ANG LOOB NG BONES CASTLE ay nahahati sa apat na gusali. Ang East, West, North and South Wing. Bawat Wing ay may anim na palapag, bawat palapag ay may sampu hanggang labinglimang silid. Ang East ang tinirhan ng mga babaeng Keepers habang ang West ang mga lalaki. Sa ika-apat na palapag ng North Wing matatagpuan ang pitong pinakamalaki na silid kung saan ang kwarto ng bawat isang Elders.
Sa ground floor sumasakop ang pinakamalaking bulwagan kung saan ginaganap ang mga pagpupulong. Sa pinaka-ilalim ng South wing nagtatago ang underground dungeon. Dito kinukulong ang mga kaluluwa na sumusuway sa batas at pamamalakad ng mga Elders.
Kasalukuyang binabaybay ni Night ang mahabang pasilyo na nagdudugtong mula sa East patungong North Wing. Marami siyang nakakasulubong na mga Keepers at mga kawal subalit, dahil sa puting balabal na tumatakip ng kanyang mukha kaya malaya siyang nakakapaglakad.
Sa sobrang laki ng Bones Castle, paano niya hahanapin si Lexine? Saan nila tinatago ang kanyang nobya? Siguradong matatagalan siya kung mag-isa lang siyang kikilos, kailangan niya ng karagdagang pwersa.
Lumiko si Night sa isang hallway at nagtago sa isang sulok. Inangat niya ang sleeves ng suot na jacket, sa kanang braso nakamarka ang simbolo ng crescent moon at isang mata.
"Ira," bulong niya.
Lumiwanag ang tattoo at mula sa kanyang anino, lumitaw ang itim na likido hanggang sa nag-form ito sa itim na balabal.
"Master…"
"I've missed you," hindi mapigilang komento ni Night.
Mahinang tumawa ang babaeng anino, "Ganoon din ako Master."
Napangisi siya, "Find Lexine inside this castle."
"Masusunod Master," naglaho si Ira at nag-transform sa itim na usok bago lumipad palayo.
Nagpatuloy si Night sa paglalakad sa hallway hanggang sa natumbok niya ang North Wing. Sinundan niya lang kung saan patungo ang mga Keepers hanggang sa dinala siya ng mga ito sa malaking pintuan papasok ng malaking bulwagan.
Bumungad sa kanya ang dagat ng Keepers na halos hindi mahulugan ng karayom sa sobrang dami. Sa pinaka-unahan matatagpuan ang pitong trono na gawa sa puno ng narra. Nakaukit sa gitnang itaas ng bawat sandalan, ang isang simbolo ng araw na may pitong sinag. Bawat sinag ay nakabaluktot na tila umaalon na tubig.
Nakihalo si Night sa mga Keepers. Hindi nagtagal at dumagundong ang isang napakalakas na tunog. Isang lalaki ang pumalo ng malaking metal na 'gong' na nakatayo sa kanang gilid sa unahan. Tumahimik ang paligid at nagsimulang magsalita ang lalaki.
"Sisimulan na ang pagpupulong!"
Nang makilala ni Night kung sino ang nasa unahan, mabilis na sumiklab ang galit sa kanyang dibdib.
"Abitto…" nagkuyom ang mga palad niya.
Sa tuwing naalala ni Night ang gabi kung paano nito kinuha si Lexine sa kanyang mga kamay, gusto niya itong patayin ulit kahit pa patay na ito.
Ito ang sumundo sa kaluluwa ni Lexine, kaya siguradong ito ang rin ang nakakaalam kung nasaan ang kanyang nobya.
Ilang sandali pa at mula sa isang sulok isa-isa nang naglakad papasok ang pitong Elders. Sabay-sabay na nagsiluhuran ang daan-daang Keepers na nasa loob ng bulwagan bilang pag-galang. Nakisabay na rin si Night sa mga ito.
Kung ang mga Keepers ay nakasuot ng puting balalabal, ang mga pinuno naman nila ay nkasuot ng kulay abo. Sa likod ng tela nakaburda ang kanilang simbolo gamit ang gintong sinulid.
Pitong Fallen Angels na pinagkalooban ng Ama nang responsibilidad na pangalagaan ang Mundo ng mga Kaluluwa.
Umupo sa kani-kanilang trono ang mga Elders, ilang sandali pa at nagsalita ang nasa gitna.
"Magandang gabi sa inyong lahat," mababa ang boses nito subalit, sapat na iyon upang marinig ng lahat.
Sa salita pa lang nito ay nagpapahiwatig na ng awtoridad ng pagiging isang pinuno na ginagalang ng bawat nasasakupan.
"Magandang gabi pinunong Kreios!" sabay-sabay na sagot ng mga Keepers.
"Pinatawag ko kayo sapagkat gusto ko kayong maging kaisa sa paghahatol na gagawin natin ngayon."
Nagbulungan ang bawat isa. Napakunot naman ang noo ni Night at tahimik na nagmamasid sa paligid, nag-iisip siya kung paano niya malalapitan si Abitto.
"Pinasok tayo ng mga tagalabas nang walang pahintulot, sinaktan nila ang ilan sa ating mga kapatid, nagkasala sila sa ating batas."
Mas lalong lumakas ang bulungan ng lahat, nagtataka kung sino ang nanghimasok sa kanilang lugar. Bawat isa ay nakakaramdam ng poot.
Hindi ka na mamatay dahil patay ka na sa mundong ito. Ngunit, posible ka pa rin masaktan. Kung kaya may mga batas pa rin na kailangan ipatupad at organisasyon na kailangan mamahala. Parang noon nabubuhay ka pa sa pisikal na katawan ng isang tao, nakakaradam ka pa rin ng ibat ibang emosyon.
Ang pisikal na katawan lang naman ang iyong nilubayan, ito lang naman ang nagkakasakit, tumatanda at naaagnas.
Ngunit, ang kaluluwa o soul ay mananatili magpakailanman. Kaya ang mga labis na nagkasala noon sa mundo ng mga buhay, ay higit na nagdurusa ngayon sa mundo ng mga patay.
Doon sa Ocean of Souls o sa Dagat ng Apoy, habangbuhay na silang magsisisi at magbabayad sa kanilang mga kasalanan.
Isipin mo na lang, nag-migrate ka sa ibang planeta. Two different worlds, two different lifetime. But only one soul.
Saan nagmula ang soul? Kanino pa ba? Kung hindi sa pinagmulan nang ng nilalang at bagay sa mundong ito. Sa ating Amang Bathala.
"Dalhin ang mga lapastangan!" sigaw ni Kreios.
Mas lalong nagkagulo ang lahat. Biglang lumitaw ang mga kawal bitbit ang dalawang bihag. Nakagapos sila sa tali habang kinakaladkad na parang basahan.
Tinulak sila at nasubsob sa harapan ng mga Elders.
Nanlaki ang mata ni Night nang makilala kung sino ang mga ito, "You've got to be kidding me."