Aliyah Neslein Mercado Point of View
SINULIT namin ni Jam ang mga natitirang araw namin sa Sto. Cristo. Naligo kami dun sa Sto. Cristo falls, nag-hiking, nag camping, kumakain sa mga restaurant na nagse-serve ng native food at sumasama kila Richelle sa perya tuwing gabi.
Hindi na ulit kami nagkaroon ng interaksyon ni Onemig simula nung magpunta sya dito sa amin nung gabi ng dinner date namin ni Jam. Hindi sya sumasama sa barkada sa perya dahil doon yata sya kila Monique naglalagi.
Mabuti naman yon, ayoko na kasing mapalapit sa kanya ulit.
Sabado na at kinabukasan luluwas na kami ni Jam dahil mag-uumpisa na kaming mag-trabaho kinalunesan kasama si Tin. Si tito Frank ang kasama naming luluwas, sa kanya kami makikisakay.
Naghanda ng kaunting salo-salo ang barkada at dun kila Gilbert nila naisipang gawin dahil wala ang parents nya, nasa Hongkong para sa business trip.
Nag-contribution yata sila para sa mga handa. Napaka-swerte ko talaga sa mga kaibigan ko. Nung bumalik ako, may hinanda na silang party para sa graduation ko, tapos ngayon naman heto, parang despedida.
Na-touch ako ng sobra sa ginawa nila at the same time medyo may guilt din ng konti kasi ang tagal ko silang iniwan.
Sa nangyaring break up namin ni Onemig, sila rin yung naapektuhan. Alam ko kung gaano rin sila nasaktan sa nangyari. Kaya lang dahil pareho nila kaming kaibigan at kababata, sila na rin yung nag-adjust para sa amin.
" Liyah, baka naman pagluwas mo, hindi ka na naman umuwi dito. Kahit weekends naman umuwi ka. Isama mo rin itong si Tin at Jam. " saad ni Richelle.
" Di ba nga besh, nangako naman ako na uuwi dito tuwing wala akong pasok sa office? Isasama ko si Tin pero si Jam baka madalang na kasi magiging busy na sya sa work nya. " sagot ko.
" Yan, magiging buo na naman tayo kaya lang yung isa kapag may girlfriend, nagiging kabute. Mabuti pa nung kayo. Tulad ngayon, wala na naman. " nayayamot na turan ni Jake na ang tinutukoy ay si Onemig. Hindi na nya napuna yung salitang lumabas sa bibig nya.
" Hoy Jake parang wala si Jam dito ah! " sita naman ni Anne kay Jake. Para namang natauhan si Jake na napatingin kay Jam.
" Sorry pareng Jam. "
" It's okay dude. Sinasabi mo lang naman ang nasa loob mo. " nakakaunawang sagot ni Jam.
" Good evening everyone! " sabay-sabay kaming napatingin sa pinanggalingan ng tinig.
" Speaking of the a**hole! " sambit ni Richelle.
" Richelle Marie! " saway ni Gilbert.
" Sorry kuya. " napayuko na lang sya.
Kasama ni Onemig si Monique at pareho pa sila ng t-shirt na suot. Mahilig talaga sa twinning ang isang to. Yung mga t-shirt ko nga na kapareho ng sa kanya ay pinamigay ko na lang sa mga friends ko noon sa Zurich, hindi ko pa nga naisuot yung iba.
" Anong meron? Bakit nagtawag si Gilbert? " tanong nya kila Itoy.
" Para kila Liyah dude, luluwas na kasi sila bukas. " si Bidong ang sumagot.
" Ah wala na naman bang balikan yan kaya nagpapadespedida kayo? " parang balewalang wika nya. Bigla naman akong nainis sa sinabi nya. Ang mga kasama namin ay hindi makapag-salita. Hindi ine-expect na magsasalita sya ng ganon. Grabe, parang ako pa ang may kasalanan noon kung bakit ako lumayas?
Hindi ako nakatiis kaya ako na ang sumagot.
" Hindi ba pwedeng naghanda lang sila kasi masaya kapag magkakasama. Wala namang rason para hindi ako bumalik dito unlike before, I have all the reasons para hindi na umuwi at magpakita pa. Sa lahat ng tao, dapat ikaw ang nakakaalam nun. " natahimik silang lahat sa sinabi ko. Parang biglang may dumaang anghel sa sobrang tahimik.
" Alam ko nga Liyah. Alam na alam ko. Pasensya na sa nasabi ko. Let's not ruin the night. Sorry guys. " hinging paumanhin nya pagkatapos hinila na si Monique patungo dun sa buffet table para kumuha na ng pagkain nila.
Napailing na lang si Gilbert sa inasal ni Onemig.
" Pagpasensyahan na lang natin guys medyo nakainom na sya. Galing sila dun kila Monique, nag-iinuman yung mga pinsan nya kaya napatagay si Onemig. Tipsy na nga nung tawagan ko kanina. " kay Jam nakatingin si Gilbert. Humihingi ng paumanhin yung tingin nya.
" Okay lang yun mga dude. Ayos ka lang ba babe? " si Jam, puno ng pag-aalala yung mukha nya.
" I'm fine babe. Don't worry. Come on guys, let's just enjoy and have fun. Kalimutan na natin yon. "
Bumalik na ulit yung kasiyahan kanina. Nagkayayaang maligo dun sa pool nila Gilbert. Nagkarerahan kami sa paglangoy. Magkakampi kami ni Jam. Si Tin at si Gilbert tapos si Richelle at Jake.
Kami ni Jam ang nanalo dahil magaling din si Jam lumangoy. Swimming ang pangalawang sport nya noon sa Zurich.
Nanatili lang kami sa pool matapos ang karera. Sila Gilbert ay naglabas ng alak para uminom ng konti. Medyo nakitagay-tagay rin si Jam pero hindi naman madalas ipasa sa kanya kasi pinipigilan ko. Maaga kasi kaming aalis kinabukasan baka mahirapan syang gumising kung malalasing sya.
Napansin ko na wala sa umpukan nila si Onemig. Siguro umuwi na nung matapos kaming magkarera sa paglangoy, nakita kong nanonood pa sila kanina.
Nagpaalam ako kay Jam na magpapalit na ako ng damit. Medyo giniginaw na kasi ako kaya ayaw ko ng maligo. Si Tin ay nasa pool pa kasama ni Anne at Richelle.
Matapos kong magsabi kay Gilbert na makikigamit ako ng bathroom, dumiretso na ako sa loob dala ang bihisan ko.
Nagulat pa ako nung madaanan ko sila Onemig sa living room, nandoon sila ni Monique sa couch, parehong tulog. Nakaupo si Monique sa dulo nung couch samantalang nakahiga naman si Onemig at nakaunan sa lap ni Monique. Magkahawak pa ang kamay nila.
Sandali akong natigil sa kinatatayuan ko at pinagmasdan sila. Tila may kumukurot na naman sa puso ko habang tinitingnan ko sila. Ganyan kami dati. Kami yan noon.
Ang sakit-sakit na makita mo yung mga dati mong ginagawa ay may iba ng gumagawa. Yung dating nagbibigay sayo ng oras, iba na ang pinagbibigyan.
Humugot ako ng malalim na paghinga. Mahirap at masakit yung ganitong nakikita mo yung taong minahal mo ay nasa piling na ng iba. Na yung mga dating nakagawian nyong dalawa noon ay nakikita mo na ginagawa pa rin nya pero hindi na ikaw yung katuwang nya.
Humakbang na ako papunta sa bathroom. Kung mananatili pa ako sa harap nila ay baka bumigay pa ako. Sumisikip na kasi ang paghinga ko sa sakit na nararamdaman ng puso ko.
Totoong umuusad lang ang panahon pero yung damdamin, nandoon pa rin. Hindi ko yun ikinakaila. Pero mali na ang umasa.
Sa loob ng bathroom ay lihim kong ibinuhos ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Tahimik kong iniyak yung frustration na aking nararamdaman.
Kung si Greta pa siguro ang kasama nya ngayon, maaaring hindi ganito kasakit yung mararamdaman ko kasi tanggap ko na noon na sila ,at naka-move on na ako sa kanilang dalawa. Pero yung makita mo na namang may panibago, parang bumabalik yung sakit at tila mas masakit pa nga ngayon dahil nakikita ko sa kanila yung kung paano kami dati.
Iniyak ko na lahat para tapos na, minsanan na lang. Matapos ang gabing ito, sisiguraduhin ko na hindi na magku-krus muli ang landas namin. Hanggat kaya ko syang iwasan ay gagawin ko. Kailangan ko lang protektahan ang puso ko baka kasi bumigay na ito sa sobrang dami na ng sakit na pinagdaanan.
Nung kalmado na ako ay naghilamos ako para hindi masyadong mahalata ni Jam na umiyak ako.
Nang masigurado ko na maayos na maayos na ang itsura ko ay nagpasya na akong lumabas.
Sa pagluwas namin kinabukasan ay doon na nagsimula ang panibagong challenge sa buhay ko. Iba na ang mundong gagalawan ko. Dito ko na ia-apply ang mga pinag-aralan ko sa nakalipas na apat na taon.
Sa unang tatlong buwan ko bilang VP for operations sa Comtech Masters, hindi biro ang pinagdaanan ko. Halos wala na akong pahinga at gabi na ako halos nakakauwi. Inaral ko lahat ng mga ginagawa ni dad nung sa kanya pa ang position na ito. Gusto ko kasing patunayan kay tito Frank na hindi siya nagkamali sa pagpili sa akin. Sa ika-apat na buwan ay nagtagumpay naman ako. Naging smooth na ang lahat para sa akin. Nagamayan ko na ang pasikot-sikot ng negosyo at pati ang pakikitungo ko sa mga tao ay maayos rin.
Sa loob ng apat na buwan ay hindi rin ako pinabayaan ni Jam. Sabay kaming pumapasok sa office. Nasa Gil Puyat lang naman kasi ang Montreal at nasa kahabaan naman ng Ayala ang FCG kaya naihahatid nya pa ako sa umaga at matiyaga rin nya akong hinihintay sa gabi pag uwi ko.
Makailang beses na rin kaming umuwi ng Sto. Cristo kasama si Tin at sinisiguro ko talagang hindi kami magkikita ni Onemig. Swerte namang hindi ko sya nakikita dahil sa tuwing umuuwi ako at nakikipag-bonding sa mga kaibigan namin ay siya naman ang wala. Doon sya tumatambay sa kanyang girlfriend.
Naisip ko, swerte nga ba o sinasadya rin nya na hindi kami magkita? Alin man sa dalawa ang rason, pabor yun sa akin.
Nung mga sumunod na buwan ay hindi na halos kami magkita ni Jam. Naging busy sya sa pagtulong kila lolo Juni sa Montreal. Araw-araw naman hindi nya ako kinakalimutang tawagan, yun nga lang hindi na nya ako naihahatid at nasusundo sa sobrang abala niya.
Nararamdaman ko na unti-unti na syang mawawala sa akin. Kahit hindi nya naman sabihin sa akin, alam ko na yung pagiging abala nya ay dahil inaayos nya na yung trabahong iiwan nya sa papalit sa kanya sa kompanya.
Hinanda ko naman na yung sarili ko kung sakali mang dumating na kami sa puntong maghihiwalay na kami. Alam kong nakalaan na sya sa iba bago ko pa man tanggapin yung inalok nyang commitment sa akin tatlong taon na ang nakakaraan.
Aminado ako na masasaktan din ako sa napipinto naming paghihiwalay ni Jam. He's been a good boyfriend to me kahit naman kasunduan lang yung sa amin. Minahal naman namin ang isat-isa, yun nga lang gaya nga ng madalas nyang sabihin, hindi kami in-love pareho. Kami nga siguro ni Jam yung tipo na pinagtagpo pero hindi itinadhana.
Nakalaan na kasi si Jam sa iba bago pa man siya isilang, samantalang ako, maghihintay pa sa ibibigay ni God sa akin. Willing naman akong maghintay basta't galing siya kay God.
Who knows, baka parating na rin yun, na-traffic lang sa Edsa.
Nakahanda na kaming umuwi ni Tin nung dumating ang hapon. It's a tiring day for me sa dami ng meetings ko at mga inasikasong trabaho tungkol sa bagong building na ipapagawa ni tito Frank. Ako ang namamahala sa costing at suppliers na kukuhanan ng mga materials sa pagtatayo ng bagong showroom. Gusto rin ni tito Frank na hands on ako kapag inumpisahan na ang paggawa. Ang FCG Home Builders ang kinuha ni tito para sa pagtatayo. Syempre lalabas pa ba naman kami para kumuha ng iba.
Papunta na kami ni Tin sa parking lot nung tumunog ang cellphone ko. Si Jam ang tumatawag. Excited kong sinagot dahil kanina ko pa sya hindi nakakausap.
" Hello babe! "
" Hello babe. Can I see you today? " napansin ko ang lungkot sa boses nya.
" Bakit babe, may nangyari ba? Parang malungkot ang tono mo eh. " I heard him sigh on the other line.
" Basta magkita na lang tayo. Diretso na lang ako sa inyo, dun tayo mag-usap. " pagkasabi ko ng okay ay mabilis na nyang pinutol ang tawag. Parang biglang sumikip ang dibdib ko. Mukhang may problema kami ni Jam.
Pagdating namin ni Tin sa bahay ay nandun na si Jam. Nakaupo sya sa couch sa living room. Nung magtama ang tingin namin ay hindi nakaligtas sa akin ang lungkot na nakabalatay sa mukha nya.
Kumain muna kami ng hapunan bago kami nagpasyang mag-usap. Nasa kuwarto na si Tin at sila yaya Melba nung yayain ko sya sa living room para makapag-usap kami.
" May problema ba babe? " tanong ko kaagad nung maupo ako sa tabi nya. Humugot muna sya ng malalim na buntung-hininga bago nagsalita.
" Three years babe. Three years of my life with you is pure bliss. You've been a good girlfriend to me since day one. Walang kwestiyon ang pagiging the best mo. Mabait, maasikaso, masarap magluto, maalalahanin. What's not to love about you? Mahal naman kita pero yung klase ng pagmamahal na walang pagnanasa. Hindi ako nahulog sayo dahil alam ko sa simula pa lang hindi talaga tayo pwede. At alam ko naman na ganoon ka rin sa akin. Nakalaan ako sa iba at ikaw naman ay mahal pa rin sya. "
" Babe bakit mo sinasabi sa akin lahat ng yan? Ngayon na ba yung araw na sinasabi mo? " hirap na hirap na ang loob ko habang hinihintay ko ang sagot nya. Hindi sya sumagot. Instead, he cupped my face and kiss me on my forehead. Nagsimula na ring tumulo ang luha nya. Umiiyak na rin akong yumakap sa kanya. Ang higpit ng yakap ko, nakakapit ako ng husto sa t-shirt nya na para bang doon nakadepende ang buhay ko. Parang ayoko pa syang pakawalan pero hindi pwede. Hindi talaga.
" Babe akala ko ready na ako pag dumating yung oras na to. Akala ko hindi ako masasaktan kasi tanggap ko na. Pero pucha! Ang sakit pala. Ang sakit- sakit din pala. " umiyak lang ako ng umiyak, gayon din sya.
Nang medyo humupa na ang emosyon namin ay nagpunas na sya ng luha nya pagkatapos ay muli nya akong hinawakan sa magkabilang pisngi. Pinunasan nya ang mga luha sa pisngi ko ng panyong hawak nya. Tinitigan nya akong mabuti na tila minememorya ang mukha ko.
Muli nyang ibinuka ang kanyang labi at hirap na hirap ang loob na nagsalita.
" I am leaving tomorrow , so babe tonight, let's break up. "