Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 131 - Don’t make her hangry

Chapter 131 - Don’t make her hangry

NAGDADABOG sa labis na inis si Miyu nang makarating sa station ng EDSA MRT. Pikon na pikon talaga siya sa napakayabang na lalaking nakabanggaan niya kanina sa parking lot. Nakadagdag pa sa init ng ulo niya ang kumukulong tiyan niya.

Halos isang oras mahigit ang pinila ni Miyu para lang makabilli ng paborito niyang Mac and Millie's Burger. Tatlong set meal pa naman ang inorder niya dahil talagang gumigera na ang alaga niyang dragon sa tiyan. Excited pa naman siyang umuwi nang sa ganoon ay makakain na. Pero kung didikitan ka nga naman ng kamalasan, ngayong gabi pa siya nabunot.

"Urgh! I hate that shitface!"

Para siyang batang nagta-tantrums sa sulok habang nag-aantay ng susunod na train. Napatitingin na sa kanya ang ibang pasaherong nag-aantay sa platform. Kumukulo pa rin ang dugo ni Miyu sa mayabang na lalaki kasabay nang pagkulo ng sikmura niya. Pinaka-badtrip pa naman siya `pag ganitong gutom na gutom dahil makakakain talaga siya ng buhay na tao. Buti na lang at kahit papaano ay kinontrol niya pa ang temper niya kanina dahil kung hindi, gagawin niya talagang sizzling sisig ang bwisit na lalaking `yon.

Ano ba'ng paki niya sa pinagmamalaki nitong sasakyan? Kahit isang billion pa ang presyo nun wala siyang pakielam! Hindi man lang nag-sorry, eh, siya na nga itong muntik nang masagaan? Hay, naku! Nasira tuloy ang gabi niya.

"May araw rin sa `kin ang bwisit na lalaking `yon. `Pag nakita ko siya ulit, naku, babalatan ko talaga siya nang buhay at gagawin ko siyang sashimi!"

Nakarating ng condo si Miyu na may nakabusangot na mukha. Pati tuloy pintuan ay nadamay sa pagdadabog niya at tumunog iyon nang malakas pagkasara niya.

"Miyu! Ikaw na ba 'yan?" sigaw ng mommy niya galing kusina.

"Yeah, it's me, sagot niya habang hinuhubad ang sapatos.

"Nag-dinner ka na ba? May niluto akong sinigang na baboy."

Naamoy ni Miyu ang asim ng tamarind. Lalong nagwala ang alaga niya sa tiyan. Nagmamadali siyang tumungo ng kusina at binati ng mabangong ulam. Excited siyang kumuha ng pinggan at nagsandok ng kanin.

"Mukhang gutom na gutom ka, ah," natatawang sabi ni Winona. Kasalukuyan siyang naghuhugas ng pinggan.

Umikot ang mga mata ni Miyu bago umupo sa dining table. "You have no idea, mom! I was supposed to bring home burgers from Mac and Milly's kung hindi lang dahil sa bwisit na lalaking hinigop na ata ang lahat ng hanging habagat sa sobrang kayabangan."

Napakunot ang noo ni Winona. Nagsandok siya ng ulam at nagsalin sa bowl ng sinigang saka nilapag iyon sa lamesa. Agad naman nilantakan ng anak niya ang pagkain. Natatawang umupo siya sa tabi nito at tahimik itong pinagmasdan.

"Oh, ayan ka na naman sa pagiging short tempered mo. Ano na naman ang ginawa mo this time" tanong niya at pumalumbaba sa lamesa.

Umikot uli ang mata ni Miyu. Sumagot ito habang punong-puno pa ang bibig, "E di shinipa ko yum mumper motse nya."

"Ano?"

Nilunok ni Miyu ang kinakain sabay uminom ng tubig. "Sabi ko… e di sinipa ko `yung bumper ng kotse niya."

"Jusmiyo ka talagang bata ka." Naiiling na lang si Winona. Kilala niya ang anak. Talagang napaka-mainitin ng ulo nito. Ugaling namana nito sa ama.

Kakabalik lang ni Miyu last month from Canada. Doon na ito lumaki at nag-aral. May ibang pamilya na ang ex-husband niya. Maganda naman ang pakikisama ng bagong asawa ni Manuel kay Miyu kaya pumayag siya na sa ibang bansa na ito mag-aral kasama ang mga half-sisters at brothers nito. Sa ngayon, pansamantala munang magbabakasyon sa kanya ang anak dahil nag-stop ito ng isang semester.

Change of path daw ang gusto nitong mangyari. Na-bored na kasi si Miyu sa kursong engineering at naisipan munang mag-explore nang sa ganoon malaman talaga nito kung ano ang career na nais tahakin. Kaya heto at umuwi muna sa puder niya. Kaka-enroll lang din nito sa malapit na university at this time ay journalism naman ang naisipang kunin.

"Miyunna, dapat bawas-bawasan mo rin ang pagiging mainit mo ng ulo at baka mamaya maging sanhi pa 'yan para hindi mo makontrol ang––"

"Don't worry mom, I didn't use my witchy powers to that guy. I can control it, okay?"

nagbuntong-hininga si Winona at taimtim na tumitig sa anak. "Concern lang naman ako sa'yo."

Natigilan si Miyu at bumagsak ang balikat. "Sorry, promise, I'll try not to be too short tempered. By the way mom, your sinigang is always the best!"

"Hmm, binola mo pa `ko. Gusto mo pa ng kanin? Kasi mukhang kulang pa."

"Yes, please!"