Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Tagpuan (Pag-Ibig Playlist)

🇵🇭suprenadmpls
--
chs / week
--
NOT RATINGS
9.8k
Views

Table of contents

Latest Update1
Simula5 years ago
VIEW MORE

Chapter 1 - Simula

Nilibot ko ang aking paningin sa loob ng bahay na kinaroroonan ko. Maganda ito at simple ang disenyo. Maaliwalas sa mata ang kulay puting pintura na bumubuo sa bahay. Dalawa ang palapag at may tatlong kwarto sa taas. Medyo may kaliitan siya kumpara sa totoong bahay na tinitirhan namin. Ayos lang naman. Pero.. mas gugustuhin ko pa rin'g tumira sa totoo naming bahay. Kung saan kahit hindi masaya basta buo ang aming pamilya.

Matapos kong libutin ang buong bahay ay naupo ako sa mahaba at malaking sofa. Mukhang matagal nang pinaghandaan ni Nanay ang paglipat namin dito. Halos makumpleto na kasi ang mga gamit.

Pinanood ko si Nanay na makipag usap doon sa dalawang bisita. 'Yung isa ay babae. Maganda at mukhang kaedaran lang 'yon ni Nanay. Sa tabi naman 'nung babae ay lalaki. Gwapo ito, maputi at matangkad. Siguro ay anak nung kausap na babae ni Nanay. Parehas kasi silang singkit at magkamukha.

Pero.. parang ang tangkad niya naman yata kung anak siya nung babae? Ilang taon na kaya siya? At bakit ganoon siya makatingin kay Nanay?

Pinaningkitan ko siya ng mata. Ganyan na ganyan tumingin ang mga lalaking nakakakita sa Nanay ko.

"May gusto siguro sa Nanay ko 'to.." Bulong ko habang doon sa lalaki pa rin nakatingin.

Hindi na ako magtataka. Kahit sino talaga ay mapapatingin at mapapatitig. Maganda kasi ang Nanay ko at maganda pa rin ang hubog ng katawan. Dalawa na kaming anak niya pero hindi iyon ang naiisip ng iba. Kapag nakikita kaming kasama siya, nagmumukha lang kaming kapatid. Maaga kasi nag asawa ang Nanay ko. Hindi pa siya tapos sa kolehiyo ay nauna ng nabuo nila ni Tatay si Ate. Dalawang taon naman bago ako sumunod.

Napakurap ako nang biglang malipat ang tingin nung lalake sa 'kin. Parang bigla namang may tumapat na liwanag sa kanya. Para akong nakakakita ng Anghel ba.

Hindi ako umiwas ng tingin. Subalit ang ginawa ko ay ngitian siya. 'Yon ang naisipan kong gawin.

Alam kong masyado pa akong bata para sa ganito. Nine years old pa lang ako. Hindi naman masama na magkaroon ako ng hinahangaan sa ganitong edad 'di ba po? Crush lang naman e. Crush means paghanga lang. Humahanga lang ako sa kagwapuhan niyang taglay. 'Tsaka normal lang naman ang may inspirasyon. Iyon ang sabi sa akin ni Nanay..At sa unang pagkakataon, siya ang mauuna sa listahan ko. Hehe. Ang gwapo niya e.

Nakaramdam ako bigla ng kaba dahil sa biglaan niyang paglapit sa akin. Umangat ang tingin ko sa kanya na nasa aking harapan na. Akala ko ay babatiin niya ako pero hindi.

"Huwag mo 'kong titigan, bata." Sabi niya na ipinagtaka ko. Hindi ko inaasahan 'yon.

Lumapit lang ba siya sa akin para sabihin ang mga salitang 'yon?

Hindi ako nagsalita o umiwas man lang ng tingin dahil sa utos niya. Subalit nanatili ang pagtitig ko sa kanya. Nakapamulsa siya at diretso ang tingin sa akin. Nangungunot ang kanyang noo habang hinahagod ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Bakas din sa mukha niya ang pagkairita.

Galit ba siya sa 'kin? Sayang naman ang isang 'to kung ganyan ang ugali niya. Hindi niya ba alam na nasa pamamahay namin siya? Hindi niya naman lugar ito para pagsabihan o utusan niya ako ng ganoon. Bahay namin ito at pwede kong gawin kung anong gusto kong gawin. Kung titigan ko man siya ng titigan ay gagawin ko dahil nasa lugar naman namin ako. Hindi siya pwedeng magdamot.

"Masama na po ba ang titigan ka? Nagagwapuhan lang naman ako sa 'yo e." Magalang kong sabi. Alam kong mas matanda siya sa akin dahil sa katangkaran niya.

Kita ko sa mukha niya ang pagkabigla. Tumaas ang kanang kilay niya. Nanunuri ang mga tingin.

"Bawal sa 'yo ang tumitig sa ganitong klase ng mukha, bata."

Kumunot ang aking noo. "Bakit naman? May batas na bang ganoon?" Tanong ko.

Inintay ko ang sagot niya pero walang dumating. Pangalan lang ang aking narinig.

"Sandro!" Sigaw nung babae kaya nabaling ang atensyon niya sa iba. Lumapit siya doon at iniwan akong nakaupo sa sofa.

Tumayo rin ako nang tawagin ako ni Nanay. Patakbo akong lumapit sa kanya. Kumapit ako sa baywang ni Nanay at tinignan yung babae at yung lalaki.

"Magpaalam ka na sa kanila, Rane. Uuwi na sila." Utos sa akin ni Nanay.

Hindi ako nagsalita. Tinaas ko lang ang kanang kamay ko saka kumaway sa kanila. Ngumiti naman sa akin yung babae. Pinakilala siya sa akin ni Nanay kanina kaso nakalimutan ko pangalan niya. Mukha naman siyang mabait sa malapitan.

"Alis na kami, hija. Dumalaw kayo sa bahay ah.. Ipapakilala kita sa anak ko." Sabay kindat nung babae sa 'kin.

Nagtaka naman ako. Hindi niya ba anak itong lalaking kasama niya? Bakit hindi niya na ipakilala sa akin ngayon at kailangan pa naming pumunta sa bahay nila?

"Ate, mga bata pa sila." Sabi nung lalaki. Sa pagkakaalala ko ay Sandro ang tinawag sa kanya nung babae.

Ah. Kaya pala. Kapatid pala siya at hindi anak. Nagkamali ako roon.

"Ano bang iniisip mo? Ipapakilala ko lang naman. Mauna ka na nga sa sasakyan!" Sabi nung babae sa kapatid.

Nakita ako ang pag irap ni Sandro doon sa Ate niya bago tumalikod palabas ng bahay.

"Huwag mong isipin 'yon, Elie. Ipapakilala ko lang talaga itong si Rane." Anang babae.

"Naku, Rosefina! Ayos lang. Mabuti nga iyon nang may makalaro itong si Rane dito." Sabi ni Nanay.

"Mukhang magkakasundo sila.." Ngumiti na naman yung babae sa akin. May kakaiba doon sa ngiti niya. Hindi ko na lang pinansin hanggang sa makaalis siya.

Naiwan kami ni Nanay at naisipan na naming iakyat ang mga dala naming gamit sa kanya kanya naming kwarto. Tinulungan muna ako ni Nanay sa pag aayos ng sa akin. Pagkatapos ay umalis din siya para bumaba sa kusina. Gabi na rin kasi at magluluto na raw siya ng hapunan.

Ako naman ay binagsak ang sarili sa higaan. Malambot ito at masarap tulugan. Kasing lambot nito yung kamang hinihigaan ko sa totoo naming bahay.

Napayakap ako sa unan. Dalawang araw na ang lumipas noong umalis kami sa totoo naming bahay. Namimiss ko na katabi ang Ate ko sa tulog. Namimiss ko na ang pagpunta ko sa kwarto nila Nanay at Tatay para sumingit sa kanila sa tuwing naaalimpungatan ako dahil sa likot ng Ate ko sa pagtulog.

Ginagawa ko pa rin sana iyon ngayon kung hindi lang siguro nag away sila Nanay at Tatay ng ganoon kalala.

Nagising ako dahil sa masamang panaginip. Naisipan kong kumuha ng maiinom sa kusina. Saktong pagkalabas ko ng kwarto namin ng Ate ko ay nakarinig ako ng hagulgol ng iyak sa loob ng kwarto na katapat ng sa amin. Kwarto iyon nila Nanay at Tatay. Lumapit ako doon at bahagyang binuksan.

Sumilip ako at nakita ko si Nanay na nakaupo sa gilid ng kama at panay ang iyak niya. Nagulat siyang makita ako kaya madali niyang pinunasan ang kanyang basang pisnge. Hindi na ako nagulat sa pagluha niya. Sanay na ako na nakikita si Nanay na umiiyak dahil kay Tatay kasi sa totoo lang, hindi naman kami masaya e. Iyon kasi ang nakikita ko at nararamdaman.

"Bakit gising ka pa? Bumalik ka na sa kwarto mo at matulog. Ala una na ng madaling araw." Sabi niya sa 'kin nang makalapit ako.

Hindi ako umalis. "Nasaan po si Tatay?" Tanong ko dahil hindi na naman siguro umuwi iyon dito.

Hindi siya sumagot. Tumulo na naman ang luha niya. Umiyak siya nang umiyak. Mukhang alam ko na ang sagot sa tanong ko.

"Aalis po kayo? Iiwan niyo kami?" Tanong ko ulit dahil sa nakita ko sa paanan niya ang maleta at malaking bag.

Nanlaki ang mga mata niya. Mabilis niyang pinahid muli ang luha at hinawakan ako sa magkabilang balikat. "Anak, may pupuntahan lang si Nanay. Dito muna kayo kasama ni Tatay."

Umiling ko. Alam ko na ang mga linyahang iyan. Marami na akong napanood na gan'yan.

"Sasama ako. Kami ni Ate. 'Wag mo po kami iwan.." Napapiyok pa ako dahil sa pag iyak.

Nagulat siya sa sinabi ko at umiling iling. "Hindi papayag ang Tatay mo. Malayo ang pupuntahan ko, anak."

"Ayos lang po sa amin basta kasama ka namin." Ayokong maiwan dito. Mas gugustuhin ko pang makasama si Nanay kaysa kay Tatay. Mahal na mahal ko din naman si Tatay. Pero nagbago ang lahat nung malaman ko ang dahilan kung bakit palaging umiiyak si Nanay. Pinakasalan lang ni Tatay si Nanay dahil lang sa nabuntis niya. Ilang taon na silang nagsasama pero ni minsan ay hindi ko narinig na sabihan ni Tatay si Nanay na mahal niya ito. Sa iba niya kasi ito sinasabi at hindi kay Nanay.

"Where the hell are you going?" Matigas na sabi ni Tatay nang madatnan niya kaming tatlo na paalis ng bahay.

"Wala ka nang pakialam doon. Aalis na kami." Sagot ni Nanay at hinila kami ni Ate.

Ngunit humarang si Tatay sa daanan namin. "Kung aalis ka, iwan mo ang mga bata. Hindi mo sila isasama."

"May karapatan ako sa kanila!" Sigaw ni Nanay saka kami tinago sa kanyang likuran.

Tinakpan naman ni Ate ang magkabilang tainga ko. Ayaw niyang marinig ko ang pag aaway nila Nanay at Tatay. Pero inalis ko iyon. Hindi niya alam na katulad niya, palagi ko din iyon naririnig.

"May karapatan din ako, Elie! Anak ko din sila! Huwag mong idadamay sa kaartehan mo ang mga ba---"

Napatalon kami ni Ate sa lakas ng sampal ni Nanay kay Tatay.

"Kaartehan na ba ang tawag mo dito, Leo? Hindi ko ito gagawin kung umaarte lang ako! Gusto ko itong gawin kasi sawang sawa na 'ko! Nasasaktan ako sa katotohanang hindi kami ang ginusto mong maging pamilya! May iba kang mahal kaso hindi mo mabuntis kaya ako ang binubuntis mo!" Sigaw ni Nanay.

Walang lumabas na reaksyon sa amin ni Ate. Tapos ng tumulo ang luha namin. Hindi nila alam na alam na namin ang totoo kaya kahit na nasasaktan kami ay hindi namin pinahalata.

"Tumigil ka na!" Nakita ko ang pagtaas ng isang kamay ni Tatay at akmang sasampalin si Nanay. Hindi iyon natuloy dahil nakita niyang nakatingin ako sa kanya.

Subukan niya lang na gawin iyon, hinding hindi ko siya mapapatawad.

"Sasampalin mo ako sa harap ng mga anak natin? Wala ka talagang pakialam sa akin e 'no?" Matabang na sabi ni Nanay kaya nalipat sa kanya ang tingin ni Tatay.

Mabilis siyang umalis sa harapan ni Nanay at kaagad lumapit sa amin ni Ate. Kinuha niya kami at itinago sa kanyang likod.

"Walang aalis ng bahay, Elie. And tha't final." Mariing bigkas ni Tatay. Ayaw niya talaga kaming paalisin.

"Aalis kami.." Ngunit desidido na si Nanay na umalis.

Narinig ko ang pagmumura ni Tatay. "Bakit ba gusto mong umalis? Iiwan n'yo 'ko?"

Umiwas si Nanay ng tingin. "Ayoko na, Leo.."

Muli kong narinig ang pagmumura ni Tatay. "Libreng libre kang lumabas ng bahay. Ikaw lang. Hindi kasama ang mga bata." Seryosong sabi nito.

Sinilip kami ni Nanay. Kita ko sa mga mata niya ang pagdadalawang isip. Nagbabadya na naman sa mga mata niya ang paglabas ng luha. "Isasama ko sila.." Aniya.

Nilingon ko si Ate sa aking tabi. Nakatingin pala siya sa akin habang nakangiti. Hinawakan niya ako sa magkabilang kamay.

"Umalis na kayo. Ako na ang bahala kay Tatay.." Mahina niyang sabi habang umiiyak.

Natahimik lang ako. Pinapasok ko sa isipan ko kung ano ang gusto niyang ipahiwatig.

"Pasayahin mo si Nanay ah? 'Wag mo siyang bibigyan ng problema.."

Umiling iling ako dahil sa gusto niya. Hindi ko iyon gusto. Hindi namin siya iiwan!

"Ate.." Bulong ko.

"Sige na, Rane. Sumunod ka kay Ate." Bahagya niya akong tinulak.

"Ate..."

"Sige na!" Mas lumakas ang tulak niya kaya hindi na ako nagdalawang isip at mabilis na lumayo kay Tatay. Tumakbo ako papalapit kay Nanay saka hinila siya palabas.

Huminto si Nanay pero hinila ko ulit siya. "Umalis na tayo, Nanay!" Sigaw ko habang umiiyak. Umiiyak siyang tumango tango.

Narinig pa namin ang hiyaw ni Tatay sa mga pangalan namin ngunit mabilis kaming nakasakay ng kotse ni Nanay. Pinaandar niya ang kotse at nadaanan namin si Tatay na pinipigilan ni Ate sa pagsunod.

Nasasaktan ako dahil sa ginawa ni Ate na pagsasakripisyo. Mahal namin ni Ate ang pamilya namin. Kahit anong paraan ay kaya naming gawin para sa aming Pamilya. Kahit na 'yong gagawin namin mismo ang makakasakit sa aming dalawa..

Bumukas ang pintuan at bumungad sa akin si Nanay. Lumapit siya sa akin at hinaplos ang ulo ko. Inalis niya ang mga buhok na nakaharang sa mukha ko.

"Namimiss mo na ba sila, anak?" Tanong niya sa akin. Kita ko ang lungkot sa mga mata niya.

Umayos ako at naupo. Alam ko kung sino ang tinutukoy niya. Nakayuko akong tumungo sa tanong niya.

"Gusto mo na umuwi?"

Tumunghay ako at umiling. "Ayoko po. Dalawang araw pa lang tayong hindi nakikita ni Tatay. Kulang pa iyon para marealize niyang mahalaga ka sa kanya. Kailangan natin siyang parusahan sa pagpapaiyak niya sa 'yo."

Tumulo ang luha sa mga mata ni Nanay. Umiiyak na naman siya kaya pinunasan ko iyon.

"May mahal siyang iba at hindi ako iyon. Tanggapin na natin, anak.."

Hindi ko siya pinakinggan subalit niyakap ko siya ng mahigpit. "Hindi, Nay. Hindi kami makapapayag ni Ate. Ikaw ang mahal niya. Tayo ang pamilya niya. Tayo lang." Matigas kong sabi.

Dumaan ang mga araw at nagbalik din ako sa pag aaral. Unang eskwelahan na pinasukan ko dito sa Maynila. 'Yon nga lang ay medyo nahuhuli na ako sa mga tinuturo dahil late na rin ako nakapagtransfer. Buti na nga lang at nakakahabol na naman ako kaagad. Marami na rin akong nakikila at nakakasalamuhang mga kaklase. Buti na nga lang at mababait sila sa akin.

"Uuwi ka na, Rane?" Tanong sa akin ni Elroy. Kaklase ko siya at masasabi kong pinakamalapit ko dito sa classroom. Mabait siya sa akin. Cute din siya at marami ang nagkakagusto sa kanya dito. Ako lang yata ang hindi. Isa lang kasi gusto ko. Iyon nga lang hindi ko na siya nakita pa ulit.

Tumango ako. "Nag iintay na yung Nanay ko sa labas e."

"Sige, kita na lang ulit tayo sa pasukan! Mamimiss kita!"

Ngumiti ako. "Magkikita pa naman tayo, Elroy."

"E, matagal pa 'yon.."

"Tatlong linggo lang naman ang bakasyon. Mabilis lang 'yon!" Nakangiti ko pa rin na sabi sa kanya. Sembreak na kasi kaya nagdadrama siya sa 'kin.

"Sige na nga!"

Nag fist bump kami at nagpaalam na sa isa' isa. Pagkasundo sa akin ni Nanay sa eskwelahan ay dumiretso kami sa bahay ng kaibigan niya. Palagi kaming dumadalaw sa bahay ni Tita Rose. Akala ko nga nung unang punta namin ay malayo dahil ginamit namin yung sasakyan namin. Malapit lang pala. Halos kapit bahay lang namin sila.

Sumalubong sa amin yung magandang babae na si Tita Rose. Pinapasok niya kami sa bahay nila. At halos manginig na naman ako sa lamig dahil sa lakas nung air conditioner ng bahay nila. Kung sa bagay, napaka init nga naman sa labas.

"Para po sa inyo.." Inabot ko yung dala dala kong Graham.

"Aw. Nag abala pa kayo.." Tinanggap ni Tita Rose ang inaabot ko. Nginitian niya ako. "Thank you, hija."

"Sinabi ko kasi kay Rane na paborito mo iyan kaya ginawan ka niya." Pagsingit ni Nanay.

Bahagya namang nanlaki ang mga mata ni Tita Rosefina. "Really? Kaya mo nang gumawa nito?" Tanong niya sa akin kaya tumango ako.

"Tinulungan din po ako ni Nanay.." Sabi ko dahil iyon ang totoo. Ayoko ng pupurin akong mag isa kahit na may kasama naman akong gumawa.

Katulad dati nung ginawan namin ni Nanay ng cake si Tatay. Sa akin lang siya nagpasalamat at ako lang ang pinuri niya sa masarap na gawa naming iyon. Binabalewala niya ang effort ni Nanay. Nakakainis yung ganoon.

"Paniguradong masarap ito," Wika niya at inaya kaming maupo.

Naiwan lang ako mag isa dito sa sofa dahil sumama si Nanay kay Tita Rose sa paghahanda ng makakain. Inaya niya kasi kami na dito na kami mananghalian. Pumayag naman si Inang dahil wala pa siyang luto.

Pansin ko ang pag upo sa tabi ng isang bata. Bagong mukha para sa akin. Ilang araw na kaming napapadaan ni Nanay dito pero ngayon ko lang siya nakita. 'Yung Sandro naman ay hindi ko na ulit nakita.

Sinuri ko ang batang babae sa tabi ko. Cute ang isang 'to at mukhang mas matanda sa akin ng isa o dalawang taon. Ang kanyang medyo mahabang buhok naman ay nakatali sa likod. Nakauniporme din siya na katulad kay Elroy. At mukhang kakauwi lang.

Teka. Sa iisang school din pala kami pumapasok? Bakit hindi ko siya nakikita? 'Tsaka bakit ganoon ang uniporme niya? Pang lalaki? Ang cute niyang babae pero bakit ganoon ang suot niya? Naguguluhan ako.

Hindi niya ako napapansin dahil busy siya sa paglalaro sa kanyang PSP. Hinayaan ko na lang siya doon at sinandal ang aking likod sa sofa. Nakita ko ang TV sa harapan ko. Gusto kong buksan iyon para manood. Kaya lang, hindi namin ito pamamahay at hindi namin pagmamay ari ang gamit.

Muli kong nilingon yung batang babae. Ito kaya yung anak ni Tita Rosefina? Mukhang hindi ko siya makakasundo. Sa tingin ko kasi ang hilig ng isang ito ay ang paglalaro lang sa PSP niya.

Huminto siya sa paglalaro at binaba ang PSP na hawak niya. Napansin na niya siguro ako kaya pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.

Nginitian ko siya para magmukha naman akong friendly. Napakurap naman ako bigla nang kindatan niya ako. Parang tumigil bigla ang puso ko sa pagtibok.

Ganoon ba siya sa mga taong gustong makipagkaibigan sa kanya? Isang kindat ang binibigay niya?

"Sino ka?" Tanong niya.

"Ikaw, sino ka?" Tanong ko pabalik.

"Hmp."

Inirapan niya ako saka umalis at tumungo sa hagdanan. Umakyat siya at sigurado ako na sa kwarto niya iyon pupunta.

Nagkibit balikat na lang ako at naisipang sumunod sa kusina. Nadatnan ko roon sila Nanay at Tita Rosefina at isang kasambahay na busy sa pagluluto. Mukhang matatagalan pa sila kaya umatras ako para bumalik sa sala. Ayokong makaistorbo sa ginagawa nila.

Pabalik ako sa salas nang maagaw ng pansin ko ang gilid ng bahay. Salamin iyon at kita doon ang maliit na fountain. Lagi ko itong nakikita dahil pagkapasok mo sa bahay na ito ay nakakaagaw talaga iyon ng pansin.

Lumapit ako doon at lumabas. Bukas kasi yung malaking sliding door. At halos mamangha ako sa ganda. Panigurado akong likuran ito ng bahay nila. Napakalawak. Maganda naman sa harap ng bahay dahil sa mga bulaklak doon. Mas maganda pala dito. Mas maraming rosas. Alagang alaga pa.

Binalik ko ang tingin ko sa mini fountain. Tumakbo ako papalapit doon.

"Wow.." Namangha ako sa linaw ng tubig. Nakikita ko kasi ang repleksyon ko doon at ang mga maliliit na isda.

Hmm, kuha kaya ako ng isa para may ulam kami mamaya?

Napalingon ako bigla sa kaliwa ko. Nagulat kasi ako dahil sa pagtunog ng tubig. Parang may tumilapon doon kaya lumapit ako.

Pinagmasdan ko yung tao sa ilalim ng tubig. Hindi siya gumagalaw. Ilang saglit ay lumutang siya pero hindi pa rin gumagalaw.

Kinabahan ako bigla. "Hala! Bakit hindi siya gumagalaw?" Tanong ko sa aking sarili.

Lumakad ako at pumunta sa gilid. Lumuhod ako at diniretso ang isang braso ko. Sinusubukan ko siyang abutin baka kasi nalunod siya at nawalan ng malay. Kailangan niya ata ng tulong!

Sinagwan ko ang kanang kamay ko sa tubig para palapitin siya sa akin pero hindi tumalab. Pinunasan ko ang noo ko dahil sa pawis. Medyo maiinit kasi dito sa labas. Muli ay kumapit ako ng mabuti sa bakala na hawakan ng pool at pilit inabot yung lalaki.

Maaabot ko na siya nang biglang dumulas ang palad ko mula sa pagkakahawak sa bakal. Hindi na ako nakasigaw dahil nalublob na ako sa tubig.

Pilit kong inaabot ang sahig ng swimming pool pero hindi ko maabot. Malalim yung pool at nahihirapan na ako sa paghinga.

Naiiyak na ako dahil hindi ako marunong lumangoy! Hindi ako pwedeng malunod. Hindi pa ako pwedeng mamatay ng ganito kaaaga. Hindi pwede!

Nanay! Tatay!

Napatigil ako sa paggalaw nang may maramdaman akong humawak sa baywang ko. Halos higupin ko naman lahat ng hangin nang maiangat ako sa tubig. Mas lalo akong naiyak. Laking tuwa ko ng may umangat sa akin.

"Shh.. Okay na..'wag ka na umiyak." Rinig kong sabi.

Tumahan ako at minulat ang mga mata ko.

Nakita ko ang kabuuan niyang mukha nang alisin niya ang mga nakaharang na buhok sa mukha ko.

Nakaramdam ako bigla ng kasiyahang makita siya ngayon. Ilang buwan ko siyang hindi kita!

"Ayos ka na?" Nag aalalang tanong niya.

Bahagya akong tumango. "Opo.."

"Good." Wika niya at mas lalong humigpit ang hawak niya sa baywang ko. Iniangat niya ako at inupo sa gilid ng pool.

"Sandro!" Sigaw na naman sa pangalan niya. Sabay naming nilingon kung sino ang sumigaw 'non. Patakbong lumapit si Tita Rose sa amin kasama si Nanay.

"Anak! Anong nagyari sa 'yo, ha?" Tinayo ako ni Nanay. "Bakit basang basa ka?"

Tinignan ko ang basa kong uniporme saka lumingon doon kay Sandro. Nakatingin siya sa akin.

"Nahulog po ako sa doon," Turo ko sa kinaroroonan ni Sandro sabay lipat ng tingin kay Nanay.

"Diyos ko po!" Niyakap niya ako saglit at lumayo din para kuhanin ang inaabot na tuwalya ni Tita Rose. Binalot niya iyon sa akin. "Mag ingat ka nga sa susunod! Pinapakaba mo ako e!"

Tumungo ako. "Sorry po.."

"Buti na lang at nandito si Kuya Sandro mo! Ikaw talaga na bata ka.." Pahabol pa ni Nanay.

Inaya na kami ni Tita Rose sa loob. Pinahiram niya rin ako ng puting damit at short. Medyo sakto iyon sa akin kaso wala akong panty. Nabasa kasi.

Nasa hapagkainan na kami at kumakain. Nasa tabi ko si Nanay at sa kaliwa ko naman si Kuya Sandro. Sa tapat ko ay yung batang nakita ko kanina at sa tabi niya naman ay si Tita Rose na katapat ni Nanay.

Panay pa rin ang tanong nila sa akin kung bakit ako nahulog kanina. Hindi naman ako makasagot ng maayos dahil abala ako sa pagkain. Kapag kasi kumakain ako ay hindi na ako makakausap nang maayos. Ang nasabi ko lang sa kanila ay yung dahilan ko kung bakit ko inaabot si Kuya Sandro. Akala ko kasi nalunod siya at nawalan ng malay. Nagpapalutang lang naman pala.

"Sa susunod ay mag ingat ka, anak.." Sabi ni Nanay. Humingi ulit ako ng pasensya at nagpatuloy sa pagkain.

"Sandro! Kailan ka pa dumating?" Tanong ni Tita Rose sa kapatid.

"Kanina lang." Rinig kong tipid na sagot. Nilingon ko si Kuya. Abala siya sa pagkain.

Hindi pa pala ako nakakapagpasalamat sa kanya. Mamaya na lang siguro bago kami umuwi.

"Bakit hindi mo sinabing uuwi ka? Alam ba ni Papa na umuwi ka dito?"

Nangunot ang noo ko. Umuwi? Bakit? Hindi ba si Kuya dito nakatira?

"Yup. Palagi naman akong umuuwi dito tuwing bakasyon. 'Wag ka nang magtaka kung biglaan.."

Umismid si Tita Rose sa sinabi ng kapatid. Pinaling niya ang tingin sa katabi at sa akin.

"Ay, oo nga pala, hija," Nalipat ang tingin ko kay Tita Rose. Mabilis din pala magbago ang mood niya. "Hindi ko pa pala naipapakilala sa iyo itong anak kong si Rio." Sabi niya.

"Rio, mag-hi ka kay Rane." Utos ni Tita Rose sa anak niya. Tinignan ako nung Rio. Pero wala akong bati na narinig sa kanya.

"Tapos na po 'ko." Ang sabi lang niya saka umalis. Pinagsalubungan ko siya ng kilay.

Tinawag pa siya ng kanyang Ina pero nagdire direto ito paalis.

"Pagpasensyahan mo na 'yon, Rane. Hindi ko talaga alam kung kanino nagmana ang batang iyon." Sabi ni Tita Rose.

Ngumiti ako. "Ayos lang po.."

"Hindi mo alam na sa 'yo?" Sabi ni Kuya Sandro sa gilid ko.

"Shut up, Sandro! Kumain na lang d'yan!" Singhal ni Tita Rose sa kanya.

Natawa na lang si Nanay sa kanilang dalawa. Ako naman ay nakasunod pa rin ang paningin sa naglalakad na si Rio. Naintindihan ko naman siya kung bakit ganoon ang inasta niya. Ayaw niyang makipagkilala sa akin.

Pagkakita ko palang sa kanya kanina ay alam ko na. Mataray siya at hindi kami magkakasundo dahil hindi siya interasado at wala siyang balak na makipagkaibigan sa akin. Ganoon din naman ako.