NATATANAW na nila ang daan palabas sa patay na gubat. Maririnig ang malakas na tunog ng tubig. Patuloy na humahabol sa kanila ang mas dumoble na bilang ng mga halimaw na puno.
Nang tuluyan silag nakalabas, kasabay naman ang paghinto nila dahil ang bumati sa kanila ay isang napakataas na talon. Wala na silang ibang mapupuntahan pa. Malapit na ang mga halimaw.
"Anong gagawin natin?" nababahalang tanong ni Elijah.
"We don't have a choice. Kailangan natin tumalon," sagot ni Night sabay tingin sa mataas na talon na kababagsakan nila. Parang halimaw na lalamunin sila ng tubig sa sobrang lakas ng pressure na bumabagsak.
Namutla si Elijah at nalula sa taas niyon.
"Are you guys sure? Tangina, never nga ako sumakay ng ferris wheel sa buong buhay ko tapos papatalunin niyo ako diyan?!" angal niya.
"Kung ayaw mo, edi magpaiwan ka dito!" singhal ni Miyu.
"Babe, 'wag mo naman ako iwan…"
"Guys! Malapit na sila!" nagpapanic na sabi ni Lexine habang nakatanaw sa likuran. Ilang dipa na lang at handa na silang sakmalin ng mga halimaw na puno. Nanlaki ang mata ni Lexine nang makitang humaba ang mga sanga ng halimaw at handa na silang tuhugin lahat.
"Talon!" sigaw ni Night.
Kinuha ni Night ang kamay ni Lexine at sabay silang tumalon. Sumunod si Devorah at Eros, nag-alinlangan pa si Elijah pero wala na itong nagawa nang tinulak ito ni Miyu bago tumalon ang huli.
"MAMAAAAA!!!!!!" sigaw ni Elijah.
Sabay-sabay silang bumagsak sa malamig na tubig. Di nagtagal at isa-isang umahon ang mga ulo nila. Naunang lumangoy sa pangpang si Miyu, Elijah, Eros at Devorah. Pero nang mapansin ni Night na wala ang ulo ni Lexine agad siyang nagpanic.
"Where's Lexine?"
Nahinto sa paglangoy si Miyu nang mapansin na nawawala si Lexine.
"Lexine!!!" sigaw ni Night. Agad siyang sumisid upang hanapin ito ngunit wala siyang ibang makita sa ilalim kundi tubig. Lumangoy siya nang lumangoy pero hindi niya makita si Lexine. Muli siyang umahon upang kumuha ng hangin.
"Lexine!!!" paulit-ulit na sumisid si Night pero nabigo siyang matagpuan ang nobya.
**
DINALA si Lexine ng isang babaeng sirena sa loob ng isang kuweba. Lumangoy ito buhat ang katawan ni Lexine at magaan na hiniga sa batuhan. Ilang sandali pa nang magkamalay si Lexine.
Umubo siya nang umubo at lumabas ang maraming tubig mula sa kanyang didbib. Pagmulat niya ng mata halos mapatalon siya sa gulat nang makita ang isang babaeng may matingkad na pulang buhok. Maputla ang balat na may kaliskis sa braso, balikat at noo. Wala itong suot na damit pang itaas. Nang gumalaw ang buntot nito sa tubig doon niya lang nakumpirma kung ano ang babae.
"S-sino ka? N-nasaan ang mga kaibigan ko?" agad niyang tanong sabay nilibot ang mata sa paligid.
Ngumiti ang sirena, "Hindi ako kaaway. Ang pangalan ko ay Luningning. Alam ko kung ano ang nais mo at bakit ka nagpunta dito. Hinahanap mo ang libingan ng diwata na si Yna hindi ba?"
Napalunok si Lexine dahil tila umaawit ang tunog ng boses nito, "O-oo… alam mo ba kung nasaan?"
"Nandito na tayo."
"Ha?" doon lang napagmasdan mabuti ni Lexine kung nasaan sila. Sa loob ng isang kuweba.
Tinuro ni Luningning ang daan na dapat niyang tahakin.
"Isang pusong karapat-dapat lamang ang makakapasok sa loob ng libingan ni Yna. Kung lalakarin mo daan na 'yan, matutumbok mo ang hinahanap mo."
Nagpabalik-balik ang tingin ni Lexine sa daan at kay Luningning. Mukhang mapagkakatiwalaan naman ito.
"Salamat."
Ngumiti si Luningning bago sumisid at iniwanan na siyang mag-isa. Nakita niya ang kulay ng buntot nito na pula.
Tumayo na agad si Lexine at sinundan ang daan na tinuro ng sirena. Hindi niya alam kung nasaan sila Night pero ang importante ay mahanap niya agad ang espada ni Lucas.
Matapos ang ilang minutong paglalakad sa loob ng kuweba natumbok ni Lexine ang isang lagusan na nababalot ng protection spell. Malakas ang kutob niyang nasa likod nito ang libingan ni Yna.
Naalala niya ang sabi ni Luningning, tanging busilak na puso lang ang makakapasok. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa lagusan at unti-unting tinaas ang kamay. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya sa kaba.
Pinikit niya ang mata sa takot at nilusot ang kamay sa lagusan. Akala niya makukuryente siya o masasaktan pero wala siyang naramdaman na kahit ano. Pagdilat niya nang mata lumusot ang buong kamay niya sa lagusan. Hinakbang niya ang paa hanggang sa lumusot na ang buong katawan niya.
Hindi nga nagkamali si Lexine dahil sa loob nito natagpuan niya ang bangkay ni Yna.
Sa pinakagitna nang malaking kweba nakahiga ang bangkay ni Yna sa isang bato. Puti pa rin ang suot nito at tila natutulog lang. May liwanag na nagmumula sa itaas ng kuweba ang nakatutok sa bangkay nito. Napakaganda ni Yna. Kahit pa wala na itong buhay.
Nahigit ni Lexine ang hininga nang matagpuan niya ang hinahanap. Yakap-yakap ni Yna ang espada ni Lucifer.
Agad nakaramdam nang matinding kilabot si Lexine. Ang espadang ito ang puno't dulo nang lahat nang paghihirap na naranasan niya. Ang espadang ito ang naging dahilan kung bakit kailangang isakripisyo ng mga magulang niya ang sarili para protektahan siya. Kung bakit napahamak ang mga mahal niya sa buhay. Kung bakit namatay si Kristine.
Ang espada ito ang nagsimula ng lahat. Kaya ito rin ang tatapos ng kasamaan ni Lucas.
Dahan-dahang inabot ni Lexine ang dalawang kamay upang kunin ang espada. Palipat-lipat ang tingin niya sa espada at sa nakapikit na mata ni Yna. Malapit na niya itong mahawakan.
"Magandang gabi Alexine."
Napatalon sa gulat si Lexine at pumihit sa likuran. Nanlaki ang mata niya nang makitang nakatayo sa kabilang panig si Yna. Bumalik ulit ang tingin niya sa bangkay. Tapos pabalik kay Yna.
"Yna?" kaluluwa ba ni Yna ang nagpapakita sa kanya?
"Ako nga Alexine."
Natigilan siya dahil kilala siya nito. Pinatibay niya ang loob at hinarap ang kaluluwa ng diwata.
"Pasensya na kung pumasok ako ng walang pahintulot…"
Ngumiti si Yna, kinilabutan siya kahit pa napakaganda nito.
"Upang makapasok sa lagusan na aking ikinabit, tanging busilak na puso lang ang makakatawid," nagsimulang humakbang si Yna paikot sa kanya. Kaya napaatras din si Lexine palayo sa bangkay nito.
"Alam ko ang iyong pakay…" patuloy na umiikot si Yna at ganoon din siya.
"Nais mo ang kanyang espada?"
Humugot nang malalim na hangin sa dibdib si Lexine at buong loob na hinarap si Yna, "Kailangan matapos ang kasamaan ni Lucifer, nais niyang sakupin ang buong mundo at hindi ko hahayaan na mangyari iyon."
Mabilis na gumuhit sa mata ni Yna ang kirot nang marinig ang pangalan ng lalaking minahal niya ng lubos, "Hindi pa rin siya tumitigil sa kanyang kagustuhan na mahigitan ang Bathala…"
"Tama ka. Kaya sana tulungan mo ako Yna na mapigilan si Lucifer."
Tumingin sa kanya ang naluluhang mata ni Yna at dahan-dahan itong lumapit sa kanya. Napako sa kinatatayuan si Lexine. Tinititigan siya ni Yna na tila ba may sinusuri sa buong pagkatao niya. Nababasa niya sa mata nito ang labis na kalungkutan. Napakarami taon nitong kinulong ang sarili. At dahil iyon sa isang taong minahal nito.
Napasinghap siya nang hawakan nito ang magkabila niyang pisngi, animo malamig na hangin ang dumapo sa kanyang balat.
"Sinubukan ko siyang pigilan noon, pero iniwanan niya ako," isa-isa nang pumatak ang luha ni Yna. Tila may tumusok na karayom sa dibdib ni Lexine.
"Napakahirap umibig nang lubos, sapagkat ang puso ay minsan malupit… kung gaano kalaki ang pagmamahal, siyang bigat din ng sakit na ibibigay nito sa'yo."
Naalala niya dito si Lilith. Nabulag si Lilith sa pagmamahal ni Lucas, katulad nang matinding pagmamahal ni Yna na naging dahilan kung bakit kinitil nito ang sariling buhay. Isang napakalupit na pag-ibig sa parehong babaeng nagmahal ng lalaking binabalot ng kadiliman.
Binaba ni Yna ang palad sa dibdib ni Lexine at tinitigan siyang mabuti, "Ito… ang magiging pinakamatibay mong sandata laban sa kasamaan. Subalit, ito rin ang dapat mong ingatan,"
Napakunot ang noo ni Lexine, may matinding kaba siyang nararamdaman sa mga salita na binibitawan ni Yna. May kakaiba sa mga mata nito. Pakiramdam niya sinusuyod nito ang buong pagkatao niya hanggang sa kailaliman ng kanyang kaluluwa.
Pero ang mga sumunod na sinabi ni Yna ang tuluyang nagpahina ng tuhod niya.
"Sapagkat ang siyang dahilan nang pagtibok nito… ang siya ring magiging dahilan nang pagkadurog nito."
Nahigit ni Lexine ang hininga sa narinig. Di niya namalayan na tumutulo na pala ang luha niya. Ano ang ibig nitong sabihin?
Lumakad si Yna sa sariling bangkay at kinuha ang espada gamit ang dalawang kamay. Dahan-dahan itong lumapit sa kanya.
"Alexine… sana'y magtagumpay ka."
"Salamat," kinuha niya ang espada. Nang sandaling lumapat ang malamig na metal nito sa kanyang palad isang kakaibang kilabot ang naramdaman niya. Isang napakalakas na kapangyarihan ang pumapaloob sa espada ng isang pinatapong Arkanghel.
Sa huling pagkakataon ay lumingon si Lexine kay Yna. Malungkot siyang ngumiti dito bago hinakbang ang mga paa palabas ng lagusan.
Paglabas niya ay dinala siya nito pabalik sa gubat. Nagtatakang ginala niya ang mata. Nawala na ang kuweba. Napakahiwaga talaga ng lugar na ito.
Ilang sandali pa at narinig ni Lexine ang sunud-sunud na pagtawag sa pangalan niya.
"Lexine!!!"
"Lexine!!!"
"Lexine!!!"
Naalerto ang ulo niya. Kilala niya ang boses ng mga kaibigan higit na nangingibabaw ang kay Night.
"Night! Night! Nandito ako!" sigaw niya.
Narinig agad ni Night ang boses ni Lexine. Natataratang tumakbo siya at sinundan kung saan nangaling ang boses. "Lexine!!!"
Tumakbo rin kasunod niya ang mga kasama.
"Night! Nandito ako! Night!"
"Lexine!!!"
Mas binilisan ni Night ang pagtakbo at di nagtagal ay natanaw niya si Lexine na nakatayo sa gitna ng gubat.
"Lexine!"
Paglingon ni Lexine tumatakbo na sa kanya si Night. Mabilis na kinilos niya rin ang mga paa at sinalubong ang yakap nito.
"Night!"
Buong higpit na hinagkan ni Night si Lexine, "Baby, shit, mababaliw na ako sa pag-aalala… baby… baby… baby ko…" sobrang higpit ng kapit ni Night at panay halik sa ulo at noo ni Lexine.
Kanina ay halos masiraan na siya ng bait sa kakahanap sa nobya. Akala niya may masama nang nangyari dito.
"Night…." siniksik din ni Lexine ang sarili sa mga bisig nito. Nakalapit na rin sa kanila ang mga kaibigan. Sabay-sabay na nanlaki ang mata nila nang makita kung ano ang hawak niya.
"Holy shit! You found it!" si Elijah.
Doon lang pinakawalan ni Night si Lexine at saka niya lang napansin ang hawak nito. Napalunok siya sa nakita.
Ngumiti si Lexine sa lahat.
"Nagtagumpay tayo."