Chereads / WANTED PROTECTOR / Chapter 72 - Chapter 72 - The Big-timer

Chapter 72 - Chapter 72 - The Big-timer

Gabi.

Sa isang pang apatang mesa ay naroon sina Gian at Isabel naghihintay sa dalawa pang paparating.

Ang usapan ni don Jaime at ng isang Raven Tan ay napalitan ng usapan nila.

Ilang sandali pa may tila komosyon mula sa labas ng VIP room na kinaroroonan nila.

"Si don Jaime ba na?"

"Daw be? Ay hala si don Jaime gyod! Wow nag-unsa na sila diri?"

Ito ang mga naririnig ni Gian mula sa labas.

Inihanda niya ang sarili.

"Isabel buksan mo ang pinto at walang ibang papasukin si don Jaime lang."

Tumayo ito at tinungo ang pinto.

Siya naman ay pumasok ng banyo na nasa gilid.

Ang alam ng mga nandirito ay siya si James Dela Cruz at hindi isang Rage Acuesta.

Bumukas ang pinto.

"Dito ho tayo don Jaime," malumanay na wika ni Isabel.

Isinara nito ang pinto at iginiya ang matandang naka tuxedo, leather na sapatos, naka sumbrero ng itim at may tungkod.

Nakikita na niya ang likod ng matanda.

Bumaha ang pananabik sa dibdib ng binata.

Walang duda ito nga si don Jaime Lopez.

Inayos niya ang suot na eyeglass, maging ang kulay itim na long sleeve na tinupi hanggang siko na pinares niya sa maong na pantalon at loafers.

Humarap siya sa salamin at pinasadahan ng palad ang kulay asul niyang buhok.

Malayong-malayo sa Gian noon na laging naka leather jacket.

"Ho! Kaya ko 'to."

Isa pang buga ng hangin ay tuluyan na siyang lumabas.

Nakatalikod pa rin ang matanda habang nakatingin na sa kanya si Isabel.

"Don Jaime."

Marahan ang paglingon ng don sa likuran nito.

Ngunit nang makita siya ay napatayo ito sa galak.

"Gian? Gian! Ikaw ba 'yan?"

Nanlalaki ang mga matang sambit ng don habang papalapit sa kanya.

Naumid ang dila ng binata habang papalapit din dito.

"Gian!"

Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang luha ng don bago mahigpit na yumakap sa kanya.

Gumanti siya ng yakap kay don Jaime.

"Don Jaime."

Lahat ng pananabik ng binata ay tila naibsan.

Sa kabila ng lahat ay tanggap pa rin siya ng isang don Jaime Lopez.

Kumalas ito at pinakatitigan siya.

"Ikaw ba talaga 'yan?"

"Opo, maraming salamat sa pagpunta, pumayat kayo don Jaime. "

"Gano'n ba? Ayos lang ako. Ibang-iba ka na.

Mabuti at nakaligtas ka. Ang tagal ko ng gusto kang makita pero nagtiis ako para sa kapakanan mo."

"Salamat ho don Jaime. Nakaligtas ho ako at kinupkop ng mga Alvar," tumingin siya sa kinaroroonan ni Isabel na nanatiling nakatayo.

"Alvar?"

Iginiya niya sa pag-upo ang don at umupo paharap dito.

Tumabi ng upo si Isabel.

"Opo, si Isabel Alvar at ang tatay niyang si mang Isko.

Wala po rito si mang Isko."

Tumingin ang don kay Isabel.

"Maraming salamat sa pagligtas sa apo ko hija. Maraming salamat."

Natigilan ang binata sa narinig.

Apo.

Apo na ang turing sa kanya ni don Jaime.

"Walang anuman ho don Jaime. Pero mawalang galang po apo niyo ba si Gian?"

Napaupo ng tuwid ang don.

Umigting ang bagang ng binata.

'Si Isabel at ang bibig niya.'

"Ah hindi pa, pero doon na rin patungo dahil ikakasal na sila ng apo kong si Ellah," paliwanag ng don na ikinatuwa niya.

Kitang-kita naman ang pag-iba ng anyo ni Isabel.

Kanina pa ito hindi masaya mas tumindi ngayon.

"Don Jaime si Vince ho?"

"Parating na siya."

"May alam ho ba siya tungkol sa akin?"

"Wala, sinabi ko lang sa kanyang may kakausapin kami. Ayaw kong pangunahan ka Gian."

Napansin niya ang pagsulyap ni don Jaime kay Isabel.

"Ah Isabel, pwede bang pakitingnan kung dumating na si Vince?"

Tumayo ito at walang paalam na lumabas.

Nang sila na lang ng don ay hindi na nagpigil ang binata.

Sabik niyang hinawakan ang mga kamay ng matanda.

"Kumusta na ho si Ellah? Hinanap ba niya ako? Miss na miss ko na po ang apo ninyo don Jaime."

"Huwag kang mag-alala ikaw lang ang mahal no'n."

Napangiti ang binata saka nahihiyang hinaplos ang batok, binitiwan niya ang kamay ng don.

"Salamat ho. Siya lang din naman ang mahal ko."

"Iyong Isabel ba dalaga pa?"

"Oho bakit ho?"

Nanliit ang mga mata ng don.

"Palagay mo ba may gusto 'yon sa 'yo?"

Napalunok ang binata.

"Hindi naman ho siya ang sadya ko sa-"

"Pero wala ka namang gusto sa babaeng' yon hindi ba? Kahit siya pa ang nagligtas sa'yo Gian."

"Opo, wala po akong gusto ro'n si Ellah lang po ang mahal ko, " deretsong sagot niya.

Tumikhim ang don.

"Mabuti. Mabuti ng magkalinawan ayaw ko lang may kalaban pa ang apo ko pagdating sa'yo.

Sa dami ng kumakalaban sa kanya ay baka hindi na niya kayanin."

"Kumakalaban? Sino?"

Unti-unting uminit ang kanyang dugo sa takbo ng usapan.

"Sa kumpanya pero hindi naman gaya ng dati. Simply lang at alam kong kaya niya."

"Kumusta na ho siya?"

"Unti-unti ng nakabangon sa pagkalugmok.

Pero patuloy pa ring umaasang magpakita ka.

Hindi ko lang masabing huwag siyang mag-alala at nakaligtas ka naman. Iniisip niyang may amnesia ka kaya hindi ka pa bumabalik sa amin."

"Wala naman ho akong gano'n, dahil nang mahulog ako sa bangin ay sinigurado ko ang ulo ko na hindi masaktan. Salamat na lang at buhay pa ako."

"Mabuti, Gian alam ba ng mag-ama na 'yon ang tungkol sa' yo?"

"Oho, alam nila at si mang Roger alam niya rin."

" Ha? Si Roger?"

"Oho, pero siya ang magpapaliwanag sa inyo don Jaime. Ayaw ko lang isipin ninyo na hindi ko ipinaalam."

"Anong alam ni Roger? Wala siyang sinasabi. "

"Nagulat nga rin ako noong una pero nalaman ho niya dahil magkasama sila sa iisang grupo."

"Grupo?" kumunot ang noo nito.

"Hayaan ho ninyong si Roger ang magsasabi ng lahat don Jaime."

"Sige lang, wala namang mas mahalaga sa akin kundi ikaw. Labas muna ako kakausapin ko si Roger."

"Sige ho don Jaime," inihatid niya ito sa labas.

Muli siyang pumasok sa silid at dumungaw sa bintanang salamin.

Nang bumukas ang pinto na agad niyang nilingon at nagtagpo ang tingin nila ni Vince na nanlaki ang mga matang deretsong nakatingin sa kanya.

Bumaha ang pananabik ng binata ngunit nagpigil siya.

"Gian?" tinakbo nito ang kinaroroonan niya.

"GIAN PARE!"

Namalayan na lang ng binata dinaluhong na siya ng yakap ng kaibigan.

Gusto niyang yakapin pero mas gusto niyang subukan ang isipan nito.

"Gian pare! Kumusta ka na? Na miss kita ah!"

"I'm sorry, but I'm not Gian."

"Ha?"

Napakalas ito sa kanyang sinabi at napatingin sa kanya.

"Ano? Kalokohan. Pare ako 'to si Vince!" tinapik pa nito ang balikat niya sabay tawa.

Umiling siya at pinanindigan ang sinabi.

"I really don' t know you."

Umawang ang bibig nito bago humalakhak.

'Tangina Vince hindi ba kita maloloko?'

"What's funny?"

"Nagkulay asul lang ang buhok mo inglesero ka na?" sinundan ulit nito ng halakhak.

"Pero pare gumuwapo ka lalo ah? Ayos 'yan! Mag pa pula rin kaya ako ng buhok?" muli itong humalakhak.

Na mi-miss niya talaga ang gagong ito.

Buti na lang hindi ito naka pang PDEA ng uniporme at naka t-shirt na puti saka maong pantalon at rubber shoes lang.

Kung hindi ay baka hindi niya kayang subukang linlangin.

Pinanatili niyang pormal ang mukha at inayos pa ang eyeglass.

"I' m sorry bro but I am not Gian. I'm his cousin, Rage Acuesta."

Inilahad niya ang kamay dito bilang pagpapatibay na ibang tao siya.

Sa pagkakataong ito ay unti-unti ng naglaho ang ngisi ni Vince at kumunot ang noo.

Siya naman ang gustong humalakhak.

" Rage? Acuesta?"

Hindi niya alam kung may alam ito tungkol doon.

" Yes, Gian's cousin and-"

Naudlot ang kanyang sinasabi nang hilahin nito ang kwelyo ng damit niya.

" Tangina asan si Gian? Nasaan siya!"

Nanlilisik na ang mga mata ng kaibigan habang hawak pa rin ang kwelyo niya.

Nanatili siyang walang emosyon.

"Iyon nga sana ang gusto kong alamin."

Patulak siya nitong binitawan.

"Paano mo nalaman ang tungkol sa akin? Tungkol kay don Jaime?"

Wala na ang masayahin nitong anyo at nagsimula na ng pag-iimbestiga.

Ito ang tunay na Vince.

"Minsan na kayong nabanggit ng pinsan ko kaya naalala ko kayo. Tapos nabalitaan na lang naming nawawala siya at wanted na."

"Ikaw talaga si Gian eh. Niloloko mo ako pare, boses mo pa lang ikaw na talaga eh." Iiling-iling nitong wika.

"I'm not Mr. Maravilla," mariin niyang wika at tinawag pa ito sa apelyido nito na hindi ginagawa ni Gian.

Napatingin si Vince sa kanya at alam niyang unti-unti na itong naniniwala.

"Hindi..."

"I'm from Cagayan de Oro City I just want to meet you and to..."

"Hindi."

"Please I need your help, we'll find my cousin I'm afraid something's happened to him and-"

"HINDI! PUTA! WALANG NANGYARING MASAMA SA KANYA! HINDI AKO MAKAKAPAYAG!"

Tinadyakan nito ang lamesita kaya natumba.

Nilapitan niya ito at inayos.

Nanghihina si Vince at napapaluhod na habang nakayuko.

Nakakaawa ang kaibigan.

Parang gusto na niyang humalakhak bubulong-bulong na kasi ito.

"Gian pare, kung nasaan ka man ngayon hahanapin kita. Hintayin mo ako pare.

Akala ko nagtatago ka lang at hindi nagpapakita.

Hintayin mo ako!"

Kinagat niya ang labi upang mapigilan ang halakhak.

"A-ano nga ulit ang pangalan mo?" nanginig ang boses ni Vince habang nakayuko pa rin na para bang naiiyak.

Bumukas ang pinto at bumungad si don Jaime.

"Gian dumating na ba si...Vince?" natigagal ang don sa nakitang itsura ng kaibigan.

Natawa si Gian.

Tapos na ang acting.

Napatingin si Vince sa don.

"Gian? Don Jaime hindi si Gian ang... sandali, " umawang ang bibig ng kaibigan at napatingin sa kanya.

Humalakhak na siya ng husto.

Tumayo si Vince at napangiti na rin sabay iling.

Pinahid nito ng kamay ang butil ng luhang palaglag na.

"Vince pare," siya naman ang yumakap dito.

Mabilis naman itong gumanti ng yakap.

"Loko ka, akala ko totoo na," sinapak nito ang kanyang likod.

"Aw!" daing niya nang masaktan ang likod.

"Tangina sakit no'n gago."

"Ikaw nga si Gian. Ikaw ang kaibigan ko," mas humigpit ang yakap nito.

Walang kasing saya ang nararamdaman ng binata dahil sa muli nilang pagkikita ng matalik na kaibigan.

Sabay silang kumalas at naupo sa tabi ng don.

"Magaling na ba ang acting ko?" aniya pa.

"Sobra pare, gago 'kala ko totoo na."

Tumawa siya.

"Naloko ka ba Vince?" nangingiting tanong ng don.

"Oho, galing umakting."

"Oo, napaiyak ka eh!" halakhak niya.

"Gago napaiyak ako sa ingles mo!"

Nagtawanan ang lahat.

Pagkuwan ay sumeryoso ang kanyang anyo.

"Iyan ang ipapakita ko sa kalaban."

Natahimik ang mga ito at napatingin sa kanya.

"Kailangang mapaniwala ko sila na pinsan ako ni Gian. Na nawawala pa rin si Gian at ako na pinsan niya ang naghahanap."

"Anong plano mo?" si Vince na nasa kanyang tabi.

"Papasukin ko ang kanyang mundo."

"Gian pare delikado 'yan!"

Nilingon niya ang kaibigan.

"Sa kinalalagyan ko ngayon, walang payapa pare buong buhay ko delikado.

Hindi na ako natatakot pa."

"Pero paano kung malalaman niyang ikawย  'yon?" si don Jaime na halatang nangangamba na.

"Hindi niya' yon malalaman hanggat hindi ako ang magsasabi.

Handa ang impormasyon tungkol sa akin kapag naghanap na siya."

"Dadalhin mo ba ang pangalang Rage Acuesta?"

"Iyon ang unang paraan."

"Gian hindi mo pa ba pwedeng ilantad ang pagkatao mo?"

"Hindi pa ho pwede don Jaime, wanted pa ho ako hanggang ngayon."

"Ang sabi ni Valdemor kapag magpakita ka lang malilinis na ang pangalan mo."

"Hindi ho gano'n kadali."

"Pare, paano ka ba nakaligtas?"

Ang tanong ni Vince ang nagpabalik tanaw sa kanya.

Sinimulan niya ang pagkwento mula sa planong pagpatay sa kanya hanggang sa makilala ang abuelo na siyang naging daan upang magawa niya ang gusto hanggang ngayon.

Matapos mag kwento ay nakaawang ang bibig ni Vince, tahimik lamang si don Jaime.

"Bilyonaryo ka pala kung gano'n!" hindi makapaniwalang wika ni Vince.

"Ang lolo ko pare," paglilinaw niya.

"Gano'n na rin 'yon pare! Sandali ano bang dapat kong itawag sa' yo?

Don Gian?"

"Gago!"

Natawa si don Jaime.

"Kaya kailangan ko ang tulong ninyo. Pagtibayin ninyo ang paniniwalang wala na si Gian.

Alam kong hindi naniniwala ang Delavega na 'yon kaya kapag nalaman niyang galing mismo sa inyo ay baka magbago isip niya at maniniwala na."

"Talagang magbabayad ang Delavega na 'yan. Sinisigurado kong ako ang magiging una sa rango at ilalagpak ko ang demonyo!" matigas na tugon ng don.

"Maraming salamat don Jaime."

"Pero Gian pare, paano kung hindi maniniwala ang hinayupak?"

"Kaya nandiyan kayo, papaniwalain ninyo siyang iba ako."

Inayos niya ang eyeglass.

Ako si Rage Acuesta ang pinsan ni Gian Villareal."

"Ang ibig kong sabihin paano kung maghanap siya ng ebidensiya? Halimbawa sa buhok o dugo kahit ano at ipa test niya?"

"Nakahanda ako sa pagdating ng ganyang problema pare. Isa pa nandiyan ka naman, hindi mo ako pababayaan."

"Sabagay tama ka. Poprotektahan kita pare sa abot ng makakaya ko. Ah hindi, kahit hindi ko kaya pipilitin ko."

"Salamat pare."

"Gian wala na bang ibang paraan?

Bakit mo pa ikukubli ang pagkatao mo gayong kaya mo namang lumantad na?

Tutulungan kita, magagawa kong mapawalang bisa ang kaso laban sa'yo."

"Marami pong salamat don Jaime, pero ayaw kong mapawalang sala ako dahil sa impluwensiya.

Wala akong kasalanan, lilinisin ko ang pangalan ko sa tamang paraan, iyon ang gusto kong maging dahilan para maging malaya at mapanagot ang totoong may sala."

Natahimik ang mga ito.

"Malapit ng mangyari 'yon. Kaya ko ipinaalam sa inyo dahil ayaw kong lokohin kayo o paniwalain sa isang kasinungalingan.

Tama ng ang kalaban lang."

"Gusto pa naman ni Ellah na makilala ka."

Nakagat ng binata ang pang-ibabang labi nang makaramdam ng pananabik sa kasintahan.

"Huwag po muna don Jaime.

Magagawa kong makakilos ng malaya na hindi paghihinalaan ng kalaban iyon ay kung mananatili akong malayo sa apo ninyo.

Kapag nalaman ni Ellah na ako si Gian malalaman na rin ng kalaban.

Ang gusto ko naaayon lahat sa plano."

Sabay na bumuntong hininga ang dalawa.

" Naiintindihan ko," malungkot na tugon ng don.

" Maraming salamat sa inyo."

" Nakahanda ka na ba para bukas Gian? "

" Oho don Jaime, at kung maaari ay ituring niyo akong ibang tao bukas.

Gano'n din ang gagawin ko sa inyo."

"Anong meron bukas?" si Vince na nakakunot ang noo.

Wala nga itong alam.

"Anibersaryo ng club ng ZBC pare. Zamboanga Business Club."

Nanlaki ang mga mata nito.

"Iyong sinalihan ni don Jaime?"

"Paano mo nalaman Vince? Sandali paano mo ba nalaman Gian? " si don Jaime na nagtataka rin.

Huminga siya ng malalim.

"Natatandaan niyo ho ba noong..." tumikhim siya hindi alam kung paano ipapaliwanag sa abuelo ng minamahal.

"Noong panahong galit kayo kay Gian don Jaime at nalaman naming kalaban niyo rin si Delavega ay inalam namin ang lahat tungkol sa inyo," si Vince ang nagpaliwanag.

"Doon namin nalamang may organisasyon kayo ni Delavega."

"Ibig sabihin inimbestigahan niyo ako ng palihim?" pormal ang anyo ng don.

"Oho-"

Siniko niya si Vince.

"Ay hindi pala," biglang bawi nito.

"Hindi naman ho sa palihim dahil sa hinala hindi ho, kaya kinausap ko kayo noon ng deretso dahil alam kong wala kayong ginagawang masama."

"Oho don Jaime," dagdag ni Vince.

"Nagpapasalamat na rin ako at natuklasan niyo ang tungkol dito. Ngayong napasok mo na Gian mas mapadali na ang pagpapabagsak natin sa kalaban."

"Iyon din ho ang plano namin ni Isabel at mang Isko."

"Plano? Bakit nasali sila?"

"Sila ho ang kinuhanan ng lupa ni Delavega. Sila ang biktima ng land grabbing."

Natigagal ang don sa narinig.

"Sila ang biktima namin noon?"

"Nadamay lang kayo don Jaime hindi kayo ang nambiktima.

Sila ho may grupo sila at gumagawa ng paraan upang mapabagsak ang kalaban."

"Alam ko ho ang tungkol diyan don Jaime, sila ang sinasabi kong pinagkukuhanan ko ng ebidensiya upang mapatalsik si Cordova," paliwanag ni Vince.

"Gumawa rin kami ng paraan ni Ellah upang mapatupad ang pagpapatalsik sa hayop na 'yon, " paliwanag ni don Jaime.

"Kung gano' n ikaw pala ang nasa likod ng mga Alvar pare?" tanong ni Vince na tila hindi makapaniwala.

"Ako nga pare."

"Kaya pala parang hindi kapani-paniwalang sila-sila lang ang may pakana, may matindi palang resbaker."

Natawa ang don.

"Uubusin ko ang lahat ng kayamanan ko mapataob lang ang kalaban, " mariin niyang wika.

Natahimik ang dalawa.

"Gagamitin ko ang lahat ng kakayahan ko upang tulungan ka Gian," matatag na tugon ng don.

"Salamat po don Jaime."

"Ako? Uubusin ko silang lahat!" si Vince.

Natawa ang binata maging si don Jaime.

"Masaya ako na sa kabila ng nangyari ay nakilala mo ang tunay mong pamilya Gian.

Bigating tao pa ng Cagayan de Oro."

"Oho, don Jaime hindi ko rin po inakala 'yon."

"Mabait talaga ang nasa itaas."

Tumango siya at tumahimik na sila.

"Eh teka lang pare 'yong babae ba hindi karibal ni Ms. Ellah ' yon?" tukoy ni Vince kay Isabel.

"Hindi ah! Gago 'to," mabilis niyang depensa sabay sulyap kay don Jaime na nangingiti lang.

"Nagtatanong lang mukhang may gusto sa' yo eh."

"Kahit ilan pa silang magkagusto sa akin, kahit sino pa 'yan hindi ko sila magugustuhan isa lang ang mahal ko at wala ng iba pa."

"Ikaw nga si Gian pare, patay na patay ka sa syota mo eh.

Mantakin ba namang may iba ka na may humahabol pa?

Ang gwapo mo naman pare!"

"Gago!"

Humalakhak si Vince.

"Maghanda na tayo para sa pinakamalaking pangyayari bukas Gian.

Umpisa na ng pagbabagsak ng kalaban.

Kahit hindi ako marunong umakting gagawin ko.

Masaya sigurong inuuto ang kalaban," ani don Jaime.

Nagkatawanan sila.

Napangiti siya.

Ito na ang simula.

Hindi nga siya nagkamaling ipaalam ang totoo sa kakampi upang mas malinlang ang kalaban.

Ngumisi si Gian dahil sigurado siyang naghahanap na ng impormasyon sa kanya ang kalaban.

Malalaman nito ang lahat tungkol sa kanya base sa inilahad niyang impormasyon.

Salamat kay Hendrix Villareal!

---

Sa mansyon ng mga Delavega ay abala si senior Roman sa isang impormasyon ibinigay ni Xander.

Kilala na niya itong si Raven Tan, itong Rage Acuesta na lang.

Ito raw ang isa sa napipisil ni Jaime upang ipalit sa kanya.

'Hah! Nagkakamali sila ng binangga!'

Si Xander ang nakaharap sa computer upang tingnan ang website.

"Wala pa ring mukha dad."

Nainis na siya dahil tiyak alam ng isang Jaime Lopez kung sino ang hinayupak na 'yon.

"Maghanap ka pa, siguradong ang Jaime naย  'yon ay kilala na niya."

Nagpatuloy si Xander at isinara ang website dumeretso ito sa internet at doon naghanap.

Lumabas ang tatlong Rage Acuesta.

Dalawang mahirap isang may pera.

"Dad ito na!"

"Saan?"

Pinagtuunan nila ng pansin ang may perang Acuesta.

Lumabas ang larawan nito at sa kanilang pagkagulat ay sabay silang naghalakhakan.

"Tarando! Matandang pangit pala 'yong gagong 'yon?"

"Baka hindi makapunta dad dahil sa rayuma!" sinundan ulit ng halakhak ni Xander.

"Kaya pala nagustuhan ng matandang gunggong na Lopez magkasing amoy pala sila!"

"Amoy lupa!"

Naghalakhakan ang mag-ama.

---

Kinabukasan.

Umaga.

Abala ang lahat sa paghahanda.

Lahat ng kabilang sa naturang organisasyon ay naghahanda para sa isusuot at mga sasakyan.

"Ga, what do you think? Maganda ba?" nakangiting wika ni Isabel habang hinahaplos ang itim na gown na nasa mannequin.

"Oo," tugon ni Gian habang nakatingin sa computer.

"Eh ikaw anong isusuot mo?"

"Pula," sagot niya.

"Ha? Bakit pula?" dismayado ito.

"Should I wear red too?"

"Bahala ka Isabel huwag mo akong tinatanong," naiiritang wika niya.

"Okay fine, black na lang ako black itong akin eh. Mag black ka na lang kasi!"

Nakita na niya ang damit na 'yon at nagustuhan niya ang design.

May kasama itong vest na kulay pula rin, sleeve na panloob at coat na pula na may gold pin sa kaliwa.

Ang pants ay pula rin.

Wala itong neck tie kaya nagustuhan niya.

May asul din naman at itim pero mas gusto niya ang pula.

Sasapatusan na lang niya ng itim na leather wala na siyang problema.

Pero itong si Isabel hindi mapakali, kanina pa paikot-ikot na ang pinoproblema lang naman ay damit.

"Ang tatay mo ba may isusuot na?"

"Oo naman, I'm sure magmumukha siyang don sa damit na 'yon."

Natutulog pa si mang Isko, dahil sa pagod galing byahe.

Pinasundo niya ito sa driver na itinalaga sa kanya ni Hendrix.

Ito rin ang may hawak ng limousine at pina check in niya lang sa hotel na hindi tago.

Huminga ng malalim ang binata.

Ilang oras na lang magaganap na ang pinakahihintay niya.

Ang makita si Ellah!

---

Kung ang iba ay damit na lang ang pinoproblema ibahin si Ellah.

Kanina pa siya hindi mapakali dahil sa sobrang kaba.

Paano kung ang kalaban na ang manguna?

Ang pinaka main event mamayang gabi ay ang tinatawag nilang

'Stock market monitoring' kung saan makikita roon ang klase ng inyong kumpanya at doon malalaman kung may investor ka bang makukuha.

Mas maraming investor mas malaki ang tsansa ng pinakamataas na rango dahil tataas ang share at kadalasan ay umaabot ng bilyon ang makukuha ng kumpanya.

Na madalas mangyayari sa kanila ng abuelo.

"Lolo, paano kung hindi na kayo ang magiging rank 1? Lolo paano kung si Delavega na?"

Sa kanyang pagkabigla ay humalakhak ang don habang nagkakape sa garden ng mansyon.

"What so funny lolo?"

Umupo siya paharap dito.

"It won't happen hija, trust me."

Kununot ang kanyang noo sa pagtataka.

"At kung hindi man ako ang mangunguna ngayong taon ay tiyak namang hindi ang kalaban 'yon."

Bakit parang kampante ang abuelo anong meron kagabi?

"Nakausap niyo ba ang taong sinasabi niyong importante?"

Humigop muna ito ng kape bago nagsalita.

"Nakausap ko."

"At?"

"Nagkasundo kami sa isang bagay."

"Ano 'yon lolo?"

"Huwag mo ng isipin ang tungkol doon, ang mahalaga sa ngayon ay maghanda ka."

"Si Raven Tan ba nakausap niyo rin?"

"Hindi na, hindi na siya mahalaga."

Nabigla ang dalaga sa narinig.

"Bakit? May ipapalit na ho ba kayo?"

"Iniisip ko pa hija, sige na asikasuhin mo na ang mga kailangan natin."

Naguguluhan man ay sinunod ng dalaga ang nais ng abuelo.

Wala siyang dapat atupagin ngayon kundi ang naturang pagdiriwang.

Gano'n pa man ay hindi niya maiwasang isipin ang kahihinatnan ng pagdirawang mamaya.

Nagsidatingan ang make up artist niya at ang clothing designer.

Pinapunta niya rin ang mag body scrub at body spa sa mansyon.

Handa na ang kanyang isusuot na kulay pulang gown.

Siya na lang ang kulang.

"Alam mo Ms. Ellah, itong gown mo ay may kapareha halos, nagpagawa sa akin ang isang babae," anang designer na katabi niya habang inaayusan ng make up artist.

Kumabog ang dibdib niya sa narinig.

"Sino raw?"

"Isabel yata? Yeah Isabel.

Pero dahil pula ang gusto ng kapareha niyang guy nilagyan ko ng gold pin ang coat nito gaya ng sa'yo."

"Gold pin?"

"Yeah, sa kaliwang banda ng dibdib gaya noong sa guy."

"Sinabi ba niya kung sino ang susuot no'n?"

"Yes, Rage Acuesta raw. Hindi nagpasukat eh kaya hindi ko nakita."

Napakagat labi ang dalaga.

Hindi niya maiwasang matuwa na magkapareha sila ng suot ng lalaking target niya, pula na may gold pin.

"Rage Acuesta? Sinasabi nilang big-timer daw 'yon ah?" anang make up artist niya.

Big-timer?

Napangiti ang dalaga.

Sana ay makuha niya ang atensiyon ng big-timer naย  'yon.

Alas sais impunto ang takdang oras ng selebrasyon.

Gaganapin ito sa isang Five Star hotel na pagmamay-ari ni Raven Tan.

Napapalibutan ng private army ang buong hotel upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Naroon na rin ang mangilan-ngilang mamamahayag kahit maaga pa.

At ang pinakahihintay na oras ng lahat ay sumapit.

Alas singko ng hapon.

Isa-isa ng nagsidatingan ang mga bigating personalidad ng Zamboanga Peninsula.

Pinangunahan ito ng mayor ng Zamboanga City na nasa ikapang labing lima ang rango.

Sinalubong ito ng Chairman ng naturang organisasyon.

Nagsimula na ring kuminang ang kadiliman ng gabi dahil sa mga ilaw ng magagarang sasakyan.

Nagsipasukan ang mga kalalakihang halos lahat ay naka pormal ang postura, mga naka tuxedo at amerikana.

Ang mga babae naman ay nagkikinangan ang suot na mga gown kasabay ng mga suot na alahas.

Walang hindi totoong palamuti sa suot ng mga ito.

Naghahalo ang mga mamahaling diyamante at ginto sa kasuotan ng mga kababaihan.

Sa porma pa lang makikita na ang iyong kakayahan at posisyon sa naturang organisasyon.

Sa loob ng engrandeng silid ay nag-uusap ang mga ito at nagtatawanan.

Hindi naman magkamayaw ang mga waiter at waitress sa pag eestima ng mga bisita.

Masaya ang lahat ng kabilang sa alta sociedad.

Kausap naman ng mayor ang chairman ng naturang club.

"Chairman Kim, sino ba itong bagong miyembro natin na hindi pa nagpapakilala?"

"Makikita niyo rin mayor. Darating siya mamaya."

"Aabangan ko 'yan."

Wala pang dumarating na kabilang sa sampung rango kahit isa.

Kaya sa paradahan ng sampung miyembro nakaabang ang mga mamamahayag.

Makalipas ang kalahating oras ay dumating ang isang kulay gray 2020 lexus model.

Bumaba ang lulan no' n na si Raven Tan kasama ang isang modelo na talaga namang nakakatulo-laway sa ganda at kaseksihan.

Sunod-sunod nang nagsidatingnan ang mga mahahalagang miyembro at lahat ng ito ay dinadagsa ng medya.

Ilang sandali pa dumating ang isang white limousine.

Dinagsa ito ng mga taga medya.

Bumaba ang lulan noon.

Isang lalake kasama ang hindi katandaang lalake.

Naka puting amerikana ang matanda samantalang ang ang medyo bata pa ay naka asul.

Sinalubong ito ni Chairman Kim.

"Senior Roman!" saglit nitong niyakap ang senior.

"How are you Chairman Kim?"

"I'm good, thank you for coming. Xander," nagkamayan ang mga ito.

"Please come inside," humakbang ang mag-amang Delavega papasok.

Ngunit naudlot ang pagsama ng chairman nang may dumating na isa pang sasakyan.

"Si don Jaime!"

"I'm sorry Mr. Delavega but I need to entertaincdon Jaime and his grand daughter."

Ipinasa sila nito sa staff.

Pumarada ang isang red limousine.

Ito naman ang dinagsa ng medya at nagkislapang camera.

Napatingin ang mag-amang Delavega roon sa inis na hindi sila naasikaso ng mabuti.

Bumaba ang lulan no'n.

"Don Jaime magandang gabi!" yumuko ang chairman sa don.

"Magandang gabi rin," inalis ng don ang suot nitong itim na sumbrerong may nakapalibot na maliliit na palamuting red diamond.

Kumikinang ang palamuti nang matamaan ng ilaw.

Naagaw ang lahat ng atensyon nang tumagilid ang don upang bigyang daan ang isa pang kasama nito.

Ang nag-iisang tagapag mana ng isang don Jaime Lopez.

Lahat ng kilos nito ay inabangan ng tao.

"Tabi! Tumabi kayo sandali!"

Nang lumuwag ang daraanan ay bumaba ang paa ng isang babae.

Unang napansin ang makinis nitong binti suot ang isang black killer heels na may limang pulgadang taas na may maliit na pulang diyamante sa harap.

Kasunod ay ang kamay nitong may suot na black satin gloves lace type na humawak sa kamay ng abuelo.

Kuminang ang daliri nitong may red diamond ring.

Tuluyan ng nakakababa ang apo ng don.

Subalit hindi agad makikita ang kabuuan ng mukha nito dahil natatakpan ang halos kalahati ng mukha ng katamtamang laki ng black fascinator hat fedora lace type.

Sentro ang tingin ng lahat sa suot nitong red tube top satin gown mermaid type na umaabot hanggang mid thigh ang slit kaya litaw ang mahaba at perpektong hugis ng kanyang binti, maging ang kanyang hubog ng dibdib ay kumurba dahil sa slit ng cleavage ng damit na umabot hanggang kalahati ng dibdib.

Pag-angat ng mukha ng tagapag mana ay kuminang ang red diamond necklace nito kasabay ng pulang diyamanteng hikaw.

Ngayong gabi si Ellah Lopez ay isang innocent and elegant lady in red!

"Good evening madam!" nakipag beso ang chairman sa tagapag mana ni don Jaime.

"Good evening chairman."

"You look fabulous madam!" puri ng lalaki na ikinangiti ni Ellah.

"Thank you."

Inihatid sila ng chairman papasok hanggang sa makaupo sila sa kanilang reserved seat sa harapan.

"Acknowledging the arrival of don Jaime Lopez and his grand daughter Ms. Ellah Lopez!" anunsiyo ng emcee.

Lahat ng mata sa kanila nakatingin.

Naglakad ang dalaga bitbit ang black purse na kuminang dahil sa pulang diyamanteng palamuti nito.

Samantalang si don Jaime ay saglit na kumaway. Hindi ito gumamit ng tungkod ngayon.

"Hindi magtatagal don Jaime, itong magandang apo mo na ang papalit sa'yo."

"Oo nga wala namang iba."

Nagtawanan ang mga lalaking matandang kausap ng don.

Abala sina Ellah at don Jaime sa pakikipag-usap sa iba nang magkagulo mula sa labas.

Nagdagsaang muli ang mga taga medya.

May dalawang babae sa kanyang likuran ang nag-uusap.

" Dumating na raw ang Rage Acuesta na 'yon!"

Napalingon ang dalaga sa nagtayuang mga tao roon.

"Ang sinasabi nilang big timer?"

"Big timer pero rank 6?"

"Sus! Iyon na nga eh. Bagong salta lang pero rank 6 agad!"

"Halika puntahan natin!"

Halos tumakbo ang dalawang babae bitbit ang mga gown nitong kulay berde at dilaw.

Walang pakialam mawala man ang poise makita lang ang isang Rage Acuesta!

Hindi na nag-isip ang dalaga.

Sumunod siya sa dalawa.

Aabangan niya rin ito dahil ito nga ang target niya.

Sa sobrang daming mamamahayag ay halos matakpan ang isang black limousine.

Nakababa na ang isang babaeng naka itim ng gown na may panaka-nakang palamuting ginto na kumikinang.

Mermaid type din ito at may slit sa gitna.

Sigurado siyang design ni Marie Kuan!

Mas daring lang ito dahil lace type ang tela kaya naaaninag ang katawan nito.

Halos kita ang kaluluwa nito.

Tumuon ang tingin niya sa mukha ng babae nang kuminang ang gold earrings nito.

'Kung gano' n ito na si Isabel?'

Unang tingin pa lang alam niya agad na mataray ito angย  dahil sa mukha nitong matapang ang dating ngunit maganda.

Bumaba ang tingin niya sa suot nitong sapatos.

Black four inches stilleto ito na bumagay sa long legged nito.

Matangkad ang babae na sa tingin niya ay kasing-tangkad niya rin.

Subalit nawala ang atensiyon niya sa babae nang buksan pa ng tila driver ang pinto upang mabigyang daan ang nasa loob.

"Hayan na! Hayan na! Lalabas na ang sinasabi nilang Rage Acuesta! "

Kumalabog ng husto ang dibdib ng dalaga.

Halos manuyo ang kanyang lalamunan sa tindi ng antisipasyong masilayan na sa unang pagkakataon ang naturang lalaki!

"Tabi po ng kaunti! Bigyang daan ang bababa!" sigaw ng mga staff ng hotel.

Natahimik ang lahat ng bumukas ang pinto at bumaba ang isang paa ng isang lalaki.

Naka black leather shoes ito at itim na pants.

'Ang sabi ni Marie naka pula raw? Nagsisinungaling ba siya? O nagpalit ba ito ng damit?'

Tuluyan ng nakababa ang naturang lalaki at laglag ang panga ng lahat sa nakita!