NAGLALAKAD at tinutulak-tulak ang magkapatid na anghel habang nakagapos ang kanilang kamay. Bumaba sila sa paikot na batong hagdan habang nakasunod sa kanila ang dalawang kawal. Madilim ang binabaybay nilang direksyon. Tanging apoy mula sa light torch na hawak ng isang kawal ang nagsisilbing ilaw.
Matapos ang tila walang katapusang pag-ikot pababa, natunton nila ang underground dungeon na matatagpuan sa ilalim ng south wing.
Magkabilaan ang madumi, malamig at nakakatakot na mga kulungan. Habang patuloy silang naglalakad, nadadaanan nila ang iba't ibang nilalang na nakakulong sa likod ng bawat kinakalawang na selda. Sinusundan sila ng ibat ibang pares ng mga mata.
"Mga anghel! Maligayang pagdating!" sigaw ng isang baliw na lalaking Warlock na nakakulong sa kaliwang selda.
"Pinabayaan na ba kayo sa langit at nandito kayo ngayon sa impyerno?" dugtong ng isang Lethium Demon sa kanan.
Nag-usbong ang malakas na tawanan at kantyawan ng lahat ng mga preso.
"Pero mukhang bumaba nga talaga ang langit dahil siguradong langit ang ibibigay sa atin ng magandang binibini, hi Ms. beautiful?" sabi naman ng isang bampira.
Muling nagtawanan ang mga preso. Matalim na sumulyap si Ithurielle sa nambastos sa kanya, ngumingisi na parang asong ulol ang lalaking bampira. Tinandaan niyang mabuti ang mukha nito dahil sa oras na makawala siya sa pagkakagapos sisiguraduhin niyang makakatangap ito ng totoong langit sa kanyang kamao.
"Huwag mo silang pansinin Ithurielle," maingat na bulong ni Cael.
Umuusok ang ilong ni Ithurielle sa inis at binalik ang tingin sa harapan, "Antayin lang nilang makawala ako dito at puputilin ko ang dila ng bawat isa sa kanila."
Di nagtagal at huminto ang mga kawal sa tapat ng isang bakanteng kulungan. Binuksan ang pinto niyon at tinulak si Cael sa loob, nasubsob siya sa malamig na sahig. Sa katapat na kulungan naman pinasok si Ithurielle, sinadya silang paghiwalayin.
"Manalangin na kayo mga anghel na tubusin kayo ng inyong mga Arkanghel dahil kung hindi, ito ang inyong magiging bagong tahanan," nang-iinis na sabi ng isang kawal matapos i-lock ang parehong pinto.
Masamang tumitig lang si Cael dito at hindi na nagsalita pa. Umismid ang kawal at naglakad paaalis.
Nagkatinginan ang magkapatid.
"Ano nang gagawin natin Cael?" nababahalang tanong ni Ithrurielle, dinikit niya ang mukha sa bakal.
"Huwag kang mag-alala, sigurado akong darating ang ating mga pinuno. Hindi nila tayo pababayaan."
"Alam ko naman iyon, subalit, hindi maganda ang pakiramdam ko sa mga Elders, lalo na sa Kreios na 'yon! Gustong-gusto niya tayong ipapatay! Paano kung hindi talaga sila magpadala ng liham sa Paraiso ng Eden?" pabulong na sabi ni Ithurielle, panaka-naka siyang tumitingin sa labas.
Bumuntonghining si Cael, sang-ayon siya sa sinabi ng kapatid. Nang makarating kasi sila sa mundo ng mga kaluluwa habang naglalakbay sila sa gubat patungong Ghost City. May nakasalubong silang mga Keepers. Nakatungali ang mga ito at dahil kailangan nilang ipagtangol ang sarili kaya napilitan silang makipag-laban.
Ngunit, kasamaang palad ay tuluyan pa rin silang nagapi at hindi na nakarating sa pakay.
"Buti na lang at tinulungan niya tayo," dugtong ni Ithurielle.
Nagtagpo muli ang kanilang mga mata. Hindi pa rin sila makapaniwala sa mga natuklasan, lalo na nang muli siyang makita.
"Hindi pa rin ako makapaniwala na isa na siyang Keeper," bumagsak ang balikat ni Ithurielle.
"Ang Gates of Judgement ang naghahatol, ito ang kapalaran niya," sagot ni Cael, sumandal siya sa batong dingding at tumingin maliit na bintana habang tinatanaw ang mga bituin sa madilim na kalangitan.