIAN!" Umalingawngaw ang kanyang sigaw sa buong lugar.

Natahimik ito.

Muling nag-init ang sulok ng kanyang mga mata kahit pa pinipigilan niyang maluha.

Ang sakit lang na ang pinakamamahal mo ay walang tiwala sa'yo.

"Wala kang tiwala sa akin dahil ang tingin mo isa akong tanga at hindi maaasahan!

Siguro pinagtatawanan niyo ako ng babae mo ano?"

"Hindi totoo 'yan!"

"Sa ibang tao ka nagtiwala.

Ibang tao ang kasama mo sa layunin nating pagpapabagsak sa kalaban.

Malapit ka ng magtagumpay kasama ang iba hindi mo ako kailangan.

Magpanggap ka na lang dahil diyan ka magaling. Magpanggap ka na rin na hindi tayo nagkita."

Mabigat ang kanyang mga paang humakbang patalikod.

"Ellah please!" Yumapos ang mga braso nito sa kanyang balikat. "Please, please huwag ganito, huwag ganito please." Isinubsob ng binata ang mukha sa kanyang balikat habang patuloy ito sa pagmamakaawa.

"P-patawad, parang awa mo na, p-patawarin mo ako."

Pumiyok ang tinig nito hudyat na tila naiiyak.

Bigla siyang nanghina.

Subalit sa kabila ng kanyang kahinaan ay nanatili siyang matatag at mariing ipinikit ang mga mata.

"Kahit ano pang paliwanag hindi ko matatanggap. " Kinalas niya ang mga kamay nitong nakayapos sa kanya.

"Nagpanggap ka na nagsinungaling ka pa at hindi lang 'yon, inilihim mo rin ang kasalanan nila! Sa tingin mo kaya kitang patawarin?"

"Ellah..." Bumalatay ang matinding kabiguan sa anyo ng binata ngunit hindi siya nagpatinag.

"Maghiwalay na tayo," mariin niyang wika bago tumakbo pabalik ng elevator.

"ELLAH!" 

Habol siya ni Gian kaya mabilis niyang isinara pinto.

"Fuck! Shit!"

Pinindot niya ang buton mula sa ikasampung palapag patungong basement.

Habang nasa loob ay panay ang punas niya ng kamay sa mga luhang hindi nagpapaawat sa pagtulo.

"Nakakainis! Hindi dapat iniiyakan ang mga taong manloloko!"

Pagkatapos ng ilang sandali ay bumukas ang pinto ng elevator.

Deretso siya sa kinaroonan ng kotse.

"Ellah!"

Napalingon siya at kitang-kita ang  binata na hapong-hapo at hingal na hingal sigurado siyang sa hagdan ito dumaan.

Sa halip na mahabag at lumapit dito ay hinawakan niya ang pinto ng sasakyan. Mabilis nitong nahablot ang kanyang pulso kaya't nabitiwan niya ang pinto.

"Hindi ka aalis hanggat hindi naririnig ang paliwanag ko," matigas nitong wika at humigpit ang pagkakapit sa kanyang pulso.

"Kahit ano pang sabihin mo hindi ko matatanggap!" Iwinaksi niya ang kamay ngunit hindi siya nakawala.

"Akala mo ba ikaw lang ang nasasaktan sa nangyari?

Mas masakit sa akin dahil kahit ayaw kong lumayo sa'yo wala akong magawa dahil wala akong laban sa kalaban.

Isa akong wanted noon! "

"Bitiwan mo ako! Guard!" nagtatawag siya ng gwaryda subalit walang lumapit.

Mas humigpit ang pagkakahawak ni Gian sa kanyang pulso na parang nadudurog ang kanyang buto ni hindi man lang natinag at nagpatuloy sa pagpapaliwanag.

"Muntik na akong mamatay dahil sa kagagawan ng kalaban.

Kung bumalik ako agad matapos makaligtas mabibigo tayo at mapapahamak.

Hindi ako lumapit sa lolo mo dahil ayaw kong madamay kayo sa panahong wala akong magawa. 

Wala ring magawa si don Jaime dahil natatakot siya para sa'yo. 

Ako ang lumaban para protektahan ka Ellah. Sinakripisyo ko ang relasyon natin alang-alang sa kapakanan mo.

Mas gugustuhin ko pang nakikita ka sa malayo kasama ang iba kaysa nasa tabi ko pero nanganganib ka."

"Sinungaling. Ikaw ang nasa piling ng iba! Habang ako naghihintay sa pagbabalik mo!"

"Hindi totoo 'yan!" 

"Guard!" sigaw niya. "GUARD!"

"Anong ginagawa mo?" Nababaghang tanong nito dahilan kaya lumuwag ang pagkakahawak.

Mabilis niyang iwinaksi ang kamay bago umatras.

"Anong nangyayari? Ms. Ellah!" Agad nagsilapitan ang apat na gwardya.

"Dakpin ang taong 'yan!" duro niya rito.

"Pasensiya na sir, kailangan ho kayong lumabas."

Nagsilapitan ang mga ito.

"NO! FUCK!"

Napaatras ang mga lalaki sa lakas ng sigaw ng binata.

"Mr. Acuesta pakiusap sir!"

Siya naman ang nabaghan sa narinig.

"Huh! Talagang pinanindigan mo na ang pagpapanggap! Ilabas 'yan at huwag na huwag ninyong hahayaang makapasok ulit dito maliwanag!"

"Opo madam!" Mabilis siyang bumalik sa loob ng tirahan.

"Ellah! Hindi totoo ang naiisip mo! Mahal kita! Mahal na mahal!"

Wala na siyang narinig nang maisara ang pinto ng elevator.

Ang pagsara ng pinto ay tila pagsara ng kanyang puso para sa minamahal na kasintahan.

Sa isang iglap nadaganan siya ng patong-patong na impormasyon na tila patalim at paulit-ulit siyang sinasaksak.

Nalaman niya ang pumatay sa mga magulang at nalaman niya rin ang totoong nangyari sa dating kasintahan.

Kung nasasaktan man si Gian sa nangyayari mas nasasaktan siya dahil siya ang biktima!

---

Nagising si Isabel na hindi pamilyar ang lugar na kinaroroonan.

Ngunit nagitla siya nang mapagtanto kung nasaan siya.

Sa loob ng apat na kantong pinalilibutan ng rehas sigurado siyang nasa kulungan siya!

Mula sa pagkakahiga sa kama ay bigla siyang napatakbo sa rehas at kinalampag ito.

"Mga walang hiya! Ilabas niyo ako rito!"

Natigil siya sa pagkalampag nang maalala ang ama.

Awtomatikong napahagulgol siya at nagsisigaw sa tindi ng sakit na nararamdaman.

Subalit walang nakakita at nakarinig sa kanya.

Nasaksihan niya ang pagpanaw ng ama dahil sa kalupitan ng isang taong pinakamaimpluwensiya sa buong lugar.

Pumanaw ang kanyang ama sa kamay ng taong kinampihan nila.

Umiyak siya ng umiyak hanggang sa wala ng mailuluha.

Pinilit niya ang sariling kumalma upang makapag-isip.

Sa panahong ito walang ibang makakatulong sa kanya na kahit sino pa.

Kahit abogado siguradong hindi siya mananalo dahil ang kalaban ay isang Jaime Lopez.

Marahas niyang pinahid ng kamay ang mga luha habang nakaupo sa malamig na sahig ng naturang selda.

Natatawa siya at naiiyak sa kinasasadlakan ngayon.

Wala siyang malay nang dinala siya sa bilangguan.

Kung hindi malakas ang kalaban ay hindi ito mangyayari.

Inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng selda.

Walang puwang ang pag-iisip ng pagtakas dahil hindi siya magtatagumpay.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata at matiim na nag-isip.

Sa ganitong pagkakataon ang dapat niyang lapitan ay isang maimpluwensiyang tao rin.

Isang taong kayang pantayan o higitan ang kapangyarihan ng kalaban.

Bigla ang kanyang pagdilat ng mga mata nang maisip kung sino ang maaaring maging kakampi!