Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 325 - Negotiation

Chapter 325 - Negotiation

NAGMAMADALING lumipad si Cael patungo sa tuktok ng bundok kung nasaan nakatayo ang templo ng mga Dela Fuentes. Kailangan niyang bigyan ng babala si Lexine dahil natunton na ng mga Elders ang pinagtataguan ng mga ito.

Nabigla ang mga Babaylan nang makita ang nakasisilaw na liwanag ng pakpak ng anghel. Dahan-dahang itong bumaba sa lupa. Sakto naman ang paglabas ni Eros at Devorah bitbit si Ayesha.

"Cael? Ano ang ginagawa mo dito?" tanong ni Eros.

Tumiklop sa likuran nito ang transparent wings ni Cael at agad lumapit sa kanila, "Nasaan si Alexine?"

"Wala siya dito," sagot ni Devorah.

"Nasaan siya—" natigilan si Cael nang mapansin ang munting anghel na natutulog sa bisig ni Devorah. Dahan-dahan siyang lumapit at namimilog ang mga mata, "Siya na ba?"

Maliit na ngumiti si Devorah, "Ayesha ang pangalan niya."

Napangiti si Cael nang mapagmasdan ang maliit na mukha nito, "Napakagandang bata. Pero saan nagpunta si Alexine?"

Si Eros ang sumagot, "Hawak ni Lucas si Night, nagpunta sila sa teritoryo ng hari ng kadiliman para iligtas siya."

Nabahala si Cael at labis na nag-alala para sa mag-asawa. Pero kailangan niyang unahin ang kaligtasan ng anak ng mga ito.

"Magmadali kayo, kailangan natin ilayo ang bata, parating na ang mga Elders at Arkanghel."

"Ano!?" sabay na sigaw ni Devorah at Eros.

"Paano nila nalaman?"

"Wala na kayong oras, bilisan na ninyo dahil—"

Natigilan ang tatlo nang bigla nilang naramdaman ang mabilis na pagbaba ng temperatura. Isang nakakakilabot na presensya ang paparating. Tumaas ang kanilang mga balahibo at umabot ang kilabot hanggang sa kanilang buto.

"Nandyan na sila," lumingon si Cael sa likuran. Punong-puno ng takot ang mga mata nito.

"Devorah, isama mo si Ayesha at tumakas na kayo, kami na ang haharap sa mga Elders at Arkanghel," nagmamadaling tinulak ni Eros ang nobya.

Mabilis ang pag-iling ni Devorah, "Hindi kita iiwan!"

Humigpit ang kapit ni Eros sa magkabila niyang braso at maigi siyang tinitigan sa mata, "Nangako tayo kay Night at Lexine na po-protektahan natin ang anak nila."

Naintindihan ni Devorah ang sitwasyon. Muli niyang pinagmasdan ang natutulog at walang kamuwang-muwang na sangol sa kanyang bisig. Tama si Eros, sa mga sandaling ito walang ibang mahalaga kundi ang kaligtasan ni Ayesha.

Sinalubong niya ang napakagandang asul na mga mata ni Eros na nagpapaalala sa kanya ng karagatan. Hinaplos niya ang pisngi nito, "Please, mag-iingat ka."

Kinabig ni Eros ang batok niya at binigyan siya ng madiin na halik na tila ba sa mga labi niya ito kumukuha ng lakas ng loob, "I promise, susunod ako, bilis, umalis na kayo."

Mabigat ang mga paa na tumakbo si Devorah palayo.

Nakahanda na ang dyamanteng espada ni Cael at magkatabi sila ni Eros na inaantay ang pagdating ng mga panauhin. Ilang sandali pa at sabay-sabay na dumating ang pitong nilalang na nababalot ng kulay abo na balabal. Sa likuran ng tela nakaburda ang araw na may pitong sinag.

Lumipad ang malakas na ihip ng hangin. Sa likuran ng pitong elders matatanaw ang biglang pagdilim ng kalangitan at sunod-sunod na paglabas ng nakakatakot na mga kidlat sabay ng malakas na dagundong ng kulog na lalong nagbigay ng pangamba sa lahat ng naroon.

Tumama ang kidlat sa fountain na nasa gitna. Sumabog ito at tumalsik ang tubig at mga debris. Napasigaw sa takot ang mga Babaylan at nagtago. Lumabas naman si Apo Maan at hindi makapaniwala sa mga nakikita.Ang dating tahimik nilang templo ay tuluyan nabulabog.

Binalot ng makapal na usok ang buong templo. Humawi ang mga ulap at lumitaw ang isang napakagandang liwanag mula sa kalangitan, tumutok ito sa gitna habang maririnig ang nakabibinging tunog ng mga nag-a-awitan na kerubin.

Unti-unting nalusaw ang makapal na usok hanggang sa masilayan nila ang anim na natatanging nilalang na nakatayo sa kanilang harapan. Nangilabot ng husto ang buong katawan ni Eros pakiramdam niya nanaginip lang siya. Hindi siya makapaniwala na nakikita mismo ng dalawang mata niya ang mga banal na nilalang mula sa Paraiso ng Eden. Mga nilalang na sa kwento niya lamang naririnig ngunit ngayon ay nasa kanya ng harapan at abot kamay.

Nakatayo ng tuwid sa harapan ng mga Elders ang anim na Arkanghel. Napanganga ang bibig ni Eros habang pinagmamasdan ang napakaganda at walang katulad na ganda na gintong pakpak ng mga ito. Hindi sapat ang salitang "kagandahan" para ma-describe ang kanilang itsura. Tila isa silang mga nakasisilaw na higanteng bituin at sa sandaling madikitan ng kahit na anong bagay o nilalang ay magiging abo ang mga ito at maglalaho.

Binaba ni Kreios ang kanyang balabal, "Nandito kami upang kunin ang anak ng Nephilim."

"Hindi namin nais ang kahit anong kaguluhan, ibigay niyo ang bata sa amin ng payapa at aalis kami ng payapa," malumanay ngunit ma-awtoridad na sabi ng babaeng Arkanghel na si Uriel. Nililipad ng hangin ang mahaba at maalon nitong itim na buhok na bumagay sa napaka-amo nitong mukha.

Nagkuyom ang kamao ni Eros at pinilit na gisingin ang sarili sa pagkatulala. Kailangan niyang patibayin ang loob.

"I'm sorry but I cannot let you touch Ayesha, if I need to protect her until my last breath, then so be it."

Tumawa ng malakas si Kreios, "Sa palagay mo ba ay makakaya ng isang hamak na Warlock na katulad mo ang aming pwersa?"

Mas lalong nagdilim ang mata ni Eros. Alam niyang suicidal ang gagawin niya pero nangako siya kay Lexine at Night at hinding-hindi niya bibiguin ang mga kaibigan.

Naglakad ng ilang hakbang si Cael palapit sa mga pinuno. Saglit na nagtama ang mata nila ni Gabriel at Daniel bago siya lumuhod gamit ang isang tuhod at yumuko.

"Mga mahal kong pinuno, nakikiusap ako, palayain niyo na ang anak ng Nephilim, ipinapangako ko na babantayan ko ang bata hanggang sa dulo ng aking huling paghinga, upang masiguro na hindi ito magiging isang halimaw na kinatatakutan ninyo."

Saglit na natahimik ang mga Arkanghel at napaisip sa binitiwang salita ng anghel na taganbantay.

Umismid si Kreios, "Kahit bantayan mo pa ang sangol buong buhay mo hindi mo pa rin mababago ang katotohan na anak siya ng isang demonyo. Malinaw ang babala mula sa aklat ng buhay, pulang tinta ang gumuhit sa pangalan ni Ayesha."

Tumayo si Cael at nababahalang humarap sa mga pinuno. Nakikiusap ang mga mata niya.

"Mga pinuno, bakit natin hahatulan agad ang isang inosenteng sangol? Kayo na ang nagsabi na ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng supling ang isang anghel at demonyo. Maaring babala ang ibig sabihin ng pulang tinta ngunit hindi iyon nangangahulugan na magiging halimaw si Ayesha. Wala pa tayong sapat na pruweba sa kung anu ang mangyayari pagdating ng panahon."

Napaisip ng husto ang anim na Arkanghel. May punto ang mga binitiwang salita ni Cael.

Pero hindi pa din nagpapatalo si Kreios, "Ang sinasabi mo ba ay aantayin pa natin na lumaki ang bata? Para saan? Kung kailan huli na ang lahat at mapapahamak na ang buong mundo? Hindi kami makapapayag na mangyari iyon. Hangga't maaga pa ay dapat nang solusyonan ang malaking problema."

Sumang-ayon ang iba pang Elders habang malalim naman na napapaisip ang mga Arkanghel.

Samantala, kanina pa nag-uusap sa mata si Gabriel at Daniel.