DUMATING ANG ARAW na pinaghandaan ng lahat. Ang malaking digmaan laban sa kabutihan at kasamaan. Isang laban na magdidikta ng kanilang kinabukasan at ng mga susunod na henerasyon. Laban para pag-ibig at kapayapaan.
Napakaliwanag at ganda ng full moon sa madilim na kalangitan. Sa ilalim nito nagpulong-pulong sa labas ng Black Phantom ang buong hukbo. Nakatayo ang humigit limang daang miyembro ng bawat lahi at angkan mula sa iba't ibang panig ng mundo na nagkaisa upang lumaban sa hari ng kadiliman. Mga bampira, werewolves, Sorceress, Warlocks, at Healers. Lahat ay handa na sa matinding gera.
Mula sa ibabaw ng pick up truck na kinatatayuan, humakbang ng dalawang beses pasulong si Lexine at humarap sa lahat. Nakasuot siya ng brown na pantalon, black boots at puting racer back sando. Nakatirintas ang hanggang balikat niyang buhok habang may iilang hibla ang nakalitaw at nililipad ng malamig na hangin. Nasa kaliwang kamay niya ang dyamanteng espada na bigay ni Cael na lumiliwanag at nangingibabaw sa dilim. Habang sumasalim sa mata niya ang tapang at matibay na loob sa kahaharaping digmaan.
Ang buong underworld ay itim ang suot. Si Lexine lang ang namumukod tanging nakaputi na sumisimbolo ng liwanag na magbibigay gabay sa bawat isa.
"Tatandaan niyong lahat. Ito ang laban para sa mga pamilya at nilalang na pinapahalagaan natin. Hindi lang para sa ating mga sarili kung hindi para sa buong mundo. Atin ang mundong ito, ipinagkaloob sa atin ito ng Ama kung kaya dapat na ipaglalaban natin 'to hanggang kamatayan. Hindi tayo papayag na masakop ng kasamaan," dinig sa boses niya ang determinasyon.
Bawat isa ay handang-handa na. Pinangungunahan ng tribu ng Mutawi na pinamumunuan ni Orgon ang iba pang mga wolf pack. Si Miyu, Winona at ang buong angkan nila na mga Sorceress ay sama-sama na rin. Si Eros na pinamumunuan ang mga Warlocks. Si Elijah at ang iba't ibang mga pamilya ng mga bampira. Si Devorah at ang buong angkan ng Dela Fuentes na nakaalalay sa oras na may kailangan silang bigyan ng lunas.
Hindi nagtagal at biglang kumulog kasabay nang malakas na kidlat na biglang tumama sa likuran nila na sinundan nang malakas na lindol. Napasigaw ang lahat sabay natarantang lumayo. Nabalot ang buong parking ng makapal na usok, hanggang unti-unting naglakad ang isang bulto at lumabas mula sa mga usok.
Nasilaw ang lahat dahil labis na nakakabulag ang kakaibang liwanag na nagmumula sa katawan nito.
Hindi nagtagal at nalusaw ang liwanag at nakita nila ang magandang anghel na tagabantay habang nililipad ng hangin ang kulay mais at mahaba nitong buhok, si Ithurielle.
Lumiwanag ang mukha ni Lexine nang makita muli ang babaeng anghel agad siyang bumaba ng truck at sinalubong ito, "Ithurielle!
"Mahal na prinsesa, ikinagagalak kong makita kang muli," lumuhod si Ithurielle sa kanya gamit ang isang tuhod. Inalalayan itong tumayo ni Lexine at mahigpit na hinagkan.
"It's good to see you," gumanti rin ng yakap si Ithurielle. Nang bitawan nila ang isa't isa ay sumeryoso na ang mukha ng anghel.
"Handa na ang buong hukbo ng mga mandirigmang anghel," saad ni Ithurielle.
"Kami rin nakahanda na," sabi ni Lexine.
**
MAINGAY AT BUHAY ang buong Ermita, Malate. Ganito ang normal na gabi sa lugar na sikat sa mga korean restaurants, comedy bars, hotels at higit ang mga ktv nightclubs. Madalas na puntahan ito ng mga parokyanong foreigner na handang magbayad ng dolyar para sa isang gabi ng saya at ligaya.
Sa tapat ng Sweet and Spicy KTV Bar, nakatayo at nakadisplay na ang magaganda at seksing GRO upang mang-akit ng mga customer. Paiksian sila ng shorts hanggang sa makita na ang kanilang mga kuyukot.
"Ano ba naman ang gabing ito, ang tumal ng customer. Kailangan natin ng anda (pera) kung hindi nganga ang beauty natin ngayong gabi," reklamo ng bente singko anyos na si Dior. Hindi niya tunay na pangalan at ginagamit niya lang nickname sa club.
"Korek ka dyan mare, naku magbabayad pa ako ng tuition ng bunso ko next week! Kailangan makabingwit tayo ng big fish ngayong gabi," dugtong naman ng blondie na si Gucci. Hindi niya rin tunay na pangalan.
"Sino ba kasi ang may balat sa pwet sa inyong dalawa at nilalangaw itong bar natin ngayon?" sabi ng payat na si CK habang panay ang retouch sa blush on niya.
Umismid si Dior, "Nagsalita ang hindi malas, hello 'te remind ko lang sa'yo one week ka ng walang customer! Ikaw ata ang may balat diyan at pinapasa mo sa amin!"
"Oo nga, saka tigilan mo nga 'yang kaka-blush on mo! Para ka ng siopao dyan eh ang puti ng shades ng foundation mo hindi mo man lang pinantay sa leeg mo!" segunda ni Gucci.
Sasagot pa sana si CK nang bigla niyang natanaw ang tatlong lalaki sa kalsada na naglalakad patungo sa bar nila. Bahagyang madilim dahil sira ang ilaw sa poste kaya hindi niya masyadong maaninag ang mukha pero wala na silang choice para magpaka-choosy ngayong gabi dahil kailangan nilang kumita ng pera.
Agad tumayo si CK at kumendeng-kendeng na sinalubong ang tatlong lalaki.
"Hi mga sir! Good evening, gusto niyo ba mag-enjoy ngayong gabi? Meron kaming promo! Buy 1 take 2 ang bucket ng beer. May kasama pang isang platitong mani. Kung gusto mo, pati mani ko ibibigay ko na rin sa inyo!" dire-diretso niyang sabi with matching beautiful eyes.
Pero ang pagpa-pa-cute ni CK ay nauwi sa kilabot nang tuluyang nakalapit ang tatlong lalaki at tinamaan ng liwanag ang kanilang mga mukha.
"Eskelemis!" bumuka ang bibig ng lalaki sa gitna at naglabas nang malalaking pangil at mahabang dila.
"Ahhhhhhhhhhhhhhhh!"
**
"GUYS! LOOK AT THIS!" nagmamadaling tumakbo si Olive kela Lexine. Hawak-hawak nito ang cellphone. Agad namang lumapit ang iba at nakiusisa.
Sabay-sabay silang napasinghap nang mapanood kung ano ang nasa facebook live ng isang netizen. Nasusunog ang kahabaan ng Ermita, habang nagtatakbuhan ang mga tao. Sa likuran nila tumatakbo ang sandamakmak na mga ravenium demons na sumanib sa katawan ng mga tao.
Nagilalas ang lahat sa nakita higit na si Lexine, "Ano'ng nangyayari?"
"Oh my God, pati sa Quezon City may sunog!" sabi ni Miyu at pinakita rin ang facebook live sa cellphone nito, "Buong Metro Manila ang sinusugod nila!"
"Nagsimula na," kinakabahang sabi ni Ithrurielle.
"Pero akala ko ang digmaan na ito ay sa pagitan lang ng mga anghel at demonyo?" hindi makapaniwalaang saad ni Lexine.
Katulad ng digmaan na naganap noon sa hukbo ni Lilith. Ang mga nagdaang giyera ay madalas na nangyayari nang lihim sa kaalamanan ng mga tao.
"Ito ang tinutukoy ni Lucas na malaking digmaan," napatingin silang lahat sa itaas at nakita nilang lumilipad si Cael patungo sa kanila.
Labis na nakakasilaw ang transparent at maliwanag nitong puting pakpak. Huminto si Cael sa tapat ni Lexine.
"Napakasama talaga ni Lucas! Kailangan natin iligtas ang mga inosenteng tao!" nangigigil na sabi ni Lexine. Humarap siya sa lahat at buong lakas na sumigaw.
"Humanda kayo! Pupunta tayong lahat sa siyudad!" tumingin siya kay Elijah at Eros, "Kailangan natin maghiwa-hiwalay at puntahan ang bawat city. Elijah, sa Manila kayo, Eros at Miyu sa Quezon City, Orgon doon kayo sa Marikina. Madame Winona at Olive, protektahan niyo ang Makati at Taguig, kayo na ang bahala na mag-assign sa ibang grupo. Cael, kailangan natin hanapin si Lucas!" dire-diretso niyang sabi.
Sumunod ang bawat isa at mabilis na kumilos at naghiwa-hiwalay na sila. Lumapit si Lexine kay Cael.
Hinawakan siya ng anghel sa magkabilang balikat, "Alexine."
"Handa na ako Cael. Kailangang matapos ang kasamaan ni Lucas ngayong gabi," buong loob siyang tumitig sa mata nito.
Tumungo si Cael at binuka ang mga pakpak. Pinangko niya si Lexine at mabilis nilang lumipad sa himpapawid.