NAKARATING SI NIGHT hanggang sa likuran ng malaking kastilyo. Patay ang lahat ng mga puno na nakapaligid sa kabuuan ng batong gusali. Habang nagkalat ang makakapal na fogs sa paligid. Patuloy pa rin ang pagkidlat at kulog nang makulimlim na kalangitan. Napakalamig din ng panahon, nakadagdag pa na basang-basa ang buong damit niya sa pangangatog ng tuhod, maging sa pagbuga ng hangin ay lumilitaw ang usok mula sa kanyang bibig.
Nagpatuloy siya sa paglalakad paikot sa buong kastilyo hanggang sa matumbok niya ang unahang parte.
Mabibigat na yabag ng kabayo ang paparating kaya mabilis na nagtago si Night sa gilid ng pader na bato. Sumilip siya at natanaw ang isang sinaunang karwahe na gawa sa kahoy, dalawang itim na kabayo ang tumutulak dito. Huminto ang karwahe sa tapat ng bakal at malaking pintuan na binabantayan ng dalawang kawal na nakasuot ng metal na armor.
Bumukas ang pinto ng karwahe at bumaba ang mga Keepers na nakasuot ng puting balabal. Sabay-sabay na pumasok ang mga ito sa loob ng kastilyo. Pinagmasdan ni Night ang paligid, bukod sa dalawang bantay napaliligiran din ang buong lugar nang mas marami pang kawal na rumoronda lang sa tabi-tabi.
Kailangan niyang makapasok sa loob ng Bones Castle nang hindi nakakatawag ng pansin. He wants to get out of this place as silent and quick as possible. Lalo na at limitado lang ang kanyang oras.
Hanggang sa narinig ni Night ang isang malakas na singhap sa kanyang likuran.
Paglingon niya, isang babaeng Keeper ang nakatayo at nanlalaki ang mga mata, agad itong humugot ng hangin sa dibdib upang sumigaw pero mabilis niyang tinakpan ang bibig nito at hinatak sa isang tabi.
"Sorry darling, but I have to do this," walang sabing pinulupot niya ang ulo ng babae at mabilis na napunta sa likod ang mukha. Agad natumba ang katawan nito sa damuhan.
"Well… you can no longet kill a dead but you can still hurt them,"
Alam naman ni Night na mamaya ay magkakamalay na rin ang babae at pansamantala lang ang ginawa niya dito.
Hinatak ni Night ang Keeper at tinago sa mga halaman sa tabi. Hinubad niya ang suot nitong balabal at pinangtakip sa kanyang sarili.
**
MULING BUMALIK sa pag-o-orasyon si Sammie, Miyu at Winona pero this time, nasa gitna na sila ng sala. May binuong pentagram si Winona gamit ang asin habang napalilibutan ito ng mga kandila. Nasa loob si Sammie at naka-indian sit, sa tapat niya nakalapag ang gintong singing na nasa loob ng mas maliit na pentragram.
Hawak ni Miyu ang spellbook, katapat niya si Winona. Pareho silang nakatayo sa labas ng pentagram. Si Sammie at ang singsing lang ang dapat na nasa sentro.
Sa isang sulok nanatiling nanonood si Ansell hawak si Amethyst, ganoon din si Elijah na nakatago pa rin sa likod ng pinto at sumisilip sa uwang niyon.
Nagkatinginan ang mag-inang Sorcerres at ilang sandali pa ay sinimulan na ang pag-chant ng orasyon para sa ritual.
"Mater natura, mater natura, rogamus auxilium tuum, responsum dare nobis.
"Mater natura, mater natura, rogamus auxilium tuum, responsum dare nobis."
"Mater natura, mater natura, rogamus auxilium tuum, responsum dare nobis."
Habang patuloy sa pagliyab ang mga kandila sa paligid, unti-unting gumapang sa buong katawan ni Sammie ang kakaibang init. Tumaas ang lahat ng balahibo niya habang animo may napakalakas na pwersa ang humahatak sa kanya palayo sa mundong kinagagalawan.
"Mater natura, mater natura, rogamus auxilium tuum, responsum dare nobis."
Paulit-ulit niyang naririnig ang magka-isang boses ng dalawang Sorceress, kasabay niyon ang pag-ikot ng kanyang buong mundo. Lahat ng tignan niya ang dumodoble, nag-aalab ang kanyang pakiramdam, naninikip ang dibdib at pinapapawisan ang mga palad at talampakan.
"Mater natura, mater natura, rogamus auxilium tuum, responsum dare nobis."
Palakas ng palakas ang pag-bigkas ng mag-ina, patindi ng patindi ang init na bumabalot kay Sammie, pataas ng pataas ang pagliyab ng mga kandila at palamig ng palamig ang temperatura sa paligid.
"Mater natura, mater natura, rogamus auxilium tuum, responsum dare nobis."
Sa mas lumalakas na kapangyarihan, dahan-dahang umangat ang katawan ni Sammie sa sahig. Kasabay niyon ang kanyang singing sa lumulutang sa kanyang harapan.
Parehong napanganga si Ansell at Elijah sa nasasaksihan.
"Mater natura, mater natura, rogamus auxilium tuum, responsum dare nobis."
Nagsimulang lumabas ang isang liwanag mula sa gintong singsing. Dahan-dahan itong lumapit sa dibdib ni Sammie hanggang sa tuluyan itong dumikit, nagsimulang bumalot ang liwanag sa ang buong katawan ng dalaga. Nang tuluyang pumasok ang singsing sa dibdib ni Sammie, kasabay niyon ang malakas na pagsabog sa buong silid.