Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 139 - Emergency

Chapter 139 - Emergency

KAKATAPOS LANG MALIGO ni Sammie nang mag-ring ang kanyang cellphone. Pinupunasan niya pa ang basang buhok nang damputin ito. Nabasa niya sa caller ID ang pangalan ng ina. Napahigpit ang kapit niya roon. Dapat na ba niyang tanungin ang mamang niya? Bumuntong hininga siya at pinilig ang ulo. Hindi maganda na sa cellphone nila pag-usapan ang tungkol doon. Sinagot niya ang tawag.

"Mamang, napatawag ka?" Umupo si Sammie sa ilalim ng double deck kung saan ang pwesto na hinihigaan niya. Apat silang magkakasama sa kwarto sa dormitory na tinutuluyan.

"Sam, a-anak."

Nahinto siya sa pagpupunas ng buhok nang marinig ang garalgal na boses ng kanyang ina. Umiiyak ba ito? Biglang kumabog nang malakas ang dibdib niya. "Mamang? May nangyari ba?"

"Anak… ang p-papang mo."

Mabilis na binalot ng lamig ang buong katawan ni Sammie. Pakiramdam niya huminto sa pagtibok ang puso niya. Napalunok siya nang madiin. "Bakit Mamang? Ano po ang nangyari kay Papang?"

"Sinugod namin siya sa hospital, inatake sa puso ang Papang mo." Tuluyang humagulgol ang ina niya sa kabilang linya. Nagsimulang manginig ang kamay ni Sammie na nakahawak sa cellphone habang ang isa naman ay kumapit nang mahigpit sa towel. Nagbara ang lalamunan niya. "Kailangan na siyang ma-operahan sa lalong madaling panahon. Triple cardiac bypass surgery raw ang kailangan sabi ng doctor."

Nasapo ni Sammie ang noo. Namuo ang luha sa kanyang mga mata habang naninikip ang dibdib niya pakiramdam niya at nahihirapan siyang makahinga ng maayos.

"Malaking halaga ang kailangan para ma-operahan ang papang mo. Wala naman tayong ganung kalaking pera anak. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Natatakot ako Sam, baka kung anung mangyari sa Papang mo." Sunud-sunud ang hagulgol ng kanyang ina sa kabilang linya na lalong nagpasikip ng kanyang dibdib.

Nagpabalik-balik ng lakad si Sammie habang pilit niyang pinakakalma ang nagwawalang pulso. "Magkano raw po ang kailangan para ma-operahan si Papang?"

"Aabutin daw ng isang milyon anak."

"Isang milyon!?" Napalakas ang boses ni Sammie. Buti na lang at mag-isa lang siya sa kwarto dahil pumasok sa kanya-kanyang school ang mga kasama niya. "S-sige mamang, gagawa ako ng paraan, okay? Magpakatatag ka lang. Magiging okay din si Papang."

"Anak saan ka naman kukuha ng isang milyon? Maari akong magtungo ng SSS ngayong araw at mangungutang ako ng pera. Iyon nga lang ay siguradong matatagalan bago ako makakuha ng pera sa kanila at hindi rin aabot ng ganung kalaking halaga ang ipapahiram sa `kin ng gobyerno. Nakiusap na rin ako sa Tiya Cecille mo pero hanggang one hundred thousand lang daw ang kaya niyang ipautang sa `kin."

Pinanghilamos ni Sammie ang buong palad sa mukha at makailang ulit na bumuntong hininga. Hindi niya rin alam pero kahit ano ay gagawin niya para sa Papang niya. "Basta Mamang, ako na pong bahala. Tatawagan ko kayo agad. Paki-update rin ako sa kalagayan ni Papang at pakisabi sa doctor na magbibigay tayo ng isang milyon basta iligtas lang nila si Papang."

"Salamat anak. `Wag kang mag-alala, lalapit pa ako sa ibang kamag-anak natin. Mag-iingat ka riyan, ah."

"Opo, mamang. I love you. Pakisabi rin kay Papang na mahal na mahal ko siya at huwag siyang bibitaw."

"Sige anak, I love you too."

Binaba ni Sammie ang cellphone at nanghihina ang mga tuhod na umupo sa kama. Sinubsob niya ang buong mukha sa dalawang palad at doon nilabas ang lahat ng iyak na kanina niya pa pinipigilan.

Kailangan niyang makahanap ng isang milyon para ma-operahan ang kanyang Papang. Pero saan naman siya kukuha ng ganoong kalaking halaga? Wala pa nga sa fifty thousand pesos ang savings niya sa bangko, isang milyon pa kaya? Hindi siya papayag na tutunganga na lang at hahayaang may mangyaring masama sa kanyang ama. Kailangan niyang mag-isip ng paraan. Kahit ano gagawin niya mailigtas lang ang Papang niya.

Nang biglang may naalala si Sammie, napatuwid siya nang upo. Agad niyang dinampot ang cellphone at gamit ang nanginginig na daliri mabilis, niyang hinanap sa phonebook ang pangalan ng taong unang pumasok sa isip niya. Pagtapos ng limang ring ay sumagot ito.

"Hello? Candy, kailangan ko ng tulong mo."