Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 188 - Visitors

Chapter 188 - Visitors

HUMINTO ang karwahe sa tapat ng malaking gate ng Bones Castle. Isang kawal ang lumapit at nagbukas ng pinto. Bumaba ang dalawang nilalang na nakasuot ng kulay gintong balabal. May dalawang Keepers ang nakatayo sa entrance na sumalubong at nagbigay pugay sa mga inaabangang panauhin.

"Maligayang pagdating sa Bones Castle mga mahal na Arkanghel," sabay na bati ng dalawang babae.

Parehong tumungo ang dalawang makisig na pinuno at sumunod sa dalawang Keepers papasok ng malaking kastilyo. Lahat nang makakasalubong nila ma-pa-kawal o Keepers ay labis na namamangha. Ito ang unang pagkakataon na bumaba ang mga Arkanghel sa mundo ng mga kaluluwa.

Matapos ang ilang minutong paglalakad. Pumasok sila sa malaking bulwagan kung saan nag-aantay sa harapan ang pitong Elders habang nakaupo sa kani-kanilang mga trono.

Si Kreios ang naunang tumayo at buong siglang sumalubong sa kanilang panauhin, "Maligayang pagdating sa aming kastilyo Arkanghel na Daniel, Arkanghel na Gabriel. Kinararangal namin ang pagbisita ninyo."

Nang makarating hanggang sa unahan ang dalawang pinuno ay sabay-sabay na tumayo ang iba pang mga Elders upang lumuhod at magbigay galang.

"Mga pinuno, ikinagagalak namin makita kayong muli," sabay-sabay na sabi ng anim na Elders.

Bahagya pang nagulat si Kreios sa ginawa ng mga kasamahan at upang hindi mahalata ay ginaya na rin niya ang mga ito at lumuhod gamit ang isang tuhod. Sa isip-isip niya ay sinusumpa niya ang dalawang Arkanghel na nasa kanyang harapan. Labis ang poot na kanyang kinikimkim.

Bakit kailangan nilang magbigay galang sa mga katulad nila? Nakalimutan na ba ng mga Elders na ang dalawang ito ang isa sa mga nakatungali nila noon sa digmaan sa Paraiso ng Eden?

Ngunit, hindi siya maaaring mahalata. Kailangan niyang magpangap. Hindi magtatagal ay magtatagumpay na ang kanilang Panginoon na si Lucas sa mga plano nito at pag dumating ang araw na iyon, siguradong ang mga Arkanghel ang susunod na luluhod sa kanyang harapan.

"Maaari na kayong tumayo," sabi ni Daniel.

Sabay-sabay na tumayo ang pitong Elders. Si Jhudielle ang unang bumasag ng katahimikan.

"Maraming salamat at pinaunlakan niyo ang aming imbitasyon mga pinunong Arkanghel," magiliw na sabi ng babaeng Elder. Nagtama ang mata nila ni Gabriel. Sumilay sa berdeng mata ng makisig na pinuno ang pangungulila. Lalo na at dating kabilang si Jhudielle sa hukbo ng mga Anghel na Tagabantay.

"Walang anuman Jhudielle, nalulugod din kaming makita kayong muli. Dahil sa inyong maayos at magandang pangangalaga sa mundong ito kung kaya naging payapa ang mga kaluluwa," mahinahon na saad ni Gabriel. Tumagal ang tingin nito kay Jhudielle na tila pinapahiwatig na ipinagmamalaki niya ito.

Lihim na pinamulahan ng pisngi ang babaeng Elder. Kung maibabalik niya lamang sana ang panahon ay hindi siya nagpalinlang noon kay Lucifer at Satan sa pag-aaklas sa Paraiso ng Eden. Sana ngayon ay isa pa rin siyang Anghel na Tagabantay. Gayunpaman, ipinagpapasalamat pa rin niya ang pagbibigay ng Ama ng pangalawang pagkakataon sa kanila at sila ang pinagkalooban na maging tagapamahala sa kabilang buhay.

"Maraming salamat mga pinuno, malugod naming ginagampanan ang aming tungkuling para sa Ama," malugod na tugon ni Lemuelle.

"Mabuti kung gayon," ani Daniel. Tumikhim siya at mas nagseryoso, "Natangap at nabasa ko ang liham na inyong pinadala. Ipagpaumanhin sana ninyo kung pumasok si Cael at Ithurielle sa inyong mundo ng walang pahintulot. Natitiyak ko rin na hindi nila intensyon ang makapanakit ng Keepers o ng kahit na sino. Inaako ko ang lahat dahil ako ang nag-utos sa kanila."

Tahimik na nagpalit nang tinginan ang bawat Elders. Si Crate ang sunod na nagsalita, "Nais sana namin malaman ang dahilan kung bakit? Ano ang pakay ng mga Anghel dito?"

"Nakarating sa amin ang balita na hindi pa rin nakakatawid ng Gates of Judgement ang kaluluwa ng aking anak na si Lexine," diretsong sagot ni Daniel na nagpabalisa sa bawat Elders lalo na kay Kreios.

Mapanuring nagmasid ang dalawang Arkanghel sa reaksyon ng mga ito. Malakas ang kutob nila na isa sa mga Elders ang nagtataksil at nakikipag-isa sa kadiliman.

Pansamantalang natahimik ang mga ito na tila hindi alam kung paano magpapaliwanag, si Kreios ang maagap na sumagot.

"Ipagpaumanhin ninyo mga mahal na Arkanghel, lalo na sa inyo pinunong Daniel, subalit, ang inyong anak na si Lexine ay tumakas sa aming pangangalaga. Tumangi siyang tumawid sa Gate kung kaya't tumalon siya sa mata ng Samsara at hindi na namin alam kung saan siya napunta."

"Mata ng Samsara?" hindi makapaniwalang saad ni Gabriel, "Kung gayon ay nawawala si Lexine?"

Nagkatinginan ang dalawang Arkanghel. Hindi maganda ang balitang kanilang nakuha. Mas lalong nanganganib ang buhay ni Lexine ngayon hindi nila alam kung saan ito napunta. Nababahala silang baka tuluyan na itong makuha ni Lucas.

"Huwag kayong mabahala mga Pinuno, nagpadala na ako ng mga Keepers upang hanapin si Lexine," sabi ni Hadeo.

"Nais sana namin bawiin ang mga anghel, siguro naman sa pagkakataon ito ay patas na tayo. Pinabayaan ninyo ang pangangalaga sa aking anak, kaya nararapat lang na pakawalan niyo si Cael at Ithurielle," matatag na saad ni Daniel.

Nasa boses at mata nito ang awtoridad na labis na ginagalang ng mga Elders. Noon pa man na nasa paraiso pa sila ng Eden si Daniel ang isa sa mga Arkanghel na pinakamakapangyarihan.

Saglit na nagkatinginan ang mga Elders. Nais tumutol ni Kreios subalit, siguradong mahahalata siya.

"Sige Pinunong Daniel, pakakawalan na namin ang mga bihag na anghel," si Athenna.

Sa wakas at nakahinga ng maluwag ang dalawang makisig na pinuno.