Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 275 - Cold heart

Chapter 275 - Cold heart

MALALIM na ang gabi pero hindi makatulog si Lexine sa sofa dahil hindi siya kumportable. Kahit pa may apoy sa fireplace ay masyado pa rin malamig ang panahon. Wala kasing heater sa sala hindi tulad sa kwarto. Inis na inis siya kay Night dahil ang gunggong ay talagang hinayaan siyang matulog sa sala.

Maya-maya pa at narinig niyang bumukas ang pinto at tunog ng mga yabag.

"Are you sure you don't want to come inside the room? Mas mainit doon kesa dito," sabi ni Night habang kumukuha ng tubig sa fridge.

Umirap lang si Lexine sa hangin at tinaas ang kumot sa leeg, "I'm fine," pero biglang nangati ang ilong niya sabay nabahing, "Achuuu!"

Umismid si Night at lumapit sa sala, "See, sinisipon ka na, wag nang matigas ang ulo mo dahil magkakasakit ka pa sa ginagawa mo," pumamewang ito at tumayo sa harapan ni Lexine.

"I said I'm fine," pagmamatigas niya pa rin. Pero matapos ang ilang sandali at nasundan na naman ang bahing, "Achuuuu!" kinamot niya ang namumulang ilong.

Napakamot naman sa ulo si Night sa katigasan ng ulo niya, bumuntonghinga ito at sa gulat ni Lexine ay lumapit sa kanya si Night at binuhat siya paalis sa sofa.

"Ano ba! Anong ginagawa mo? Bitawan mo nga ako!"

Dire-diretsong pumasok si Night sa loob ng kwarto at dinala si Lexine sa kama. Akmang tatayo si Lexine pero tinulak ni Night ang noo niya gamit ang isang daliri kung kaya bumagsak siya ulit sa kama, "Ano ba!"

Humalukipkip si Night na parang tatay na kailangan magpatulog sa makulit na anak, "Sleep here. Ako na ang matutulog sa labas."

Natigilan si Lexine sa narinig. Naglakad na si Night palabas ng kwarto at naiwan siyang mag-isa sa loob.

May kung ano naman sa puso niya ang nakaramdam ng guilt, paano kung ito naman ang magkasakit?

Humiga siya sa kama at nagtaklob ng kumot sa ulo, "Hmp! Paki ko ba sa demonyong yun."

Pinilit niyang makatulog pero lumipas ang isang oras na dilat na dilat pa rin ang mata niya. Lalo na at naririnig niya ang malakas na hangin sa labas. Bumangon si Lexine at sumilip sa bintana at nagulat siya na may snow storm nga!

"Ano na kayang nangyari kay Night?" bulong niya sa sarili.

Nagpalakad-lakad siya sa kwarto habang kinakagat ang daliri, hindi siya mapakali dahil kinukulit siya ng kunsensya niya. Nang bumaba ang tingin niya sa kama. Lumapit siya at nakitang dalawa ang kumot.

Huh? Oo nga pala at dala niya ang kumot ng binuhat siya ni Night papasok sa loob, ibig sabihin walang kumot ang binata sa labas? Oh no!

Kinain na ni Lexine ang pride at lumapit sa pinto, dahan-dahan niya itong binuksan at sumilip sa labas. Nakatulog na kaya ito?

Parang pusa sa gaan ang paa niya nang maglakad siya papuntang sala. Nandoon si Night at nakahiga sa sofa na parang batang nakabaluktok at nilalamig.

Tila lumiit at nanikip ang puso ni Lexine sa nakita. Halata sa lalaki na giniginaw ito dahil bahagya itong nanginginig.

Napabuntonghiniga siya at tuluyan nang bumigay. Hindi naman siya ganoon ka-walang puso para hayaan itong manigas buong gabi. Lumapit siya sa sofa at lumuhod sa harapan ni Night.

Nakapikit ito at mukhang tulog na. Sinamantala ni Lexine ang pagkakataon na malayang mapagmasdan ang napakagwapong mukha sa kanyang harapan. Ang perpektong pagkakatangos ng ilong nito, mahabang pilik mata at namumutlang labi dahil sa lamig. Tinatamaan ng orange at malamlam na liwanag mula sa fireplace ang mukha ni Night. Kung pagmamasdan ay para itong mabait at harmless kapag tulog.

Nanikip ulit ang dibdib ni Lexine dahil may kung anong init siyang nararamdaman sa puso niya habang pinagmamasdan ang mukha nito. Di niya namamalayan na lumalapit na pala ang mukha niya dito nang bigla itong dumilat. Nagulat siya at agad tumuwid ng upo.

Ngumiti naman si Night sa kanya, iyong klase ng ngiti na binibigay nito sa tuwing nagpapa-cute.

"Miss mo na ako?"

"F-feeling mo!" singhal niya agad para pagtakpan ang hiya.

Bumangon si Night at umupo sa sofa, "Eh bakit ka nandito?"

Hindi makatingin si Lexine at tumayo na rin, "P-pumasok ka na sa loob ng kwarto. M-malamig dito," matapos sabihin ay nagmadali na siyang naglakad papasok ng kwarto at hindi na ulit nilingon ang lalaki.

Humiga siya sa kama at nagtakip ng kumot. Ilang sandali pa at naramdaman niyang bumukas ang pintuan at lumundo ang kama.

Dahan-dahang lumapit si Night sa ulo ni Lexine na nakatakip ng kumot at saka bumulong, "Good night Ms. Sungit."

"G-good night."