Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 136 - Mamshie help me!

Chapter 136 - Mamshie help me!

NAGISING si Sammie sa ingay ng ringtone ng kanyang cellphone. Napilitan siyang bumangon upang at sagutin ang tawag. "H-hello?" aniya sa inaantok pang boses. Ni hindi na siya nag-abala pang tignan kung sino ang nasa caller ID.

"Mamshie! Where are you?"

Napaungol siya nang marinig ang boses ni Brusko sa kabilang linya. Dinilat niya ang mata at tumingin sa digital alarm clock sa side table. Alas tres trenta na ng madaling araw. Rest day niya ngayon kaya wala siyang duty sa bar.

""Nasa dorm, natutulog na. Bakit ka ba nambubulabog?"

Maingay sa kabilang linya. Hula niya ay nasa gimikan na naman ito. "Mamshie, I need your help."

Napakunot ang noo ni Sam. Nahimigan niya ang takot sa boses ni Brusko. "Bakit? Nasaan ka ba at anung nangyari sa `yo?"

"Nandito ako sa Early Night sa BGC. Mamshie, tulungan mo ako. Nanakawan ako ng wallet at cellphone! Wiz (wala) akong ka anda-anda (pera.) I'm so shulupi (poor.) Nakitawag lang ako. Naso-shokot (natatakot) aketch (ako) at pinalilibutan ako ng mga halimaw at maso-shonget (panget) na bouncer dito. Baka mamaya bugbugin ako ng mga `to dahil wala akong pang paylor swift (pangbayad.) Baka ma-rest in peace na ang beauty ko!"

nagbuntong-hininga si Sammie at nasapo ang noo. Malapit na kaibigan niya si Brusko at hindi naman niya ito matitiis na hayaang mapahamak. Kahit pa napakalaki ng katawan nito ay mas malambot pa ito sa dahon ng saging. "Sige, sige antayin mo ako at pupunta na ako riyan."

"Hay, salamat talaga, mamshie! Hulog ka talaga ng langit! `Wag kang mag-alala. Ipagdadasal kita kay Papa Jesus nang bonggang-bongga every hour, every minute, every second of the day at ibe-bless niya ang soul mo!"

Agad nagbihis si Sammie ng t-shirt at pantalon. Sa sobrang pagmamadali ay nakalimutan na niyang maghilamos at magsuklay. Nag-taxi na siya patungong BGC at matapos ang bente minuto ay nakarating na siya sa naturang bar.

Naabutan niya si Brusko sa korner na couch habang pinalilibutan ito ng mga bouncer. Namumutla ito at hindi mapakali ang mga mata. Mabilis na nagliwanag ang mukha nito nang matanaw siyang papalapit. Umiiyak na sinalubong siya nito ng mahigpit na yakap. Agad niyang binayaran ang humigit five thousand pesos na bills. Tatalakan niya sana ang bakla pero dahil kanina pa ito ngumangawa dahil sa pagkawala ng cellphone at wallet kaya pinigilan niya muna ang sarili.

Umalis na sila ng Early Night at tumambay sa labas.

"Huhuhu. Thank you talaga, mamshie! Opra Winfrey (promise), babayaran kita sa sahod," anito na wala pa ring tigil sa pag-iyak.

"Ano ba kasi ang nangyari sa `yo at paano ka nanakawan?"

Mas lalo itong humagulgol. "Walanghiya kasi `yung papables na na-meet ko nung isang gabi, matod (magnanakaw) pala! Nilasing-lasing ako kanina tapos paggising ko nag-disappear na ang lolo mo at wala na ang mga gamit ko. Huhuhu."

Napakamot si Sammie sa ulo at pumalatak. "Ayan na nga ba ang sinasabi ko, eh! Napakahilig mo kasi sa lalaki at kung sino-sino ang nakikilala mo. Ayan, nasindikato ka tuloy!"

"Huhuhu. Sorry na, mamshie. I learned my lesson na talaga. Hindi na `ko uulit."

Nag bungtonghininga na lang siya at pinaikot ang mga mata. "Hayaan mo na. Kikitain mo pa naman ulit `yung perang nawala sa `yo at pwede ka pang bumili ng bagong cellphone. Ang mahalaga hindi ka nasaktan."

Lumambot ang mga mata ni Brusko. "Mamshie! I love you so much! Thank you talaga!" Umiiyak na hinagkan siya nito.

Napanguso na lang si Sammie at hinimas-himas ang ulo ng dumadramang bakla. Pinagtitinginan na tuloy sila ng mga tao sa paligid. Sa sobrang laki ba naman ng katawan ni Brusko pero kung makangawa ay tinalo pa ang sanggol.

"Sammie?"

Napalingon siya sa babaeng tumawag sa kanyang likuran. "Miyu?" Nagpalipat-lipat ang tingin ni Miyu sa kanilang dalawa ni Brusko. "Ah, eh, kaibigan ko si Brusko. Huy, bakla, umayos ka na nga at nakakahiya ka, pinagtitinginan na tayo." Pasimpleng kinurot niya ito sa kili-kili.

Umayos nang tayo si Brusko at pinunasan ang luha. "Si Miyu pala, classmate ko," pakilala niya sa dalawa.

Sumisinghot na nilahad ni Brusko ang kamay nito kay Miyu. "Hi, I'm Brusko pero sa gabi I'm Barbie."

Napangisi nang malaki si Miyu. "Miyu." Inabot naman ito ng dalaga.

"Anung ginagawa mo rito? May kasama ka ba?" tanong ni Sammie.

"Uhm, wala naman. Actually, I just chill for a while, kayo? May nangyari ba?"

"Naku, mahabang kwento."

Tumungo-tungo si Miyu. "By the way, sa'n ba kayo umuuwi? I'll book a grab at isasabay ko na kayo."

"Naku, nakakahiya naman, Miyu, okay lang kami ni Brusko. Puwede naman kaming mag-taxi."

"Hindi, ano ka ba, okay lang. Mukhang `di maganda ang nangyari sa kaibigan mo. Mas mabuti pa na ihatid ko na kayo," pagpupumilit pa rin nito.

Tatanggi pa sana si Sammie pero dahil makulit si Miyu kaya pumayag na rin siya. Habang inaantay nila ang grab driver na binook nito ay kinuwento na niya ang nangyari kay Brusko. Nagkakilanlan na rin ang dalawa at kahit papaano'y nagkapalagayan na rin ng loob. Tumahan na si Brusko sa pag-iyak kaya pinaulanan na niya ito ng sermon.