"DALAWANG ANGHEL ang walang pahintulot na pumasok ng ating mundo at nanakit ng ating kapatid," tumayo si Kreios at naglakad sa tapat ng dalawang bihag.
"Ano sa tingin niyo ang dapat natin gawin sa kanila?" tanong ni Kreios sa lahat.
Saglit na nagbulungan ang bawat isang Keepers. Nahahati ang kanilang opinyon, may nagsasabing parusahan, may nagmumungkahing ikulong, at may sumisigaw na patayin!
Nagkagulo na ang lahat. Nabahala si Night sa mga nangyayari.
"Ano ba kasi ang ginagawa niyo dito? Puro lang talaga pakpak, walang utak," hindi niya napigilan komento habang napapalatak sa inis.
Dumagdag pa tuloy sa iisipin niya si Cael at Ithurielle.
"Ikulong sila!"
"Hindi! Mas mainom na lunurin sila sa Ocean of Souls kasama ng mga makasalanang kaluluwa!"
"Bakit hindi na lang natin sila ipatapon sa Dagat ng Apoy?"
"Oo nga!"
"Sa Dagat ng apoy!"
"Parusahan sila sa pananakit sa ating mga kapatid!"
"Tama!"
"Sandali!"
Isang sigaw ang nagpatigil sa kaguluhan na nangyayari sa buong bulwagan. Sabay-sabay na napapihit ang ulo ng bawat isa sa isang direksyon. Nagsimulang humawi ang lahat ng Keepers nang magsimulang humakbang papalapit sa unahan ng bulwagan ang isang babae.
Napakunot ang noo ni Night. Hindi niya makita ang kabuuan ng mukha nito dahil natatakpan ng hood ng balabal.
Namayani ang katahimikan sa kapaligiran lahat ay nakamasid sa bawat galaw ng babae. Maging si Kreios, Abitto at ang iba pang Elders ay taimtim na nakatitig sa kanya.
Ilang sandali pa at huminto ang babae sa tapat ng dalawang anghel. Nagtatakang napaangat ng tingin si Cael at Ithurielle dito.
"Ano ang iyong nais sabihin binibini?" tanong ni Kreios.
Ilang sandali bago sumagot ang babae, "Hindi natin sila maaaring parusahan na lang basta-basta, mas lalo ang ipatapon sa Ocean of souls o sa Dagat ng apoy," maliit ang tinig ng babae ngunit, nasa boses nito ang katapangan.
Muling nagbulungan ang mga lahat. May iilan pang sumisigaw nang pagtutol.
"Ano ang sinasabi mo? Dapat silang parusahan sa pag-suway sa ating batas!"
"Nanghimasok sila at nanakit!"
"Oo nga! Hindi dapat sila kaawaan dahil hindi sila naawa nang sinaktan nila ang ating mga kapatid!"
"Tama!"
Tinaas ni Kreios ang kamay upang patahimikan ang kaguluhan at muling binigyan ng atensyon ang babaeng Keeper.
"Bakit mo naman nasabi binibini? Lumabas sila sa ating patakaran, hindi maaaring pumasok ng ating mundo nang walang pahintulot mas higit ang manakit ng ating kapatid," sagot ni Kreios.
"Naiintindihan ko mahal na pinuno subalit, ang bagay na ito ay dapat munang pag-debatuhan nang mabuti. Hindi ba't kailangan muna natin anyayahan ang kanilang pinunong Arkanghel dito sa ating kastilyo? Bakit tayo basta-basta magdi-desisyon nang hindi pinapaalam sa Paraiso ng Eden ang tungkol dito?"
Natigilan si Kreios. Muling nagbulungan ang lahat at maging ang mga Elders ay napaisip rin ng husto.
Nagpatuloy ang babae, "Tiyak akong may dahilan kung bakit sila nandirito, oo, mali ang pagpunta nila ng walang pahintulot, mali ang pananakit nila sa ating kapatid. Subalit, kung basta na lamang natin sila parurusahan nang hindi tayo nakikipag-ugnayan sa isang Arkanghel. Hindi ba't maaari itong maging simula nang malaking lamat sa pagitan ng payapang samahan ng mga Keepers at Anghel?"
"At kung inyong mararapatin, nais ko lamang ipaalala ang isang bagay."
Tumahimik ang mga Elders.
"Hindi ba't mga kapatid niyo rin sila? Hindi ba't doon din kayo nagmula sa itaas? Tama ba mahal kong mga pinuno?"
Ang huling sinabi ng babae ang labis na nakatusok sa damdamin ng mga Elders.
"Tama siya Kreios," isang babaeng Elder ang tumayo, "Siguradong magagalit ang mga Arkanghel sa oras na malaman nilang sinaktan natin ang kanilang anghel. Baka maging simula pa ito nang malaking hindi pagkakaunawan sa dalawang panig."
"Sang ayon ako sa sinabi ni Jhudielle," sabi naman ng pangatlong Elders na si Hadeo.
"Maganda ang samahan natin sa kanila. Hindi dapat natin ito sirain," dugtong pa nito.
Malamig lang ang mukha ni Kreios at walang kahit anong reaksyon na pinapakita. Inaantay niya na magsalita ang iba pang Elders.
"May nais bang tumutol sa inyo mga kapatid?"
Nagbulungan ang natitira pang apat na sila Moses, Crate, Lemuelle at Athenna. Hanggang sa napagdesisyunan nila ang isang bagay.
Si Moses ang nagsalita, "Pansamantala muna natin silang ikukulong sa loob ng dungeon. Magpapadala ako ng liham sa mga Paraiso ng Eden upang anyayahan ang kanilang pinuno na pumunta sa ating mundo. Magkakaroon tayo nang paghuhukom sa oras na dumating ang mga Arkanghel."
Nakahinga ng maluwag si Cael at Ithurielle na narinig. Laking pasasalamat nila sa babaeng nakatayo sa kanilang harapan.
Wala nang magagawa pa si Kreios, malamig na humarap siya sa dalawang anghel, "Mga kawal, kunin sila at dalhin sa dungeon ."
Sumunod ang mga ito at agad hinatak patayo ang dalawang bihag.
"Salamat!" maagap na sabi ni Ithurielle sa babaeng Keeper.
Yumuko lang ito bilang pagtugon. Napakunot ang noo ni Ithurielle nang bahagyang nasilayan ang kalahati ng mukha nito. Bakit tila kilala niya kung sino ang babae?
Hinarap ni Kreios ang Keeper, "Binibini, salamat sa iyong partisipasyon sa paghuhukom na ito. Hayaan mong bigyan ka namin pabuya. Ngunit bago iyon, nais kong ipakita mo ang iyong mukha."
Nahinto sa paglakad ang dalawang anghel, maging si Night ay interesado rin na malaman kung sino ito.
Ngumiti ang babae, "Masusunod Pinuno."
Dahan-dahan nitong binaba ang suot na puting balabal at nang sandaling tuluyan natangal ang tumatakip na tela sa ulo nito, mabilis na nanlaki ang mga mata ni Cael at Ithurielle.
Nanikip ng husto ang dibdib ni Night kasabay ang mabilis na pag-ngilid ng mga luha sa kanyang mata.
"Lexine…"