ANG MUNDO ng mga kaluluwa ay hindi naiiba sa mundo ng mga nabubuhay. Napaliligiran ito ng malagong kalikasan kagaya ng kabundukan, kapatagan, katubigan, at kagubatan. Ang mga yumaong kaluluwa ay tila mga nabubuhay pa rin. Nakikipag-usap, nakikipagkasiyahan, may komunidad na kinabibilangan, may tungkulin at mga batas na pinatutupad at kailangan sundin ng bawat isa.
May isang lugar kung saan namamalagi ang karamihan sa mga kaluluwa. Ito ay ang Shadow Capital. Dito hindi namamalayan ang oras at panahon. Walang umaga, hapon o gabi. Hindi rin sumisikat ang araw sapagkat palagi lang madilim ang kalangitan. Walang ibang lahi o lengguwahe. Lahat ay nagkakaintindihan. Hindi na rin kailangan kumain, hindi kailangan ng pera at hindi kailangan ng teknolohiya. Just imagine living at the first age. Lahat simple. Lahat basic.
Kung may gobyerno na namamalakad sa bawat bansa sa mundo ng mga nabubuhay, mayroon namang tinatawag na mga Keeper na siyang nangangalaga sa buong mundo ng kaluluwa. Pinamumunuan ang mga ito ng pitong Elders.
Ang mga Elder ang pinakamakapangyarihan nilalang sa mundong ito. Sila ang mataas na pamamahala na gumagawa ng batas at nagdedesisyon. Nasa pangangalaga rin ng mga Elder ang Aklat ng Buhay. Ang aklat na iyon ay nahahati sa dalawa: Pahina ng Namatay at Pahina ng Isinilang. Sa Pahina ng Namatay nakalata ang pangalan ng bawat pumanaw habang sa Pahina ng Isinalang nakatala ang mga pangalan ng mga bagong uusbong sa mundo ng mga nabubuhay.
Ang pitong Elders ay kabilang sa Fallen Angels na ipinatapon ng Ama mula sa Paraiso ng Eden noong nag-aklas ang mga anghel at sumama sa dating Arkanghel na si Lucifer. Kung karamihan sa mga sinumpang anghel ay naging demonyo at tuluyang nagpasakop sa kadiliman. May pitong natatanging Fallen Angels ang buong pagsisisi na humingi ng kapatawaran sa Ama. Sa kasamaang palay ay wala ng kahit sino sa kanila ang makababalik pa sa Paraiso ng Eden kailanman. Kung kaya't ang tanging naipagkaloob ng Ama sa pitong Fallen ay ang pagiging Elders na kaakibat ang mabigat na responsibilidad na pangalagaan ang kabilang mundo kung saan maninirahan ang mga kaluluwa.
Ang Elders at Keepers ay naninirahan sa loob ng Bones Castle. Ito ang nag-iisang kastilyo na makikita sa Spirit World. Dito rin unang dinadala ang lahat ng mga bagong kaluluwa pagkatapos lumusot sa Pyramid kung saan hinahatid ng Tagasundo. Karaniwan na sa Bones Castle nag-aantay ang mga kaluluwa habang hindi pa nakakatawid sa Gates of Judgement.
Ang Gates of Judgement ay matatagpuan sa pinakatagong lugar sa mundong ito. Mula sa kapatagan kung saan nakatayo ang Bones Castle, kailangang sumakay ng bangka patawid sa kabilang isla. Kailangan daanan ang malawak na Ocean of Souls. Ang dagat na ito ay kakaiba sa lahat. Binablot ang tubig niyon ng kulay berde na nagliliwanag sa dilim. Lumalangoy sa Ocean of Souls ang lahat ng kaluluwa na hinatulan ng Gate dahil sa pagpapakamatay. Isang malaking kasalanan ang kitilin ang sariling buhay na pinagkaloob ng Ama. Kung kaya't pinapatapon sa Ocean of Souls ang mga kaluluwang hindi marunong magpahalaga sa buhay.
Isang matandang ermitanyo ang bangkero na maghahatid patungo sa kabilang isla kung saan matutumbok ang Gates of Judgement. Gaya ngayon, ang bagong kaluluwa na si Rossie Santos––disi otso anyos, istudyante at pumanaw matapos itong gahasin ng adik na ama––ay kasalukuyang nakasakay sa bangka. Sinasamahan ito ng isang Keeper.
Namamangha at kinikilabutan si Rossie habang pinagmamasdan niya ang mga lumalangoy na kaluluwa sa ilalim nila. Iba-iba ang mga ito: babae, lalaki, matanda o bata. Lahat ng mga ito ay umiiyak at humihingi ng tawad at isa pang pagkakataon.
"Talaga bang hindi na sila makakaalis dito?" tanong ni Rossie sa lalaking Keeper. Nakatago ang mukha nito sa puting balabal.
"Hindi na. Sa oras na magkasala ka sa pagpapakamatay, hindi ka na kailanman makakaalis sa Ocean of Souls. Walang kahit sino man ang may karapatan na pangunahan ang kamatayan. Walang kahit sino man ang maaaring pumutol sa sinulid ng buhay na pinagkaloob ng Ama. Isa itong napakabigat na kasalanan na pagbabayaran magpakailanman," mahabang paliwanag nito.
Napatungo na lamang si Rossie. Buti na lang pala at hindi niya naisipang tapusin ang sarili noong nabubuhay pa siya kahit pa ilang beses na siyang ginahasa ng kanyang tatay na lulong sa shabu. Iyon nga lang, hindi rin naman niya ginusto na mamatay ng maaga. Marami pa sana siyang pangarap na gustong makamit. Sa kasamaan palad ay hanggang dito na lang talaga ang buhay niya. Kinamatay ni Rossie ang pagkakabagok ng ulo sa malaking bato nang gabing sinubukan niyang tumakas sa manyak na tatay. Tinulak siya nito at tumama ang bungo niya.
Matapos ang ilang sandali at nakarating na ang bangka sa baybay dagat.
"Nandito na tayo," sabi ng matandang ermitanyo. Kasing gaspang ng kulubot nitong balat ang boses nito. Mahaba ang puti nitong buhok na sumasayad sa sahig ng bangka. Sa kauna-unahang pagkakataon ay lumingon ito sa gawi nila. Malakas na napasinghap si Rossie nang makita na wala itong mata at tanging dalawang itim na eye-socket lamang ang makikita sa butot-balat nitong mukha. Wala rin itong ngipin at ilong. Binalot ng kilabot ang buong katauhan niya.
Inalalayan ng Keeper na makababa ng bangka si Rossie at nang sandaling tumapak ang paa niya sa tila yelong buhangin ay mas lalo siyang nakaramdam ng matinding takot. Pinagmasdan niya ang madilim na isla. Napakalamig ng temperatura sa paligid habang ubod ng kapal ang fogs. Puro nagtataasang bato at kalbong bundok ang natatanaw niya.
Nagpatuloy sila sa paglalakad papasok sa patay na isla. Dumiretso sila hanggang sa gitna ng masukal na kagubatan. Tumusok sa ilong niya ang amoy ng putik at kahoy. `Di nagtagal at natumbok nila ang pinaka sentro ng isla.
"Nandito na tayo," saad ng Keeper.
Nahigit ni Rossie ang hangin sa dibdib. Namilog ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya bumaon ang mga paa niya sa lupa sa labis na paninigas. "Ito ang… Gates of Judgement?" aniya na halos bulong na lang.
Isang higanteng tarangkahan na gawa sa matibay na bato ang matatagpuan sa gitna ng kagubatan. Napagigitnaan ang gate ng nagtataasang stone mountain. Kailangan akyatin ang seven thousand and seven hundred and seventy-seven steps na batong hagdan patungo sa pinakasentro ng gate. Katulad ng buong isla, nagkalat ang makakapal na fogs sa paligid nito. Kumabog nang malakas ang dibdib ni Rossie. Hindi na ata niya kakayaning ihakbang ang mga paa kahit isang beses lang. Tila inugat na ang mga iyon sa lupa.
"A-anong nag-aantay sa `kin pagpasok ko sa gate?" namumutla niyang tanong sa Keeper.
"Ang Gate of Judgement ang maghahatol kung ano ang mangyayari sa `yo sa mundong ito. Huhusgahan ka ayon sa mga ginawa mo noong nabubuhay ka pa. Kung mabuti ang iyong puso, magkakaroon ka ng pagkakataon na makarating sa Shadow Capital kung saan payapang naninirahan ang mga kaluluwa. Kung masama naman ang iyong puso, ipapatapon ka sa Dagat ng Apoy kung saan paulit-ulit kang masusunog at malulunod sa apoy at habangbuhay mong pagsisihan ang mga kasalanang ginawa mo. Mas matindi ang paghihirap doon kumpara sa Ocean of Souls. At may mga espesyal na pagkakataon din na namimili ang gate kung magiging isa kang Keeper," mahabang paliwanag nito.
Napalunok nang husto si Rossie. Sa labing walong taong nabuhay siya sa mundo, naniniwala naman siyang wala siyang ginawang masama sa kapwa. Lumaki rin siyang may takot sa Diyos. Siguro naman ay hindi siya matatapon sa Dagat ng Apoy.
"Sige na, simulan mo nang umakyat at nag-aabang na ang Gate para sa `yo."
Muling humugot ng hangin sa dibdib si Rossie at sinimulang ihakbang ang mga paa sa kabila ng labis na panginginig ng mga tuhod niya. Habang inaakyat niya ang napakataas na hagdanan. Isa-isang bumabalik sa kanyang alaala ang mga pinagdaan niya noong nabubuhay pa siya. Mula nang siya'y isinalang hanggang sa nagkamuwang at nakapag-aral. Ang masasayang sandali kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga kaibigan. Maging ang masasamang dinanas niya sa kamay ng mapagsamantalang ama.
Unti-unti siyang nakarating sa tapat ng Gate. Kusang nagbukas ang gitna ng batong tarangkahan. Buong loob niyang hinakbang ang mga paa papasok sa loob. Pagkatapos ng sandaling ito. Sa wakas at malalagay na sa tahimik ang kanyang kaluluwa at tuluyan na siyang makakalaya sa mga sakit na dinanas niya sa mundo.