UMAAGOS ang mainit na tubig mula sa shower na tumatama sa makinis na balat ng hubad na katawan ni Lexine. Nakatingala siya habang nakapikit at ninanamnam ang ulan ng mga tubig na humahalik sa kanyang mukha.
"Lexine, why are you being so resisting? Are you afraid to fall in love again?"
Muli niyang naalala ang mga binitiwang salita ni Miguel. Ang mga tanong nito ay tila isang kagat ng lamok na nag-iwan sa kanyang balat ng pantal na kanyang kakamutin. Na tila nangungulit na balikan ang mga bagay na ayaw na niyang maalala pa ngunit katulad ng lamok ay paulit-ulit pa rin itong bumabalik.
Pinanghilamos niya ang dalawang palad sa mukha at buhok saka pinatay ang shower. Kinuha niya ang towel na nakasabit sa rack, pinunasan ang buhok at ang buong katawan bago pinulupot sa ulo ang towel saka nagsuot ng bathrobe. Lumabas siya ng banyo at nagtungo sa walk-in closet upang magbihis ng silk white night gown. Matapos mag-ayos ay inutusan niya ang AI na mag-play ng zen music sa sound system. Pumuwesto siya sa labas ng balcony habang umiinom ng wine at tanaw ang night view ng city lights.
Pinilit niyang iwaksi ang tungkol sa tanong ni Miguel pero kahit anong gawin niya ay talagang paulit-ulit itong tumutusok sa kanyang isipan.
"Lexine, why are you being so resisting? Are you afraid to fall in love again?"
Pinikit ni Lexine ang mga mata at muling pumasok sa kanyang isipan ang mga masasayang sandali na kasama niya si Night. Na tila mabilis na eksena sa isang pelikula.
"Mahal na mahal kita Lexine…"
"Mahal na mahal din kita Night…"
"We will fight this together…"
"Together…"
Subalit, ang mga tawanan at halikan ay napalitan ng masakit na alaala ng dugo at kamatayan ni Alejandro.
"Gusto mong magkaawa Lexine? Sige, magmakaawa ka sa prinsipe ng dilim…"
"Night, please, please don't do this. I'm begging you…"
"Alexine apo, masaya akong makita kang muli. Always remember that I love you so much my darling…"
"Night please nakikiusap ako, huwag ang lolo ko, maawa ka please…"
"Times up, pagod na ako sa drama…"
Humigpit ang kapit ni Lexine sa hawak na wine glass. Nanginginig ang kamay niya nang muling bumalik ang matinding sakit at galit sa kanyang puso. Tila isa itong malaking tinik na nakabaon sa kanyang dibdib. Na sa tuwing humihinga siya ay kumikirot ang malalim na sugat na gawa nito at mas lalong nagdudugo ang kanyang puso.
Alam niya na hindi niya matatakasan ang nakaraan habang buhay at darating ang araw na kailangan nilang magkita ni Night. At sinisiguro niya na pag dumating ang sandaling iyon. Ay ipaghihiganti niya ang kanyang lolo Alejandro at pagbabayarin niya ang mga lahat ng nilalang nanakit at dumurog sa kanya lalo na ang hari ng kadiliman at ang anak nito.
Sa sobrang pangigigil at galit na nadarama ni Lexine ay nabasag niya ang hawak na wine glass. Dumikit ang mga mga bubog sa balat niya at naghalo ang pulang alak at dugo sa kanyang mga kamay. Nagdilim ang kanyang mga mata na sumasalamin ng matinding poot at pagkamuhi.
Buong gigil niyang sinambit ang sumunod na mga salita, "Magbabayad ka Night, sinusumpa ko. Magbabayad kayong lahat."
Walang kasing lamig ang kanyang mga mata habang umaagos ang luha sa kanyang pisngi. Nagkuyom ang mga palad niya habang walang tigil ang pagtulo ng pulang likido sa sahig.