PAGKAUWI ng buong grupo sa Black Phantom, agad nilang dinala si Brev, ang sugatang binatilyo, sa pangangalaga ni Devorah. Sa kabila nang kabiguan na matulungan si Night ay pinilit pa rin ni Lexine na mag-focus sa pagsasanay at sa responsibilidad na pamunuan ang buong hukbo.
Ginampanan ng bawat isa ang kani-kanilang mga tungkulin. Lahat ay desidido at naghahanda sa nalalapit na malaking digmaan.
Mas ginugol ni Lexine ang halo-halong emosyon na nararamdaman sa pagti-training upang mas maging malakas. Lalaban siya at ililigtas niya si Night sa kamay ng kasamaan.
Kasalukuyan siyang nagbo-boxing sa loob ng training room kahit malalim na ang gabi at tulog na ang lahat. Walang ibang maririnig kung hindi ang malalakas niyang suntok at sipa na tumatama sa punching bag at mga mabibigat na hangin na pinapakawalan niya sa bawat kilos.
"Ahrg! Ahrg! Ahrg!" suntok dito, sipa doon. Jab-straight-hook. Iba't ibang combination ang ginawa ni Lexine.
Sa mga nagdaan na ilang araw ay labis siyang nagpaturo kay Orgon pakikipaglaban. Sa bawat suntok at sipa na pinapakawalan ni Lexine ay inilalabas niya ang nararamdamang galit at kalungkutan. Galit sa hari ng kadiliman at sa lahat ng kasamaan na ginawa nito. At matinding kalungkutan sa pangungulila ng puso niya para kay Night.
Isang malakas na round house kick ang pinakawalan ni Lexine kaya umuga nang malakas ang punching bag at muntik na itong masira.
Hingal na hingal siya pagkatapos. Naliligo na siya sa sariling pawis at mainit ang buong katawan niya pero kahit na anong pagod niya ay gusto niya pa ding kumilos.
Ilang sandali pa at dumating si Cael na nasa katawan ni Ansell. Lumapit ang makisig na anghel kay Lexine na nanatiling nakatayo sa harapan ng punching bag habang naghahabol ng hangin sa dibdib.
"Alexine… gabi na, bakit hindi ka pa magpahinga?" nag-aala niyang tanong.
"Hindi ako makatulog," sagot ni Lexine. Totoo ang sinabi niya. Ilang araw na siyang hindi natutulog dahil sa tuwing ipinipikit niya ang mga mata, nakikita niya lang ang nahihirapang mukha ni Night at nadudurog ang puso niya.
Mula sa namumula at pawisang mukha ni Lexine, bumaba ang tingin ni Cael sa mga kamay nito. Kahit pa nakabalot ng hand wraps ang mga iyon ay kitang-kita pa rin ang pamumula at mga sugat sa knuckles ni Lexine, nagdudugo na rin ito.
Agad kinuha ni Cael ang dalawang kamay ni Lexine at concern na tinignan sa mata, "Alexine, magpahinga ka muna, hindi na maganda ang kalagayan ng mga kamay mo."
Wala nang nagawa si Lexine dahil totoong mahapdi na ang mga knuckles niya. Pinaupo siya ni Cael sa mahaba at white na monoblock chair na nasa gilid at lumuhod sa kanyang harapan. Maingat na hinawakan ni Cael ang mga kamay niya na tila isang babasaging bagay na ayaw nitong masira. Napakagaan ng kamay nito at nagbibigay iyon ng kakaibang init sa kanyang balat.
Nilapit ni Cael ang dalawang kamay ni Lexine sa labi at marahang hinipan. Nagulat si Lexine nang maramdaman ang malamig na hangin na lumabas sa bibig ni Cael at unti-unting gumaling ang mga sugat niya.
So angels have healing powers too.
Nang tuluyang gumaling ang mga sugat niya ay nag-angat nang tingin sa kanya si Cael na hindi pa rin binibitawan ang mga kamay niya.
"Salamat Cael," aniya at tipid na ngumiti.
Umupo si Cael sa tabi ni Lexine at tinitigan nang taimtim sa mga mata. Nasasaktan ang damdamin niya na makita ang labis na kalungkutan sa mukha ng Nephilim. Mahal na mahal niya si Lexine at wala siyang ibang gusto kung hindi ang ikakabubuti nito.
Sa mga nasaksihan niyang labis na paghihirap ni Lexine sa mga nangyayari sa Tagasundo, nadudurog ang puso niya. Madalas ay naiisip niya kung tama ba ang desisyon niyang nagparaya siya noon. Dahil sa nakikita niya ngayon ay mas higit na nasasaktan si Lexine. At iyon ang bagay na hinding hindi niya matitiis na mangyari.
Dahan-dahang tinaas ni Cael ang dalawang kamay ni Lexine at maingat na hinalikan ang knuckles nito. Sa sobrang ingat tila dumapo lang ang hangin sa kamay ng dalaga.
Napalunok si Lexine sa ginawa nito pero hindi siya kumibo. Tumagal nang ilang segundo ang magaan na labi ni Cael bago ito muling humarap sa kanya at maingat na hinaplos ang kanyang pisngi.
"Cael…"
"Alexine…" malumanay na tumingin sa kanya ang itim nitong mga mata habang malaya niyang napagmamasdan ang napakagwapo nitong mukha. Sa ilalim ng mga tingin ni Cael ay umiinit ang puso niya.
"Alam kong nahihirapan ka sa mga nangyayari ngayon at nasasaktan akong makita kang nagkakaganito. Kung may magagawa lang sana ako para maibsan ang sakit sa puso mo, ibibigay ko Alexine. Palagi mong tatandaan na nandito lang ako para sa'yo."
Napangiti si Lexine sa narinig. Mula noon, hanggang ngayon. Binabantayan at inaalalayan siya ni Cael.
"Maraming salamat sa lahat Cael. Masaya akong nandito ka sa tabi ko. Mas lumalakas ang loob kong lumaban dahil alam kong kasama ko kayo."
"Hindi kita pababayaan Alexine. Itataya ko ang buong buhay ko maprotektahan ka lang. At naniniwala akong mananaig ang kabutihan laban sa kasamaan. Ikaw, ang magiging sandata ng sanlibutan laban sa hari ng kadiliman. Isang busilak na puso ang magliligtas sa mundong ito."
Unti-unting tumungo si Lexine. Sana nga ay manalo sila. Sana at magtagumpay sila. Naway patnubayan sila ng Maykapal hanggang sa huli.
Dahan-dahang lumapit ang mukha ni Cael at bahagyang nanigas sa kinauupuan si Lexine dahil akala niya, hahalikan siya nito. Pero tumaas ang labi ni Cael sa noo niya at doon siya binigyan nang magaan na halik.
Namula ang pisngi niya sa ginawa nito.
Sumilay ang magandang ngiti sa labi ni Cael nang mapagmasdan ang cute na reaksyon ni Lexine. Gusto talaga niya itong halikan sa labi pero malaki ang respeto niya sa dalaga at hindi niya ito pagsasamantalahan sa mga panahon na malungkot ito. Gusto niya lang ipakita dito ang nararamdaman niya. Masaya na siya at walang hihingin na kahit anong kapalit.
Napalunok si Lexine at nahihiyang tumingin kay Cael, minsan nakakalimutan niyang nagtapat nga pala ito ng feelings sa kanya noon.
Marahang hinaplos ni Cael ang baba ni Lexine, "Napakaganda mo Alexine," buong paghanga niyang sabi.
Para sa kanya, wala nang iba pa sa mundong ito ang mas hihigit sa kagandahan ng natatanging babae sa kanyang harapan. Tila isa itong puting bulaklak na umusbong sa madilim na gabi.
Mas lalong uminit ang buong mukha ni Lexine sa sinabi ni Cael. Masyado kasing masarap sa tenga niya ang baritonong boses ng Anghel nakadagdag pa na nakalulusaw tumingin ang maganda nitong mga mata.
Matagal na katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa hanggang sa tumikhim si Lexine nang dalawang beses at pasimpleng tumayo na may namumula pa ring mukha.
"Cael, salamat sa pag gamot sa sugat ko. Magpapahinga na ako. Ikaw rin," aniya.
Tumayo si Cael at ngumiti, "Good night Alexine."
"Good night Cael," ginantihan niya ito nang matamis na ngiti saka naglakad palabas ng training room.
Naiwan si Cael na nakatayo at pinagmamasdan ang pinto kung saan lumabas ang Nephilim. Ang babaeng tapat niyang iibigin magpakailanman.