Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 221 - Meet the leaders [2]

Chapter 221 - Meet the leaders [2]

Nagkuyom ang mga palad ni Lexine. Pilit niyang pinatatag ang loob. Hindi siya bibitaw, hindi siya magiging mahina. Kailangan niyang magpakatatag.

"Ang mabuti pa hangga't maaga ay umatras na tayo sa labanan. Hayaan na lang natin ang mga anghel na makipaglaban sa hukbo ni Lucas, iligtas natin ang ating mga sarili!" suwestisyon ni Silver.

Lumakas ang bulungan at marami ang nakaramdam ng takot. Halos lahat ay tila sumasangayon sa mungkahi nito. Samantala, nabahala naman ang buong grupo nila Elijah. Kung aatras ang mga pinuno, paano pa sila lalaban lalo na at konti lang sila kumpara sa malaking hukbo ni Lucas.

"Sandali lang!" hindi na nakapagpigil si Miyu na hindi magsalita, "Kung aatras kayo sa laban at tuluyang manalo si Lucas sa digmaan. Sa tingin niyo ba matatahimik pa ang mga pamilya niyo? Sa tingin niyo ba hindi kayo mapapasailalim ng masamang hari sa oras na masakop niya ang buong mundo?"

Natahimik ang lahat sa sinabi nito. Naglakad si Miyu at pumuwesto sa kaliwa ni Lexine. Sinasabi ng mga mata nito na hindi siya nag-iisa.

Sunod na nagbigay ng opinyon si Elijah humakbang din at tumayo naman sa kanan ni Lexine, "Lucas will conquer not only the humanity but everyone including the whole underworld. Think about the future of your children. Gusto niya ba na mamuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan at kasamaan ni Lucas? Anong klaseng buhay ang mararanasan nila? Naiisip niyo ba ang mga bagay na 'yon?"

Natigilan ang bawat isa at labis na napaisip. Pero hindi pa rin nagpatalo si Silver, "Paano naman kayo nakakasigurado na mananalo tayo sa digmaan? Sino ang aasahan niyong papatay kay Lucas? Ang Nephilim na 'yan? Bakit ba kayo naniniwala sa isang propesiya? Ipapahamak lang tayo ng hamak na mortal na 'yan!"

Mas lalong kumuyom ang mga palad ni Lexine. Nanlisik naman ang mata ni Miyu sa galit. Handa na sana itong sugurin ang bampira pero maagap siyang pinigilan ni Lexine. Nagtatakang napatingin si Miyu.

"Lexine, hindi ako papayag na bastusin ka nila," mariin niyang bulong.

Nakatingin lang si Lexine sa harapan. Kumikinang ang mga mata nito sa dahil sa mga luhang kanina niya pa pinipigilan, "Huwag. Lalo lang silang magkakagulo, ako na ang bahala."

Tututol pa sana si Miyu pero humakbang ng tatlong beses pasulong si Lexine at sa pagkakataong ito, mas buo na ang kanyang loob na humarap sa bawat isa.

"Alam kong natatakot kayo para sa inyong mga sarili at sa mga nilalang na pinapahalagahan ninyo. Katulad niyong lahat, natatakot din ako."

Natahimik sa pagbubulungan ang bawat isa. Nagpatuloy si Lexine, "Oo, tama kayong lahat. Tama ang mga sinasabi niyo tungkol sa akin. Mahina, lampa, nagtatago lang sa anino ng mga kaibigan. Buong buhay ko lumaki akong normal at isang hamak na tao lang. Walang kapangyarihan, walang alam sa pakikibaglaban. Walang alam na mahika. Pero isa lang ang nasisiguro ko na meron ako."

"Meron akong malaking paniniwala na mananalo ang kabutihan laban sa kasamaan. Ang malaking paniniwala na ito ang nagpapatatag sa akin, nagpapatibay ng loob na lumaban, nagpapalakas na bumangon kahit paulit-ulit man akong madapa. Dahil kung gaano kalaki ang takot na nararamdaman ko, mas malaki ang paniniwala ko na kung magsasama-sama tayo lahat, magtitiwala sa bawat isa, magtutulungan at lalaban ng may iisang puso at damdamin. Mananalo tayo."

"Ang laban na ito ay hindi lang para sa mga sarili natin. Ang laban na ito ay para sa karapatan na mamuhay nang walang takot at pangamba, na mamuhay nang malaya, masaya at masigla. Mamuhay na may pagmamahalan sa puso nating lahat. At hindi mangyayari ang mga bagay na ito kung magpapadaig lang tayo sa takot. Hindi magiging tahimik ang buong mundo kung magwawagi ang kasamaan. Ngayon, ano ang mas pipiliin niyo? Ang magtago habang buhay? Tumakbo kasama ang mga anak niyo? O ang lumaban para sa mas magandang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon?"

"Ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ay buhay upang gamitin natin sa kabutihan at pagmamahalan sa kapwa. Iyon ang totoong ibig sabihin ng buhay. Gusto kong tanungin ninyo ang mga sarili niyo. Papayag ba kayong masira ng kasamaan ang mga buhay nating lahat? Hahayaan niyo ba na mamuhay ang mga anak at pamilya natin sa takot? Papayagan niyo ba na magtagumpay ang hari ng kadiliman o ipaglalaban niyo ang buhay na biyaya sa atin ng Maykapal?"

"Alam kong wala pa akong napapatunayan. Pero sana bigyan niyo ako nang pagkakataon. Hindi ko magagawang talunin si Lucas nang nag-iisa. Kaya hinihingi ko ang tulong ninyo. Sama-sama tayong lumaban para sa kabutihan at pag-ibig. Dahil kung makakasama ko kayo sa digmaan na ito. Naniniwala akong magwawagi tayo at matatalo natin lahat ang hari ng kadiliman."

Mahabang katahimikan ang namagitan sa buong paligid. Napalunok nang madiin si Lexine. Hindi na niya alam kung ano pa ang dapat niyang sabihin sa kanila. Sinabi na niya lahat ng buong puso. Nanatiling walang kibo ang lahat, unti-unti na siyang pinanghinaan ng loob hanggang sa nangibabaw ang tunog nang malalaking yabag.

Bawat ulo ay napalingon sa likuran. Isang napakalaking lalaki ang naglalakad patungo sa harapan. Nahawi ang bawat isa upang bigyan daan ito. Natulala si Lexine kay Orgon habang nakatingin ito sa kanya nang taimtim hanggang sa huminto ito sa harapan niya.

Sa gulat nang lahat ay lumuhod si Orgon sa kanyang harapan gamit ang isang tuhod sabay iniyuko ang ulo.

"Natatanging Nephilim. Ikinararangal ko na makipaglaban sa tabi mo. Asahan mong ibubuhos ko ang buong buhay ko upang manalo sa digmaan."

Labis na nagulat si Lexine, hindi siya agad nakakibo. Mas dumoble pa ang pagkabigla niya nang biglang lumuhod si Miyu at Madame Winona na katabi nito.

"Natatanging Nephilim, hinding-hindi ka namin iiwan sa laban na ito," saad ni Miyu habang nakayuko.

Sumunod na lumuhod si Elijah, Eros, Devorah at Olive.

"Lalaban kaming lahat para sa kabutihan," saad ni Elijah.

Hindi nagtagal at isa-isa na rin lumuhod ang lahat ng pinuno sa kanya. Maging ang mga pinuno na tumututol sa kanya noong una ay lumuhod na rin. Ang bampirang si Silver mula sa Greyson family ay ngumiti sa kanya na tila sinasabing nagtitiwala na ito saka dahan-dahan na lumuhod.

"Natatanging Nephilim, nawa'y patnubayan tayo ng Maykapal. Ikaw ang aming pag-asa," saad ni Orgon.

Unti-unting lumiwanag ang mukha ni Lexine. Hindi siya makapaniwala. Nagtagumpay siya. Labis na lumolobo ang puso niya sa saya.

Natanaw niya si Cael na nakatayo sa kabilang dulo ng club. Hindi niya napansin na kanina pa pala ito nandoon. Malaki ang ngiti nito at sinasabi ng mga mata ang labis na kaligayahan para sa kanya.

Sa pagkakataong ito, mas malakas na ang loob ni Lexine na mananalo sila laban sa hari ng kadiliman.

Related Books

Popular novel hashtag