UMAALINGASAW ang amoy ng nasusunog na wax sa buong silid habang tanging ilaw mula sa nakasinding mga kandila ang nagsisilbing liwanag sa kadiliman. Pumapalibot ang mga ito sa gitna ng bilog na pentagram, sa sentro noon nakahiga si Night.
Sa labas nito nakatayo si Devorah habang hawak ang maliit na jar na naglalaman ng kulay itim na likido. Nanginginig ang mga kamay niya sa kilabot na nararamdaman habang pinagmamasdan ang potion na ginawa ni Eros. Pumapaloob dito ang nakagigimbal na uri ng itim na kapangyarihan.
Sa gilid ni Night nakaluhod si Eros habang paulit-ulit na binibigkas ang orasyon, sa tabi nito nakabuklat ang pulang spellbook.
"Dominus de tenebris, ostende mihi faciem tuam virtute, corpore amplectar, quod quaerit conspectu tuo."
Tahimik na nakapikit si Night, wala siyang ibang iniisip ng mga sandaling ito kundi ang mukha ng babaeng tanging sinisigaw ng kanyang buong pagkatao.
"Lexine… wait for me, I'll get you back," aniya sa isip.
Bumaba nang husto ang temperatura ng paligid, lumilikot ang mata ni Devorah sa labis na kabang nararamdaman. Pero wala na siyang magagawa pa upang pigilan si Night sa kagustuhan nitong mabawi si Lexine.
"Dominus de tenebris, ostende mihi faciem tuam virtute, corpore amplectar, quod quaerit conspectu tuo."
Dumilat ang mata ni Eros na puro puti. Napasinghap si Devorah sa itsura nito.
"The potion," he commanded in a hoarsed voice.
Dahan-dahang lumapit si Devorah at inabot ang jar kay Eros, kinuha ito ni Eros at nilapag sa tabi, kinuha nito ang kamay ni Night at pumulot ng maliit na punyal. Hiniwa niya ang palad nito at pinatak ang dugo sa loob ng jar. Lumabas ang maitim na usok mula sa likido at nag-form ng mukha ng bungo.
Nanikip ang dibdib ni Devorah sa nakita. Namumuo na ang luha sa kanyang mga mata habang nag-aalala nang husto para sa dalawang lalaki. Gusto man niyang pigilan sila
alam niyang magsasayang lang siya ng enerhiya.
Tinapat ni Eros ang jar sa labi ni Night na nanatiling nakapikit at nakahiga.
"A sanguine in sanguinem, id est animam pro anima, corpore amplectar, quod quaerit conspectu tuo," sinimulan niyang painumin si Night ng itim na likido.
Binaba niya ang jar at kinuha ang athame na nakapatong sa pulang tela. Gamit ang hintuturo, sinindihan niya ang itim na kandila na nakatirik sa kaliwang itaas ng ulo ni Night. Ang kandilang ito ang magiging gabay nila sa oras. Kailangan magbalik buhay si Night bago ito maubos.
Hinawakan niya ng dalawang kamay ang kahoy na hawakan ng punyal at itinaas sa ibabaw ng kanyang ulo, nakaturo ang patalim sa dibdib ng Tagasundo.
"Dominus de tenebris, ostende mihi faciem tuam virtute, corpore amplectar, quod quaerit conspectu tuo. A sanguine in sanguinem, id est animam pro anima."
Mas tumaas ang pagliyab ng apoy ng lahat ng kandila, umihip ang malakas na hangin habang patuloy na bumaba ang temperatura, palakas ng palakas ang bawat bigkas ng mga salita ni Eros, ang puting mata nito ay nakatingin sa kawalan.
Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Devorah habang tila estatwa na naninigas sa kinatatayuan. Ngunit, mas nagimbal siya nang makita kung paano binalot ng itim na usok ang buong katawan ni Night. Nagpo-form ang mga ito sa napakaraming kamay na kumakapit sa binata.
Naiiling na napatakip ng bibig si Devorah. Gusto niyang magsisi na pumayag siyang tulungan si Night na makipag-ugnayan kay Eros. Hindi niya nagugustuhan ang mga nakikita, natatakot siya sa maaaring mangyari.
Patuloy pa rin sa orasyon si Eros, nagwawala na ang pagliyab ng mga kandila sa paligid, nanginginig ang buong lugar habang lumalabas ang nakakatakot na tunog mula sa mga usok na kumakapit sa bawat parte ng katawan ni Night.
"Dominus de tenebris, ostende mihi faciem tuam virtute!!!"
Inangat nito ang athame, umilaw ang bawat alibata na nakamarka sa palibot ng patalim ito at buong lakas na sinaksak sa dibdib si Night.
Napasinghap ng malakas ang prinsipe ng dilim, dumilat ang nanlalaking mga mata habang nakabuka ng bibig, isang napakatinding kirot ang tumusok sa kanyang dibdib habang mas naging agresibo ang mga usok na kamay sa paggapang sa kanyang kabuuan.
Dalawa dito ang bumabalot sa magkabila niyang pisngi habang ang isa naman ang sumasakal sa kanyang leeg. Ramdam niya ang napakalakas at napakaitim na kapangyarihan na gumagapang sa bawat ugat at selula ng kanyang katawan.
"Dominus de tenebris, ostende mihi faciem tuam virtute, corpore amplectar, quod quaerit conspectu tuo. A sanguine in sanguinem, id est animam pro anima."
Patuloy sa pagbigkas ng orasyon si Eros, panay ang hagulgol ni Devorah at unti-unti nang nalalagutan ng hininga si Night. Dumami nang dumami ang mga usok na kamay na tumatakip sa buo niyang katawan hanggang sa ang natitirang makikita ay ang kanyang mga matang nakatingin sa kawalan.
"L-lexine…"
Ito ang huling salitang binigkas niya bago tuluyang nilamon ng kadiliman.